Matapat at Matatag—Noon at Ngayon
Matapat at Matatag—Noon at Ngayon
Sa timugang bahagi ng Poland, malapit sa hanggahan nito sa Slovakia at Czech Republic, may maliit na bayan na tinatawag na Wisła. Baka hindi mo pa kailanman narinig ang Wisła, subalit may kasaysayan ito na malamang na kawiwilihan ng tunay na mga Kristiyano. Isang kasaysayang kakikitaan ng katapatan at sigasig para sa pagsamba kay Jehova. Paano?
MATATAGPUAN ang Wisła sa isang magandang bulubunduking rehiyon, na may kagila-gilalas na tanawin ng kabundukan. Ang humuhugos na mga ilog at dalawang batis ay nagtatagpo sa Ilog Vistula, na nagpapaliku-liko sa magubat na kabundukan at libis. Dahil sa palakaibigang mga tao at sa kakaibang klima sa lugar na iyon, ang Wisła ay naging popular na sentrong pagamutan, bakasyunan sa tag-araw, at pasyalan tuwing taglamig.
Lumilitaw na ang kauna-unahang pamayanan na may ganitong pangalan ay itinatag noong dekada ng 1590. Itinayo ang isang lagarian, at di-nagtagal, ang di-natatamnang mga bahagi ng bundok ay pinanirahan na ng mga tao, na nag-alaga ng mga tupa at baka at nagsaka sa lupain. Subalit nasangkot sa mabilis na pagbabago sa relihiyon ang pangkaraniwang mga taong ito. Lubhang naapektuhan ang rehiyon sa relihiyosong mga reporma na pinasimulan ni Martin Luther, anupat Luteranismo ang naging “relihiyon ng Estado noong 1545,” ayon sa mananaliksik na si Andrzej Otczyk. Gayunman, biglang nagbago ang situwasyon dahil sa Tatlumpung Taóng Digmaan at sa Katolikong Repormasyon na naganap pagkatapos nito. “Noong 1654, inagaw sa mga Protestante ang lahat ng simbahan, ipinagbawal ang kanilang relihiyosong mga pulong, at kinumpiska ang mga Bibliya at iba pang relihiyosong mga aklat,” ang patuloy pa ni Otczyk. Gayunpaman, nanatiling Luterano ang karamihan ng mga tao sa lugar na iyon.
Unang mga Binhi ng Katotohanan sa Bibliya
Nakatutuwa naman, malapit nang maganap ang isang mas mahalagang relihiyosong reporma.
Noong 1928, ang unang mga binhi ng katotohanan ay inihasik ng dalawang masisigasig na Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Nang sumunod na taon, dumating si Jan Gomola sa Wisła dala ang isang ponograpo, kung saan niya pinatugtog ang nakarekord na maka-Kasulatang mga pahayag. Pagkatapos ay pumunta siya sa isang kalapit na libis kung saan nasumpungan niya ang isang masigasig na tagapakinig—si Andrzej Raszka, isang maliit at matipunong lalaki na nakatira sa bundok at may bukás na puso. Karaka-rakang inilabas ni Raszka ang kaniyang Bibliya upang alamin kung totoo nga ang sinasabi sa mga diskurso sa ponograpo. Pagkatapos ay bumulalas siya: “Kapatid ko, natagpuan ko na sa wakas ang katotohanan! Hinahanap ko ang mga kasagutan mula pa noong nakikipaglaban ako sa Digmaang Pandaigdig I!”Tuwang-tuwang ipinakilala ni Raszka si Gomola sa kaniyang mga kaibigang sina Jerzy at Andrzej Pilch, na buong-pananabik namang tumugon sa mensahe ng Kaharian. Tinulungan ni Andrzej Tyrna, na natuto ng katotohanan sa Bibliya sa Pransiya, ang mga lalaking ito upang mapalalim pa ang kanilang kaalaman sa mensahe ng Diyos. Di-nagtagal ay nabautismuhan sila. Upang tulungan ang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya sa Wisła, ang mga kapatid sa kalapit na mga bayan ay dumalaw rito sa kalagitnaan ng dekada ng 1930. Kahanga-hanga ang naging mga resulta.
Kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga interesado. Kaugalian na ng mga pamilyang Luterano na magbasa ng Bibliya sa kanilang tahanan. Kaya, nang makita nila ang nakakakumbinsing maka-Kasulatang paliwanag hinggil sa doktrina ng impiyerno at Trinidad, nakita ng marami ang kaibahan ng katotohanan mula sa kabulaanan. Ipinasiya ng maraming pamilya na iwan ang huwad na relihiyosong mga turo. Kaya, sumulong ang kongregasyon sa Wisła, at pagsapit ng 1939 ay nagkaroon na ito ng mga 140 miyembro. Gayunman, nakapagtataka na karamihan sa mga adulto sa kongregasyong iyon ay hindi bautisado. “Hindi ito nangangahulugan na hindi nakapanindigan para kay Jehova ang di-bautisadong mga mamamahayag na ito,” ang sabi ni Helena, isa sa naunang mga Saksi roon. Idinagdag pa niya: “Pinatunayan nila ang kanilang katapatan sa harap ng mga pagsubok sa pananampalataya na kanilang naranasan nang maglaon.”
Kumusta naman ang mga bata? Nakita nilang nasumpungan na ng kanilang mga magulang ang katotohanan. Isinaysay ni Franciszek Branc: “Nang matanto ng aking itay na nasumpungan na niya ang katotohanan, pinasimulan niyang ikintal ito sa akin at sa kuya ko. Walong taóng gulang ako at ang kuya ko naman ay sampu. Magbibigay si Itay sa amin ng simpleng mga tanong, gaya ng: ‘Sino ang Diyos, at ano ang kaniyang pangalan? Ano ang alam mo tungkol kay Jesu-Kristo?’ Kailangan naming isulat ang aming mga sagot at patunayan ang mga ito sa pamamagitan ng mga talata sa Bibliya.” Sinabi ng isa pang Saksi: “Dahil kusang-loob na tumugon ang aking mga magulang sa mensahe ng Kaharian at iniwan nila ang Simbahang Luterano noong 1940, inusig ako at binugbog
sa paaralan. Nagpapasalamat ako sa aking mga magulang sa pagkikintal nila sa akin ng mga simulain sa Bibliya. Napakahalagang tulong nito upang makayanan ko ang mahihirap na panahong iyon.”Nasubok ang Pananampalataya
Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II at sakupin ng mga Nazi ang lugar na iyon, determinado silang lipulin ang mga Saksi ni Jehova. Sa umpisa, ang mga adulto—lalo na ang mga ama—ay hinikayat na pumirma sa isang talaan na nagsasabing sila’y mga Aleman upang makakuha ng ilang pribilehiyo. Ang mga Saksi ay tumangging sumuporta sa mga Nazi. Maraming kapatid at mga interesado na may sapat nang gulang para maglingkod sa militar ang napaharap sa isang mahirap na pagpapasiya: Maaari silang sumama sa hukbo, o kaya ay magtaguyod ng mahigpit na neutralidad at maparusahan nang matindi. “Kung tatanggi kang maglingkod sa militar, ipadadala ka sa kampong piitan, karaniwan na ay sa Auschwitz,” ang paliwanag ni Andrzej Szalbot, na inaresto ng Gestapo noong 1943. “Hindi pa ako bautisado noon, subalit alam ko ang katiyakang ibinigay ni Jesus, sa Mateo 10:28, 29. Alam ko na kung mamatay man ako dahil sa aking pananampalataya kay Jehova, maaari niya akong buhaying muli.”
