Nagbunga ang Magandang Plano
Isang masigasig na mamamahayag si María Isabel sa lunsod ng San Bernardo sa bansang Chile sa Timog Amerika. Kabilang ang pamilya nila sa mga katutubong Mapuche na tumutulong sa pagbuo ng bagong kongregasyon sa wikang Mapuche, na tinatawag ding Mapudungun.
Nang ipatalastas na idaraos din sa wikang Mapudungun ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo at na 2,000 inimprentang imbitasyon ang ipamamahagi, napaisip si María Isabel. Ano kaya ang magagawa niya para makatulong? Naalaala niya ang karanasan ng ilang kabataang Saksi na naging matagumpay sa pagpapatotoo sa mga kaklase at guro. Kinausap niya ang kaniyang mga magulang at pinayuhan siya ng mga ito na magplano kung paano ipamamahagi ang mga imbitasyon sa paaralan. Ano ang naging plano niya?
Una, humingi si María Isabel ng permiso sa mga namamahala sa paaralan para maipaskil ang imbitasyon sa mismong pasukán ng paaralan. Natuwa ang mga ito sa hiniling niya at pumayag sila. Isang umaga, nang mag-roll call, ipinatalastas ng prinsipal ang tungkol sa imbitasyon gamit ang isang loudspeaker!
Pagkatapos, nagpaalam si María Isabel na pupuntahan niya ang lahat ng silid-aralan. Nang pumayag ang mga guro, tinanong niya ang bawat klase kung sino sa kanila ang Mapuche. Ang sabi niya, “Akala ko mga 10 o 15 estudyanteng Mapuche lang ang nasa paaralan namin, pero ang dami pala. Nakapamigay ako ng 150 imbitasyon!”
“HINDI NIYA AKALAING BATA ANG MAKAKAUSAP NIYA”
Isang babae na nakakita sa imbitasyong nakapaskil sa paaralan ang nagtanong kung kanino siya puwedeng makipag-usap tungkol doon. Gulát na gulát siya nang isang sampung-taóng-gulang na bata ang makipag-usap sa kaniya! “Hindi niya akalaing bata ang makakausap niya,” ang nakangiting sabi ni María Isabel. Matapos magbigay ng imbitasyon at ng maikling paliwanag, kinuha ni María Isabel ang adres ng babae para mapuntahan niya ito kasama ng kaniyang mga magulang at masabi nila sa kaniya ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Laking tuwa ng 20 mamamahayag na naglilingkod sa teritoryong nagsasalita ng Mapudungun nang dumalo sa Memoryal ang babae at 26 pang interesadong Mapuche. Ang grupong iyon ay isa nang masulong na kongregasyon!
Anuman ang iyong edad, matutularan mo ba ang gayong pagkukusa na anyayahan ang mga kaeskuwela o katrabaho mo sa Memoryal, pahayag, o pandistritong kombensiyon? Bakit hindi maghanap sa ating mga publikasyon ng mga karanasan para magkaideya ka kung paano magtatagumpay sa paggawa nito? Hilingin din ang banal na espiritu ni Jehova para makapag-ipon ka ng lakas ng loob na makapagpatotoo tungkol sa kaniya. (Luc. 11:13) Kapag ginawa mo ito, masisiyahan ka rin at mapatitibay sa bunga ng iyong magandang plano.