Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bubuhayin kayang muli ang sanggol na namatay sa sinapupunan?
Mahirap isipin ang nadaramang kirot ng mga magulang na namatayan ng sanggol sa ganitong paraan lalo na kung hindi pa ito naranasan ng isa. Talagang napakasakit nito para sa ilang magulang. Isang ina ang namatayan ng limang anak bago isilang ang mga ito. Nagkaroon din naman siya ng dalawang malusog na anak, pero hindi pa rin niya malimutan ang pagkamatay ng bawat isa sa mga sanggol. Hangga’t nabubuhay siya, lagi niyang maiisip kung ano na marahil ang edad ng mga ito. Kaya ang tanong, ‘Bubuhayin kayang muli ang mga sanggol na namatay sa sinapupunan?’
Ang simpleng sagot sa tanong na iyan ay hindi natin alam. Hindi tuwirang tinatalakay ng Bibliya ang tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga sanggol na nalaglag o ipinanganak na patay. Gayunpaman, mababasa natin sa Salita ng Diyos ang ilang simulaing may kaugnayan dito na maaaring magdulot ng kaaliwan sa paanuman.
Isaalang-alang natin ang dalawang magkaugnay na tanong. Una, para kay Jehova, kailan nagsisimula ang buhay ng isang tao—sa paglilihi o sa pagsilang? Ikalawa, ano ang pananaw ni Jehova sa isang sanggol na hindi pa naisisilang—isang indibiduwal ba o kalipunan lamang ng mga selula at tisyu sa sinapupunan ng isang babae? Malinaw na makikita sa mga simulain ng Bibliya ang sagot sa mga tanong na iyan.
Maliwanag na isinisiwalat ng Kautusang Mosaiko na ang buhay ay hindi nagsisimula sa pagsilang kundi mas maaga pa rito. Paano? Ipinakita nito na ang pagpatay sa fetus ay karapat-dapat sa parusang kamatayan. Ganito ang sinabi sa kautusan: “Magbabayad ka nga ng kaluluwa para sa kaluluwa.” * (Ex. 21:22, 23) Kaya ang di-pa-naisisilang na sanggol ay isa nang buháy na kaluluwa. Dahil dito, itinuturing ng milyun-milyong Kristiyano na isang malaking kasalanan sa Diyos ang aborsiyon.
Oo, may buhay na ang isang sanggol sa sinapupunan, pero gaano kahalaga ang buhay na iyan kay Jehova? Gaya ng sinabi sa Kautusang Mosaiko, dapat patayin ang taong naging sanhi ng pagkamatay ng isang di-pa-naisisilang na sanggol. Kung gayon, napakahalaga sa Diyos ang buhay ng isang sanggol sa sinapupunan. Bukod diyan, ipinakikita ng iba pang teksto na itinuturing ni Jehova ang mga sanggol na ito bilang mga indibiduwal. Halimbawa, ganito ang sinabi ni Haring David tungkol kay Jehova: “Iningatan mo akong natatabingan sa tiyan ng aking ina. . . . Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito, tungkol sa mga araw nang bigyang-anyo ang mga iyon.”—Awit 139:13-16; Job 31:14, 15.
Nakikita rin ni Jehova ang mga katangian at potensiyal ng mga sanggol sa sinapupunan. Nang ipinagbubuntis ni Rebeka ang kambal nila ni Isaac, bumigkas si Jehova ng hula hinggil sa kambal na ito na nagbubuno sa sinapupunan ni Rebeka. Ipinahihiwatig nito na nakikita niya ang mga katangian ng kambal na magkakaroon ng epekto sa kinabukasan ng maraming tao.—Gen. 25:22, 23; Roma 9:10-13.
Kapansin-pansin din ang ulat hinggil kay Juan Bautista noong siya’y nasa sinapupunan pa. Ganito ang sinabi sa Ebanghelyo: “Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, ang sanggol sa kaniyang bahay-bata ay lumukso; at si Elisabet ay napuspos ng banal na espiritu.” (Luc. 1:41) Sa tekstong ito, ginamit ng manggagamot na si Lucas ang salitang Griego na maaaring tumukoy sa fetus o sa sanggol na bagong silang. Ito rin ang salitang ginamit niya para tukuyin ang sanggol na si Jesus na nakahiga sa sabsaban.—Luc. 2:12, 16; 18:15.
