Paghahanap ng Espirituwalidad
Paghahanap ng Espirituwalidad
SA BANTOG na Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Malamang na sumasang-ayon ka sa mga salitang iyan. Batid ng mga tao saanman sa daigdig na kailangan nila ng espirituwalidad at ipinapalagay nila na kapag mayroon na sila nito, magiging maligaya sila. Pero ano ba ang kahulugan ng terminong “espirituwalidad”?
Binigyang-katuturan ng isang diksyunaryo ang salitang espirituwalidad bilang “pagiging palaisip o pagkakaroon ng debosyon sa relihiyosong mga paniniwala” at “ang katangian o kalagayan ng pagiging espirituwal.” Kaya ang terminong “espirituwalidad,” “pagiging espirituwal,” o “pagiging palaisip sa espirituwal” ay magkakasingkahulugan. Para maging mas maliwanag, pag-isipan ang paghahambing na ito: Ang isang taong mahilig sa negosyo ay sinasabing palaisip sa negosyo. Sa katulad na paraan, kapag inuuna ng isang tao ang espirituwal na mga bagay o anumang bagay na may kinalaman sa relihiyon, siya ay palaisip sa espirituwal.
Kung gayon, paano magkakaroon ang isa ng tunay na espirituwalidad? Bagaman halos lahat ng relihiyon ay nagsasabing alam nila ang daan para magkaroon ng espirituwalidad, ang ibinibigay naman nilang direksiyon ay sindami ng mga relihiyon mismo. Sinasabi ng Protestante na upang maligtas, kailangang dumalo sa mga pagtitipon para sa espirituwal na panunumbalik. Ang Katoliko naman ay nakikipagkaisa sa Diyos sa pamamagitan ng Misa. Ang Budista ay naghahanap ng kaliwanagan sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay. Sinisikap ng Hindu na makalaya sa siklo ng muling-pagsilang sa pamamagitan ng pagkakait sa sarili. Ang lahat bang ito, o isa rito, ay daan para magkaroon ng tunay na espirituwalidad?
Ang sagot ng marami sa tanong na iyan ay hindi. Sinasabi nila na ang espirituwalidad ay nangangahulugang “paniniwala nang walang inaaniban,” samakatuwid nga, paniniwala sa diyos nang walang inaanibang relihiyon. Ang ilan naman ay naniniwala na ang espirituwalidad ay walang kinalaman sa relihiyon, kundi sa pagnanais na magkaroon ng kapayapaan ng kalooban at direksiyon sa buhay. Sinasabi nila na hindi na kailangan pa ang relihiyon para magkaroon ng espirituwalidad. Sa halip, kailangan lamang nilang hanapin ang kanilang sarili, saliksikin ang kaibuturan ng kanilang puso. Isang manunulat ang nagsabi: “Ang tunay na espirituwalidad ay makikita sa panloob na pagkatao. Ito ang paraan mo ng pag-ibig, pagtanggap at pakikisalamuha sa daigdig at sa mga taong nakapalibot sa iyo. Wala ito sa pag-anib sa isang relihiyon o kaya’y paniniwala sa mga turo nito.”
Maliwanag, iba-iba ang ideya ng mga tao hinggil sa espirituwalidad. Libu-libong aklat ang nagsasabing alam nila ang daan para magkaroon ng espirituwalidad, ngunit kadalasan nang nauuwi sa kawalan at kalituhan ang mga mambabasa nito. Gayunman, may isang aklat na talagang naglalaan ng maaasahang patnubay hinggil sa espirituwal na mga bagay. Makikita sa aklat na ito ang katibayan na isinulat ito sa ilalim ng patnubay ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Alamin natin kung ano ang sinasabi ng aklat na iyan, ang Bibliya, na kahulugan ng espirituwalidad at kahalagahan nito.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
COVER: Background: © Mark Hamblin/age fotostock