Nakikipag-usap Ka ba sa Iyong mga Mahal sa Buhay?
Nakikipag-usap Ka ba sa Iyong mga Mahal sa Buhay?
“ANG kakayahan nating makipagtalastasan sa ating mga mahal sa buhay ay mabilis na humihina,” ang ulat ng lingguhang babasahin na Polityka sa Poland. Sa Estados Unidos, tinatayang gumugugol lamang ang mga mag-asawa ng anim na minuto bawat araw sa pakikipag-usap sa bawat isa sa makabuluhang paraan. Ipinalalagay ng ilang awtoridad na kalahati sa mga paghihiwalay at mga diborsiyo ay resulta ng humihinang kakayahan sa pakikipagtalastasan.
Kumusta naman ang pag-uusap ng mga magulang at mga anak? Karaniwan na, “ang nangyayari ay hindi pag-uusap, kundi pag-uusisa: Kumusta ang klase mo? Kumusta naman ang mga kaibigan mo?” ang sabi ng ulat sa itaas. “Paano matututo ang ating mga anak na maglinang ng emosyonal na pakikipag-ugnayan?” ang tanong nito.
Yamang hindi naman basta na lamang nagkakaroon ng mga kasanayan sa pakikipagtalastasan ang isang tao, paano natin mapasusulong ang ating kakayahang makipag-usap? May mahalagang payo na ibinigay sa atin ang Kristiyanong alagad na si Santiago: “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Oo, upang magkaroon ng nakapagpapatibay na pag-uusap, kailangan nating matamang makinig at huwag sumabad dahil lamang sa pagkainip o kaya ay huwag agad manghusga. Iwasang maging mapamuna dahil madali itong makaputol ng pag-uusap. Karagdagan pa, gumamit si Jesus ng mataktikang mga tanong, hindi para mag-usisa, kundi para alamin kung ano ang nasa puso ng kaniyang tagapakinig at upang patibayin ang buklod nila.—Kawikaan 20:5; Mateo 16:13-17; 17:24-27.
Bilang pagkakapit sa maiinam na simulain na masusumpungan sa Bibliya, magkusang makipag-usap at makipagtalastasan sa iyong mga mahal sa buhay. Maaaring magdulot iyan ng mainit na pakikipag-ugnayan na pahahalagahan mo sa maraming taon—kahit habang-buhay.