Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tularan ang Pagiging Mapagbantay ni Jesus

Tularan ang Pagiging Mapagbantay ni Jesus

“Patuloy kayong magbantay at manalangin.”​—MAT. 26:41.

1, 2. (a) Anu-anong tanong ang maaaring bumangon hinggil sa pagiging mapagbantay ni Jesus? (b) Makatutulong ba sa makasalanang mga tao ang sakdal na halimbawa ni Jesus? Ilarawan.

BAKA iniisip mo: ‘Kaya ba nating tularan ang pagiging mapagbantay ni Jesus? Sakdal siya, at kung minsan ay alam na niya ang mga mangyayari, kahit libu-libong taon patiuna! Kailangan ba talaga niyang maging mapagbantay?’ (Mat. 24:37-39; Heb. 4:15) Sagutin muna natin ang mga tanong na ito para maunawaan natin kung bakit mahalaga at apurahan ang pagiging mapagbantay.

2 Makatutulong ba sa makasalanang mga tao ang isang sakdal na halimbawa? Oo, dahil puwede tayong matuto sa isang mahusay na guro at sa kaniyang halimbawa. Bilang paglalarawan, isip-isipin ang isang tao na nagsisimulang mag-aral ng pamamanà. Baka hindi pa niya kayang iasinta ang palaso para tumama sa target, pero patuloy siyang nag-aaral at nagpapraktis. Para humusay, maingat niyang pinag-aaralan ang halimbawa ng kaniyang guro, na isang ekspertong mámamanà. Pinagmamasdan ng estudyante kung paano tumayo ang kaniyang guro, ang posisyon ng mga bisig nito, at ang paghawak nito sa bagting ng busog. Unti-unti, natututuhan ng determinadong bagito kung gaano kalakas niya dapat batakin ang bagting at isinasaalang-alang niya ang lakas at direksiyon ng hangin. Sa pagtulad sa kaniyang instruktor, unti-unti niyang natututuhan kung paano masasapul ang target. Sa katulad na paraan, patuloy tayong susulong bilang mga Kristiyano kung susundin natin ang mga tagubilin at sakdal na halimbawa ni Jesus.

3. (a) Paano ipinakita ni Jesus na kailangan niyang maging mapagbantay? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Kailangan ba talagang maging mapagbantay si Jesus? Oo. Halimbawa, noong huling gabi niya sa lupa, hinimok niya ang kaniyang tapat na mga apostol: “Patuloy [kayong] magbantay na kasama ko.” Sinabi pa niya: “Patuloy kayong magbantay at manalangin nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” (Mat. 26:38, 41) Mula’t sapol ay mapagbantay na si Jesus. Pero sa kritikal na panahong iyon, gusto niyang maging higit na mapagbantay at malapít sa kaniyang makalangit na Ama. Alam niyang kailangan din ng kaniyang mga tagasunod na maging alisto​—hindi lang noong panahong iyon kundi maging sa hinaharap. Kaya isaalang-alang natin kung bakit gusto ni Jesus na patuloy tayong magbantay. Pagkatapos, talakayin natin ang tatlong paraan kung paano natin matutularan sa pang-araw-araw na buhay ang pagiging mapagbantay ni Jesus.

KUNG BAKIT GUSTO NI JESUS NA MAGING MAPAGBANTAY TAYO

4. Bakit kailangan tayong patuloy na maging mapagbantay?

4 Sa maikli, gusto ni Jesus na patuloy tayong maging mapagbantay dahil sa mga bagay na ating nalalaman at di-nalalaman. Noong nasa lupa siya, alam na ba niya ang lahat ng mangyayari sa hinaharap? Hindi, dahil mapagpakumbaba niyang inamin: “May kinalaman sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mat. 24:36) Nang panahong iyon, hindi alam ni Jesus, “ang Anak,” kung kailan eksaktong darating ang wakas ng balakyot na sanlibutang ito. Kumusta naman tayo ngayon? Talagang limitado ang nalalaman natin tungkol sa hinaharap! Hindi natin alam ang eksaktong petsa kung kailan isusugo ni Jehova ang kaniyang Anak para wakasan ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Kung alam na natin, hindi na natin kailangan pang maging mapagbantay. Pero gaya ng sinabi ni Jesus, darating ang wakas nang biglaan at di-inaasahan. Kaya naman kailangan tayong patuloy na magbantay.​Basahin ang  Mateo 24:43.

5, 6. (a) Paano tumutulong sa atin ang kaalaman sa hinaharap at sa layunin ng Diyos para maging mapagbantay? (b) Ano ang nalalaman natin tungkol kay Satanas, at bakit dapat itong mag-udyok sa atin na maging mapagbantay?

