Ang Paghahangad ng Higit Pa
Ang Paghahangad ng Higit Pa
“Kung ang mga bagay na gusto natin ay walang katapusan, hindi iyon masasapatan kailanman.”—Isang ulat ng Worldwatch Institute.
“ANO ba ang gusto natin? Lahat. Kailan natin gustong makuha iyon? Ngayon na.” Ang sawikaing ito ay popular sa ilang estudyante sa kolehiyo noong dekada ng 1960. Ngayon, maaaring hindi na naririnig ang mismong mga salitang ito, ngunit nariyan pa rin ang saligang ideya. Sa katunayan, ang paghahangad ng higit pa ay waring palatandaan na ng ating panahon.
Para sa marami, naging pangunahin na ang pagkakamal ng kayamanan at mga ari-arian. Sinabi minsan ng dating presidente ng Estados Unidos na si Jimmy Carter: “Ang tao ay hindi na ipinakikilala sa pamamagitan ng ginagawa niya kundi sa pamamagitan ng tinataglay niya.” Mayroon bang anumang bagay na mas mahalaga pa kaysa sa mga ari-arian? Kung mayroon, ano ang mga ito, at anong mga pakinabang ang idudulot nito?