Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binibigyan ng Kapangyarihang Mapagtagumpayan ang Anumang Pagsubok

Binibigyan ng Kapangyarihang Mapagtagumpayan ang Anumang Pagsubok

Binibigyan ng Kapangyarihang Mapagtagumpayan ang Anumang Pagsubok

“Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—FIL. 4:13.

1. Bakit napapaharap sa maraming kapighatian ang bayan ni Jehova?

ANG bayan ni Jehova ay dumaranas ng iba’t ibang uri ng kapighatian. Ang ilang pagsubok ay dahil sa ating di-kasakdalan o dahil sa masamang sistemang kinabubuhayan natin. Ang iba naman ay dahil sa alitan sa pagitan ng mga lingkod ng Diyos at ng mga hindi lingkod ng Diyos. (Gen. 3:15) Noon pa man, tinutulungan na ng Diyos ang kaniyang tapat na mga lingkod na makayanan ang pag-uusig, mapaglabanan ang panggigipit ng mga kasama, at mabata ang lahat ng iba pang kapighatian. Matutulungan tayo ng kaniyang banal na espiritu na magawa rin iyon.

Para Makayanan ang Pag-uusig

2. Ano ang layunin ng pag-uusig? Ano ang ilang uri nito?

2 Ang pag-uusig ay panliligalig o pananakit sa mga tao dahil sa kanilang relihiyon o mga paniniwala. Layunin nitong buwagin ang gayong mga paniniwala, hadlangan ang paglaganap ng mga ito, o sirain ang katapatan ng mga mananampalataya. May iba’t ibang uri ng pag-uusig. Ang ilan ay tuwiran o lantaran; ang iba ay di-namamalayan. Sa Bibliya, inihahambing ang mga pagsalakay ni Satanas sa pagsalakay ng batang leon at ng kobra.​—Basahin ang Awit 91:13.

3. Paano isinasagawa ang tulad-leon at tulad-kobrang pag-uusig?

3 Gaya ng mabangis na leon, si Satanas ay karaniwang sumasalakay nang harapan sa pamamagitan ng karahasan, pagbibilanggo, o pagbabawal. (Awit 94:20) Iniuulat sa Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova ang maraming halimbawa ng gayong pagsalakay. Sa maraming lupain, ang bayan ng Diyos ay pinagmamalupitan ng mga mang-uumog, kung minsan ay sa pangunguna ng mga klerigo o mga panatiko sa pulitika. May ilang naigupo ng ganitong tulad-leong pagsalakay. Gaya ng kobra, ang Diyablo ay palihim ding sumasalakay mula sa mga tagóng lugar para lasunin ang isip ng mga tao at pasunurin sila sa kaniyang kagustuhan. Layunin ng uring ito ng pagsalakay na pahinain o sirain ang ating espirituwalidad. Ngunit sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos, makakayanan natin ang dalawang uring ito ng pag-uusig.

4, 5. Ano ang pinakamahusay na paraan para mapaghandaan ang pag-uusig, at bakit? Magbigay ng halimbawa.

4 Ang pag-iisíp kung paano tayo maaaring pag-usigin ay hindi ang pinakamahusay na paraan para mapaghandaan ito. Ang totoo, hindi natin alam kung ano talaga ang mangyayari, kaya walang gaanong maitutulong ang pagkabahala sa mga bagay na baka hindi naman mangyari. Pero mayroon tayong puwedeng gawin. Napagtiisan ng marami ang pag-uusig dahil binulay-bulay nila ang halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova na nakaulat sa Bibliya, gayundin ang mga turo at halimbawa ni Jesus. Nagpasidhi ito ng pag-ibig nila kay Jehova, at ang pag-ibig na iyon ang nakatulong sa kanila para matiis ang anumang pagsubok.

5 Tingnan natin ang halimbawa ng dalawang sister sa Malawi. Para mapilit silang bumili ng political party card, binugbog sila ng mga mang-uumog, hinubaran, at pinagbantaang hahalayin. May-kasinungalingang sinabi sa kanila na kahit nga ang mga Bethelite ay bumili na rin ng party card. Ano ang sinabi ng mga sister? “Ang Diyos na Jehova lang ang pinaglilingkuran namin. Kaya bumili man ng card ang mga kapatid sa tanggapang pansangay, hindi pa rin kami bibili. Hindi kami makikipagkompromiso, kahit patayin n’yo kami!” Matapos manindigan ang mga sister na iyon, pinalaya na sila.

6, 7. Paano pinalalakas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod para makayanan ang pag-uusig?

