Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Napakaraming Yumayakap sa Pagsamba kay Jehova

Napakaraming Yumayakap sa Pagsamba kay Jehova

Napakaraming Yumayakap sa Pagsamba kay Jehova

PATIUNANG sinabi ng mga hula sa Bibliya may kinalaman sa ating panahon na daragsa ang mga tao mula sa lahat ng bansa tungo sa mataas na pagsamba kay Jehova. Halimbawa, sa pamamagitan ng propetang si Hagai, ipinahayag ng Diyos na Jehova: “Uugain ko ang lahat ng mga bansa, at ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito.” (Hagai 2:7) Humula sina Isaias at Mikas na sa panahon natin​—“sa huling bahagi ng mga araw”​—ang mga bansa at mga bayan ay sasamba kay Jehova sa katanggap-tanggap na paraan.​—Isaias 2:2-4; Mikas 4:1-4.

Natutupad nga ba ang mga hulang ito sa ngayon? Suriin natin ang mga pangyayari. Sa nakalipas na sampung taon lamang, mahigit 3,110,000 baguhan ang nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova sa mahigit 230 lupain. Sa katunayan, 6 sa bawat 10 Saksi ni Jehova na kasalukuyang naglilingkod sa buong daigdig ang nabautismuhan nitong nakalipas na dekada. Noong 2004, sa katamtaman ay isang bagong nakaalay na lingkod ng Diyos ang nadaragdag sa kongregasyong Kristiyano tuwing dalawang minuto! *

Sa ngayon, gaya rin noong unang siglo, ‘isang malaking bilang ang nagiging mananampalataya at bumabaling sa Panginoon.’ Bagaman hindi lamang sa mismong pagdami nakikita ang pagpapala ng Diyos, nagpapatunay naman ito na “ang kamay ni Jehova” ay nasa kaniyang bayan. (Gawa 11:21) Ano kaya ang umaakay sa milyun-milyon upang sumamba kay Jehova? At paano ka personal na naaapektuhan ng pangyayaring ito?

Naaakit ang Matuwid-Pusong mga Tao

Sa tuwirang pananalita, sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Kung gayon, talagang si Jehova ang umaakay sa mga taong “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Iminumulat ng espiritu ng Diyos sa mga tao ang kanilang espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) Ang bagabag na budhi, desperadong paghahanap ng pag-asa, o labis na nakababahalang krisis ay maaaring umakay sa ilan na hanapin ang Diyos at sa gayon ay matuto tungkol sa layunin Niya sa sangkatauhan.​—Marcos 7:26-30; Lucas 19:2-10.

Maraming indibiduwal ang naaakit sa pagsamba kay Jehova dahil ang programa sa pagtuturo ng Bibliya ng kongregasyong Kristiyano ay tumutulong sa kanila na masagot ang mga tanong na nakalilito sa kanila.

“Kung may Diyos, bakit patuloy pa ring dumaranas ng kawalang-katarungan ang mga tao?” Iyan ang tanong na gumugulo sa isip ni Davide, isang nagbebenta ng droga sa Italya. Hindi siya partikular na interesado sa relihiyon, kaya ibinangon niya ang mahirap na tanong na ito para lamang may mapagtalunan. “Akala ko’y wala akong matatanggap na makatuwiran at nakakakumbinsing sagot,” ang sabi niya. “Pero ang Saksi na nakipag-usap sa akin ay napakatiyaga at sinusuhayan niya ng mga teksto sa Bibliya ang kaniyang sinasabi. Napakalaki ng naging epekto sa akin ng pag-uusap na iyon.” Sa ngayon, nagbagong-buhay na si Davide at naglilingkod na kay Jehova.

Ang iba naman ay naakay sa makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova dahil sa kanilang paghahanap sa kahulugan at layunin ng mga bagay-bagay. Isang saykayatris sa Zagreb, Croatia ang dumalaw sa isang popular na kasamahan niya upang ipagamot ang kaniyang sariling problema sa emosyon. Laking gulat niya nang bigyan siya ng doktor ng numero ng telepono ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Zagreb, gayundin ng pangalan ng isang Saksi na kilala nito. “Alam mo,” ang sabi niya, “ang mga taong ito ang sa palagay ko’y makatutulong sa iyo. Kung sa simbahan kita papupuntahin, puro walang-buhay na estatuwa lamang ang naroroon​—walang nagsasalita, at walang liwanag. Sa tingin ko’y walang maitutulong sa iyo ang simbahan. Nakapagpapunta na ako ng ibang pasyente sa mga Saksi ni Jehova, at para sa akin, ito rin ang pinakamabuti mong gawin.” May-kabaitang dumalaw sa kaniya ang mga Saksi at di-nagtagal ay napasimulan siya ng pag-aaral sa Bibliya. Pagkalipas ng ilang linggo, natutuwang sinabi ng saykayatris na iyon na nagkaroon ng kahulugan ang kaniyang buhay dahil sa kaalaman tungkol sa layunin ng Diyos.​—Eclesiastes 12:13.

Kapag nagkakaroon ng personal na problema, nasusumpungan ng marami na tanging ang Bibliya lamang ang nakapagbibigay ng tunay na kaaliwan. Sa Gresya, isang pitong-taóng-gulang na batang lalaki ang nahulog sa bubong ng kanilang paaralan at namatay. Pagkalipas ng ilang buwan, nasumpungan ng dalawang Saksi ang ina ng bata at sinikap nilang aliwin ito sa pamamagitan ng pakikipag-usap tungkol sa pag-asa ukol sa pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Dahil dito, napaiyak ang babae. Nagtanong ang sister: “Kung gusto mo pang makaalam tungkol sa Bibliya, kailan ka namin puwedeng dalawin?” “Ngayon na mismo,” ang sagot niya. Isinama sila ng babae sa kaniyang tahanan, at napasimulan ang pag-aaral sa Bibliya. Sa ngayon, ang kaniyang buong pamilya ay naglilingkod na kay Jehova.

Nakikibahagi Ka Ba?

Ang ganitong mga karanasan ay karaniwan nang nangyayari sa buong daigdig. Tinitipon at sinasanay ni Jehova ang napakalaking pulutong ng tunay na mga mananamba mula sa iba’t ibang bansa. Ang internasyonal na grupong ito ay may masayang pag-asa na makaligtas sa dumarating na kawakasan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay at patuloy na mabuhay sa isang matuwid na bagong sanlibutan.​—2 Pedro 3:13.

Dahil sa pagpapala ni Jehova, ang walang-katulad na gawaing ito ng pagtitipon ay patuloy sa matagumpay na pagtatapos nito nang walang hadlang. (Isaias 55:10, 11; Mateo 24:3, 14) Masigasig ka bang nakikibahagi sa pangangaral na ito ng Kaharian? Kung oo, makaaasa ka sa tulong ng Diyos at masasabi mo rin ang mga salitang ito ng salmista: “Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova.”​—Awit 121:2.

[Talababa]

^ par. 4 Tingnan ang 2005 Calendar of Jehovah’s Witnesses, September/​October.

[Blurb sa pahina 9]

“Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.”​—JUAN 6:44

[Kahon sa pahina 8]

SINO ANG NASA LIKOD NG PAGSULONG NA ITO?

“Malibang si Jehova ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagpapagal ng mga tagapagtayo nito.”​—Awit 127:1.

“Ang Diyos ang patuloy na nagpapalago nito; anupat siya na nagtatanim ay walang anuman ni siya na nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago nito.”​—1 Corinto 3:6, 7.