Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makapaglilingkod Ka ba Kung Saan mas Malaki ang Pangangailangan?

Makapaglilingkod Ka ba Kung Saan mas Malaki ang Pangangailangan?

Makapaglilingkod Ka ba Kung Saan mas Malaki ang Pangangailangan?

“Maalwan ang buhay namin sa Estados Unidos pero nag-aalala kami na baka maimpluwensiyahan kami at ang aming dalawang anak ng materyalistikong pamumuhay rito. Kaming mag-asawa ay dating mga misyonero, at nais naming maranasang muli ang simple at maligayang buhay.”

DAHIL dito, noong 1991, nagpasiya sina Ralph at Pam na sumulat sa ilang tanggapang pansangay upang ipaalam na gusto nilang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sumagot ang tanggapang pansangay sa Mexico at sinabing napakalaki ng pangangailangan sa mga teritoryong may mga dayuhang nagsasalita ng Ingles. Sa katunayan, sinabi ng sangay na ang mga teritoryong iyon ay “mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Di-nagtagal, tinanggap nina Ralph at Pam ang paanyaya. Kaya sila, kasama ang kanilang mga anak na edad 8 at 12, ay nagsimulang maghanda para lumipat sa Mexico.

Napakalaking Teritoryo

Natatandaan ni Ralph: “Bago kami umalis sa Estados Unidos, sinabi sa amin ng ilang kapatid: ‘Napakahirap mangibang-bansa!’ ‘Paano kung magkasakit kayo?’ ‘Bakit pa kayo lilipat para mangaral sa teritoryong gumagamit ng wikang Ingles? Hindi sila magiging interesado sa katotohanan!’ Maganda naman ang motibo nila, pero desidido na kami. Tutal, pinag-isipan naming mabuti ang aming pasiya at matagal na itong nakaplano. Iniwasan naming magkautang. Nagtipid kami at nag-ipon ng pera. Maraming beses din naming pinag-usapan bilang pamilya ang mga problemang posibleng mapaharap sa amin.”

Pumasyal muna si Ralph at ang kaniyang pamilya sa sangay sa Mexico. Ipinakita sa kanila ng mga kapatid doon ang mapa ng buong bansa at sinabi sa kanila, “Ito ang inyong teritoryo!” Nanirahan sila sa San Miguel de Allende, mga 240 kilometro sa hilagang-kanluran ng Mexico City. Maraming dayuhan sa bayang ito. Sa loob lamang ng tatlong taóng pamamalagi nila rito, nabuo ang isang kongregasyong may 19 na mamamahayag. Iyan ang kauna-unahang kongregasyong Ingles sa Mexico​—pero marami pa ang dapat gawin.

Tinatayang isang milyong mamamayan ng Estados Unidos ang naninirahan sa Mexico. Bukod diyan, maraming propesyonal at estudyanteng Mexicano na marunong mag-Ingles. Ipinaliwanag ni Ralph: “Nanalangin kami na magkaroon pa sana ng higit na manggagawa. Laging may nakalaang kuwarto sa aming bahay para sa mga kapatid na nagpupunta sa aming lugar para ‘tiktikan ang lupain,’ wika nga.”​—Bil. 13:2.

Pinasimple Nila ang Kanilang Buhay Para Makapaglingkod Pa Nang Higit

Di-nagtagal, nagdatingan ang maraming kapatid na nagnanais maglingkod pa nang higit. Kasama rito sina Bill at Kathy mula sa Estados Unidos. Sa loob ng 25 taon, naglingkod sila sa mga teritoryo kung saan malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag. Gusto sana nilang mag-aral ng Kastila, pero nagbago ang isip nila nang lumipat sila sa bayan ng Ajijic sa may baybayin ng Lawa ng Chapala. Gustung-gustong manirahan dito ng mga retirado mula sa Estados Unidos. Ipinaliwanag ni Bill: “Sa Ajijic, mas abala kami sa pangangaral sa mga taong nagsasalita ng Ingles na gustong makaalam ng katotohanan.” Sa loob lamang ng dalawang taóng pamamalagi nila sa bayang iyon, tuwang-tuwa ang mag-asawa nang mabuo ang ikalawang kongregasyong Ingles sa Mexico.

