Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Espiritu at ang Kasintahang Babae ay Patuloy na Nagsasabi: ‘Halika!’”

“Ang Espiritu at ang Kasintahang Babae ay Patuloy na Nagsasabi: ‘Halika!’”

“Ang Espiritu at ang Kasintahang Babae ay Patuloy na Nagsasabi: ‘Halika!’”

“Ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ . . . Ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.”​—APOC. 22:17.

1, 2. Gaano dapat kahalaga sa ating buhay ang Kaharian, at bakit?

GAANO dapat kahalaga sa ating buhay ang Kaharian? Hinimok ni Jesus ang mga tagasunod niya na ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian,’ at tiniyak sa kanila na kung susundin nila ito, ilalaan ng Diyos ang kanilang pangangailangan. (Mat. 6:25-33) Itinulad niya ang Kaharian ng Diyos sa isang napakamamahaling perlas anupat nang makita ito ng naglalakbay na mangangalakal, “ipinagbili [niya] ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.” (Mat. 13:45, 46) Hindi ba’t dapat na gayon din kahalaga sa atin ang pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad?

2 Sa naunang dalawang artikulo, nakita natin na ang pagsasalita nang may katapangan at ang paggamit ng Salita ng Diyos nang may kahusayan ay patunay lang na pinapatnubayan tayo ng espiritu ng Diyos. May mahalagang papel ding ginagampanan ang espiritung iyan sa ating pagiging regular sa pangangaral ng Kaharian. Tingnan natin kung paano.

Isang Paanyaya!

3. Anong uri ng tubig ang iniaalok sa lahat ng tao?

3 Isang paanyaya ang ipinaaabot sa mga tao sa pamamagitan ng banal na espiritu. (Basahin ang Apocalipsis 22:17.) Ang paanyaya ay “halika” at inumin ng sinumang nauuhaw ang isang napakaespesyal na uri ng tubig. Hindi ito ordinaryong tubig na binubuo ng pinagsamang hidroheno at oksiheno. Bagaman mahalaga ang literal na tubig para masustinihan ang buhay sa lupa, ibang uri naman ng tubig ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya sa isang Samaritana sa tabi ng balon: “Ang sinumang uminom mula sa tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na kailanman mauuhaw pa, kundi ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging isang bukal ng tubig sa kaniya na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 4:14) Ang kakaibang tubig na iniaalok sa mga tao ay nagdudulot ng buhay na walang hanggan.

4. Bakit kinailangan ang tubig ng buhay? Saan kumakatawan ang tubig na ito?

4 Kinailangan ang tubig na ito ng buhay nang suwayin ng unang mag-asawang sina Adan at Eva ang mismong lumalang sa kanila​—ang Diyos na Jehova. (Gen. 2:16, 17; 3:1-6) Ang mag-asawang ito ay pinalayas sa kanilang tahanang hardin “upang hindi iunat [ni Adan] ang kaniyang kamay at talagang kumuha rin ng bunga mula sa punungkahoy ng buhay at kumain at mabuhay hanggang sa panahong walang takda.” (Gen. 3:22) Yamang kay Adan nagmula ang mga tao, silang lahat ay nagmana ng kamatayan. (Roma 5:12) Ang tubig ng buhay ay kumakatawan sa lahat ng paglalaan ng Diyos para iligtas ang masunuring mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, at mabigyan sila ng walang hanggan at sakdal na buhay sa Paraisong lupa. Naging posible ang mga paglalaang ito dahil sa haing pantubos ni Jesu-Kristo.​—Mat. 20:28; Juan 3:16; 1 Juan 4:9, 10.

5. Sino ang nagbigay ng paanyayang halika at “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad”? Ipaliwanag.

5 Kanino nagmula ang paanyayang halika at “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad”? Kapag ang lahat ng paglalaan para sa buhay sa pamamagitan ni Kristo ay lubusan nang umagos sa panahon ng kaniyang Milenyong Paghahari, ito’y magiging “isang ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal.” Ang ilog na iyon ay “umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero.” (Apoc. 22:1) Kung gayon, si Jehova na Tagapagbigay-Buhay ang Bukal ng tubig na nagbibigay-buhay. (Awit 36:9) Siya ang pinagmumulan ng tubig sa pamamagitan ng “Kordero,” si Jesu-Kristo. (Juan 1:29) Ang makasagisag na ilog na ito ang gagamitin ni Jehova para alisin sa sangkatauhan ang lahat ng pinsalang idinulot ng pagsuway ni Adan. Oo, ang Diyos na Jehova ang Pinagmulan ng paanyayang “halika.”

