Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paraiso—Para sa Iyo?

Paraiso—Para sa Iyo?

Paraiso​—Para sa Iyo?

‘May kilala akong isang tao na kaisa ni Kristo na inagaw patungo sa paraiso.’​—2 CORINTO 12:2-4.

1. Anu-anong pangako sa Bibliya ang pinananabikan ng marami?

PARAISO. Naaalaala mo pa ba ang iyong nadama nang una mong marinig ang tungkol sa pangako ng Diyos na isang makalupang paraiso? Naaalaala mo pa marahil nang iyong matutuhan na ‘ang mga mata ng mga bulag ay madidilat, ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan, at sa ilang ay bubukal’ ang saganang kagandahan. O kumusta naman nang malaman mo ang hula na ang lobo ay tatahang kasama ng kordero at ang batang kambing kasama ng leopardo? Hindi ba’t tuwang-tuwa ka nang mabasa mong bubuhaying muli ang mga mahal mo sa buhay taglay ang pag-asang mamalagi sa Paraisong iyon?​—Isaias 11:6; 35:5, 6; Juan 5:28, 29.

2, 3. (a) Bakit masasabing may saligan ang iyong salig-Bibliyang pag-asa? (b) Anong karagdagang saligan para sa pag-asa ang taglay natin?

2 May saligan ang iyong pag-asa. May dahilan ka para maniwala sa mga pangako ng Bibliya tungkol sa Paraiso. Halimbawa, may pananalig ka sa sinabi ni Jesus sa nakabayubay na manggagawa ng kasamaan: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) May tiwala ka sa pangakong: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” May tiwala ka rin sa pangakong papahirin ng Diyos ang ating luha; hindi na magkakaroon ng kamatayan; ang pagdadalamhati, paghiyaw, at kirot ay magwawakas na. Nangangahulugan ito na muling iiral ang makalupang paraiso!​—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:4.

3 Subalit may isa pang saligan para sa pag-asang ito ng Paraiso na doo’y bahagi ang mga Kristiyano sa buong daigdig sa kasalukuyan. Ano kaya ito? Ang Diyos ay lumikha ng isang espirituwal na paraiso at dinala niya rito ang kaniyang bayan. Ang terminong “espirituwal na paraiso” ay wari ngang teoriya lamang at mahirap maunawaan, subalit ang paraisong ito ay inihula, at ito’y talagang umiiral.

Isang Pangitain Hinggil sa Paraiso

4. Anong pangitain ang binabanggit sa 2 Corinto 12:2-4, at sino ang malamang na nakakita nito?

4 Tungkol dito, pansinin ang isinulat ni apostol Pablo: “May kilala akong isang tao na kaisa ni Kristo . . . na inagaw nang gayon tungo sa ikatlong langit. Oo, may kilala akong gayong tao​—kung sa katawan man o hiwalay sa katawan, hindi ko alam, alam ng Diyos​—na inagaw siya patungo sa paraiso at nakarinig ng di-mabigkas na mga salita na hindi matuwid na salitain ng tao.” (2 Corinto 12:2-4) Ang siniping iyan ay kasunod mismo ng mga talata na doo’y ipinagtanggol ni Pablo ang kaniyang pagiging apostol. Maliban dito, walang binabanggit ang Bibliya na iba pang tao na nakaranas ng gayon, at si Pablo nga ang nagsabi sa atin ng tungkol dito. Kaya malamang na si Pablo ang nakakita sa pangitaing ito. Sa pangyayaring ito mula sa Diyos, anong “paraiso” kaya ang pinasok niya?​—2 Corinto 11:5, 23-31.

5. Ano ang hindi nakita ni Pablo, at kung gayon, anong klase ng “paraiso” iyon?

5 Hindi ipinahihiwatig sa konteksto na ang “ikatlong langit” ay tumutukoy sa atmosperang nakapalibot sa ating globo, ni sa kalawakan o alinpamang uniberso, gaya ng ipinalalagay ng mga astropisiko. Madalas gamitin sa Bibliya ang bilang na tatlo upang ipakita ang diin, tindi, o dagdag na puwersa. (Eclesiastes 4:12; Isaias 6:3; Mateo 26:34, 75; Apocalipsis 4:8) Kung gayon, ang nakita ni Pablo sa pangitain ay mataas o dakila. Ito ay espirituwal.