Nais nina Ken at Joanne, na taga-Canada, na pasimplehin ang kanilang buhay para mas marami silang panahon sa pangangaral. Lumipat sila sa Mexico, kasama ang kanilang anak na babae, si Britanny. Sinabi ni Ken: “Matagal din bago kami nasanay na manirahan sa lugar kung saan madalas na walang kuryente, mainit na tubig, o telepono.” Pero dahil sa gawaing pangangaral, naging masaya sila. Di-nagtagal, naging ministeryal na lingkod si Ken. Pagkatapos ng dalawang taon, siya ay naging elder. Noong una, medyo nahirapan si Britanny dahil iilan lamang ang kabataan sa maliit na kongregasyong kinauugnayan nila. Subalit nang sumama siya sa mga proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall, nagkaroon siya ng maraming kaibigan sa Mexico.

Sina Patrick at Roxanne ay mula sa Texas, Estados Unidos. Sabik na sabik sila nang marinig nila ang tungkol sa pangangailangan sa teritoryo sa Mexico na gumagamit ng wikang Ingles. “Pagkatapos naming pumunta sa Monterrey, isang bayan sa hilagang-silangan ng Mexico, naisip naming kalooban ni Jehova na tumulong kami roon,” ang sabi ni Patrick. Sa loob lamang ng limang araw, naibenta nila ang kanilang bahay sa Texas at lumipat sa Mexico. Hindi madali ang buhay roon. Pero masaya sila dahil sa loob lamang ng dalawang taon, ang maliit na grupo ng 17 Saksi ay naging isang kongregasyon na may 40 mamamahayag.

Pinasimple rin ng mag-asawang Jeff at Deb ang kanilang buhay para mas marami silang panahon sa pangangaral. Ipinagbili nila ang kanilang malaking bahay sa Estados Unidos at lumipat sa isang maliit na apartment sa Cancún, isang lunsod sa silangang baybayin ng Mexico. Nasanay silang dumalo ng asamblea sa mga bulwagang may air-con at malapit sa kanilang tirahan. Ngayon, kailangan na nilang maglakbay nang walong oras upang makadalo sa pinakamalapit na asamblea sa wikang Ingles, na ginaganap sa isang istadyum na walang bubong. Pero laking tuwa nila nang mabuo ang isang kongregasyon na may mga 50 mamamahayag sa Cancún.

May mga Mexicano rin na tumulong sa pangangaral sa mga teritoryong gumagamit ng wikang Ingles. Halimbawa, nabalitaan ni Rubén at ng kaniyang pamilya na mayroon nang kongregasyong Ingles sa San Miguel de Allende. Nang malaman nilang buong Mexico ang teritoryo ng kongregasyon, agad silang nagpasiyang tumulong dito. Kinailangan nilang mag-aral ng Ingles, masanay sa ibang kultura, at maglakbay nang 800 kilometro linggu-linggo upang dumalo sa mga pulong. Ganito ang sinabi ni Rubén: “Masaya kaming nakapagpatotoo sa mga dayuhang matagal nang naninirahan sa Mexico na ngayon lang nakarinig ng mabuting balita sa kanilang wika. Tuwang-tuwa ang ilan sa mga nakakausap namin anupat napapaluha sila.” Pagkatapos tumulong sa kongregasyon sa San Miguel de Allende, si Rubén at ang kaniyang pamilya ay naglingkod bilang mga payunir sa bayan ng Guanajuato, sa sentro ng Mexico. Nakatulong sila sa pagbuo ng isang kongregasyong Ingles na may mahigit 30 mamamahayag. Sa ngayon, naglilingkod sila sa isang grupong gumagamit ng wikang Ingles sa Irapuato, isang bayan malapit sa Guanajuato.

Pangangaral sa mga Mahirap Matagpuan

Bukod sa mga dayuhan, maraming Mexicanong nagsasalita ng Ingles. Kadalasan nang mahirap ibahagi sa kanila ang mensahe ng Kaharian dahil nakatira sila sa lugar ng mayayaman kung saan mga kasambahay lang ang karaniwan nang nagbubukas ng pinto. Kung mismong may-bahay naman ang magbukas ng pinto, ayaw nilang makinig sa mga Saksi ni Jehova dahil inaakala nilang sekta lang ito. Pero kapag mga dayuhang Saksi ang lumapit sa kanila, ang ilan ay positibong tumutugon.