6 Binanggit ni apostol Pablo na tinanggap ng mga Kristiyano sa Tesalonica ang katotohanan “sa ilalim ng labis na kapighatian” pero “may kagalakan sa banal na espiritu.” (1 Tes. 1:6) Oo, noon at ngayon, maraming Kristiyanong nakapagtiis ng pag-uusig ang nagsabi na sa kasukdulan ng pagsubok sa kanila, nakadama sila ng panloob na kapayapaan, na bahagi ng bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Gal. 5:22) Ang kapayapaang iyon ang tumulong para mabantayan ang kanilang puso at isip. Oo, ginagamit ni Jehova ang kaniyang aktibong puwersa para palakasin ang kaniyang mga lingkod na makayanan ang mga pagsubok at kumilos nang may katalinuhan kapag may kapighatian. *

7 Marami ang humahanga sa mga Saksi dahil sa determinasyon nilang manatiling tapat kahit sa harap ng matinding pag-uusig. Parang mayroon silang lakas na higit sa kakayahan ng tao, at totoo iyon. Tiniyak ni apostol Pedro: “Kung dinudusta kayo dahil sa pangalan ni Kristo, kayo ay maligaya, sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian, ang espiritu mismo ng Diyos, ay namamalagi sa inyo.” (1 Ped. 4:14) Kung inuusig tayo dahil sa panghahawakan sa matuwid na mga pamantayan, katibayan ito na nasa atin ang pagsang-ayon ng Diyos. (Mat. 5:10-12; Juan 15:20) Napakalaki ngang kagalakan iyan para sa atin!

Para Mapaglabanan ang Panggigipit ng mga Kasama

8. (a) Ano ang nakatulong kina Josue at Caleb para mapaglabanan ang panggigipit ng mga kasama? (b) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa nina Josue at Caleb?

8 Ang isang di-namamalayang anyo ng pag-uusig sa mga Kristiyano ay ang panggigipit ng mga kasama. Gayunman, dahil mas makapangyarihan ang espiritu ni Jehova kaysa sa espiritu ng sanlibutan, makapaninindigan tayo laban sa mga taong nanunuya sa atin, nagkakalat ng kasinungalingan tungkol sa atin, o pumipilit sa atin na sumunod sa kanilang mga pamantayan. Halimbawa, ano ang nakatulong kina Josue at Caleb para salungatin ang sinabi ng sampung iba pang tiktik na pinapunta sa lupain ng Canaan? Pinakilos sa kanila ng espiritu ni Jehova ang ibang “espiritu,” o takbo ng kaisipan.​—Basahin ang Bilang 13:30; 14:6-10, 24.

9. Bakit hindi dapat matakot ang mga Kristiyano na mapaiba sa karamihan?

9 Pinalakas din ng banal na espiritu ang mga apostol ni Jesus para sundin ang Diyos sa halip na ang itinuturing ng marami na mga guro ng tunay na relihiyon. (Gawa 4:21, 31; 5:29, 32) Ang karamihan ay sumusunod na lang sa agos, wika nga, para wala nang gulo o problema. Pero ang tunay na mga Kristiyano ay kadalasan nang kailangang manindigan sa kung ano ang alam nilang tama. Gayunman, dahil sa lakas na ibinibigay ng aktibong puwersa ng Diyos, hindi sila takót na mapaiba. (2 Tim. 1:7) Talakayin natin ang isang sitwasyon kung saan hindi tayo dapat magpadaig sa panggigipit ng mga kasama.

10. Paano maaaring malagay sa alanganin ang ilang Kristiyano?

10 Baka malagay sa alanganin ang ilang kabataan kapag natuklasan nilang may ginagawang labag sa Bibliya ang isang kaibigan. Maaaring isipin nila na isang pagtataksil sa kanilang kaibigan kung sasabihin nila ito sa mga elder; kaya ang maling pagpapakitang ito ng katapatan ang nag-uudyok sa kanila na manahimik na lang. Baka gipitin pa nga sila ng nagkasala na ilihim ang kaniyang kasalanan. Siyempre pa, hindi lang mga kabataan ang napapaharap sa ganitong problema. May mga adulto rin na atubiling ipagtapat sa mga elder ang kasalanan ng isang kaibigan o kapamilya. Pero ano ang dapat gawin ng mga tunay na Kristiyano kapag may ganitong panggigipit?

11, 12. Ano ang pinakamabuting gawin kapag sinabihan ka ng isang kapatid na ilihim ang kaniyang kasalanan, at bakit?

