Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagpapasalamat na Makapaglingkod kay Jehova sa Kabila ng mga Pagsubok

Nagpapasalamat na Makapaglingkod kay Jehova sa Kabila ng mga Pagsubok

Nagpapasalamat na Makapaglingkod kay Jehova sa Kabila ng mga Pagsubok

Ayon sa salaysay ni Maatje de Jonge-van den Heuvel

AKO ay 98 taóng gulang na. Ang 70 sa mga taóng iyon ay ginugol ko sa paglilingkod kay Jehova sa kabila ng mga pagsubok. Noong Digmaang Pandaigdig II, nabilanggo ako sa kampong piitan. Dahil sa panghihina ng loob, nakagawa ako ng isang desisyong pinagsisihan ko nang dakong huli. Pagkalipas ng ilang taon, napaharap ako sa isa pang masakit na pagsubok. Gayunman, nagpapasalamat pa rin ako kay Jehova sa pribilehiyong makapaglingkod sa kaniya sa kabila ng mga pagsubok.

Nabago ang buhay ko noong Oktubre 1940. Naninirahan ako noon sa Hilversum, isang bayan na mga 24 na kilometro sa timog-silangan ng Amsterdam sa Netherlands. Ang bansa ay nasa ilalim ng pamamahala ng mga Nazi. Limang taon na kaming kasal ni Jaap de Jonge, isang maalalahaning asawa, at mayroon kaming pinakamamahal na anak na babae na tatlong taóng gulang, si Willy. Kapitbahay namin ang isang pamilyang hiráp sa buhay at halos hindi mapakain ang walong anak. Pero nakukuha pa rin nilang magpatirá ng isang binata sa kanilang bahay. ‘Bakit kaya kumuha pa sila ng dagdag na pabigat?’ naisip ko. Nang minsang maghatid ako ng pagkain sa kanila, nalaman kong payunir pala ang binata. Sinabi niya sa akin ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa mga pagpapalang idudulot nito. Naantig ako sa aking natutuhan at agad kong tinanggap ang katotohanan. Noong taon ding iyon, nag-alay ako kay Jehova at nagpabautismo. Pagkaraan ng isang taon, nanindigan din sa katotohanan ang aking asawa.

Bagaman kaunti pa lang ang alam ko sa Bibliya, maliwanag sa akin na nang maging Saksi ako, naging bahagi ako ng isang ipinagbabawal na organisasyon. Alam ko ring marami nang Saksi ang ibinilanggo dahil sa pangangaral tungkol sa Kaharian. Sa kabila nito, nangaral pa rin ako sa bahay-bahay, at naging bukás ang aming tahanan para sa mga payunir at naglalakbay na tagapangasiwa. Ang aming bahay ay naging bodega rin ng mga literatura sa Bibliya, na inihahatid ng mga kapatid mula sa Amsterdam. Ang kanilang mga bisikleta ay kargado ng mga aklat na tinakpan ng trapal. Talagang kahanga-hanga ang pag-ibig at tapang ng mga kapatid na iyon! Handa nilang itaya ang kanilang buhay para sa kanilang mga kapananampalataya.​—1 Juan 3:16.

“Babalik Ka ba Agad, Mommy?”

Mga anim na buwan matapos akong mabautismuhan, tatlong pulis ang pumunta sa bahay namin para maghalughog. Hindi nila nakita ang kabinet na punô ng literatura, pero nakita nila ang ilang aklat na nakatago sa ilalim ng kama namin. Agad nila akong pinasunod sa istasyon ng pulis sa Hilversum. Nang yakapin ko si Willy para magpaalam, nagtanong siya, “Babalik ka ba agad, Mommy?” “Oo, anak,” ang sabi ko, “uuwi agad si Mommy.” Pero 18 buwan pa ang lumipas bago ko siya muling nayakap.

Dinala ako ng isang pulis sa Amsterdam para imbestigahan. Tinanong ako roon kung mga Saksi ni Jehova ang tatlong brother na taga-Hilversum. Sinabi ko: “Isa lang ang kilala ko sa kanila. Siya ang nagrarasyon ng gatas sa amin.” At totoo namang tagapagrasyon ng gatas ang brother na iyon. “Pero kung siya’y Saksi ni Jehova,” dagdag ko, “siya ang tanungin ninyo, huwag ako.” Nang ayoko nang magsalita, sinampal nila ako at ikinulong, na umabot nang dalawang buwan. Nang malaman ng aking asawa kung nasaan ako, dinalhan niya ako ng ilang damit at pagkain. Noong Agosto 1941, dinala ako sa Ravensbrück​—ang kinatatakutang kampong piitan ng mga babae, mga 80 kilometro sa hilaga ng Berlin, Alemanya.

