Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Samantalahin ang Iyong Pagiging Walang Asawa

Samantalahin ang Iyong Pagiging Walang Asawa

Samantalahin ang Iyong Pagiging Walang Asawa

“Siya na makapaglalaan ng dako para rito ay maglaan ng dako para rito.”​—MAT. 19:12.

1, 2. (a) Ano ang pangmalas ni Jesus, ni Pablo, at ng iba pa tungkol sa pagiging walang asawa? (b) Bakit maaaring hindi itinuturing ng ilan na isang kaloob ang pagiging walang asawa?

ANG pag-aasawa ay isa sa pinakamahalagang kaloob ng Diyos sa mga tao. (Kaw. 19:14) Pero marami ring Kristiyanong walang asawa ang may makabuluhan at kasiya-siyang buhay. Si Harold, isang 95-anyos na brother na hindi nag-asawa, ay nagsabi: “Bagaman masaya ako kapag kasama ng iba, hindi naman ako nalulungkot kapag nag-iisa. Palagay ko’y kaloob nga sa akin ang pagiging walang asawa.”

2 Totoo naman, sinabi ni Jesu-Kristo at ni apostol Pablo na ang pagiging walang asawa, gaya rin ng pag-aasawa, ay kaloob mula sa Diyos. (Basahin ang Mateo 19:11, 12; 1 Corinto 7:7.) Gayunman, hindi lahat ng walang asawa ay walang asawa sa dahilang iyon ang pinili nila. Kung minsan, talagang mahirap humanap ng angkop na mapapangasawa. Ang ilan naman, bagaman nakapag-asawa, ay nagdidiborsiyo o namamatayan ng kabiyak. Kung gayon, paano masasabing isang kaloob ang pagiging walang asawa? At paano maaaring samantalahin ng mga Kristiyanong walang asawa ang kanilang kalagayan?

Isang Natatanging Kaloob

3. Anu-ano ang bentaha ng pagiging walang asawa?

3 Ang isa na walang asawa ay kadalasan nang mas maraming panahon at mas malaya kaysa sa may asawa. (1 Cor. 7:32-35) Magagamit niya ang gayong mga bentaha para mapalawak ang kaniyang ministeryo at ang pag-ibig niya sa iba, at para maging mas malapít kay Jehova. Kaya naman marami ang nasisiyahan sa pagiging walang asawa at nagpapasiyang “maglaan ng dako para rito,” kahit pansamantala lang. Ang iba ay maaaring wala namang planong manatiling walang asawa, pero nang magbago ang sitwasyon nila, pinagtimbang-timbang nila ito nang may pananalangin at nakitang sa tulong ni Jehova, maaari din silang makontento sa kanilang kalagayan. Kaya nagpasiya silang paglaanan ng dako ang pagiging walang asawa.​—1 Cor. 7:37, 38.

4. Bakit hindi dapat madama ng mga binata’t dalaga na may anumang kulang sa kanila habang naglilingkod sa Diyos?

4 Alam ng mga binata’t dalagang Kristiyano na hindi nila kailangang mag-asawa para tanggapin sila o pahalagahan ni Jehova o ng kaniyang organisasyon. Mahal tayo ng Diyos bilang mga indibiduwal. (Mat. 10:29-31) Walang sinuman o anumang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. (Roma 8:38, 39) Kaya may asawa man tayo o wala, hindi natin dapat madama na may anumang kulang sa atin habang naglilingkod sa Diyos.

5. Ano ang kailangang gawin para lubusang makinabang sa pagiging walang asawa?

5 Pero gaya ng mga talento sa musika o isport, ang kaloob ng pagiging walang asawa ay kailangang linangin para lubusang mapakinabangan. Kaya paano maaaring samantalahin ng mga walang asawa ang kanilang kalagayan sa buhay​—lalaki man o babae, kabataan o may-edad, pinili man nila ito o hindi? Talakayin natin ang ilang nakapagpapatibay na halimbawa mula sa sinaunang kongregasyong Kristiyano at tingnan kung ano ang ating matututuhan.