11 Pag-isipan ang sitwasyong ito. Nalaman ng kabataang si Alex na madalas manood ng pornograpya si Steve, na kaibigan niya sa kongregasyon. Sinabi ni Alex kay Steve na nag-áalalá na siya sa ginagawa nito. Pero binabale-wala lang ito ni Steve. Nang himukin ni Alex si Steve na makipag-usap sa mga elder, sinabi nito na kung talagang magkaibigan sila, hindi siya isusumbong ni Alex. Dapat bang matakot si Alex na mawalan ng kaibigan? Marahil ay iniisip niya na baka hindi siya paniwalaan ng mga elder kapag hindi umamin si Steve. Pero hindi naman makatutulong kung magsasawalang-kibo lang siya. Maaari pa ngang tuluyang masira ang kaugnayan ni Steve kay Jehova. Makabubuting tandaan ni Alex na “ang panginginig sa harap ng mga tao ang siyang nag-uumang ng silo, ngunit siyang nagtitiwala kay Jehova ay ipagsasanggalang.” (Kaw. 29:25) Ano pa ang maaaring gawin ni Alex? Puwede niyang kausapin uli si Steve. Kailangan diyan ang lakas ng loob. Pero baka makinig na ngayon si Steve. Dapat na himukin uli ni Alex si Steve na makipag-usap sa mga elder at sabihin sa kaniya na kung hindi niya gagawin iyon sa loob ng makatuwirang haba ng panahon, siya ang magsasabi sa kanila.​—Lev. 5:1.

12 Sa ganiyang sitwasyon, baka sa simula ay hindi pahalagahan ng iyong kaibigan ang pagsisikap mong makatulong. Pero baka mapag-isip-isip niya na para din iyon sa kabutihan niya. Kung tatanggap ng tulong ang nagkasala, maaaring pasalamatan ka niya sa iyong lakas ng loob at katapatan at hinding-hindi niya ito malilimutan. Kung magagalit siya, panghihinayangan mo ba ang gayong kaibigan? Ang pagpapalugod sa ating pinakadakilang Kaibigan, si Jehova, ang laging tamang gawin. Kung uunahin natin siya, rerespetuhin tayo ng mga umiibig sa kaniya dahil sa ating katapatan at sila’y magiging tunay na mga kaibigan. Huwag na huwag nating bibigyan ng dako ang Diyablo sa loob ng kongregasyon. Kapag ginawa natin iyan, tiyak na mapipighati natin ang banal na espiritu ni Jehova. Pero kumikilos tayo kaayon nito kung pinananatili nating malinis ang kongregasyon.​—Efe. 4:27, 30.

Para Mabata ang Lahat ng Uri ng Kapighatian

13. Anu-anong uri ng kapighatian ang napapaharap sa bayan ni Jehova? Bakit laganap ang mga ito sa ngayon?

13 Maraming uri ng kapighatian​—kahirapan sa buhay, pagkawala ng trabaho, likas na sakuna, pagkamatay ng mahal sa buhay, pagkakasakit, at iba pa. Yamang nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib,” maaasahan natin na lahat tayo ay mapapaharap sa pagsubok. (2 Tim. 3:1) Kapag nangyari iyan, hindi tayo dapat matakot. Mapalalakas tayo ng banal na espiritu na mabata ang anumang uri ng kapighatian.

14. Ano ang nakatulong kay Job na mabata ang mga kapighatian?

14 Sunud-sunod na kapighatian ang dumating kay Job. Nawala ang kaniyang kabuhayan, mga anak, mga kaibigan, at mabuting kalusugan, at nawalan ng tiwala kay Jehova ang kaniyang asawa. (Job 1:13-19; 2:7-9) Pero naging isang tunay na mang-aaliw sa kaniya si Elihu. Ang mensahe ni Elihu, pati na ang diwa ng mensahe ni Jehova kay Job, ay ito: “Tumigil ka at magbigay-pansin ka sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos.” (Job 37:14) Ano ang nakatulong kay Job na mabata ang mga pagsubok? At ano ang makatutulong sa atin na makapagbata? Ito’y ang pag-alaala at pagbubulay-bulay sa iba’t ibang pagkilos ng banal na espiritu at kapangyarihan ni Jehova. (Job 38:1-41; 42:1, 2) Marahil ay naaalaala natin ang mga pagkakataon na damang-dama natin ang malasakit ng Diyos. Nagmamalasakit pa rin siya sa atin hanggang ngayon.

15. Ano ang nagpalakas kay Pablo na mabata ang mga pagsubok?

15 Nagbata si apostol Pablo ng maraming kapighatiang nagsapanganib ng kaniyang buhay alang-alang sa pananampalataya. (2 Cor. 11:23-28) Paano siya nakapagtiis at nakapanatiling matatag sa gayong mahihirap na kalagayan? Lagi siyang nananalangin at umaasa kay Jehova. Sa panahon ng pagsubok na malamang na humantong sa kaniyang kamatayan, sumulat si Pablo: “Ang Panginoon ay tumayong malapit sa akin at nagbigay ng kapangyarihan sa akin, upang sa pamamagitan ko ay magampanan nang lubusan ang pangangaral at marinig ito ng lahat ng mga bansa; at ako ay iniligtas mula sa bibig ng leon.” (2 Tim. 4:17) Kaya batay sa personal na karanasan, masasabi ni Pablo sa mga kapananampalataya na hindi sila dapat “mabalisa sa anumang bagay.”​—Basahin ang Filipos 4:6, 7, 13.