6. Kailan nagsimulang umagos ang “ilog ng tubig ng buhay”?

6 Bagaman ang lubusang pag-agos ng “ilog ng tubig ng buhay” ay magaganap pa sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, nagsimula na itong umagos noong “araw ng Panginoon,” nang magsimulang maghari sa langit ang “Kordero” noong 1914. (Apoc. 1:10) Mula noon, umagos na ang ilang paglalaan para sa buhay. May kaugnayan ang mga ito sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, yamang ang mensahe nito ay tinutukoy bilang “tubig.” (Efe. 5:26) Lahat ay inaanyayahang “kumuha ng tubig ng buhay” sa pamamagitan ng pakikinig at pagtugon sa mabuting balita ng Kaharian. Pero sino ang aktuwal na nag-aanyaya sa panahong ito ng araw ng Panginoon?

“Ang Kasintahang Babae” ay Nagsasabi ng “Halika!”

7. Sino ang unang nagpaabot ng paanyayang “halika” sa panahon ng “araw ng Panginoon”? Sino ang inaanyayahan?

7 Ang mga kabilang sa uring kasintahang babae​—pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano​—ang unang nagpaabot ng paanyayang “halika.” Kanino? Siyempre pa, hindi naman puwedeng sabihin ng kasintahang babae sa kaniyang sarili na “Halika!” Ang inaanyayahan niya ay ang mga nagnanais mabuhay nang walang hanggan sa lupa pagkatapos ng “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”​—Basahin ang Apocalipsis 16:14, 16.

8. Bakit masasabing ipinaaabot na ng mga pinahirang Kristiyano ang paanyaya ni Jehova mula pa noong 1918?

8 Noon pa mang 1918, nag-aanyaya na ang mga pinahirang tagasunod ni Kristo. Nang taóng iyon, ibinigay ang pahayag pangmadlang “Milyun-milyong Nabubuhay Ngayon ang Maaaring Hindi Na Mamatay.” Nagbigay ito ng pag-asa na marami ang magkakaroon ng pagkakataong mabuhay sa isang paraisong lupa pagkatapos ng Armagedon. Sa isang pahayag sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., noong 1922, pinasigla ang mga tagapakinig na ‘ianunsiyo ang Hari at ang kaniyang kaharian.’ Nakatulong ito sa mga nalabi ng uring kasintahang babae na makapag-anyaya pa ng mas maraming tao. Noong 1929, ang Marso 15 na isyu ng The Watchtower ay may artikulong “Gracious Invitation” (Magiliw na Paanyaya) na ang temang teksto ay ang Apocalipsis 22:17. Ganito ang sinabi sa isang bahagi ng artikulo: “Ang uring tapat na nalabi ay nakikiisa [sa Kataas-taasan] sa magiliw na paanyayang ito at nagsasabi, ‘Halika.’ Ang mensaheng ito ay kailangang ihayag sa mga nagnanais ng katuwiran at katotohanan. Kailangang gawin ito ngayon.” Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa ring nag-aanyaya ang uring kasintahang babae.

“Ang Sinumang Nakikinig ay Magsabi: ‘Halika!’”

9, 10. Paano inanyayahang magsabi rin ng “Halika!” ang mga nakarinig sa paanyaya?

9 Kumusta naman ang mga nakarinig sa paanyayang “halika”? Inaanyayahan silang magsabi rin ng “Halika!” Halimbawa, sa The Watchtower, isyu ng Agosto 1, 1932, sinabi sa pahina 232: “Hayaang himukin ng nalabi ang lahat ng makikibahagi sa paghahayag ng mabuting balita ng kaharian. Sila’y hindi kailangang maging pinahiran ng Panginoon upang maipahayag nila ang mensahe ng Panginoon. Isang malaking kaaliwan sa mga Saksi ni Jehova na maalaman ngayon na sila’y pinapayagang dalhin ang mga tubig ng buhay sa isang uri ng mga tao na maaaring makatawid sa Armagedon at mabigyan ng buhay na walang-hanggan sa lupa.”

10 Bilang pagdiriin sa pananagutan ng mga nakarinig na magsabi ng “Halika!,” ang The Watchtower, isyu ng Agosto 15, 1934, pahina 249, ay nagsabi: “Yaong mga nasa uring Jonadab ay kailangang makisama sa antitipikong uring Jehu, samakatuwid nga, ang pinahiran, at magbalita ng mensahe ng kaharian, bagaman sila’y hindi siyang pinahirang mga saksi ni Jehova.” Noong 1935, naging maliwanag kung sino ang “malaking pulutong” na binabanggit sa Apocalipsis 7:9-17. Napasigla nito nang husto ang gawaing pagpapaabot ng paanyaya ng Diyos. Mula noon, dumami na nang dumami ang bilang ng malaking pulutong ng tunay na mga mananamba na tumugon sa paanyayang iyon. Sila’y mahigit nang pitong milyon sa ngayon. Dahil sa pagpapahalaga sa narinig nilang mensahe, nag-alay sila ng kanilang sarili sa Diyos, nagpabautismo, at sumama sa uring kasintahang babae sa masigasig na pag-aanyayang ‘halika at uminom ng tubig ng buhay nang walang bayad.’