Walang Asawa sa Panahon ng Kabataan

6, 7. (a) Ano ang naging pribilehiyo ng mga anak na dalaga ni Felipe? (b) Paano sinamantala ni Timoteo ang kaniyang pagiging walang asawa? Paano siya pinagpala sa kaniyang pagiging handang maglingkod bilang kabataan?

6 Ang ebanghelisador na si Felipe ay may apat na anak na dalaga na masisigasig sa pag-eebanghelyo gaya ng kanilang ama. (Gawa 21:8, 9) Isa sa makahimalang mga kaloob ng banal na espiritu noon ang panghuhula, at ginamit ng mga kabataang iyon ang gayong kaloob bilang katuparan ng Joel 2:28, 29.

7 Sinamantala ng kabataang si Timoteo ang kaniyang pagiging binata. Mula sa pagkasanggol, tinuruan na siya ng kaniyang inang si Eunice at lolang si Loida mula sa “banal na mga kasulatan.” (2 Tim. 1:5; 3:14, 15) Pero malamang na sila’y naging mga Kristiyano noon lang mga 47 C.E., nang unang dumalaw si Pablo sa Listra, na kanilang sariling bayan. Pagkaraan ng dalawang taon, sa ikalawang pagdalaw ni Pablo, si Timoteo ay posibleng mga 20 anyos. Kahit bata pa siya at bago pa sa katotohanan, “may mabuting ulat” na siya mula sa matatanda sa Listra at sa kalapit na Iconio. (Gawa 16:1, 2) Kaya inanyayahan siya ni Pablo na sumama sa kaniyang paglalakbay. (1 Tim. 1:18; 4:14) Hindi natin alam kung nag-asawa si Timoteo. Pero alam natin na bilang kabataan, masaya niyang tinanggap ang paanyaya ni Pablo, at sa loob ng maraming taon, naglingkod siya bilang isang binatang misyonero at tagapangasiwa.​—Fil. 2:20-22.

8. Ano ang nakaimpluwensiya kay Juan Marcos para umabót sa espirituwal na mga tunguhin? Anu-anong pagpapala ang natanggap niya?

8 Sinamantala rin ng kabataang si Juan Marcos ang kaniyang pagiging binata. Siya at ang kaniyang inang si Maria, pati na ang pinsan niyang si Bernabe, ay mga unang miyembro ng kongregasyon sa Jerusalem. Posibleng may kaya sa buhay ang pamilya nina Marcos dahil may bahay sila sa lunsod at may alila. (Gawa 12:12, 13) Pero sa kabila nito, kahit kabataan pa si Marcos, hindi siya naging makasarili o mahilig sa kalayawan; ni nag-isip man siya na mag-asawa na lang at mamuhay nang maalwan. Malamang na dahil sa pakikisama niya noon sa mga apostol, naging interesado siya sa pagmimisyonero. Kaya buong-pananabik siyang sumama kina Pablo at Bernabe sa kanilang unang paglalakbay bilang misyonero at naging tagapaglingkod nila. (Gawa 13:5) Nang maglaon, naglakbay siyang kasama ni Bernabe, at nang dakong huli, naglingkod siyang kasama ni Pedro sa Babilonya. (Gawa 15:39; 1 Ped. 5:13) Hindi natin alam kung gaano katagal nanatiling binata si Marcos. Pero nakilala siya bilang isa na handang maglingkod sa iba at gumawa nang higit pa sa ministeryo.

9, 10. Anong mga oportunidad ang bukás sa mga kabataang walang asawa para mapalawak ang kanilang ministeryo? Magbigay ng halimbawa.