16, 17. Magbigay ng halimbawa kung paano pinalalakas ni Jehova ang kaniyang bayan na maharap ang mga kapighatian sa ngayon.

16 Naranasan ng payunir na si Roxana kung paano pinaglalaanan ni Jehova ang kaniyang bayan. Nang magpaalam siya sa kaniyang amo na magbabakasyon siya nang ilang araw para makadalo sa kombensiyon, pagalít nitong sinabi na sisisantihin siya nito kung dadalo siya. Dumalo pa rin si Roxana, anupat marubdob na nanalanging huwag sana siyang tanggalin sa trabaho. Gumaan ang pakiramdam niya pagkapanalangin. Pero kinalunisan pagkatapos ng kombensiyon, tinotoo ng kaniyang amo ang sinabi nito. Alalang-alala si Roxana. Kailangan niya ang trabahong iyon, kahit maliit lang ang suweldo, para masuportahan ang kaniyang pamilya. Nanalangin ulit siya, at naisip niya na pinaglaanan siya ng Diyos sa espirituwal sa kombensiyong iyon, kaya tiyak na paglalaanan din Niya siya sa materyal. Habang naglalakad pauwi, nakakita siya ng karatulang “Help Wanted” para sa makaranasang mga opereytor ng makinang panahi, at nag-aplay siya. Kahit nalaman ng manedyer na wala siyang karanasan sa gayong trabaho, tinanggap pa rin siya, at halos doble ng dating sahod niya ang suweldo. Nadama ni Roxana na dininig ang panalangin niya. Pero ang pinakamalaking pagpapala sa kaniya ay ang pagkakataong makapangaral sa mga katrabaho niya. Lima sa kanila, pati na ang manedyer, ang tumanggap ng katotohanan at nabautismuhan.

17 Kung minsan, baka parang hindi dinirinig ang mga panalangin natin​—hindi agad-agad o sa paraang inaasahan natin. Siguradong may mabuting dahilan si Jehova. Alam niya iyon, pero baka sa bandang huli na lang natin iyon malalaman. Isang bagay ang matitiyak natin​—hindi pinababayaan ng Diyos ang mga tapat sa kaniya.​—Heb. 6:10.

Para Mapagtagumpayan ang mga Pagsubok at Tukso

18, 19. (a) Bakit inaasahan natin na mapapaharap tayo sa mga pagsubok at tukso? (b) Paano mo mapagtatagumpayan ang mga pagsubok?

18 Talagang inaasahan na ng mga lingkod ni Jehova na mapapaharap sila sa tukso, panghihina ng loob, pag-uusig, at panggigipit ng mga kasama. Napopoot sa atin ang sanlibutan. (Juan 15:17-19) Pero sa tulong ng banal na espiritu, mapagtatagumpayan natin ang anumang pagsubok may kaugnayan sa ating paglilingkod sa Diyos. Hindi hahayaan ni Jehova na tuksuhin tayo nang higit sa matitiis natin. (1 Cor. 10:13) Hinding-hindi niya tayo iiwan o pababayaan. (Heb. 13:5) Napoprotektahan tayo at napatitibay ng pagsunod sa kaniyang kinasihang Salita. Bukod diyan, mauudyukan ng espiritu ng Diyos ang ating mga kapatid na tulungan tayo sa panahon ng kagipitan.

19 Patuloy sana nating hingin ang banal na espiritu sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aaral ng Bibliya. Patuloy sana tayong ‘mapalakas taglay ang buong kapangyarihan ayon sa maluwalhating kalakasan ng Diyos nang sa gayon ay makapagbata nang lubos at magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.’​—Col. 1:11.

[Talababa]

Paano Mo Sasagutin?

• Anong paghahanda ang puwede mong gawin para makayanan ang pag-uusig?

• Ano ang dapat mong gawin kung may magsabi sa iyo na ilihim ang kaniyang pagkakasala?

• Ano ang tinitiyak sa iyo sakaling mapaharap ka sa anumang pagsubok?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 28]

Ano ang matututuhan natin kina Josue at Caleb?

[Larawan sa pahina 29]

Paano mo matutulungan ang isang kaibigang may ginagawang pagkakasala?