Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Oseas

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Oseas

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Oseas

HALOS naglaho na ang tunay na pagsamba sa sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga. Sa ilalim ng pamamahala ni Jeroboam II, nagkaroon ng materyal na kasaganaan ang Israel, pero unti-unti silang naghirap pagkamatay niya. Sinundan ito ng isang yugto ng kaligaligan at kawalang-katatagan sa pamamahala. Apat sa anim na sumunod na hari ay pataksil na pinatay. (2 Hari 14:29; 15:8-30; 17:1-6) Naglingkod si Oseas bilang propeta sa loob ng 59 na taon, simula noong mga 804 B.C.E. hanggang sa magulong yugtong ito.

Ang nadama ni Jehova hinggil sa masuwaying bansa ng Israel ay malinaw na inilalarawan ng mga nangyari sa pagsasama ni Oseas at ng kaniyang asawa. Ang pagbubunyag sa kamalian ng Israel at ang makahulang kahatulan para rito at sa kaharian ng Juda ay ang paksa ng mensahe ni Oseas. Gumamit si Oseas ng madamdamin, mapuwersa, at buhay-na-buhay na mga salita upang ilarawan ang lahat ng mga pangyayaring ito sa aklat ng Bibliya na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Bilang bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos, ang mensahe nito ay buháy at may lakas.​—Hebreo 4:12.

“KUMUHA KA SA GANANG IYO NG ISANG ASAWANG MAPAKIAPID”

(Oseas 1:1–3:5)

Sinabi ni Jehova kay Oseas: “Yumaon ka, kumuha ka sa ganang iyo ng isang asawang mapakiapid.” (Oseas 1:2) Sumunod si Oseas. Kinuha niya si Gomer bilang asawa at nagkaroon sila ng isang anak na lalaki. Ang sumunod na dalawa pang anak ni Gomer ay lumilitaw na mga anak sa pagkakasala. Ang kahulugan ng mga pangalan nila na Lo-ruhama at Lo-ami ay tumutukoy sa pagkakait ni Jehova ng kaawaan sa Israel at sa pagtatakwil niya sa kaniyang taksil na bayan.

Ano ba ang nadama ni Jehova may kinalaman sa kaniyang mapaghimagsik na bayan? Sinabi niya kay Oseas: “Yumaon ka nang minsan pa, umibig ka sa isang babae na iniibig ng isang kasamahan at nangangalunya, gaya ng pag-ibig ni Jehova sa mga anak ni Israel habang sila ay bumabaling sa ibang mga diyos.”​—Oseas 3:1.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

1:1—Bakit binanggit lahat ni Oseas ang pangalan ng apat na haring namahala sa Juda sa panahon ng kaniyang paglilingkod bilang propeta, samantalang isa lamang ang binanggit niyang hari ng Israel? Sapagkat ang mga hari lamang na nagmula sa linya ng pamilya ni David ang kinikilalang karapat-dapat na tagapamahala ng piniling bayan ng Diyos. Ang mga hari ng hilagang kaharian ay hindi mga inapo ni David, di-tulad ng mga hari sa Juda.

1:2-9—Talaga bang kumuha si Oseas ng isang asawang mapakiapid? Oo, talagang nagpakasal si Oseas sa isang babae na nang maglaon ay naging mangangalunya. Walang sinabi ang propeta na ang nangyari sa buhay ng kaniyang pamilya ay isa lamang panaginip o pangitain.

1:7—Kailan pinagpakitaan ng awa at iniligtas ang sambahayan ni Juda? Natupad ito noong 732 B.C.E., sa panahon ng paghahari ni Haring Hezekias. Noong panahong iyon, winakasan ni Jehova ang pagbabanta ng Asirya sa Jerusalem nang patayin ng isang anghel ang 185,000 kalabang sundalo sa loob ng isang gabi. (2 Hari 19:34, 35) Kaya iniligtas ni Jehova ang Juda, hindi “sa pamamagitan ng busog o sa pamamagitan ng tabak o sa pamamagitan ng digmaan, sa pamamagitan ng mga kabayo o sa pamamagitan ng mga mangangabayo,” kundi sa pamamagitan ng isang anghel.