Isaalang-alang ang halimbawa ni Gloria na nakatira sa lunsod ng Querétaro, sa sentro ng Mexico. Ipinaliwanag niya: “May nagpupunta sa akin na mga Saksing nagsasalita ng Kastila pero hindi ko sila kinakausap. Nang magkaproblema ang aking pamilya at mga kaibigan, nanlumo ako at nanalangin sa Diyos na sana’y tulungan niya ako. Di-nagtagal, isang babaing nagsasalita ng Ingles ang kumatok sa aking pintuan. Tinanong niya kung may nagsasalita ng Ingles sa aming bahay. Dahil dayuhan siya, naintriga ako at sinabi kong marunong akong mag-Ingles. Habang nagsasalita siya, inisip ko, ‘Ano’ng ginagawa ng Amerikanang ito dito?’ Naisip ko na baka ang dayuhang ito ang sagot sa aking panalangin.” Nakipag-aral ng Bibliya si Gloria at mabilis ang kaniyang pagsulong. Nabautismuhan siya sa kabila ng pagsalansang ng kaniyang pamilya. Sa ngayon, regular pioneer na si Gloria at lingkod na rin ni Jehova ang kaniyang asawa at anak na lalaki.

Mga Pagpapala sa Paglilingkod Kung Saan Mas Malaki ang Pangangailangan

Totoo, may mga problema sa paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pero marami rin itong pagpapala. Ganito ang sinabi ni Ralph, na binanggit sa simula: “Nakapagdaos kami ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga dayuhang galing sa Britanya, Tsina, Jamaica, Sweden, at maging sa isang mayamang taga-Ghana. Ang ilan sa mga estudyanteng ito ng Bibliya ay naglingkod din nang buong panahon. Sa nakalipas na mga taon, nakita ng aming pamilya kung paano nabuo ang pitong kongregasyong Ingles. Nagpayunir din ang aming mga anak, at ngayo’y naglilingkod sila sa Bethel sa Estados Unidos.”

Sa ngayon, may 88 kongregasyon at maraming iba pang grupo na gumagamit ng wikang Ingles sa Mexico. Bakit mabilis ang pagsulong doon? Marami kasing dayuhan sa Mexico na nagsasalita ng Ingles na noon pa lamang nakakausap ng mga Saksi, at dahil dito, naging positibo ang pagtugon nila. Ang iba naman ay nakinig sa mga Saksi dahil malayo sila sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan na maaaring sumalansang sa kanila. Tinanggap naman ng iba ang alok na mag-aral ng Bibliya dahil retirado na sila at may panahon na para dito. Bukod diyan, mahigit sangkatlo ng mga mamamahayag ay payunir. Malaki ang nagawa nila upang maging masigla ang mga kongregasyon.

May mga Pagpapalang Naghihintay sa Iyo

Tiyak na mas maraming tao sa buong daigdig ang makikinig sa mensahe ng Kaharian kapag narinig nila ito sa kanilang wika. Kaya nakapagpapatibay malaman na maraming kapatid na palaisip sa espirituwal​—bata at matanda, may asawa o wala​—ang handang lumipat sa mga teritoryong malaki ang pangangailangan. Totoo, nagkakaroon din sila ng mga problema. Pero bale-wala ito kung ihahambing sa kaligayahang nadarama nila kapag nakakasumpong sila ng tapat-pusong mga tao na tumanggap ng katotohanan sa Bibliya. Maaari ka bang gumawa ng mga pagbabago para makapaglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, ito man ay sa loob o labas ng iyong bansa? * (Luc. 14:28-30; 1 Cor. 16:9) Kung gayon, sagana kang pagpapalain.

[Talababa]

^ par. 21 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, tingnan ang Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, pahina 111-112.