“Huwag Kang Malungkot”

Pagdating namin, sinabihan kami na makakauwi kami kung pipirmahan namin ang isang deklarasyong nagtatakwil sa aming pananampalataya. Siyempre pa, hindi ako pumirma. Kaya kinuha ang aking mga dala-dalahan at pinaghubad ako sa banyo, at doon ko nakilala ang ilang sister na taga-Netherlands. Binigyan kami ng unipormeng may nakatahing lilang tatsulok at ng kani-kaniyang plato, tasa, at kutsara. Noong unang gabi roon, pansamantala kaming inilagay sa isang baraks. Noon na ako napaiyak. “Ano na kaya ang mangyayari? Hanggang kailan ako rito?” naisip ko. Ang totoo, hindi pa ganoon katibay ang kaugnayan ko kay Jehova, dahil ilang buwan pa lang ako sa katotohanan. Napakarami ko pang dapat matutuhan. Kinabukasan sa panahon ng roll call, napansin ng isang sister na Olandes na malungkot ako. Sinabi niya: “Huwag kang malungkot. Walang masamang mangyayari sa atin.”

Pagkatapos ng roll call, inilipat kami sa ibang baraks, at doon ay sinalubong kami ng ilang daang sister mula sa Alemanya at Netherlands. Ang ilan sa mga sister na Aleman ay mahigit isang taon na roon. Napatibay ako ng pakikisama sa kanila​—hindi na ako nalulungkot. Humanga rin ako sa baraks na tinitirhan ng mga sister dahil di-hamak na mas malinis ito kaysa sa ibang mga baraks sa kampo. Balita rin na walang nagnanakaw, nagmumura, o nag-aaway roon. Sa kabila ng napakahirap na kalagayan sa kampo, ang aming baraks ay parang isang malinis na isla sa gitna ng maruming dagat.

Buhay sa Kampo

Sa kampo, sagad-sagaran ang aming trabaho pero kulang na kulang naman ang aming pagkain. Kailangan naming gumising nang alas singko ng umaga para sa roll call. Pinatatayo kami sa labas nang mga isang oras, umulan man o umaraw. Pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho, magro-roll call ulit pagdating ng alas singko ng hapon. Pagkaraan, kakain kami ng sopas at tinapay at saka matutulog nang patáng-patâ ang katawan.

Araw-araw maliban kung Linggo, pinagtatrabaho ako sa bukid para maggapas ng trigo, maglimas ng kanal, at maglinis ng kulungan ng baboy. Bagaman mabigat at marumi ang trabaho, nakakaya ko iyon dahil bata pa ako noon at malakas pa. Bukod diyan, kumakanta ako ng mga awit na may mensahe ng Bibliya habang nagtatrabaho para mapatibay ang aking sarili. Pero araw-araw ko pa ring pinananabikan ang aking asawa’t anak.

Kakaunti lang ang pagkaing ibinibigay sa amin, pero sinisikap naming magtabi ng kahit isang pirasong tinapay araw-araw para may ekstra kaming pagkain kung Linggo, kapag nagtitipon kami para pag-usapan ang mga paksa sa Bibliya. Wala kaming mga literatura, pero nakikinig akong mabuti sa nakatatandang mga sister na Aleman habang nagpapaliwanag sila tungkol sa Bibliya. Nakapagdaraos pa nga kami ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo.

Lungkot, Pagsisisi, at Pampatibay-Loob

Kung minsan, inuutusan kaming gumawa ng mga bagay na may kaugnayan sa pakikipagdigma ng mga Nazi. Pero dahil neutral kami sa pulitika, tumatanggi ang lahat ng sister na sundin ito, at naging halimbawa sa akin ang kanilang lakas ng loob. Bilang parusa, ilang araw kaming walang pagkain at ilang oras na nakatayo kapag nagro-roll call. Minsan, sa panahon ng taglamig, ikinulong kami nang 40 araw sa isang baraks na walang heater.

Bilang mga Saksi ni Jehova, paulit-ulit kaming sinasabihan na palalayain kami kung pipirma kami sa isang deklarasyong nagtatakwil sa aming pananampalataya. Pagkatapos ng mahigit isang taon sa Ravensbrück, labis akong pinanghinaan ng loob. Tumindi ang pananabik kong makita ang aking asawa’t anak kaya lumapit ako sa mga guwardiya, humingi ako ng form na iyon na nagsasabing hindi na ako Estudyante ng Bibliya at pinirmahan ko iyon.

Nang malaman ng mga sister ang ginawa ko, iniwasan ako ng ilan. Pero dalawang may-edad nang sister na Aleman, sina Hedwig at Gertrud, ang lumapit sa akin at nagsabing mahal pa rin nila ako. Habang magkakasama kaming nagtatrabaho sa mga kulungan ng baboy, may-kabaitan nilang ipinaliwanag sa akin na mahalagang manatiling tapat kay Jehova at na maipakikita namin ang pag-ibig sa kaniya kung hindi kami makikipagkompromiso. Labis akong naantig ng kanilang pagmamalasakit at pagmamahal. * Alam kong mali ang ginawa ko, at gusto kong bawiin ang aking deklarasyon. Isang gabi, sinabi ko sa isang sister ang desisyon kong bawiin ang aking pinirmahan. Malamang na narinig ng isang opisyal ng kampo ang pag-uusap namin dahil nang mismong gabing iyon, kaagad akong pinalaya at pinabalik sa Netherlands sakay ng tren. Ang isa sa mga superbisor​—tandang-tanda ko pa ang mukha niya​—ay nagsabi sa akin, “Bibelforscher (Estudyante ng Bibliya) ka pa rin, at mananatili kang gayon.” Sumagot ako, “Opo, kung loloobin ni Jehova.” Pero naiisip ko pa rin, ‘Paano ko kaya mababawi ang deklarasyong iyon?’