1:10, 11—Yamang bumagsak ang kaharian ng Israel noong 740 B.C.E., paano ‘tinipon tungo sa pagkakaisa’ ang mga anak ni Israel at ang mga anak ni Juda? Marami mula sa hilagang kaharian ang nagpunta sa Juda bago pa man dalhing bihag sa Babilonya ang mga naninirahan sa lupain ng Juda noong 607 B.C.E. (2 Cronica 11:13-17; 30:6-12, 18-20, 25) Nang bumalik sa kanilang sariling lupain ang mga tapong Judio noong 537 B.C.E., kasama nila ang mga inapo ng mga dating nagmula sa hilagang kaharian ng Israel.​—Ezra 2:70.

2:21-23—Ano ang inihula ni Jehova sa kaniyang mga salita: “Tiyak na ihahasik ko [ang Jezreel] sa lupa na gaya ng binhi para sa akin, at ako ay magpapakita ng awa”? Jezreel ang pangalan ng panganay na anak na lalaki ni Oseas at Gomer. (Oseas 1:2-4) Ang kahulugan ng pangalang ito, “Ang Diyos ay Maghahasik ng Binhi,” ay makahulang naglalarawan sa pagtitipon ni Jehova sa mga tapat na nalabi noong 537 B.C.E. at sa paghahasik sa kanila sa Juda gaya ng binhi. Ang lupain na naging tiwangwang sa loob ng 70 taon ay kailangan ngayong mamunga upang umani sila ng butil at makagawa ng alak at langis. Sa matalinghagang pananalita, sinasabi ng hula na ang mabubuting bagay na ito ay hihiling sa lupa na ibigay ang sustansiya nito, at hihilingin ng lupa sa langit na magpaulan. Magsusumamo naman ang langit sa Diyos para sa ulap na maglaan ng ulan. Kailangan ang lahat ng ito upang saganang mailaan ang mga pangangailangan ng mga nagbalik na nalabi. Ikinapit nina apostol Pablo at Pedro ang Oseas 2:23 sa pagtitipon sa nalabi ng espirituwal na Israel.​—Roma 9:25, 26; 1 Pedro 2:10.

Mga Aral Para sa Atin:

1:2-9; 3:1, 2. Isip-isipin ang ginawang personal na pagsasakripisyo ni Oseas nang patuloy siyang makisama sa kaniyang asawa bilang pagsunod sa kalooban ng Diyos! Pagdating sa paggawa ng kalooban ng Diyos, hanggang saan natin kayang isakripisyo ang ating personal na mga kagustuhan?

1:6-9. Napopoot si Jehova sa espirituwal na pangangalunya, kung paanong kinapopootan niya ang pisikal na pangangalunya.

1:7, 10, 11; 2:14-23. Natupad ang inihula ni Jehova tungkol sa Israel at Juda. Laging nagkakatotoo ang mga salita ni Jehova.

2:16, 19, 21-23; 3:1-4. Handang magpatawad si Jehova sa mga nagpapamalas ng taos-pusong pagsisisi. (Nehemias 9:17) Gaya ni Jehova, dapat tayong maging maawain sa iba.

“SI JEHOVA AY MAY USAPIN SA BATAS”

(Hosea 4:1–13:16)

“Si Jehova ay may usapin sa batas laban sa mga tumatahan sa lupain.” Bakit? Sapagkat “walang katotohanan ni maibiging-kabaitan ni kaalaman sa Diyos sa lupain.” (Oseas 4:1) Ang suwail na bayan ng Israel ay nakibahagi sa pandaraya at pagbububo ng dugo at nagsagawa ng pisikal at espirituwal na pakikiapid. Sa halip na umasa sa Diyos para sa tulong, “sa Ehipto ay tumawag sila; sa Asirya ay pumaroon sila.”​—Oseas 7:11.