5 Samantala, marami ring alam si Jesus na kamangha-manghang bagay tungkol sa hinaharap​—mga katotohanang di-alam ng karamihan sa mga tao noong panahon niya. Walang-wala sa kalingkingan ng nalalaman ni Jesus ang kaalaman natin. Pero marami siyang itinuro sa atin tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa isasakatuparan nito sa malapit na hinaharap. Karamihan sa mga taong nakakasalamuha natin sa paaralan, trabaho, o sa teritoryo ay walang kaalam-alam sa kamangha-manghang mga bagay na ito. Kaya naman isa pa itong dahilan para maging mapagbantay. Gaya ni Jesus, kailangan tayong laging maging alisto at maghanap ng pagkakataon para ibahagi sa iba ang nalalaman natin tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ayaw nating sayangin ang bawat pagkakataon dahil buhay ang nasasangkot!​—1 Tim. 4:16.

6 May iba pang nalalaman si Jesus kung kaya naging mapagbantay siya. Alam niyang determinado si Satanas na tuksuhin siya, pag-usigin, at sirain ang kaniyang katapatan. Ang mabagsik na kaaway na ito ay laging naghihintay ng “iba pang kumbinyenteng panahon” para subukin si Jesus. (Luc. 4:13) Hindi nagpabaya si Jesus. Gusto niyang maging handa sa anumang pagsubok, ito man ay tukso, pagsalansang, o pag-uusig. Ganiyan din naman tayo. Alam nating si Satanas ay “tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” Kaya naman pinapayuhan ng Salita ng Diyos ang lahat ng Kristiyano: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay.” (1 Ped. 5:8) Pero paano natin ito magagawa?

MAGING MAPAGBANTAY SA PANANALANGIN

7, 8. Anong payo ang ibinigay ni Jesus may kinalaman sa panalangin, at anong halimbawa ang iniwan niya?

7 Ipinakikita ng Bibliya ang kahalagahan ng pananalangin para tayo ay maging alerto, o mapagbantay, sa espirituwal. (Col. 4:2; 1 Ped. 4:7) Hindi pa natatagalan nang payuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na patuloy na magbantay kasama niya, sinabi niya: “Patuloy kayong magbantay at manalangin nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” (Mat. 26:41) Kapit lang ba ang payong iyon sa kritikal na sitwasyon nila noon? Hindi. Ang payo niya ay isang simulaing dapat maging gabay sa ating pang-araw-araw na buhay.

8 Napakaganda ng halimbawang iniwan ni Jesus sa pananalangin. Marahil maaalaala mo na minsan ay magdamag siyang nanalangin sa kaniyang Ama. Isip-isipin ang eksena. (Basahin ang Lucas 6:12, 13.) Panahon noon ng tagsibol. Malamang na malapit si Jesus sa pangisdaang bayan ng Capernaum, na pinakatahanan niya. Pagkagat ng dilim, umakyat siya sa isa sa mga bundok kung saan matatanaw ang Dagat ng Galilea. Habang papadilim, malamang na nakita niya ang aandap-andap na liwanag ng mga lamparang de-langis sa Capernaum at sa iba pang kalapit na nayon. Pero nang magsimula siyang manalangin, nakapokus na siya sa pakikipag-usap kay Jehova. Lumipas ang maraming minuto, at maraming oras. Hindi na niya napansin na isa-isang namamatay ang mga ilaw, ang pag-usad ng buwan sa kalangitan, o ang panginginain ng mga hayop. Malamang na nakatuon ang panalangin niya sa mabigat na desisyong gagawin niya​—ang pagpili sa 12 apostol. Tiyak na napakarubdob ng panalangin ni Jesus habang sinasabi sa kaniyang Ama ang lahat ng kaniyang iniisip at ikinababahala tungkol sa bawat alagad niya at taimtim na humihingi ng patnubay at karunungan.

9. Ano ang matututuhan natin sa pananalangin ni Jesus nang buong magdamag?

9 Itinuturo ba ng halimbawa ni Jesus na dapat tayong gumugol ng maraming oras sa pananalangin? Hindi, yamang sinabi niya tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.” (Mat. 26:41) Gayunman, puwede pa rin nating tularan si Jesus. Halimbawa, sumasangguni ba tayo sa ating makalangit na Ama bago gumawa ng desisyong makaaapekto sa espirituwalidad natin, ng ating pamilya, at ng ating mga kapananampalataya? Kasama ba sa ating panalangin ang ating mga kapatid na Kristiyano? Nananalangin ba tayo mula sa puso sa halip na ulit-ulitin ang ating sinasabi? Pansinin din na pinahalagahan ni Jesus ang pakikipag-usap sa kaniyang Ama nang pribado at puso sa puso. Sa ngayon, waring napakabilis ng oras kaya napakadaling maisaisantabi ang mga bagay na talagang mahalaga. Kung maglalaan tayo ng sapat na panahon para manalangin nang pribado at puso sa puso, magiging mas gising tayo sa espirituwal. (Mat. 6:6, 7) Mas mapapalapit tayo kay Jehova, anupat sisikapin nating patibayin ang ating kaugnayan sa kaniya at iiwasan ang anumang bagay na makasisira dito.​—Awit 25:14.

