Isang Di-makatarungang Daigdig
Isang Di-makatarungang Daigdig
SANG-AYON ka ba na nabubuhay tayo sa isang di-makatarungang daigdig? Walang alinlangan na sang-ayon ka. Sa katunayan, anuman ang ating mga talento at gaanuman tayo kaingat sa pagpaplano ng ating buhay, hindi ito garantiya na magkakaroon tayo ng kayamanan o tagumpay o maging ng pagkain. Kadalasan, ang nangyayari ay gaya ng sinabi noon ng marunong na si Haring Solomon: “Ang pagkain ay hindi para sa matatalino, o ang kayamanan ay para sa mga labis ang talino, o ang kaluguran ay para sa mga maalam.” Bakit? Dahil, sabi pa ni Solomon, “ang panahon at pagkakataon ay dumarating sa kanilang lahat.”—Eclesiastes 9:11, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
“Masamang Panahon na Bumabagsak . . . Nang Hindi Inaasahan”
Oo, ang “panahon at pagkakataon,” na kalimitang nangangahulugan ng pagiging nasa isang lugar sa di-tamang panahon, ay madalas na sumisira sa ating maingat na ginawang mga plano at pinakaaasam na mga mithiin. Ayon kay Solomon, “kung paanong ang isda ay nahuhuli ng lambat, o ang mga ibon ay napasusuot sa bitag,” tayo ay gayon sa “masamang panahon na bumabagsak . . . nang hindi inaasahan.” (Eclesiastes 9:12, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Halimbawa, milyun-milyong tao ang walang-tigil na nagbubungkal ng lupa upang mapakain ang kanilang pamilya, ngunit nasasadlak lamang sa “masamang panahon” kapag hindi umulan at nasira ng tagtuyot ang kanilang mga pananim.
Ang iba ay nagsisikap tumulong, ngunit kahit ang tulong para sa mga biktima ng “masamang panahon” na ibinibigay ng iba pa sa pandaigdig na komunidad ay malimit na waring di-makatarungan. Halimbawa, sa paglaban sa taggutom, sa isang taon kamakailan, “ang buong kontinente [ng Aprika] ay tumanggap ng tulong na sangkalima lamang ng salaping inilaan sa digmaan sa Gulpo,” ayon sa isang nangungunang ahensiyang nagbibigay ng tulong. Makatarungan ba na ang mga bansang may kaya ay gumugol sa pakikidigma sa isang bansa ng halagang limang beses ang laki kaysa sa ginagastos nila sa pagpawi sa hirap at pagdurusang sanhi ng taggutom sa isang buong kontinente? At makatarungan ba na samantalang sagana sa materyal ang marami, 1 sa 4 na naninirahan sa lupa ang namumuhay pa rin sa matinding karalitaan o milyun-milyong bata ang namamatay taun-taon dahil sa maiiwasan sanang mga sakit? Tiyak na hindi!
Sabihin pa, hindi lamang “panahon at pagkakataon” ang nasasangkot sa “masasamang panahon na bumabagsak . . . nang hindi inaasahan.” Ang nakapangingilabot na mga karahasan na hindi natin
lubusang kontrolado ay nangingibabaw rin sa daigdig na kinabubuhayan natin at nagdidikta kung ano ang mangyayari sa atin. Ganiyan ang nangyari sa Beslan, Alania, noong taglagas ng 2004, nang daan-daang tao, marami sa kanila ay mga bata na pumasok sa unang araw ng klase sa paaralan, ang namatay sa isang brutal na labanan sa pagitan ng mga terorista at ng mga puwersang panseguridad. Totoo, nakasalalay nang malaki sa pagkakataon kung sino ang namatay at nakaligtas sa trahedyang iyon—ngunit ang pangunahing sanhi ng gayong “masasamang panahon” ay ang alitan ng tao.Lagi na Lamang Bang Ganito?
“Ngunit ganiyan talaga ang buhay,” ang sabi ng ilan kapag pinag-uusapan ang mga kawalang-katarungan. “Dati nang ganiyan ito, at mananatili nang ganiyan.” Ayon sa kanila, laging aapihin ng malalakas ang mahihina, at laging pagsasamantalahan ng mayayaman ang mahihirap. Sabi nila, iyan pati na “ang panahon at pagkakataon” ay makaaapekto sa atin hangga’t umiiral ang pamilya ng tao.
Talagang ganito na lamang ba? Posible kaya na ang mga taong matalino sa paggamit ng kanilang kakayahan ay tumanggap ng makatarungang kabayaran sa lahat ng kanilang pagpapagal? May isa ba na makagagawa ng permanente at namamalaging pagbabago sa isang di-makatarungang daigdig? Isaalang-alang ang sasabihin ng susunod na artikulo hinggil sa bagay na ito.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
PABALAT: Lalaking may kalong na bata: UN PHOTO 148426/McCurry/Stockbower
[Picture Credit Line sa pahina 3]
MAXIM MARMUR/AFP/Getty Images