Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag Linlangin ang Sarili sa Maling Pangangatuwiran

Huwag Linlangin ang Sarili sa Maling Pangangatuwiran

Huwag Linlangin ang Sarili sa Maling Pangangatuwiran

“ANO itong ginawa mo?” ang tanong ng Diyos kay Eva matapos nitong kainin ang bunga ng ipinagbabawal na punungkahoy. “Ang serpiyente​—nilinlang ako nito kung kaya ako kumain,” ang sagot niya. (Gen. 3:13) Si Satanas, ang tusong serpiyente na humimok sa kaniya na suwayin ang Diyos, ay tinawag nang maglaon na “orihinal na serpiyente, . . . na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.”​—Apoc. 12:9.

Ipinakikita ng ulat na ito sa Genesis na si Satanas ay tuso, isa na kumakatha ng kasinungalingan para linlangin ang mga di-mapagbantay. Talagang napaniwala niya si Eva. Pero huwag nating isiping si Satanas lang ang makapanlilinlang sa atin. Nagbabala rin ang Bibliya tungkol sa panganib na ‘linlangin natin ang ating sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran.’​—Sant. 1:22.

Baka isipin natin na malayong mangyari o imposible pa nga na linlangin natin ang ating sarili. Pero maliwanag na may dahilan kung bakit ibinigay ang babalang ito. Kaya makabubuting isaalang-alang kung paano natin posibleng malinlang ang ating sarili at kung anong maling pangangatuwiran ang makapagliligaw sa atin. Matutulungan tayo ng isang halimbawa sa Bibliya.

Nilinlang Nila ang Kanilang Sarili

Noong mga taóng 537 B.C.E., pinahintulutan ni Cirong Dakila ng Persia ang mga Judiong bihag sa Babilonya na bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang templo. (Ezra 1:1, 2) Nang sumunod na taon, kaayon ng layunin ni Jehova, inilatag ng bayan ang mga pundasyon para sa isang bagong templo. Sila ay nagsaya at pumuri kay Jehova dahil pinagpala niya ang pasimula ng mahalagang proyektong ito. (Ezra 3:8, 10, 11) Pero di-nagtagal, may mga sumalansang sa kanilang pagtatayo kung kaya nasiraan ng loob ang bayan. (Ezra 4:4) Mga 15 taon pagkabalik nila, ipinagbawal ng mga awtoridad ng Persia ang pagtatayo sa Jerusalem. Para ipatupad ang pagbabawal, may mga opisyal ng rehiyon na dumating sa Jerusalem at “pinahinto [ang mga Judio] sa pamamagitan ng lakas ng sandata.”​—Ezra 4:21-24.

Sa harap ng malaking problemang ito, nilinlang ng mga Judio ang kanilang sarili sa maling pangangatuwiran. “Ang panahon ay hindi pa dumarating, ang panahon ng bahay ni Jehova, upang iyon ay itayo,” ang sabi nila sa kanilang sarili. (Hag. 1:2) Inakala nilang ayaw pa ng Diyos na maitayo ang templo. Sa halip na humanap ng paraan para magawa ang kalooban niya, iniwan nila ang kanilang sagradong atas at nagpakaabala sa pagpapaganda ng kani-kanilang bahay. Deretsahan silang tinanong ng propeta ng Diyos na si Hagai: “Ito ba ang panahon upang tumahan kayo sa inyong mga bahay na may mga entrepanyo, samantalang ang bahay na ito [ang templo ni Jehova] ay giba?”​—Hag. 1:4.

May matututuhan ka ba sa halimbawang ito? Ang maling pangmalas sa panahon kung kailan matutupad ang layunin ng Diyos ay maaaring maging dahilan para mawala ang ating pagpapahalaga sa espirituwal na mga gawain at magambala tayo ng personal na mga bagay. Halimbawa, ipagpalagay nang may inaasahan kang mga bisita. Dahil sa pananabik, abalang-abala ka sa paghahanda ng mga bagay na kakailanganin nila. Pero maya-maya, tumanggap ka ng pasabi na maaantala sila. Ititigil mo na ba ang paghahanda?