6. Anong pangyayari sa kasaysayan ang nagbibigay ng kaunawaan sa nakita ni Pablo?

6 Ang naunang mga hula sa Bibliya ay nagbibigay sa atin ng kaunawaan. Matapos mapatunayang nagtaksil sa kaniya ang sinauna niyang bayan, tiniyak ng Diyos na darating ang mga taga-Babilonya laban sa Juda at Jerusalem. Humantong ito sa pagkawasak noong 607 B.C.E., ayon sa kronolohiya ng Bibliya. Sinabi ng hula na ang lupain ay mananatiling tiwangwang sa loob ng 70 taon; pagkatapos ay ipahihintulot ng Diyos na ibalik at isauli ng nagsisising mga Judio ang tunay na pagsamba. Naganap ito mula 537 B.C.E. patuloy. (Deuteronomio 28:15, 62-68; 2 Hari 21:10-15; 24:12-16; 25:1-4; Jeremias 29:10-14) Pero, kumusta naman kaya ang lupain mismo? Sa loob ng 70 taóng iyon, ito’y naging isang dako ng mga ligáw na pananim, ng tigang na lupa, na tirahan ng mga chakal. (Jeremias 4:26; 10:22) Gayunman, may ganitong pangako: “Aaliwin nga ni Jehova ang Sion. Aaliwin nga niya ang lahat ng kaniyang mga wasak na dako, at gagawin niyang tulad ng Eden ang kaniyang ilang at tulad ng hardin [o Paraiso, Septuagint] ni Jehova ang kaniyang disyertong kapatagan.”​—Isaias 51:3; talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References.

7. Ano ang mangyayari pagkalipas ng 70-taóng pagkatiwangwang?

7 Nangyari ito pagkalipas ng 70 taon. Dahil sa pagpapala ng Diyos, bumuti ang mga kalagayan. Ilarawan mo ito sa iyong isip: “Ang ilang at ang pook na walang tubig ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron. Iyon ay walang pagsalang mamumulaklak, at talagang magagalak iyon na may kagalakan at may hiyaw ng katuwaan. . . . Aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan. Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig, at ang mga ilog sa disyertong kapatagan. At ang lupang tigang sa init ay magiging gaya ng matambong lawa, at ang lupang uháw ay magiging gaya ng mga bukal ng tubig. Sa dakong tinatahanan ng mga chakal, na siyang kanilang pahingahang-dako, ay magkakaroon ng luntiang damo kasama ng mga tambo at mga halamang papiro.”​—Isaias 35:1-7.

Isang Bayang Isinauli at Binago

8. Paano natin nalalaman na kumakapit sa mga tao ang Isaias kabanata 35?

8 Kaylaki ngang pagbabago! Ang tiwangwang na dako ay naging paraiso. Pero, ito at ang iba pang maaasahang hula ay nagpakita na magkakaroon din ng pagbabago sa mga tao, kung paanong ang isang tiwangwang na lupain ay naging mabunga. Bakit natin masasabi iyan? Buweno, binigyang-pansin ni Isaias “ang mismong mga tinubos ni Jehova,” na babalik sa kanilang lupain “na may hiyaw ng kagalakan” at magkakaroon ng “pagbubunyi at pagsasaya.” (Isaias 35:10) Kumakapit iyan hindi sa literal na lupa, kundi sa mga tao. Isa pa, may iba pang inihula si Isaias tungkol sa mga taong isasauli sa Sion: “Sila ay tatawaging malalaking punungkahoy ng katuwiran, ang taniman ni Jehova . . . Sapagkat kung paanong ang lupa ay nagpapatubo ng sibol nito, . . . pangyayarihin ni Jehova ang pagsibol ng katuwiran at ng kapurihan sa harap ng lahat ng mga bansa.” Sinabi rin ni Isaias patungkol sa bayan ng Diyos: “Palagi ka ngang papatnubayan ni Jehova . . . , at palalakasin niya ang iyo mismong mga buto; at ikaw ay magiging gaya ng isang hardin na nadidiligang mainam.” (Isaias 58:11; 61:3, 11; Jeremias 31:10-12) Kaya nga, kung paanong bubuti ang kapaligiran ng literal na lupain, magkakaroon din ng mga pagbabago sa isinauling mga Judio.

