Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Noong mapatay ni David si Goliat, bakit tinanong ni Haring Saul si David, “Kanino kang anak, bata?” gayong bago nito ay ipinatawag ni Saul si David para maglingkod sa kaniya?​—1 Samuel 16:22; 17:58.

Ang isang sinasabing posibilidad ay nalimutan ni Saul kung sino si David dahil saglit lamang ang una nilang pagkikita. Pero imposible ito, sapagkat ayon sa 1 Samuel 16:18-23, si Haring Saul mismo ang nagpatawag noon kay David at minahal niya ito nang lubha at ginawa itong tagapagdala ng kaniyang baluti. Kaya malamang na kilalang-kilala ni Saul si David.

Sinasabi ng ilang iskolar ng Bibliya na idinagdag lamang noong bandang huli ang 1 Samuel 17:12-31 at 17:55–18:5 sapagkat wala ang mga talatang ito sa ilang kopya ng Griegong Septuagint, isang salin ng Hebreong Kasulatan na natapos noong ikalawang siglo B.C.E. Pero hindi katalinuhang gumawa ng gayong konklusyon batay lamang sa mga kopyang ito ng Septuagint, yamang lumilitaw ang mga talatang ito sa iba pang mapananaligang manuskrito ng Hebreong Kasulatan. *

Nang tanungin muna ni Saul si Abner at pagkatapos ay si David mismo, maliwanag na hindi lamang siya interesado sa pangalan ng ama ni David. Dahil nakita niya ang ibang aspekto ng personalidad ni David, na ito ay may malaking pananampalataya at lakas ng loob at napabagsak nito si Goliat, gustong malaman ni Saul kung anong uri ng tao ang nagpalaki sa batang ito. Iniisip marahil ni Saul na isama rin sa kaniyang hukbo ang ama ni David na si Jesse o ang iba pang kapamilya nito, yamang baka matapang at malakas din ang loob nila na gaya ni David.

Bagaman ang sagot lamang ni David sa 1 Samuel 17:58 ay “anak ng iyong lingkod na si Jesse na Betlehemita,” ipinahihiwatig ng sumunod na talata na mas mahaba pa ang naging pag-uusap nila. Pansinin ang komento ng mga iskolar ng Bibliya na sina C. F. Keil at F. Delitzsch tungkol dito: “Napakaliwanag mula sa pananalita sa [1 Samuel 18:1], ‘nang matapos siyang makipag-usap kay Saul,’ na kinausap pa siya ni Saul tungkol sa kaniyang pamilya, yamang ang mga salitang ito ay nagpapahiwatig ng mahabang pakikipag-usap.”

Mula sa lahat ng ito, masasabi natin na sa tanong ni Saul, “Kanino kang anak, bata?” gusto niyang malaman, hindi kung sino si David, na dati na niyang alam, kundi ang kinalakhang pamilya ni David.

[Talababa]

^ par. 4 Tungkol sa pagiging totoo ng mga talatang wala sa Septuagint, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 855, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 31]

Bakit tinanong ni Saul si David kung kanino siyang anak?