Kung Ano ang Dapat Basahin—Ang Matalinong Payo ni Solomon
Kung Ano ang Dapat Basahin—Ang Matalinong Payo ni Solomon
“ANG paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang labis na debosyon sa mga iyon ay nakapanghihimagod sa laman.” (Eclesiastes 12:12) Nang isulat ng matalinong si Haring Solomon ng Israel ang mga salitang ito mga 3,000 taon na ang nakalilipas, hindi niya tayo pinipigilang magbasa. Sa halip, sinasabi lamang niya na maging mapamili tayo. Talagang napapanahon ang paalaalang ito sa ngayon, yamang bilyun-bilyong babasahin ang inililimbag sa buong daigdig taun-taon!
Maliwanag, ang “maraming aklat” na tinutukoy ni Solomon ay hindi nakapagpapatibay ni nakagiginhawa man. Kaya naman, sinabi niyang ang debosyon sa mga iyon ay “nakapanghihimagod sa laman” sa halip na makapagbigay sa mambabasa ng namamalaging mga pakinabang.
Gayunman, ang ibig bang sabihin ni Solomon ay walang aklat na makapagbibigay ng matalino at maaasahang patnubay na pakikinabangan ng mga mambabasa? Hindi, sapagkat isinulat din niya: “Ang mga salita ng marurunong ay gaya ng mga pantaboy sa baka, at gaya ng mga pakong ibinaon yaong mga nagsasagawa ng pagtitipon ng mga pangungusap; ang mga ito ay ibinigay mula sa isang pastol.” (Eclesiastes 12:11) Oo, may mga babasahin na gaganyak sa atin sa positibong paraan “gaya ng mga pantaboy sa baka.” Uudyukan tayo ng mga ito na tahakin ang tamang daan. Bukod diyan, “gaya ng mga pakong ibinaon,” maaari nitong patibayin at patatagin ang determinasyon ng isa.
Saan natin masusumpungan ang gayong matatalinong salita? Ayon kay Solomon, pangunahin na sa mga ito ay yaong nagmumula sa isang Pastol, si Jehova. (Awit 23:1) Samakatuwid, pinakamabuting bumaling sa aklat na kinasihan ng Diyos—ang Bibliya. Ang regular na pagbabasa ng gayong kinasihang mga salita ay makatutulong sa isa na maging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.