9. Anong “paraiso” ang nakita ni Pablo, at kailan ito natupad?

9 Ang kasaysayang ito ay tumutulong sa atin upang maunawaan ang nakita ni Pablo sa pangitain. May kinalaman dito ang kongregasyong Kristiyano, na tinagurian niyang “sakahang bukid ng Diyos” at na magiging mabunga. (1 Corinto 3:9) Kailan kaya matutupad ang pangitaing ito? Ang nakita ni Pablo ay tinawag niyang isang ‘pagsisiwalat,’ isang bagay na panghinaharap. Alam niyang magkakaroon ng malawakang apostasya pagkamatay niya. (2 Corinto 12:1; Gawa 20:29, 30; 2 Tesalonica 2:3, 7) Habang ang apostasya ay nananaig at waring nakahihigit sa kanila, ang tunay na mga Kristiyano ay hindi maaaring itulad sa isang namumulaklak na hardin. Subalit darating ang panahon na muling itataas ang tunay na pagsamba. Ang bayan ng Diyos ay isasauli upang ‘ang mga matuwid ay sumikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.’ (Mateo 13:24-30, 36-43) Naganap nga ito ilang taon matapos maitatag ang Kaharian ng Diyos sa langit. At sa paglipas ng mga dekada, kitang-kita nga na talagang nagtatamasa ang bayan ng Diyos ng isang espirituwal na paraiso, na patiunang nakita ni Pablo sa pangitaing iyon.

10, 11. Bakit natin masasabing nasa espirituwal na paraiso tayo kahit hindi pa tayo sakdal?

10 Totoo, alam natin na ang bawat isa sa atin ay hindi pa sakdal, kaya naman hindi tayo nagtataka na nagkakaroon kung minsan ng mga problema, tulad din naman ng nangyari sa mga Kristiyano noong panahon ni Pablo. (1 Corinto 1:10-13; Filipos 4:2, 3; 2 Tesalonica 3:6-14) Pero isip-isipin natin ang espirituwal na paraisong tinatamasa natin ngayon. Kung ihahambing sa maysakit na kalagayan natin noon, tayo’y napagaling na sa espirituwal na paraan. At ihambing ang ating gutóm na kalagayan noon sa ating busóg na kalagayan ngayon sa espirituwal. Sa halip na naghihirap na gaya ng sa isang espirituwal na tigang na lupain, ang bayan ng Diyos ay nagtataglay ng kaniyang pagsang-ayon at inuulan ng mga pagpapala. (Isaias 35:1, 7) Sa halip na mabulag sa loob ng tulad-bartolinang espirituwal na kadiliman, nakikita natin ang liwanag ng kalayaan at ng paglingap ng Diyos. Ang marami na masasabing bingi sa mga hula ng Bibliya ay nakaririnig na at nakauunawa sa sinasabi ng Kasulatan. (Isaias 35:5) Halimbawa, napag-aralan na ng milyun-milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang hula ni Daniel, talata por talata. Pagkatapos ay inisa-isa nila ang lahat ng detalye sa bawat kabanata ng aklat ng Isaias sa Bibliya. Hindi ba’t katibayan ng ating espirituwal na paraiso ang nakapagpapaginhawang espirituwal na pagkaing iyan?

11 Isip-isipin din ang mga pagbabago sa ugali habang sinisikap ng tapat na mga taong may iba’t ibang pinagmulan na maunawaan at maikapit ang Salita ng Diyos. Karaniwan nang nagsikap silang alisin ang makahayop na mga ugaling taglay nila noon. Marahil ay ginawa mo na ito at napakaganda ng resulta, gayundin naman ang naranasan ng iyong espirituwal na mga kapatid. (Colosas 3:8-14) Kaya nga, habang nakikiugnay ka sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, nakakasama mo ang mga taong naging mas mapagpayapa at masarap pakisamahan. Hindi, hindi pa sila sakdal, pero hinding-hindi naman sila maituturing na parang mababangis na leon o ganid na mga hayop sa kanilang pag-uugali. (Isaias 35:9) Ano kaya ang ipinahihiwatig ng mapayapang espirituwal na pagsasamahang ito? Maliwanag na nagtatamasa tayo ng isang espirituwal na kalagayang angkop lamang na tawagin nating isang espirituwal na paraiso. At ang ating espirituwal na paraiso ay nagbabadya ng isang makalupang paraiso na tatamasahin natin kung mananatili tayong tapat sa Diyos.

12, 13. Ano ang dapat nating gawin upang manatili sa ating espirituwal na paraiso?

12 Pero may isa pang bagay na hindi natin dapat kaligtaan. Sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Tuparin ninyo ang buong utos na iniuutos ko sa iyo ngayon, upang lumakas kayo at makapasok nga at ariin ang lupain.” (Deuteronomio 11:8) Sa Levitico 20:22, 24, binanggit din ang lupaing iyon: “Tutuparin ninyo ang lahat ng aking mga batas at lahat ng aking mga hudisyal na pasiya at isasagawa ninyo ang mga iyon, upang hindi kayo isuka ng lupain na pagdadalhan ko sa inyo na inyong tatahanan. Kaya sinabi ko sa inyo: ‘Kayo, sa ganang inyo, ang magmamay-ari ng kanilang lupa, at ako naman ang magbibigay niyaon sa inyo upang ariin iyon, isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.’ ” Oo, ang pagmamay-ari ng Lupang Pangako ay nakasalalay sa magandang kaugnayan sa Diyos na Jehova. Dahil sumuway sa kaniya ang mga Israelita, ipinahintulot ng Diyos na lupigin sila ng mga taga-Babilonya at alisin sila sa kanilang tahanan.

