Huwag Tumingin sa mga Bagay na Walang Kabuluhan!
Huwag Tumingin sa mga Bagay na Walang Kabuluhan!
“Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan; ingatan mo akong buháy sa iyong daan.”—AWIT 119:37.
1. Gaano kahalaga ang kaloob na paningin?
NAPAKAHALAGA ng ating mata! Sa pamamagitan nito, nakikita natin ang kapaligiran—ang bawat detalye at kulay nito. Nakikita rin natin ang ating malalapít na kaibigan o ang nagbabantang panganib. Namamasdan natin ang kagandahan, napahahalagahan ang kahanga-hangang mga nilalang, at nakikita ang katibayan ng pag-iral at kaluwalhatian ng Diyos. (Awit 8:3, 4; 19:1, 2; 104:24; Roma 1:20) At bilang tagapaghatid ng impormasyon sa ating isip, napakahalaga ng paningin para makakuha tayo ng kaalaman tungkol kay Jehova at magkaroon ng pananampalataya sa kaniya.—Jos. 1:8; Awit 1:2, 3.
2. Bakit dapat tayong maging maingat sa ating tinitingnan? Ano ang matututuhan natin sa pagsusumamo ng salmista?
2 Pero puwede rin tayong ipahamak ng ating nakikita. Talagang magkaugnay ang paningin at ang isip, anupat ang mga nakikita natin ay maaaring pumukaw o magpasidhi sa ating mga ambisyon at hangarin. At dahil nabubuhay tayo sa isang mapagpalugod-sa-sarili at masamang daigdig na pinamumunuan ni Satanas, kabi-kabila ang makikitang larawan at advertisement na madaling magpapahamak sa atin—kahit na sulyapan lang natin ang mga ito. (1 Juan 5:19) Hindi nga nakapagtatakang magsumamo sa Diyos ang salmista: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan; ingatan mo akong buháy sa iyong daan.”—Awit 119:37.
Paano Tayo Maaaring Ipahamak ng Ating Mata?
3-5. Anong mga ulat sa Bibliya ang nagpapakitang mapanganib ang magpadala sa nakikita ng mata?
3 Tingnan natin kung ano ang nangyari sa unang babae, si Eva. Sinabi ni Satanas na ‘madidilat ang kaniyang mga mata’ kung kakain siya ng bunga mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Malamang na gustung-gustong malaman ni Eva kung ano ang ibig sabihin ng “madidilat” ang kaniyang mga mata. Lalong naghangad si Eva na kainin ang ipinagbabawal na bunga nang ‘makita niya na ang punungkahoy ay mabuting kainin at na iyon ay kapana-panabik sa mga mata, oo, ang punungkahoy ay kanais-nais na tingnan.’ Ang may-pananabik na pagtingin ni Eva sa punungkahoy ay humantong sa pagsuway niya sa utos ng Diyos. Sumuway rin ang kaniyang asawang si Adan at nagdulot ito ng kapahamakan sa buong sangkatauhan.—Gen. 2:17; 3:2-6; Roma 5:12; Sant. 1:14, 15.
4 Noong panahon ni Noe, may ilang anghel na naimpluwensiyahan din ng kanilang nakita. Sinasabi ng Genesis 6:2: “Napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda; at kumuha sila ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili.” May pagnanasang tiningnan ng mga rebelyosong anghel ang mga anak na babae ng mga tao at nagkaroon sila ng di-likas na paghahangad na sumiping sa mga tao. Ang mga anghel na ito ay nagkaroon ng mararahas na supling. Ang kasamaan ng tao nang panahong iyon ay humantong sa pagpuksa sa sangkatauhan, maliban kay Noe at sa kaniyang pamilya.—Gen. 6:4-7, 11, 12.
5 Makalipas ang ilang siglo, nang “makita” ng Israelitang si Acan ang ilang bagay mula sa nabihag na lunsod ng Jerico, natukso siyang nakawin ang mga ito. Iniutos ng Diyos na sirain Jos. 6:18, 19; 7:1-26) Pinagnasaan ni Acan ang ipinagbabawal sa kaniya.
ang lahat ng bagay sa lunsod na iyon maliban sa ilang bagay na dapat dalhin sa kabang-yaman ni Jehova. Binabalaan ang mga Israelita: ‘Lumayo kayo mula sa bagay na nakatalaga sa pagkapuksa, dahil baka magkaroon kayo ng pagnanasa’ at kunin ang ilan sa mga ito. Nang sumuway si Acan, natalo ang bansang Israel sa lunsod ng Ai, at marami sa kanila ang namatay. Inamin lang ni Acan ang kaniyang pagnanakaw nang masukol na siya. “Nang makita ko” ang magagandang bagay, ang sabi ni Acan, “ninasa ko nga ang mga iyon, at kinuha ko.” Ang pagnanasa ng mata ay humantong sa kaniyang pagkapuksa, kasama “ang lahat ng bagay na kaniya.” (Kailangan ang Disiplina sa Sarili
6, 7. Alin sa “mga pakana” ni Satanas ang kadalasang ginagamit para siluin tayo? Paano masasabing ginagamit ito ng mga advertiser?
