Ang Paghahanap ng Mahusay na Lider
Ang Paghahanap ng Mahusay na Lider
“Magbitiw ka na, ayaw na namin sa iyo. Sa ngalan ng Diyos, umalis ka na!”—Oliver Cromwell; sinipi ni Leopold Amery, miyembro ng Parlamento ng Britanya.
Walong buwan nang nangwawasak ang Digmaang Pandaigdig II, at hindi maganda ang kinalalabasan nito para sa Britanya at sa mga kaalyado nito. Para kay Leopold Amery at sa iba pang nasa pamahalaan, kailangan nang magkaroon ng bagong lider. Kaya noong Mayo 7, 1940, sa House of Commons, sinabi ni Ginoong Amery kay Punong Ministro Neville Chamberlain ang siniping mga salita sa itaas. Pagkalipas ng tatlong araw, nagbitiw sa tungkulin si Ginoong Chamberlain, at pinalitan siya ni Winston Churchill.
KAILANGANG-KAILANGAN ng sangkatauhan ang isang lider, ngunit hindi basta kung sinong lider lamang. Maging sa pamilya, dapat na may-kakayahang manguna ang ama upang maging maligaya ang kaniyang asawa at mga anak. Kung gayon, isip-isipin na lamang kung ano ang hinihiling sa isang lider ng bansa o ng daigdig! Hindi nga kataka-taka na napakahirap humanap ng mahuhusay na lider.
Dahil dito, sa loob ng libu-libong taon, hindi na mabilang ang naganap na mga koronasyon, rebolusyon, kudeta, paghirang, eleksiyon, asasinasyon, at pagpapalit ng rehimen. Ang mga hari, punong ministro, prinsipe, pangulo, kalihim-panlahat, at diktador ay patuloy na nahahalinhan sa paghawak ng kapangyarihan. Maging ang makapangyarihang mga tagapamahala ay pinatalsik dahil sa di-inaasahang mga pagbabago. (Tingnan ang kahong “Biglang Naalis sa Kapangyarihan,” sa pahina 5.) Gayunman, mahirap pa ring makahanap ng may-kakayahan at namamalaging lider.
‘Pagtitiyagaan na Lamang ba Natin Ito’—O May Mapagpipilian Pa?
Kaya naman hindi kataka-taka na marami ang nawawalan ng pag-asa sa paghanap ng mahusay na lider. Sa ilang bansa, lalo nang nakikita ang kawalang-interes at kawalang-pag-asa ng mga tao sa panahon ng eleksiyon. Sinabi ni Geoff Hill, isang peryodista sa Aprika: “Laganap ang kawalang-interes o hindi pakikilahok [sa pagboto] kapag nadarama ng mga tao na wala na silang magagawa upang mabago pa ang hirap sa kanilang buhay. . . . Sa Aprika, kapag hindi bumoto ang mga tao, hindi ito laging nangangahulugan na kontento na sila. Mas madalas na ito’y isang panawagan niyaong mga nakadarama na wala nang nakikinig sa karaingan
nila.” Gayundin naman, isang kolumnista sa pahayagan sa Estados Unidos ang sumulat hinggil sa napipintong eleksiyon: “May tumakbo sanang isang perpektong kandidato.” Sinabi pa niya: “Walang gayong kandidato. Wala kailanman. Pagtiyagaan na lamang natin ito.”Talaga bang wala nang mapagpipilian ang sangkatauhan kundi “pagtiyagaan” na lamang ang di-sakdal na mga lider? Yamang hindi nasasapatan ng mga lider na tao ang mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan, nangangahulugan ba na hindi na tayo kailanman magkakaroon ng mahusay na lider? Hindi. Maaari tayong magkaroon ng pinakamagaling na lider. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung sino ang huwarang lider ng sangkatauhan at kung paano makikinabang sa kaniyang paglilingkod ang milyun-milyong tao mula sa lahat ng lahi—pati na ikaw.
[Mga larawan sa pahina 3]
Kaliwa sa itaas: Neville Chamberlain
Kanan sa itaas: Leopold Amery
Ibaba: Winston Churchill
[Credit Lines]
Chamberlain: Photo by Jimmy Sime/Central Press/Getty Images; Amery: Photo by Kurt Hutton/Picture Post/Getty Images; Churchill: The Trustees of the Imperial War Museum (MH 26392)