13 Napakaraming maidudulot na kasiyahan sa atin ang ating espirituwal na paraiso. Napakagandang pagmasdan ang paligid, anupat nakagiginhawa sa kalooban. Taglay natin ang kapayapaan sa piling ng mga Kristiyano na nagtiyagang magbago mula sa kanilang makahayop na mga ugali. Nagsisikap silang maging mabait at matulungin. Ngunit hindi lamang basta magandang pakikipagsamahan sa mga taong ito ang kailangan sa pamamalagi natin sa ating espirituwal na paraiso. Kailangang maganda rin ang ating kaugnayan kay Jehova at ginagawa natin ang kaniyang kalooban. (Mikas 6:8) Kusa tayong pumasok sa espirituwal na paraisong ito, pero posible tayong maanod papalayo​—o paalisin​—kung hindi natin pag-iingatan ang ating kaugnayan sa Diyos.

14. Ano ang makatutulong sa ating pananatili sa espirituwal na paraiso?

14 Ang isang mahalagang katangian na tutulong sa atin ay ang patuloy na mapatibay ng Salita ng Diyos. Pansinin ang makasagisag na pananalita sa Awit 1:1-3: “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot . . . Kundi ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi. At siya ay tiyak na magiging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.” Bukod dito, ang salig-Bibliyang mga publikasyon ng uring tapat at maingat na alipin ay naglalaan ng espirituwal na pagkain sa espirituwal na paraiso.​—Mateo 24:45-47.

Pagpapatibay sa Iyong Pangmalas sa Paraiso

15. Bakit hindi si Moises ang umakay sa mga Israelita papasok sa Lupang Pangako, pero ano ang nakita niya?

15 Tingnan natin ang isa pang patikim sa Paraiso. Matapos magpagala-gala ang Israel sa ilang sa loob ng 40 taon, inakay sila ni Moises sa Kapatagan ng Moab, sa dakong silangan ng Ilog Jordan. Dahil sa nakaraang pagkukulang ni Moises, ipinasiya ni Jehova na hindi si Moises ang aakay sa Israel patawid sa Jordan. (Bilang 20:7-12; 27:12, 13) Nakiusap si Moises sa Diyos: “Hayaan mong tumawid ako, pakisuyo, at makita ko ang mabuting lupain na nasa kabila ng Jordan.” Bagaman hindi siya makapapasok doon, matapos umakyat sa Bundok Pisga at makita ang iba’t ibang bahagi ng lupain, maliwanag na natanto ni Moises na ito’y isang “mabuting lupain.” Ano sa palagay mo ang hitsura ng lupaing iyon?​—Deuteronomio 3:25-27.

16, 17. (a) Paano naiiba ang Lupang Pangako noong sinaunang panahon sa lupain nitong kasalukuyan? (b) Bakit makapaniniwala tayo na ang Lupang Pangako ay dating tulad sa isang paraiso?

16 Kung ibabatay mo ang iyong palagay sa kasalukuyang hitsura ng kalakhang bahagi ng pook na iyon, baka maisip mo ang isang tigang na lupaing puro buhangin, mababatong disyerto, at nakapapasong init. Gayunman, may dahilan upang maniwala na ang kabuuan ng lugar na iyon ay ibang-iba noong panahon ng Bibliya. Sa babasahing Scientific American, ipinaliwanag ng eksperto sa tubig at lupa na si Dr. Walter C. Lowdermilk na ang lupain sa pook na ito ay “nasira na dahil sa isang libong taóng pang-aabuso.” Sumulat ang agronomong ito: “Ang ‘disyerto’ na naging kapalit ng dating mabungang lupain ay kagagawan ng tao, hindi ng kalikasan.” Sa katunayan, ipinakita ng kaniyang pag-aaral na ang “lupaing ito ay dating isang paraisong pastulan.” Maliwanag na pang-aabuso ng tao ang sumira sa dating “paraisong pastulan.” *

17 Sa pagbubulay-bulay sa iyong nabasa sa Bibliya, makikita mong tama nga ang opinyong iyon. Alalahanin ang tiniyak ni Jehova sa bayan sa pamamagitan ni Moises: “Ang lupain na tatawirin ninyo upang ariin ay isang lupain ng mga bundok at mga kapatagang libis. Mula sa ulan ng langit ay umiinom ito ng tubig; isang lupaing pinangangalagaan ni Jehova na iyong Diyos.”​—Deuteronomio 11:8-12.