6 Ang paraan ng panunukso kay Eva, sa masuwaying mga anghel, at kay Acan, ang siya pa ring ginagamit para tuksuhin ang mga tao sa ngayon. Sa lahat ng “mga pakana” na ginagamit ni Satanas para iligaw ang mga tao, “ang pagnanasa ng mga mata” pa rin ang pinakamahirap paglabanan. (2 Cor. 2:11; 1 Juan 2:16) Alam na alam ng mga advertiser na madaling maakit ang mga tao sa kanilang nakikita. “Sa lahat ng pandamdam, pinakamadaling maakit ang mga mata,” ang sabi ng isang Europeong eksperto sa pagbebenta. “Daig na daig nito ang iba pang pandamdam, at nahihikayat nito ang mga tao na gumawa ng isang bagay na alam nilang mali.”
7 Hindi nga kataka-takang maglitawan ang iba’t ibang larawan na may-katusuhang dinisenyo ng mga advertiser para hikayatin tayong tangkilikin ang kanilang mga produkto at serbisyo! Isang mananaliksik sa Estados Unidos ang nag-aral kung paano nakakaimpluwensiya ang mga advertisement. Sinabi niyang ito’y “dinisenyo hindi lang para magbigay ng impormasyon, kundi higit sa lahat, para pumukaw ng damdamin at mapakilos ang mga nanonood.” Ang mahahalay na larawan ay isa sa madalas na ginagamit. Napakahalaga nga, kung gayon, na maging maingat sa ating tinitingnan at ipinapasok sa ating isip at puso!
8. Paano idiniriin ng Bibliya na kailangan nating bantayan ang ating mata?
8 Ang mga tunay na Kristiyano ay apektado rin ng pagnanasa ng mga mata at ng laman. Kaya naman hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na disiplinahin ang ating sarili may kinalaman sa ating tinitingnan at hinahangad. (1 Cor. 9:25, 27; basahin ang 1 Juan 2:15-17.) Alam ng matuwid na si Job na talagang magkaugnay ang pagtingin at ang paghahangad. Sinabi niya: “Nakipagtipan ako sa aking mga mata. Kaya paano ako makapagbibigay-pansin sa isang dalaga?” (Job 31:1) Hindi lang iniwasan ni Job na humawak sa isang babae nang may malisya; ni hindi niya hinayaang maglaro sa isip niya ang bagay na ito. Idiniin ni Jesus na dapat panatilihing malinis ang isipan mula sa imoral na mga bagay nang sabihin niya: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.”—Mat. 5:28.
Walang-Kabuluhang mga Bagay na Dapat Iwasan
9. (a) Bakit kailangang maging maingat tayo sa paggamit ng Internet? (b) Ano ang puwedeng maging resulta ng kahit isang sulyap lang sa pornograpya?
9 Sa ngayon, nagiging karaniwan na lang ang ‘patuloy na pagtingin’ sa pornograpya, partikular na sa Internet. Hindi tayo naghahanap ng ganitong mga site—tayo ang hinahanap ng mga ito! Paano? Baka bigla na lang lumitaw sa computer ang isang advertisement na may mapang-akit na larawan; o isang e-mail na mukhang okey naman pero nang mabuksan ay isa palang napakahalay na larawang dinisenyo para bumihag ng mata. Kahit isang sulyap lang bago ito i-delete ng isa, naiwan na sa isip niya ang larawang iyon. Ang saglit na pagtingin sa pornograpya ay may mapapait na bunga. Uusigin siya ng kaniyang budhi at mahihirapan Efeso 5:3, 4, 12; Col. 3:5, 6.
siyang burahin sa isip ang imoral na mga eksenang nakita niya. Mas masahol pa, kapag sinasadya na ng isa ang ‘patuloy na pagtingin,’ kailangan na niyang patayin sa kaniyang puso ang mga bawal na pagnanasa.—Basahin ang10. Bakit madaling mabiktima ng pornograpya ang mga bata? Ano ang puwedeng maging epekto nito sa kanila?