Ang isa sa mga punto sa deklarasyon ay nagsasabi: “Sa pamamagitan nito ay tinitiyak kong hindi na ako kailanman magiging aktibo sa International Bible Students Society.” Alam ko na ang gagawin ko! Noong Enero 1943, nang makauwi na ako, muli akong nakibahagi sa pangangaral. Siyempre pa, kapag nahuli uli ako ng mga Nazi na nangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos, mas matindi ang magiging parusa sa akin.

Para lalong maipakita kay Jehova ang taimtim kong hangarin na maging tapat na lingkod niya, ipinasiya naming mag-asawa na muling buksan ang aming tahanan para sa mga tagapaghatid ng literatura at mga naglalakbay na tagapangasiwa. Laking pasasalamat ko na binigyan pa ako ng pagkakataong mapatunayan ang pag-ibig ko kay Jehova at sa kaniyang bayan!

Isang Masakit na Pagsubok

Ilang buwan pagkatapos ng digmaan, napaharap kaming mag-asawa sa isang masakit na pagsubok. Noong Oktubre 1944, biglang nagkasakit ang aming anak. Nagkadipterya si Willy. Mabilis siyang nanghina, at pagkaraan ng tatlong araw, namatay siya. Pitong taóng gulang pa lang siya noon.

Napakasakit sa amin ang pagkamatay ng kaisa-isa naming anak. Ang totoo, bale-wala ang mga pagsubok na naranasan ko sa Ravensbrück kung ikukumpara sa sakit na nadama ko nang mamatay ang aming anak. Pero kapag namimighati kami, naaaliw kami sa mga salita ng Awit 16:8: “Lagi kong inilalagay si Jehova sa harap ko. Sa dahilang siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.” Matibay ang pananalig naming mag-asawa sa pagkabuhay-muli na ipinangako ni Jehova. Patuloy kaming nanghawakan sa katotohanan at naging masigasig sa pangangaral ng mabuting balita. Talagang tinulungan ako ng aking asawa na maglingkod kay Jehova nang may pasasalamat hanggang sa mamatay siya noong 1969.

Mga Pagpapala at Kagalakan

Noong nakalipas na mga dekada, nagdulot sa akin ng malaking kagalakan ang malapít na pakikipagsamahan sa mga nasa buong-panahong paglilingkod. Gaya noong panahon ng digmaan, ang aming tahanan ay laging bukás para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa at sa kani-kanilang asawa kapag dumadalaw sila sa aming kongregasyon. Ang isa sa mga mag-asawang ito, sina Maarten at Nel Kaptein, ay nakitira pa nga sa amin nang 13 taon! Noong magkasakit nang malubha si Nel, tatlong buwan ko siyang inalagaan sa aming bahay hanggang sa kaniyang kamatayan. Ang pakikipagsamahan sa kanila at sa iba pang mahal na mga kapatid ay tumulong sa akin na masiyahan sa espirituwal na paraisong tinatamasa natin ngayon.

Ang isa sa pinakamasayang pangyayari sa buhay ko ay noong 1995​—nang anyayahan ako sa isang reunyon sa Ravensbrück. Muli kaming nagkita-kita ng mga sister na nakasama ko sa kampo na mahigit 50 taon ko nang hindi nakikita! Isang di-malilimutan at napakasayang karanasan ang muli silang makasama. Nagkaroon din kami ng pagkakataong patibayin ang isa’t isa na asamin ang pagkabuhay-muli ng aming namatay na mga mahal sa buhay.

Sa Roma 15:4, sinabi ni apostol Pablo na “sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pag-asang ito, na tumulong sa akin na makapaglingkod sa kaniya sa kabila ng mga pagsubok.

[Talababa]

^ par. 19 Noong panahong iyon, palibhasa’y walang pakikipag-ugnayan sa punong-tanggapan, ang mga kapatid ay may iba-ibang pananaw tungkol sa neutralidad. Kaya naman iba-iba rin ang reaksiyon nila may kaugnayan sa isyung ito.

[Larawan sa pahina 10]

Kasama si Jaap, noong 1930

[Larawan sa pahina 10]

Ang aming anak na si Willy, pitong taóng gulang

[Larawan sa pahina 12]

Noong 1995, dumalo ako sa isang napakasayang reunyon. Nasa unahan ako, pangalawa mula sa kaliwa