9 Sinasamantala rin ng maraming kabataan sa kongregasyon ngayon ang kanilang pagiging walang asawa para higit na makapaglingkod sa Diyos. Gaya nina Marcos at Timoteo, nakikita nilang may panahon sila sa “palagiang paglilingkod sa Panginoon nang walang abala.” (1 Cor. 7:35) Talagang may bentaha ito. Maraming oportunidad ang bukás​—pagpapayunir, paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, pag-aaral ng ibang wika, pagtulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall o sangay, pag-aaral sa Ministerial Training School, at paglilingkod sa Bethel. Kung kabataan ka pa at walang asawa, sinasamantala mo ba ang mga oportunidad na bukás sa iyo?

10 Si Mark ay nagsimulang magpayunir bago mag-20 anyos, nag-aral sa Ministerial Training School, at naatasang maglingkod sa iba’t ibang bansa. Tungkol sa kaniyang 25-taóng paglilingkod nang buong panahon, sinabi niya: “Sinikap kong patibayin ang mga kapatid sa kongregasyon. Naglilingkod akong kasama nila, dumadalaw sa kanila, nag-iimbitang kumain sa bahay, at nagsasaayos pa nga ng mga salu-salo para magpatibayan. Talagang nakapagpasaya ito sa akin.” Gaya ng ipinakikita ng sinabi ni Mark, wala nang hihigit pa sa kagalakang dulot ng pagbibigay, at kapag ang isa’y naglilingkod sa Diyos nang buong panahon, marami siyang pagkakataon para magbigay sa iba. (Gawa 20:35) Anuman ang iyong interes, kasanayan, o karanasan sa buhay, marami kang puwedeng gawin sa gawain ng Panginoon bilang kabataan.​—1 Cor. 15:58.

11. Ano ang ilang bentaha kapag hindi nagmadali sa pag-aasawa?

11 Bagaman karamihan sa mga kabataan ay gusto rin namang makapag-asawa, may mga dahilan kung bakit hindi sila dapat magmadali. Hinihimok ni Pablo ang mga kabataan na maghintay kahit man lang hanggang sa lumipas ang ‘kasibulan ng kanilang kabataan,’ kung kailan napakatindi ng seksuwal na pagnanasa. (1 Cor. 7:36) Kailangan ng panahon para higit mong makilala ang iyong sarili at magkaroon ng karanasan sa buhay na tutulong sa iyo sa pagpili ng angkop na mapapangasawa. Ang pag-aasawa ay seryosong desisyon at panghabambuhay.​—Ecles. 5:2-5.

Walang Asawa sa Panahon ng Pagkakaedad

12. (a) Paano sinamantala ng balong si Ana ang kaniyang nagbagong kalagayan? (b) Ano ang naging pribilehiyo niya?

12 Si Ana, na binanggit sa Ebanghelyo ni Lucas, ay malamang na lubhang nalungkot nang mamatay ang asawa niya pagkaraan lang ng pitong-taóng pagsasama. Hindi natin alam kung nagkaanak sila o kung naisip ni Ana na mag-asawa uli. Pero iniulat sa Bibliya na balo pa rin siya sa edad na 84. Batay sa ulat ng Bibliya, masasabing ginamit ni Ana ang kaniyang nagbagong kalagayan para higit na mápalapít kay Jehova. Siya’y “hindi kailanman lumiliban sa templo, na nag-uukol ng sagradong paglilingkod gabi at araw na may mga pag-aayuno at mga pagsusumamo.” (Luc. 2:36, 37) Naging pangunahin sa kaniyang buhay ang espirituwal na mga bagay. Kailangan ang determinasyon at pagsisikap para magawa iyon, pero napakalaki naman ng naging gantimpala niya. Nagkapribilehiyo siyang makita ang sanggol na si Jesus at nagpatotoo sa iba tungkol sa pagpapalayang gagawin ng magiging Mesiyas na ito.​—Luc. 2:38.

13. (a) Ano ang nagpapahiwatig na aktibo si Dorcas sa kongregasyon? (b) Paano ginantimpalaan ang kabutihan at kabaitan ni Dorcas?