[Kahon sa pahina 21]

Naging Interesado Dahil sa Maliligayang Retirado

Si Beryl na taga-Britanya ay lumipat sa Canada. Dito siya nagtrabaho bilang manedyer ng ilang internasyonal na kompanya. Siya rin ay naging mahusay na mangangabayo at napili pa ngang maging kinatawan ng Canada sa 1980 Olympics. Nang magretiro si Beryl at ang kaniyang asawa, lumipat sila sa Chapala, Mexico. Madalas silang kumain sa mga restawran doon. Kapag nakakakita siya ng masayahing mga retiradong nagsasalita ng Ingles, nagpapakilala siya at tinatanong kung bakit sila nasa Mexico. Kadalasan nang mga Saksi ni Jehova ang mga ito. Dahil dito, naisip ni Beryl at ng kaniyang asawa na para maging maligaya at makabuluhan ang kanilang buhay, kailangan nilang makilala ang Diyos. Pagkatapos dumalo nang ilang buwan sa mga Kristiyanong pagpupulong, pumayag si Beryl na mag-aral ng Bibliya at naging Saksi. Naglingkod siya bilang regular pioneer sa loob ng ilang taon.

[Kahon sa pahina 22]

“Pagpapala Sila sa Amin”

Ang mga kapatid na naglilingkod sa mga teritoryo kung saan malaki ang pangangailangan ay talagang pinahahalagahan ng mga kongregasyong pinaglilingkuran nila. Isang tanggapang pansangay sa Caribbean ang sumulat: “Pagpapala sa amin ang daan-daang dayuhan na naglilingkod dito. Malaking kawalan sa mga kongregasyon kung aalis sila.”

Sinasabi ng Bibliya na “ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.” (Awit 68:11) Kaya hindi kataka-taka na maraming sister na walang asawa ang nagpasiyang maglingkod sa ibang bansa. Malaking tulong ang mapagsakripisyong mga sister na ito. Isang tanggapang pansangay sa Silangang Europa ang nagsabi: “Karaniwan nang mas maraming sister sa mga kongregasyon dito. Marami sa kanila ay mga baguhan. Pero malaking tulong ang mga dalagang payunir na nagmula sa ibang mga bansa sa pagsasanay sa mga baguhang ito. Talaga ngang pagpapala sila sa amin!”

Ano naman ang masasabi ng mga sister na ito na naglilingkod sa ibang bansa? “Maraming hamon ang kinailangan kong harapin,” ang sabi ni Angelica, isang sister na mga 35 taóng gulang. Naglingkod siya nang ilang taon sa ibang bansa bilang payunir. “Sa isang teritoryo, araw-araw akong naglalakad sa putikan. Palagi akong nakakakita ng mga taong naghihirap sa buhay, at nakapanghihina ito ng loob. Pero masaya ako sa ministeryo dahil natutulungan ko ang mga tao. Masaya rin ako dahil maraming sister na tagaroon ang madalas na nagpapasalamat sa pagtulong ko sa kanila. Sinabi sa akin ng isang sister na napakilos siyang magpayunir dahil sa ginawa kong pagsasakripisyo upang magpayunir sa kanilang bansa.”

Ganito ang sinabi ni Sue, isang payunir na mahigit 50 anyos: “Tiyak na may mga hamon, pero bale-wala ito kung ikukumpara sa mga pagpapala. Talagang kasiya-siya ang ministeryo! Dahil madalas kong nakakasama sa paglilingkod ang mga kabataang sister, ikinukuwento ko sa kanila kung paano ako natulungan ng Bibliya at ng ating mga publikasyon na harapin ang mga problema. Napapatibay rin sila sa pagbabata at pagharap ko sa mga problema sa loob ng maraming taon bilang payunir at walang asawa. Madalas na sinasabi nila sa akin na nakatulong ito sa kanila na isiping mapagtatagumpayan din nila ang kanilang mga problema. Lalong naging makabuluhan ang aking buhay dahil sa pagtulong ko sa mga sister na ito.”

[Mapa sa pahina 20]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MEXICO

Monterrey

Guanajuato

Irapuato

Ajijic

Chapala

Lawa ng Chapala

San Miguel de Allende

Querétaro

MEXICO CITY

Cancún

[Larawan sa pahina 23]

Naranasan ng ilan ang kagalakang magpatotoo sa mga dayuhan na ngayon lang nakarinig ng mabuting balita