10 Dahil likas na mausisa ang mga bata, posibleng maakit sila sa pornograpya. Kapag nangyari iyan, baka magkaroon ito ng pangmatagalang epekto sa kanilang pangmalas sa sekso. Ayon sa isang ulat, maaaring kabilang sa mga epektong ito ang pagkakaroon ng pilipit na pamantayan sa sekso at ang “problema sa pagpapanatili ng maligaya at maibiging pakikipag-ugnayan sa iba; maling pangmalas sa kababaihan; at posibleng pagkaadik sa pornograpya, na makasisira sa pag-aaral, pakikipagkaibigan at pakikisama sa pamilya.” At posibleng mas malala pa ang epekto nito kapag may asawa na sila.
11. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang mapanganib ang pagtingin sa pornograpya.
11 “Sa lahat ng bisyo ko bago ako naging Saksi, pornograpya ang pinakamahirap alisin,” ang sabi ng isang brother. “Kung minsan, bigla ko na lang naiisip ang mga larawang iyon—dahil sa isang partikular na amoy, musika, bagay, o kahit wala namang dahilan. Araw-araw ko itong pinaglalabanan.” Isang brother naman ang nagsabi na noong bata pa siya, tinitingnan niya ang mahahalay na larawan sa mga magasin ng tatay niyang di-Saksi kapag wala ang mga magulang niya. Sinabi niya: “Napakasama ng epekto ng mga larawang iyon sa aking murang isipan! Kahit ngayon, 25 taon na ang nakalilipas, nakatatak pa rin sa utak ko ang ilan sa mga iyon. Anuman ang gawin ko, hindi pa rin ito mabura-bura. Kahit iniiwasan kong isipin ang mga iyon, inuusig pa rin ako ng budhi ko.” Isa ngang katalinuhan na huwag tumingin sa walang-kabuluhang mga bagay para hindi magkaroon ng gayong mga dalahin sa dibdib! Paano ito magagawa ng isa? Kailangan niyang dalhin “sa pagkabihag ang bawat kaisipan upang gawin itong masunurin sa Kristo.”—2 Cor. 10:5.
12, 13. Anong walang-kabuluhang mga bagay ang hindi dapat tingnan ng mga Kristiyano, at bakit?
12 Ang isa pang “walang-kabuluhang” bagay na dapat iwasan ay ang mga libangang nagtataguyod ng materyalismo o okulto o nagtatampok ng karahasan, pagdanak ng dugo, at pagpatay. (Basahin ang Awit 101:3.) Pananagutan ng mga magulang kay Jehova na maging mapamili sa mga pinanonood sa kanilang bahay. Siyempre pa, hindi sasadyain ng isang tunay na Kristiyano na makisangkot sa espiritismo. Pero kailangan pa ring maging alisto ang mga magulang sa mga pelikula, serye sa TV, video game, at maging sa mga komiks at pambatang aklat na nagtatampok ng mahiwagang kapangyarihan.—Kaw. 22:5.
13 Bata man tayo o matanda, ang ating mata ay hindi dapat masiyahan sa mga video game at pelikulang nagtatampok ng karahasan at madudugong patayan na parang totoong-totoo. (Basahin ang Awit 11:5.) Huwag nating itutok ang ating isip sa anumang gawaing hinahatulan ni Jehova. Tandaan, pinupuntirya ni Satanas ang ating isipan. (2 Cor. 11:3) Kung malaking panahon ang ginugugol natin kahit sa malilinis na libangan, maaagaw nito ang panahon na para sana sa ating pampamilyang pagsamba, araw-araw na pagbabasa ng Bibliya, at paghahanda para sa mga pulong.—Fil. 1:9, 10.
Tularan ang Halimbawa ni Jesus
14, 15. Ano ang kapansin-pansin sa ikatlong panunukso ni Satanas kay Kristo? Paano ito napagtagumpayan ni Jesus?
14 Nakalulungkot, hindi natin maiiwasang makakita ng ilang bagay na walang kabuluhan sa masamang daigdig na ito. Naging hamon din ito maging kay Jesus. Nang tuksuhin ni Satanas si Jesus sa ikatlong pagkakataon, “dinala siya ng Diyablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian.” (Mat. 4:8) Bakit ito ginawa ni Satanas? Tiyak na gusto niyang samantalahin ang malakas na impluwensiya ng mata. Baka nga naman kapag nakita ni Jesus ang mariringal na kaharian ng sanlibutan ay maghangad itong maging tanyag. Paano tumugon si Jesus?