Kung gayon, sa Bibliya, may pagkakaiba ba
ang isang sanggol sa sinapupunan at ang isa na kasisilang pa lang? Lumilitaw na walang pagkakaiba. At kaayon ito ng makabagong siyensiya. Halimbawa, natuklasan ng mga mananaliksik na nararamdaman ng di-pa-naisisilang na sanggol ang nangyayari sa labas ng sinapupunan. Kaya hindi kataka-taka na nagkakaroon ng malapít na kaugnayan ang ina at ang sanggol sa kaniyang sinapupunan.Hindi lahat ng sanggol ay isinisilang nang eksaktong siyam na buwan. Halimbawa: Isang ina ang nagsilang ng isang buháy na sanggol na kulang sa buwan. Pagkatapos ng ilang araw, namatay ang sanggol. Isang ina naman ang nasa kabuwanan pero namatay ang sanggol sa kaniyang sinapupunan bago niya ito isilang. Bubuhayin bang muli ang sanggol na kulang sa buwan dahil lamang naisilang ito, samantalang ang sanggol na husto sa buwan pero namatay sa sinapupunan ay hindi na bubuhaying muli?
Sa kabuuan, malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang buhay ay nagsisimula sa paglilihi at itinuturing ni Jehova ang di-pa-naisisilang na sanggol bilang isang indibiduwal. Salig sa mga katotohanang ito mula sa Kasulatan, maaaring mahirap isipin para sa ilan na hindi na bubuhaying muli ang namatay na sanggol sa sinapupunan. Sa katunayan, maaaring iniisip nila na kung hindi bubuhaying muli ang sanggol, taliwas ito sa paninindigan natin hinggil sa aborsiyon, na nakasalig din sa mismong mga katotohanang nabanggit.
Nagbangon ng mga tanong ang nakalipas na mga isyu ng babasahing ito hinggil sa kung paano maaaring buhaying muli ang mga sanggol na namatay sa sinapupunan. Dahil dito, nagkaroon ng mga pag-aalinlangan kung bubuhayin pa kayang muli ang mga sanggol na ito. Halimbawa, ilalagay kaya ng Diyos ang hindi pa nabubuong fetus sa sinapupunan ng isang ina sa Paraiso? Pagkatapos ng higit na pagsasaliksik, pagbubulay-bulay, at pananalangin, napag-unawa ng Lupong Tagapamahala na ang gayong mga detalye ay hindi mahalagang isaalang-alang may kaugnayan sa pag-asa ng pagkabuhay-muli. Sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng mga bagay ay posible sa Diyos.” (Mar. 10:27) Ipinakita ng mismong karanasan ni Jesus ang katotohanan ng pananalitang iyon. Mula sa langit, ang kaniyang buhay ay inilipat sa sinapupunan ng isang birhen—isang bagay na para sa tao ay talagang imposibleng mangyari.
Nangangahulugan ba ito na itinuturo ng Bibliya na bubuhaying muli ang mga sanggol na namatay bago pa maisilang? Dapat nating tandaan na hindi tuwirang sinasagot ng Bibliya ang tanong na iyan. Kaya hindi tayo dapat maging dogmatiko. Ang paksang ito ay maaaring magbangon ng napakaraming tanong. Kaya makabubuti kung hindi tayo gagawa ng espekulasyon. Pero ito ang tiyak: Alam ni Jehova kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Siya ay isang Diyos na sagana sa maibiging kabaitan at awa. (Awit 86:15) Gustung-gusto niyang buhaying muli ang mga namatay nating mahal sa buhay. (Job 14:14, 15) Papawiin niya ang lahat ng kirot na idinulot ng sistemang ito ng mga bagay kapag inutusan na niya ang kaniyang Anak na “sirain ang mga gawa ng Diyablo.”—1 Juan 3:8.
[Talababa]
^ par. 6 Sa ibang mga salin ng Bibliya, ang tekstong ito ay nagpapahiwatig na inilalapat lamang ang parusang kamatayan kapag ang ina ang namatay. Gayunman, sa orihinal na tekstong Hebreo, ang tinutukoy ng kautusan ay ang pagkamatay ng ina o ng kaniyang di-pa-naisisilang na sanggol.
[Larawan sa pahina 13]
Papawiin ni Jehova ang lahat ng kirot na naranasan natin