MAGING MAPAGBANTAY SA PANGANGARAL

10. Paano ipinakita ni Jesus na alisto siya sa pagpapatotoo?

10 Mapagbantay si Jesus sa gawaing iniatas sa kaniya ni Jehova. Sa ilang trabaho, puwedeng magpagala-gala ang isip ng manggagawa nang wala namang mapanganib na mga resulta. Pero maraming trabaho ang nangangailangan ng lubusang pagpopokus at pagiging alerto, at ganiyan ang ministeryong Kristiyano. Laging alisto si Jesus sa kaniyang gawain, anupat humahanap ng mga pagkakataon para ibahagi ang mabuting balita. Halimbawa, nang siya at ang kaniyang mga alagad ay dumating sa lunsod ng Sicar matapos maglakad nang buong umaga, umalis ang mga alagad para bumili ng pagkain. Nagpahinga si Jesus sa tabi ng balon, pero nanatili siyang alisto at nakakita ng pagkakataong magpatotoo. Dumating ang isang Samaritana para sumalok ng tubig. Puwede sanang umidlip si Jesus o magdahilan para hindi makipag-usap. Pero nagpatotoo siya sa babae at natulungan ang maraming tao sa lunsod na iyon. (Juan 4:4-26, 39-42) Matutularan ba natin ang pagiging mapagbantay ni Jesus? Maaari ba tayong maging higit na alisto sa pagbabahagi ng mabuting balita sa mga taong nakakasalamuha natin sa araw-araw?

11, 12. (a) Ano ang sinabi ni Jesus sa mga nagsikap na gambalain siya sa kaniyang gawain? (b) Paano ipinakita ni Jesus ang pagiging timbang sa kaniyang gawain?

11 Kung minsan, sinisikap ng mga taong may mabuting intensiyon na gambalain si Jesus sa kaniyang gawain. Halimbawa, sa Capernaum, lubhang naantig ang mga tao sa pagpapagaling ni Jesus kaya gusto nilang manatili siya roon. Natural lang naman iyon. Pero ang misyon ni Jesus ay mangaral sa lahat ng “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel” at hindi lang sa lunsod na iyon. (Mat. 15:24) Kaya sinabi niya sa mga taga-Capernaum: “Sa ibang mga lunsod din ay dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Luc. 4:40-44) Maliwanag na nakapokus si Jesus sa kaniyang ministeryo. Hindi niya hinayaang mailihis siya ng anumang bagay.

12 Pero si Jesus ba ay panatiko o mapagkait sa sarili? Masyado ba siyang nakatutok sa kaniyang ministeryo anupat wala na siyang malasakit sa praktikal na pangangailangan ng mga pamilya? Hindi, nag-iwan si Jesus ng sakdal na halimbawa sa pagiging timbang. Nasiyahan siya sa buhay at sa pakikisama sa kaniyang mga kaibigan. Pinahalagahan niya ang mga pamilya, naunawaan niya ang kanilang mga pangangailangan at problema, at ipinakita ang kaniyang pagmamahal sa mga bata.​—Basahin ang Marcos 10:13-16.

13. Paano natin matutularan si Jesus sa pagiging mapagbantay at pagiging timbang sa gawaing pangangaral ng Kaharian?

13 Habang tinutularan natin ang pagiging mapagbantay ni Jesus, paano tayo magiging timbang gaya niya? Hindi natin hahayaang magambala tayo ng sanlibutan sa ating gawain. Baka himukin tayo ng nagmamalasakit na mga kaibigan at kamag-anak na maghinay-hinay sa ating ministeryo o magkaroon ng diumano’y normal na buhay. Pero kung tinutularan natin si Jesus, ituturing nating pagkain ang ating ministeryo. (Juan 4:34) Ito ay kasiya-siya at magpapalusog sa ating espirituwalidad. Pero ayaw naman nating maging panatiko, anupat mapagmatuwid o mapagkait sa sarili. Gaya ni Jesus, gusto nating maging masaya at timbang na mga lingkod ng “maligayang Diyos.”​—1 Tim. 1:11.