Alalahanin na tinulungan nina Hagai at Zacarias ang mga Judio na maunawaang gusto pa rin ni Jehova na maitayo agad ang templo. “Magpakalakas kayo, kayong buong bayan ng lupain, . . . at gumawa kayo,” ang sabi ni Hagai. (Hag. 2:4) Kailangan nilang ipagpatuloy ang gawain at magtiwalang tutulungan sila ng espiritu ng Diyos. (Zac. 4:6, 7) Matutulungan ba tayo ng halimbawang ito para huwag magkaroon ng maling konklusyon tungkol sa araw ni Jehova?​—1 Cor. 10:11.

Palitan ng Malinaw na Pag-iisip ang Maling Pangangatuwiran

Sa kaniyang ikalawang liham, tinalakay ni apostol Pedro ang tungkol sa talaorasan ni Jehova para sa pagtatatag ng “mga bagong langit at isang bagong lupa.” (2 Ped. 3:13) Binanggit niya na ang ilang manunuya ay nagbabangon ng pag-aalinlangan kung makikialam ba ang Diyos sa buhay ng mga tao. Sinasabi nila na walang mangyayari, na “ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.” (2 Ped. 3:4) Kinontra ni Pedro ang gayong maling pangangatuwiran. Sumulat siya: “Ginigising ko ang inyong malinaw na kakayahan sa pag-iisip sa pamamagitan ng paalaala.” Ipinaalaala niya sa mga kapuwa Kristiyano na mali ang mga manunuyang iyon. Nakialam na noon ang Diyos sa buhay ng mga tao, anupat nagpasapit ng kapaha-pahamak na pangglobong delubyo.​—2 Ped. 3:1, 5-7.

Kahawig nito ang ipinayo ni Hagai sa mga Judiong nasiraan ng loob at huminto sa paggawa noong 520 B.C.E. Hinimok niya sila: “Ituon ninyo ang inyong puso sa inyong mga lakad.” (Hag. 1:5) Para gisingin ang kanilang kakayahan sa pag-iisip, ipinaalaala niya ang mga layunin at pangako ng Diyos may kaugnayan sa Kaniyang bayan. (Hag. 1:8; 2:4, 5) Di-nagtagal matapos mapatibay, muli nilang sinimulan ang pagtatayo sa kabila ng pagbabawal. Minsan pang tinangka ng mga kaaway na patigilin ang proyekto, pero nabigo sila. Inalis ang pagbabawal, at natapos ang templo sa loob ng limang taon.​—Ezra 6:14, 15; Hag. 1:14, 15.

Ituon ang Ating Puso sa Ating mga Lakad

Gaya ng mga Judio noong panahon ni Hagai, posible rin kayang masiraan tayo ng loob kapag napaharap sa mga problema? Sakaling mangyari iyan, baka mahirapan tayong mapanatili ang sigasig sa pangangaral ng mabuting balita. Pero ano kaya ang maaaring makasira ng ating loob? Baka maging biktima tayo ng kawalang-katarungan sa sistemang ito. Alalahanin si Habakuk, na nagtanong: “Hanggang kailan ako daraing sa iyo, at di mo diringgin? Hanggang kailan mo babayaang mamayani ang karahasan?” (Hab. 1:2, Magandang Balita Biblia) Dahil sa iniisip ng ilan na pagkaantala, baka ang isang Kristiyano ay hindi na makadama ng pagkaapurahan at unahin na lang ang pagkakaroon ng komportableng buhay. Posible kayang mangyari iyan sa iyo? Kung ganito ang ating pangangatuwiran, nililinlang natin ang ating sarili. Napakahalaga ngang sundin ang payo ng Bibliya na ‘ituon ang ating puso sa ating mga lakad’ at ‘gisingin ang ating malinaw na kakayahan sa pag-iisip’! Maitatanong natin, ‘Dapat ba akong magtaka kung ang sistemang ito ng mga bagay ay mas nagtatagal kaysa sa inaasahan ko?’