13 Isang babaing nagngangalang Dorcas, o Tabita, ang nakatira sa Jope, isang sinaunang daungan sa hilagang-kanluran ng Jerusalem. Ipinahihiwatig ng ulat ng Bibliya na wala siyang asawa noon. Si Dorcas ay “nanagana sa mabubuting gawa at mga kaloob ng awa.” Maliwanag na gumawa siya ng maraming kasuutan para sa mga dukhang babaing balo at iba pa, kung kaya napamahal siya sa kanila. Kaya nang bigla siyang magkasakit at mamatay, ipinatawag ng buong kongregasyon si Pedro para pakiusapan siyang buhaying muli ang kanilang mahal na kapatid. Nang mapabalita sa buong Jope ang tungkol sa pagkabuhay-muli ni Dorcas, marami ang nanampalataya. (Gawa 9:36-42) Dahil sa kaniyang pambihirang kabaitan, maaaring natulungan mismo ni Dorcas ang ilan sa kanila.

14. Ano ang nag-uudyok sa mga walang asawa na maging mas malapít kay Jehova?

14 Gaya nina Ana at Dorcas, maraming may-edad sa kongregasyon ang walang asawa. Maaaring ang ilan ay hindi nakakita ng angkop na mapapangasawa. Ang iba naman ay diborsiyado o balo. Palibhasa’y walang asawang mapaghihingahan ng loob, kadalasan nang natututo silang higit na umasa kay Jehova. (Kaw. 16:3) Para kay Silvia, isang dalaga na mahigit 38 taon nang Bethelite, ito’y isang pagpapala. “Kung minsan, nakakasawa rin na laging ako na lang ang nagpapatibay,” inamin niya. “Naiisip ko, ‘Sino naman kaya ang magpapatibay sa akin?’” Pero idinagdag niya: “Dahil nagtitiwala ako na mas alam ni Jehova kung ano ang kailangan ko, mas nagiging malapít ako sa kaniya. At palagi naman akong nakatatanggap ng pampatibay-loob, kung minsan ay mula pa nga sa mga hindi ko inaasahang panggagalingan nito.” Kapag sinisikap nating mas mápalapít kay Jehova, lagi siyang tumutugon sa magiliw at mapagmahal na paraan.

15. Paano maaaring “magpalawak” ng kanilang pag-ibig ang mga walang asawa?

15 Ang pagiging walang asawa ay nagbibigay ng magandang pagkakataon para ‘makapagpalawak’ sa pagpapakita ng pag-ibig. (Basahin ang 2 Corinto 6:11-13.) Si Jolene, isang dalaga na 34 na taon na sa buong-panahong paglilingkod, ay nagsabi: “Sinikap kong mápalapít sa lahat, hindi lang sa mga kaedad ko. Ang pagiging walang asawa ay napakagandang pagkakataon para magbigay kay Jehova, sa pamilya, sa mga kapatid, at sa ibang tao. Habang nagkakaedad ako, mas nasisiyahan ako sa pagiging walang asawa.” Tiyak na pinahahalagahan ng mga may-edad, maysakit, nagsosolong magulang, kabataan, at iba pa sa kongregasyon ang maibiging suporta mula sa mga walang asawa. Oo, kapag nagpapakita tayo ng pag-ibig sa iba, mas maligaya tayo. Maaari ka rin bang “magpalawak” ng iyong pag-ibig sa iba?

Habambuhay na Walang Asawa

16. (a) Bakit nanatiling walang asawa si Jesus? (b) Paano ginamit ni Pablo nang may katalinuhan ang kaniyang pagiging walang asawa?

16 Si Jesus ay hindi nag-asawa; kinailangan niyang paghandaan at gampanan ang ministeryong iniatas sa kaniya. Naglakbay siya sa maraming lugar, gumawa mula madaling-araw hanggang gabi, at nang maglaon ay ibinigay niya ang kaniyang buhay bilang hain. Naging bentaha sa kaniya ang pagiging walang asawa. Si apostol Pablo ay naglakbay nang libu-libong milya at dumanas ng maraming hirap sa ministeryo. (2 Cor. 11:23-27) Bagaman maaaring dati ay may asawa siya, ipinasiya ni Pablo na manatiling walang asawa matapos siyang atasan bilang apostol. (1 Cor. 7:7; 9:5) Pinatibay ni Jesus at ni Pablo ang iba na tularan sila kung posible, alang-alang sa ministeryo. Gayunman, hindi nila sinabing ang mga ministro ay dapat na walang asawa.​—1 Tim. 4:1-3.