“Ang Espiritu” ay Nagsasabi ng “Halika!”

11. Ano ang papel ng banal na espiritu sa pangangaral noong unang siglo C.E.?

11 Nang mangaral si Jesus sa isang sinagoga sa Nazaret, binuksan niya ang balumbon ni propeta Isaias at binasa ang bahaging ito: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha, isinugo niya ako upang mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag at ng pagpapanumbalik ng paningin sa mga bulag, upang payaunin ang mga nasisiil nang may paglaya, upang ipangaral ang kaayaayang taon ni Jehova.” Pagkatapos, ikinapit niya sa kaniyang sarili ang mga salitang ito, na sinasabi: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.” (Luc. 4:17-21) Bago umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Noong unang siglo, napakahalaga ng papel ng banal na espiritu sa pangangaral.

12. Ano ang papel ng espiritu ng Diyos sa ating gawaing pag-aanyaya sa ngayon?

12 Ano ang papel ng banal na espiritu ng Diyos sa pag-aanyaya sa mga tao sa ngayon? Si Jehova ang Bukal ng banal na espiritu. Ginagamit niya ang espiritu para buksan ang puso at isip ng uring kasintahang babae at sa gayo’y maintindihan nila ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Inuudyukan sila ng espiritu na ipaabot din ang paanyaya at ipaliwanag ang katotohanan ng Bibliya sa mga taong maaaring mabuhay magpakailanman sa Paraisong lupa. Kumusta naman ang mga tumanggap ng paanyaya, naging mga alagad ni Jesu-Kristo, at nag-anyaya rin sa iba? Tinutulungan din sila ng espiritu. Palibhasa’y nabautismuhan ‘sa pangalan ng banal na espiritu,’ sumusunod sila sa patnubay ng espiritu at umaasa sa tulong nito. (Mat. 28:19) Pag-isipan din ang mensaheng ipinangangaral ng mga pinahiran at ng lumalaking bilang ng malaking pulutong. Ito’y mula sa Bibliya​—ang aklat na isinulat sa patnubay mismo ng espiritu ng Diyos. Kaya naman masasabing ang paanyaya ay ipinaaabot sa tulong ng banal na espiritu. Ang totoo, pinapatnubayan tayo ng espiritung iyan. Paano ito dapat makaapekto sa ating pakikibahagi sa gawaing pag-aanyaya?

Sila ay “Patuloy na Nagsasabi: ‘Halika!’”

13. Ano ang ipinahihiwatig ng pangungusap na “ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’”?

13 “Ang espiritu at ang kasintahang babae” ay hindi lang basta nagsasabi ng “Halika!” Sa orihinal na wika, ang pandiwang ginamit dito ay nagpapahiwatig ng patuloy na pagkilos. Kaya naman ganito ang mababasa sa Bagong Sanlibutang Salin: “Ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’” Nagpapahiwatig ito ng palagiang pagpapaabot ng paanyaya ng Diyos. Kumusta naman ang mga nakarinig at tumanggap ng paanyaya? Sila rin ay nagsasabi ng “Halika!” Ang malaking pulutong ng tunay na mga mananamba ay ‘nag-uukol ng sagradong paglilingkod araw at gabi sa templo ni Jehova.’ (Apoc. 7:9, 15) Bakit masasabing ‘araw at gabing paglilingkod’? (Basahin ang Lucas 2:36, 37; Gawa 20:31; 2 Tesalonica 3:8.) Ipinakikita sa halimbawa ng matandang propetisang si Ana at ni apostol Pablo na ang ‘araw at gabing paglilingkod’ ay nagpapahiwatig ng pagiging palagian at masikap sa ministeryo.

14, 15. Paano ipinakita ni Daniel ang kahalagahan ng pagiging regular sa pagsamba?

14 Ipinakita rin ni propeta Daniel ang kahalagahan ng pagiging regular sa pagsamba. (Basahin ang Daniel 6:4-10, 16.) Kahit sa loob lang ng isang buwan, hindi niya binago ang kaniyang espirituwal na rutin​—ang pananalangin sa Diyos nang ‘tatlong ulit sa isang araw, gaya ng lagi niyang ginagawa’​—itapon man siya sa yungib ng mga leon. Kitang-kita sa ikinilos niyang ito na wala nang mas mahalaga pa kaysa sa regular na pagsamba kay Jehova!​—Mat. 5:16.