Ipinahayag ni Jehova ang kaniyang kahatulan sa pagsasabi: “Ang Israel ay lalamunin.” (Oseas 8:8) Nagkasala din ang kaharian ng Juda. “Si Jehova ay may usapin sa batas laban sa Juda,” ang sabi ng Oseas 12:2, “upang humingi ng pagsusulit laban sa Jacob ayon sa kaniyang mga lakad; ayon sa kaniyang mga pakikitungo ay gagantihan niya siya.” Pero tiyak na magkakaroon ng pagsasauli dahil ipinangangako ng Diyos: “Mula sa kamay ng Sheol ay tutubusin ko sila; mula sa kamatayan ay babawiin ko sila.”​—Oseas 13:14.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

6:1-3—Sino ang nagsasabi: “Halikayo, at manumbalik tayo kay Jehova”? Maaaring hinikayat ng di-tapat na mga Israelita ang isa’t isa upang manumbalik kay Jehova. Kung totoo ito, pakunwari lamang ang kanilang pagsisisi. Ang kanilang maibiging-kabaitan ay panandalian lamang na parang “mga ulap sa umaga at . . . hamog na maagang naglalaho.” (Oseas 6:4) Sa kabilang dako, ang nagsasalita marahil ay si Oseas na nakikiusap sa bayan na manumbalik kay Jehova. Sinuman ang nagsasalita, ang suwail na mga naninirahan sa sampung-tribong kaharian ng Israel ay kailangang magpakita ng tunay na pagsisisi at manumbalik kay Jehova.

7:4—Sa anong paraan naging gaya ng “hurno na pinagniningas” ang mapangalunyang mga Israelita? Ipinakikita ng paglalarawang ito kung gaano kasama ang hangarin ng kanilang puso.

Mga Aral Para sa Atin:

4:1, 6. Kung ayaw nating mawala sa atin ang pagsang-ayon ni Jehova, kailangan nating patuloy na kumuha ng kaalaman tungkol sa kaniya at mamuhay ayon sa ating natututuhan.

4:9-13. Mananagot kay Jehova ang mga nagsasagawa ng imoralidad at nakikibahagi sa di-malinis na pagsamba.​—Oseas 1:4.

5:1. Dapat na lubusang tanggihan ng mga nangunguna sa bayan ng Diyos ang apostasya. Kung hindi, baka mahikayat nito ang iba na makibahagi sa huwad na pagsamba, anupat ito ay maging ‘bitag at lambat’ sa kanila.

6:1-4; 7:14, 16. Pagpapaimbabaw at walang saysay kung sinasabi lamang ng isa na siya ay nagsisisi. Upang tumanggap ng awa ng Diyos, dapat ipakita ng isang nagkasala na siya’y taos-pusong nagsisisi, anupat pinatutunayan ito sa pamamagitan ng pagbalik niya sa “mas mataas,” samakatuwid nga, ang mataas na anyo ng pagsamba. Dapat na ang kaniyang ginagawa ay kasuwato ng mataas na mga pamantayan ng Diyos.​—Oseas 7:16.

6:6. Ang pamimihasa sa kasalanan ay palatandaan ng kawalan ng matapat na pag-ibig sa Diyos. Hindi ito mapagtatakpan ng espirituwal na mga hain.

8:7, 13; 10:13. Ang simulaing “anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin” ay napatunayang totoo sa idolatrosong mga Israelita.​—Galacia 6:7.

8:8; 9:17; 13:16. Natupad ang mga hula may kinalaman sa hilagang kaharian nang ang kabisera nito, ang Samaria, ay pabagsakin ng Asirya. (2 Hari 17:3-6) Makapagtitiwala tayo na gagawin ng Diyos ang kaniyang sinabi.​—Bilang 23:19.