17. Paano tinutularan ng ilan sa ngayon sina Jesus at Pablo? Bakit tayo makatitiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang mga gumagawa ng gayong pagsasakripisyo?

17 Maaaring pinili rin ng ilan sa ngayon na huwag nang mag-asawa para mas makapagtuon ng pansin sa ministeryo. Si Harold, na binanggit sa pasimula, ay mahigit 56 na taon nang naglilingkod sa Bethel. “Nang makasampung taon na ako sa Bethel,” ang sabi niya, “napansin kong maraming mag-asawa ang lumalabas sa Bethel dahil sa sakit o dahil kailangan nilang mag-alaga ng may-edad nang magulang. Patay na ang mga magulang ko. Pero mahal na mahal ko ang Bethel at ayokong malagay sa alanganin ang pribilehiyong iyon kung mag-aasawa ako.” Ilang taon na ang nakararaan, sinabi rin ni Margaret, isang matagal nang payunir: “Ilang beses din akong nagkaroon ng pagkakataong makapag-asawa, pero hindi ko iyon napag-ukulan ng panahon. Sa halip, ginamit ko ang aking panahon at kalayaan sa ministeryo, at nagdulot ito sa akin ng malaking kaligayahan.” Tiyak na hindi malilimutan ni Jehova ang sinumang gumagawa ng gayong pagsasakripisyo para sa tunay na pagsamba.​—Basahin ang Isaias 56:4, 5.

Samantalahin ang Iyong Kalagayan

18. Paano mapatitibay at masusuportahan ng iba ang mga walang asawa?

18 Ang lahat ng Kristiyanong walang asawa na gumagawa ng buong makakaya para paglingkuran si Jehova ay dapat nating papurihan at patibayin. Mahal natin sila dahil sila’y mga kapatid natin at malaki ang naitutulong nila sa kongregasyon. Hindi sila kailanman makadarama ng lungkot kung ipakikita natin sa kanila na tayo’y kanilang espirituwal na “mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak.”​—Basahin ang Marcos 10:28-30.

19. Paano mo maaaring samantalahin ang iyong pagiging walang asawa?

19 Anuman ang dahilan kung bakit wala kang asawa, sana’y mapatibay ng mga halimbawang ito sa Bibliya at sa modernong panahon ang iyong pagtitiwala na maaari kang magkaroon ng maligaya at makabuluhang buhay. Ang ilang kaloob ay inaasahan; ang iba naman ay hindi. Ang ilan ay nagugustuhan agad; ang iba naman ay sa bandang huli na lang napahahalagahan. Depende iyan sa ating saloobin. Paano mo maaaring samantalahin ang iyong pagiging walang asawa? Maging mas malapít kay Jehova, maging abala sa paglilingkod sa Diyos, at magpalawak ng iyong pag-ibig sa iba. Gaya rin ng pag-aasawa, ang pagiging walang asawa ay magiging tunay na kasiya-siya kung titingnan natin ito ayon sa pangmalas ng Diyos at gagamitin nang may katalinuhan.

Natatandaan Mo Ba?

• Sa anu-anong paraan maaaring maging kaloob ang pagiging walang asawa?

• Bakit isang pagpapala ang pagiging walang asawa sa panahon ng kabataan?

• Anong mga oportunidad ang bukás sa mga walang asawa para higit na mápalapít kay Jehova at makapagpalawak ng kanilang pag-ibig?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 18]

Sinasamantala mo ba ang iyong mga oportunidad na makapaglingkod sa Diyos?