Isang Panahon ng Paghihintay Ayon sa Bibliya

Pag-isipan ang sinabi ni Jesus tungkol sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay. Sa ulat ni Marcos tungkol sa hula ni Jesus hinggil sa mga huling araw, si Jesus ay paulit-ulit na nagpapayo sa atin na manatiling gising. (Mar. 13:33-37) Gayunding babala ang binanggit sa makahulang paglalarawan tungkol sa dakilang araw ni Jehova sa Armagedon. (Apoc. 16:14-16) Bakit kaya paulit-ulit ang babala? Kailangan ang gayong mga paalaala kapag nanganganib na maiwala ang pagkaapurahan dahil sa pagkainip.

Ipinakita ni Jesus kung bakit kailangan nating patuloy na magpuyat habang hinihintay ang wakas ng sistemang ito. Tinukoy niya ang isang tao na ang bahay ay nilooban. Ano sana ang ginawa niya para maiwasan iyon? Nanatili sana siyang gising sa buong magdamag. Tinapos ni Jesus ang ilustrasyong iyon sa pagpapayo: “Maging handa . . . kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.”​—Mat. 24:43, 44.

Ipinakikita ng ilustrasyong iyon na kailangang handa tayong maghintay, kahit pa sa loob ng mahaba-habang panahon. Huwag nating masyadong ikabahala kung ang sistemang ito man ay mas nagtatagal kaysa sa ating inaasahan. Huwag nating linlangin ang ating sarili sa maling pangangatuwiran na ‘ang panahon ni Jehova ay hindi pa darating.’ Ang gayong pag-iisip ay magpapatamlay sa ating pagnanais na maipangaral ang mabuting balita ng Kaharian.​—Roma 12:11.

Alisin ang Maling Pangangatuwiran

Kapit sa maling pangangatuwiran ang simulain sa Galacia 6:7: “Huwag kayong palíligaw . . . Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” Kung hindi tatamnan ang lupa, madali itong tubuan ng damo. Sa katulad na paraan, kung hindi natin gigisingin ang ating malinaw na pag-iisip, maaaring sumibol sa ating isip ang maling pangangatuwiran. Halimbawa, baka isipin natin, ‘Tiyak na darating ang araw ni Jehova​—pero hindi pa ngayon.’ Dahil sa gayong saloobin, baka hindi na natin seryosohin ang mga teokratikong gawain. Sa kalaunan, baka mapabayaan na natin ito. At pagdating ng araw ni Jehova, baka madatnan tayong hindi handa.​—2 Ped. 3:10.

Pero hindi sisibol sa ating isip ang maling pangangatuwiran kung lagi nating pinatutunayan sa ating sarili “ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Napakalaking tulong dito ang regular na pagbabasa ng Bibliya. Mapalalakas nito ang ating pananalig na laging kumikilos si Jehova sa takdang panahon.​—Hab. 2:3.

Ang ating pag-aaral, pananalangin, regular na pagdalo sa pulong, at pangangaral, kasama ang pagpapakita ng kabaitan, ay tutulong sa atin na ‘ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’ (2 Ped. 3:11, 12) Nakikita ni Jehova ang ating katapatan. Ipinaaalaala sa atin ni apostol Pablo: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”​—Gal. 6:9.

Talagang hindi na ito ang panahon para magpalinlang sa maling pangangatuwiran na ang araw ni Jehova ay naaantala. Sa halip, ito ang panahon para patatagin ang ating puso, dahil malapit na ang araw ni Jehova.

[Larawan sa pahina 4]

Hinimok nina Hagai at Zacarias ang mga Judio na magtayo

[Larawan sa pahina 5]

Ano kaya kung alam ng may-bahay na may darating na magnanakaw?