8:14. Nagsugo si Jehova ng ‘apoy sa mga lunsod ng Juda’ noong 607 B.C.E. sa pamamagitan ng mga Babilonyo, na nagpasapit sa inihulang pagkatiwangwang ng Jerusalem at ng lupain ng Juda. (2 Cronica 36:19) Hindi maaaring mabigo ang salita ng Diyos.​—Josue 23:14.

9:10. Kahit na nakaalay sa tunay na Diyos, ang mga Israelita ay “pumaroon kay Baal ng Peor, at inialay nila ang kanilang sarili sa kahiya-hiyang bagay.” Matalino tayo kung hindi natin tutularan ang kanilang masamang halimbawa at kung sisikapin nating tuparin ang ating pag-aalay kay Jehova.​—1 Corinto 10:11.

10:1, 2, 12. Dapat nating sambahin ang Diyos nang walang pagpapaimbabaw. Kung ‘maghahasik tayo ng binhi sa katuwiran para sa ating sarili, gagapas tayo ayon sa maibiging-kabaitan ng Diyos.’

10:5. Ang Bet-aven (nangangahulugang “Bahay ng Pananakit”) ay isang mapanghamak na pangalan na ibinigay sa Bethel (nangangahulugang “Bahay ng Diyos”). Nang dalhin sa pagkatapon ang guyang idolo ng Bet-aven, nagdalamhati ang mga taga-Samaria sa pagkawala ng kanilang diyus-diyosan. Talaga ngang kamangmangan ang magtiwala sa walang-buhay na mga idolo na hindi man lamang kayang iligtas ang kanilang sarili!​—Awit 135:15-18; Jeremias 10:3-5.

11:1-4. Laging maibigin si Jehova kapag nakikitungo sa kaniyang bayan. Hindi kailanman pabigat ang pagpapasakop sa Diyos.

11:8-11; 13:14. Ang mga salita ni Jehova hinggil sa panunumbalik ng kaniyang bayan sa tunay na pagsamba ay ‘hindi bumalik sa kaniya nang walang resulta.’ (Isaias 55:11) Noong 537 B.C.E., nagwakas ang pagkatapon ng mga Judio sa Babilonya at nagbalik sa Jerusalem ang nalabi. (Ezra 2:1; 3:1-3) Anuman ang sinalita ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta ay walang pagsalang matutupad.

12:6. Dapat tayong maging lubusang determinado na magpakita ng maibiging-kabaitan, magsagawa ng katarungan, at palaging umasa kay Jehova.

13:6. Ang mga Israelita ay “nabusog at ang kanilang puso ay nagsimulang magmalaki. Kaya naman nalimutan nila [si Jehova].” Kailangan nating mag-ingat laban sa anumang hilig na magmalaki.

“ANG MGA DAAN NI JEHOVA AY MATAPAT”

(Oseas 14:1-9)

Nakiusap si Oseas: “Manumbalik ka kay Jehova na iyong Diyos, O Israel, sapagkat nabuwal ka sa iyong kamalian.” Hinimok niya ang bayan na sabihin kay Jehova: “Pagpaumanhinan mo nawa ang kamalian; at tanggapin mo ang mabuti, at ihahandog namin bilang ganti ang mga guyang toro ng aming mga labi.”​—Oseas 14:1, 2.

Kung nagsisisi ang isang nagkasala, dapat siyang lumapit kay Jehova, tanggapin ang kaniyang mga daan, at maghandog sa kaniya ng mga hain ng papuri. Bakit? Sapagkat “ang mga daan ni Jehova ay matapat, at ang mga matuwid ang siyang lalakad sa mga iyon.” (Oseas 14:9) Talagang nakagagalak na marami pa ang ‘manginginig at paroroon kay Jehova at sa kaniyang kabutihan sa huling bahagi ng mga araw’!​—Oseas 3:5.

[Larawan sa pahina 15]

Inilalarawan ng buhay ng pamilya ni Oseas ang pakikitungo ni Jehova sa Israel

[Larawan sa pahina 17]

Nang bumagsak ang Samaria noong 740 B.C.E., hindi na umiral ang sampung-tribong kaharian ng Israel