18. Paano tiyak na nabigyan ng ideya ng mga salita sa Isaias 35:2 ang ipinatapong mga Israelita sa magiging hitsura ng Lupang Pangako?

18 Gayon na lamang ang luntiang kagandahan at pagiging mabunga ng Lupang Pangako anupat mabanggit lamang ang ilang lugar nito ay maiisip agad ang isang malaparaisong kalagayan. Maliwanag iyan sa hula ng Isaias kabanata 35, na nagkaroon ng unang katuparan nang bumalik ang mga Israelita mula sa Babilonya. Humula si Isaias: “Iyon ay walang pagsalang mamumulaklak, at talagang magagalak iyon na may kagalakan at may hiyaw ng katuwaan. Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay ibibigay roon, ang karilagan ng Carmel at ng Saron. May mga makakakita sa kaluwalhatian ni Jehova, sa karilagan ng ating Diyos.” (Isaias 35:2) Tiyak na nagunita ng mga Israelita ang isang kasiya-siya at napakagandang larawan nang tukuyin ang Lebanon, Carmel, at Saron.

19, 20. (a) Ilarawan ang lugar ng sinaunang Saron. (b) Ano ang isang paraan upang mapatibay ang ating pag-asa sa Paraiso?

19 Tingnan natin ang Saron, isang kapatagang malapit sa dagat na nasa pagitan ng mga burol ng Samaria at ng Malaking Dagat, o ng Mediteraneo. (Tingnan ang larawan sa pahina 10.) Kilalang-kilala ito sa kagandahan at pagiging mabunga. Palibhasa’y nadidiligang mabuti, bagay na bagay ito para panginainan ng mga kawan, pero may mga kagubatan ito ng mga punong ensina sa gawing hilaga. (1 Cronica 27:29; Awit ni Solomon 2:1, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References; Isaias 65:10) Kaya naman inihuhula ng Isaias 35:2 ang isang pagsasauli at isang lupaing namumukadkad sa kagandahan, anupat nagiging parang isang paraiso. Tumutukoy rin ang hulang iyan sa isang kasiya-siyang espirituwal na paraiso, kaugnay sa nakita ni Pablo sa pangitain pagkaraan nito. Sa dakong huli, ang hulang ito kasama ng iba pang mga hula, ay nagpapatibay ng ating pag-asa sa isang makalupang paraiso para sa sangkatauhan.

20 Habang naninirahan tayo sa ating espirituwal na paraiso, mapatitibay natin ang ating pagpapahalaga rito at ang ating pag-asa sa makalupang Paraiso. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapalalim ng ating unawa sa nababasa natin sa Bibliya. Madalas bumanggit ng espesipikong mga lugar ang mga paglalarawan at mga hula sa Bibliya. Gusto mo bang higit pang malaman kung nasaan ang mga ito at kung ano ang kaugnayan ng mga ito sa iba pang mga lugar? Sa susunod na artikulo, titingnan natin kung paano mo ito magagawa nang may kapakinabangan.

[Talababa]

^ par. 16 Si Denis Baly sa The Geography of the Bible ay nagsabi: “Ang likas na pagtubo ng mga halaman ay nagkaroon ng napakalaking pagbabago mula noong panahon ng Bibliya.” Ang dahilan? “Nangailangan ang tao ng kahoy para sa panggatong at sa pagtatayo kung kaya . . . sinimulan nitong putulin ang mga punungkahoy at sa gayon ay nalantad ang lupain sa pananalanta ng mga lagay ng panahon. Dahil sa pakikialam na ito sa kapaligiran, ang klima . . . ay unti-unting naging pinakapangunahing dahilan ng pagkawasak nito.”

Natatandaan Mo Ba?

• Anong “paraiso” ang nakita ni apostol Pablo sa pangitain?

• May kinalaman sa Isaias kabanata 35, ano ang una nitong katuparan, at paano ito nauugnay sa nakita ni Pablo sa pangitain?

• Paano natin mapatitibay ang ating pagpapahalaga sa ating espirituwal na paraiso at sa ating pag-asa sa isang makalupang paraiso?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 10]

Ang Kapatagan ng Saron, isang mabungang lugar sa Lupang Pangako

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Larawan sa pahina 12]

Natanto ni Moises na ito’y isang “mabuting lupain”