15 Hindi pinansin ni Jesus ang nakatutuksong alok na ito. Hindi niya ipinasok sa kaniyang puso ang mga maling hangarin. At ni hindi niya kinailangang mag-isip muna bago tanggihan ang alok ng Diyablo. Agad na tumugon si Jesus. “Lumayas ka, Satanas!” iniutos niya. (Mat. 4:10) Nakatuon ang pansin ni Jesus sa kaniyang kaugnayan kay Jehova at tumugon siya ayon sa kaniyang layunin sa buhay—ang paggawa ng kalooban ng Diyos. (Heb. 10:7) Ang resulta? Napagtagumpayan ni Jesus ang tusong pakana ni Satanas.
16. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesus sa paglaban sa mga tukso ni Satanas?
16 Marami tayong matututuhan sa halimbawa ni Jesus. Una, walang makakaiwas sa mga taktika ni Satanas. (Mat. 24:24) Ikalawa, anumang bagay na pinagtutuunan ng ating mata ay maaaring magpasidhi sa hangarin ng ating puso, mabuti man ito o masama. Ikatlo, madalas na ginagamit ni Satanas “ang pagnanasa ng mga mata” para iligaw tayo. (1 Ped. 5:8) At ikaapat, malalabanan din natin si Satanas, lalo na kung agad tayong kikilos.—Sant. 4:7; 1 Ped. 2:21.
Panatilihing “Simple” ang Inyong Mata
17. Bakit isang katalinuhan na patiunang pag-isipan ang ating gagawin bago pa man dumating ang tukso?
17 Sa ating pag-aalay kay Jehova, taimtim din tayong nangako na iiwasan natin ang anumang bagay na walang kabuluhan. Yamang may panata tayong gawin ang kalooban ng Diyos, nakikiisa tayo sa salmista sa pagsasabi: “Pinigilan ko ang aking mga paa mula sa lahat ng masamang landas, sa layuning matupad ko ang iyong salita.” (Awit 119:101) Isang katalinuhan na patiunang pag-isipan ang ating gagawin bago pa man dumating ang tukso. Niliwanag na sa atin kung ano ang mga bagay na hinahatulan ng Kasulatan. Hindi masasabing wala tayong alam sa mga pakana ni Satanas. Kailan tinukso si Jesus na gawing tinapay ang mga bato? Noong ‘nagugutom’ siya matapos ang 40 araw at gabing pag-aayuno. (Mat. 4:1-4) Alam ni Satanas kung kailan tayo mahina at madaling madaig ng tukso. Kaya ngayon na ang panahon para pag-isipan ang mga bagay na ito. Huwag na itong ipagpabukas pa! Kung araw-araw nating iisipin ang ating panata sa pag-aalay kay Jehova, titibay ang determinasyon nating iwasan ang anumang bagay na walang kabuluhan.—Kaw. 1:5; 19:20.
18, 19. (a) Ano ang pagkakaiba ng “simple” at ng “balakyot” na mata? (b) Bakit mahalagang patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na may kabuluhan? Anong payo ang ibinibigay ng Filipos 4:8 tungkol dito?
18 Araw-araw, napapaharap tayo sa napakaraming tukso na lalo pang nagiging kaakit-akit sa mata. Higit kailanman, lalo nang dapat sundin ngayon ang payo ni Jesus na panatilihing “simple” ang ating mata. (Mat. 6:22, 23) Ang ‘simpleng’ mata ay nakapokus sa isang layunin—ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Samantala, ang “balakyot” na mata naman ay tuso, mapag-imbot, at naaakit sa mga bagay na walang kabuluhan.
19 Tandaan, ang nakikita natin ay pumapasok sa ating isip at tumatagos sa ating puso. Kaya nga napakaimportanteng patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na may kabuluhan. (Basahin ang Filipos 4:8.) Oo, patuloy sana tayong makiisa sa panalangin ng salmista: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.” At habang nagsisikap tayong gumawi ayon sa panalanging iyan, makaaasa tayong ‘iingatan tayong buháy ni Jehova sa kaniyang daan.’—Awit 119:37; Heb. 10:36.
Bilang Repaso
• Sa anong paraan magkakaugnay ang mata, isip, at puso?
• Ano ang mga panganib ng pagtingin sa pornograpya?
• Bakit mahalagang panatilihing “simple” ang mata?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 23]
Anong walang-kabuluhang mga bagay ang hindi dapat tingnan ng mga Kristiyano?