Sa unang bahagi ng 1942, inaresto ng mga Nazi ang 17 kapatid sa Wisła. Sa loob ng tatlong buwan, 15 sa kanila ang namatay sa Auschwitz. Ano ang naging epekto nito sa mga Saksing nanatili sa Wisła? Sa halip na talikdan ang kanilang pananampalataya, pinatibay sila nito na mangunyapit kay Jehova at hindi makipagkompromiso! Pagkalipas ng anim na buwan, dumoble ang bilang ng mga mamamahayag sa Wisła. Di-nagtagal, mas marami pa ang inaresto. Lahat-lahat, 83 kapatid na lalaki, mga interesado, at mga bata ang naapektuhan sa pandarahas ni Hitler. Limampu’t tatlo sa kanila ang ipinadala sa mga kampong piitan (pangunahin na sa Auschwitz) o sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho sa mga minahan at tibagan sa Poland, Alemanya, at Bohemia.
Matapat at Matatag
Sa Auschwitz, sinikap hikayatin ng mga Nazi ang mga Saksi, anupat pinangangakuang makalalaya sila agad. Sinabi ng isang guwardiyang SS sa isang kapatid na lalaki: “Kung pipirma ka lamang sa isang papel na nagtatakwil sa mga Estudyante ng Bibliya, palalayain ka namin, at makauuwi ka na.” Inalok siya nang maraming beses, subalit hindi ikinompromiso ng kapatid ang kaniyang katapatan kay Jehova. Bilang resulta, binugbog siya, tinuya, at inalipin, kapuwa sa Auschwitz at sa Mittelbau-Dora, sa Alemanya. Noong malapit na silang makalaya, muntik nang mamatay ang kapatid na ito nang bombahin ang kampong pinagkulungan sa kaniya.
Ganito ang naalaala minsan ni Paweł Szalbot, isang Saksing pumanaw na kamakailan: “Sa interogasyon, paulit-ulit akong tinanong ng Gestapo kung bakit ayaw kong sumama sa hukbong Aleman at sumaludo kay Hitler.” Pagkatapos ipaliwanag ang saligan sa Bibliya ng kaniyang Kristiyanong neutralidad, sinentensiyahan siyang magtrabaho sa pagawaan ng mga armas. “Siyempre, hindi kaya ng budhi ko na tanggapin ang ganitong uri ng trabaho, kaya pinagtrabaho nila ako sa minahan.” Gayunman, nakapanatili siyang tapat.
Yaong mga hindi nabilanggo—ang mga babae at mga bata—ay nagpapadala ng pagkain sa mga nasa Auschwitz. “Sa tag-araw namimitas kami ng mga cranberry sa kakahuyan at ipinakikipagpalit namin ito ng trigo,” ang sabi ng isang kapatid na lalaki na nasa kabataan pa noon. “Gumagawa naman ng tinapay ang mga kapatid na babae at ibinababad ito sa mantika ng baboy. Pagkatapos ay ipinadadala namin ang pailan-ilang piraso ng tinapay sa nakakulong na mga kapananampalataya.”
Lahat-lahat, 53 adultong Saksi sa Wisła ang ipinadala sa mga kampong piitan upang sapilitang pagtrabahuhin. Tatlumpu’t walo sa kanila ang namatay.
Paglitaw ng Nakababatang Henerasyon
Naapektuhan din ng mapaniil na mga pagkilos ng mga Nazi ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova. Ang ilan ay isinama sa kanilang mga ina sa pansamantalang mga kampo sa Bohemia. Ang iba naman ay kinuha sa kanilang mga magulang at dinala sa Lodz sa pambatang kampo na may masamang reputasyon.
“Sa unang biyahe patungong Lodz,” ang naalaala ng tatlo sa kanila, “sampu sa amin, na may edad lima hanggang siyam, ang kinuha ng mga Aleman. Pinatibay-loob namin ang isa’t isa sa pamamagitan ng pananalangin at pag-uusap hinggil sa mga paksa sa Bibliya. Hindi madaling magbata.” Noong 1945 ang lahat ng mga batang iyon ay nakauwi sa kanilang tahanan. Buháy sila ngunit buto’t balat at nagkatrauma. Gayunman, hindi nasira ang kanilang katapatan.
Ano ang Sumunod na Nangyari?