15 Makalipas ang magdamag sa yungib ng mga leon, pumunta roon ang hari at sumigaw: “O Daniel, lingkod ng Diyos na buháy, iniligtas ka ba ng iyong Diyos na pinaglilingkuran mo nang may katatagan mula sa mga leon?” Agad na sumagot si Daniel: “O hari, mabuhay ka maging hanggang sa mga panahong walang takda. Isinugo ng aking Diyos ang kaniyang anghel at itinikom ang bibig ng mga leon, at hindi nila ako sinaktan, yamang sa harap niya ay kinasumpungan ako ng kawalang-sala; at gayundin sa harap mo, O hari, wala akong ginawang anuman na nakapipinsala.” Pinagpala ni Jehova si Daniel dahil sa paglilingkod “nang may katatagan,” o nang palagian.​—Dan. 6:19-22.

16. Ano ang dapat nating itanong tungkol sa ating pakikibahagi sa ministeryo matapos talakayin ang halimbawa ni Daniel?

16 Mas gugustuhin pa ni Daniel na mamatay kaysa baguhin ang kaniyang espirituwal na rutin. Kumusta naman tayo? Anong mga sakripisyo ang ginagawa natin o handa nating gawin para maihayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos nang palagian? Aba, hindi natin dapat palipasin ang isang buwan nang hindi man lang ipinakikipag-usap ang tungkol kay Jehova! Kung posible, hindi ba’t dapat tayong magsikap na makibahagi sa ministeryo linggu-linggo? Kahit mahina ang ating katawan at 15 minuto na lang sa isang buwan ang kaya nating gugulin sa pagpapatotoo, dapat pa rin itong iulat. Bakit? Dahil, kasama ng espiritu at ng kasintahang babae, gustung-gusto nating patuloy na magsabi ng “Halika!” Oo, gusto nating gawin ang ating buong makakaya para makapanatiling regular na mamamahayag ng Kaharian.

17. Sa anu-anong pagkakataon natin dapat ipaabot ang paanyaya ni Jehova?

17 Dapat tayong magsikap na maipaabot ang paanyaya ni Jehova sa bawat pagkakataon, hindi lang kapag iskedyul natin sa pangangaral. Napakalaking pribilehiyo na anyayahan ang mga nauuhaw na ‘pumarito at kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad’ sa iba pang mga pagkakataon​—habang namimili, naglalakbay, nagbabakasyon, nagtatrabaho, o pumapasok sa paaralan. Kahit na higpitan ng mga awtoridad ang ating gawain, mangangaral pa rin tayo pero maingat. Halimbawa, ilang bahay lang ang pupuntahan natin sa isang teritoryo at lilipat na sa ibang lugar o kaya’y gugugol ng mas maraming panahon sa di-pormal na pagpapatotoo.

Patuloy na Magsabi ng “Halika!”

18, 19. Paano mo maipakikita ang pagpapahalaga sa pribilehiyong maging kamanggagawa ng Diyos?

18 Ang espiritu at ang kasintahang babae ay mahigit siyam na dekada nang nagsasabi ng “Halika!” sa sinumang nauuhaw sa tubig ng buhay. Narinig mo na ba ang kapana-panabik nilang paanyaya? Kung gayon, hinihimok kang anyayahan din ang iba.

19 Hindi natin alam kung hanggang kailan ipaaabot ang maibiging paanyaya ni Jehova. Pero kung tutugon tayo dito sa pamamagitan ng pagsasabi ng “Halika!,” magiging mga kamanggagawa tayo ng Diyos. (1 Cor. 3:6, 9) Napakalaking pribilehiyo nga nito! Magpakita sana tayo ng pagpapahalaga sa pribilehiyong ito at ‘laging maghandog sa Diyos ng hain ng papuri’ sa pamamagitan ng pangangaral nang regular. (Heb. 13:15) Patuloy sanang ipaabot ng mga may makalupang pag-asa, kasama ng uring kasintahang babae, ang paanyayang “Halika!” At marami pa sana ang “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad”!

Ano ang Natutuhan Mo?

• Kanino ipinaabot ang paanyayang “halika”?

• Bakit masasabing kay Jehova nagmula ang paanyayang “halika”?

• Ano ang papel ng banal na espiritu sa pagpapaabot ng paanyayang “halika”?

• Bakit dapat nating sikaping maging regular sa ministeryo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Chart/Mga larawan sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Patuloy na Magsabi ng “Halika!”

1914

5,100 mamamahayag

1918

Marami ang mabubuhay sa Paraisong lupa

1922

“Ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian”

1929

Ang tapat na mga nalabi ay nagsabi ng “Halika!”

1932

Bukod sa mga pinahiran, ipinaabot din sa iba ang paanyayang magsabi ng “Halika!”

1934

Inanyayahang mangaral ang uring Jonadab

1935

Nakilala ang “malaking pulutong”

2009

7,313,173 mamamahayag