MAGING MAPAGBANTAY SA PANAHON NG PAGSUBOK

14. Kapag dumaranas ng pagsubok, anong tendensiya ang kailangan nating paglabanan, at bakit?

14 Mas naging apurahan ang payo ni Jesus tungkol sa pagiging mapagbantay nang mapaharap siya sa matinding pagsubok. (Basahin ang Marcos 14:37.) Lalo nating kailangan ang kaniyang halimbawa kapag napapaharap tayo sa mahihirap na kalagayan. Kapag dumaranas ng pagsubok, nakakalimutan ng marami ang isang napakahalagang katotohanan na dalawang ulit na binanggit sa aklat ng Kawikaan: “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.” (Kaw. 14:12; 16:25) Kung mananalig lang tayo sa ating sarili, lalo na kapag napapaharap sa mabibigat na problema, malamang na maisapanganib natin ang ating sarili at ang ating mga mahal sa buhay.

15. Dahil sa hirap ng buhay, anong tukso ang maaaring mapaharap sa isang ulo ng pamilya?

15 Halimbawa, baka ang isang ulo ng pamilya ay nahihirapang maglaan ng materyal na pangangailangan sa kaniyang pamilya. (1 Tim. 5:8) Baka matukso siyang kumuha ng trabahong hahadlang sa pagdalo niya sa mga pulong, pangunguna sa pampamilyang pagsamba, o pakikibahagi sa ministeryo. Kung sa sariling pagkaunawa lang siya mananalig, baka magtingin pa ngang makatuwiran ang ganitong pasiya. Pero puwede siyang manghina, o mamatay pa nga, sa espirituwal. Mas mabuting sundin ang payo ni Solomon sa Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”

16. (a) Paano ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siya sa karunungan ni Jehova at hindi sa kaniyang sarili? (b) Paano tinutularan ng maraming ulo ng pamilya ang halimbawa ni Jesus sa pagtitiwala kay Jehova sa panahon ng pagsubok?

16 Nang mapaharap sa pagsubok, hindi nanalig si Jesus sa sarili niyang kaunawaan. Isip-isipin ito! Siya ang pinakamatalinong tao na nabuhay kailanman sa lupa, pero hindi siya nagtiwala sa sarili niyang karunungan. Halimbawa, nang tuksuhin siya ni Satanas, paulit-ulit na sumagot si Jesus: “Nasusulat.” (Mat. 4:4, 7, 10) Para mapaglabanan ang tukso, nanalig siya sa karunungan ng kaniyang Ama, anupat nagpakita ng kapakumbabaan​—isang katangiang hinahamak at hindi taglay ni Satanas. Tinutularan ba natin si Jesus? Ang isang ulo ng pamilya na tumutulad sa pagiging mapagbantay ni Jesus ay nagpapagabay sa Salita ng Diyos, lalo na sa panahon ng pagsubok. Ganiyan ang ginagawa ng libu-libong ulo ng pamilya sa buong daigdig. Inuuna nila ang Kaharian ng Diyos at ang dalisay na pagsamba bago ang materyal na mga bagay. Sa gayon, naibibigay nila ang pinakamabuting pangangalaga sa kanilang pamilya. Pinagpapala naman ni Jehova ang pagsisikap nilang maglaan ng materyal sa kanilang pamilya, gaya ng ipinangako niya.​—Mat. 6:33.

17. Ano ang nag-uudyok sa iyo na tularan ang pagiging mapagbantay ni Jesus?

17 Walang-alinlangang si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa sa pagiging mapagbantay. Ang kaniyang halimbawa ay praktikal at nagliligtas-buhay pa nga. Tandaan, gustung-gusto ni Satanas na patulugin ka sa espirituwal​—pahinain ang iyong pananampalataya, patamlayin ka sa paglilingkod, at udyukan kang ikompromiso ang iyong katapatan. (1 Tes. 5:6) Huwag mo siyang hayaang magtagumpay! Patuloy na magbantay gaya ni Jesus​—sa iyong mga panalangin, sa iyong ministeryo, at sa pagharap sa mga pagsubok. Sa gayon, magiging makabuluhan at kasiya-siya ang iyong buhay kahit ngayong malapit nang magwakas ang sistemang ito ng mga bagay. Makatitiyak ka rin na kapag dumating ang iyong Panginoon para wakasan ang sistemang ito, madaratnan ka niyang alisto at aktibong gumagawa ng kalooban ng kaniyang Ama. Tiyak na malulugod si Jehova na gantimpalaan ang iyong katapatan!​—Apoc. 16:15.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 6]

Nangaral si Jesus sa isang babae sa tabi ng balon. Paano mo sinisikap na mangaral sa araw-araw?

[Larawan sa pahina 7]

Ang pangangalaga mo sa espirituwal na kapakanan ng iyong pamilya ay nagpapakitang mapagbantay ka