Nang malapit nang magtapos ang Digmaang Pandaigdig II, matibay pa rin ang pananampalataya ng mga Saksi sa Wisła at handang magpatuloy sa kanilang pangangaral nang may sigasig at determinasyon. Dinalaw ng mga grupo ng mga kapatid ang mga taong nakatira sa lugar na mga 40 kilometro ang layo sa Wisła, anupat nangangaral at namamahagi ng mga literatura sa Bibliya. “Di-nagtagal, may tatlo nang aktibong kongregasyon sa aming bayan,” ang sabi ni Jan Krzok. Subalit hindi nagtagal ang kalayaang ito sa relihiyon.
Ipinagbawal ng pamahalaang Komunista, na pumalit sa mga Nazi, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Poland noong 1950. Kaya dapat maging mapamaraan ang lokal na mga kapatid sa kanilang ministeryo. Kung minsan, dumadalaw sila sa tahanan ng mga tao anupat nagkukunwaring bibili sila ng mga alagang hayop o mga butil. Karaniwang ginaganap ang mga Kristiyanong pagpupulong sa gabi sa maliliit na grupo. Gayunpaman, maraming mananamba ni Jehova ang naaresto ng mga tauhan ng seguridad, na pinagbibintangan silang mga espiya ng mga banyaga—isang walang-basehang akusasyon. May-panunuyang pinagbantaan ng ilang opisyal si Paweł Pilch: “Hindi nasira ni Hitler ang katapatan mo, pero magagawa namin ito.” Gayunman, nanatili siyang tapat kay Jehova, bagaman nabilanggo siya sa loob ng limang taon. Nang tumangging pumirma sa isang pulitikal na dokumento ng mga sosyalista ang ilang nakababatang Saksi, pinatalsik sila sa paaralan o sinesante sa trabaho.
Patuloy na Sumakanila si Jehova
Nagbago ang mga kalagayan sa pulitika noong taóng 1989, at legal na kinilala ang mga Saksi ni Jehova sa Poland. Pinabilis ng matatag na mga mananamba ni Jehova sa Wisła ang kanilang gawain, gaya ng makikita sa bilang ng mga payunir, o buong-panahong mga ministro. Mga 100 kapatid sa lugar na ito ang pumasok sa paglilingkurang payunir. Kaya hindi nga kataka-takang bansagan ang bayang ito na Pagawaan ng mga Payunir.
Binabanggit ng Bibliya ang hinggil sa suporta ng Diyos sa kaniyang sinaunang mga lingkod: “Kung si Jehova ay hindi pumanig sa atin nang ang mga tao ay bumangon laban sa atin, nilamon na sana nila tayong buháy.” (Awit 124:2, 3) Sa ating panahon, sa kabila ng malawakang pagwawalang-bahala at imoral na mga kausuhan ng mga tao sa pangkalahatan, ang mga mananamba ni Jehova sa Wisła ay nagsisikap na manatiling tapat at sila’y saganang pinagpapala. Ang sunud-sunod na henerasyon ng mga Saksi sa lugar na iyon ay makapagpapatotoo sa katotohanan ng pananalita ng apostol na si Pablo: “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang magiging laban sa atin?”—Roma 8:31.
[Larawan sa pahina 26]
Si Emilia Krzok, kasama ang kaniyang mga anak na sina Helena, Emilia, at Jan, ay dinala sa isang pansamantalang kampo sa Bohemia
[Larawan sa pahina 26]
Nang tumanggi siyang maglingkod sa militar, pinagtrabaho si Paweł Szalbot sa minahan
[Larawan sa pahina 27]
Nang dalhin at mamatay ang mga kapatid sa Auschwitz, hindi huminto ang pagsulong ng gawain sa Wisła
[Larawan sa pahina 28]
Sina Paweł Pilch at Jan Polok ay dinala sa kampo ng mga kabataan sa Lodz
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Mga beri at mga bulaklak: © R.M. Kosinscy/www.kosinscy.pl