Ito ang Ating Espirituwal na Mana
“Ito ang mana ng mga lingkod ni Jehova.”—ISA. 54:17, Byington.
1. Ano ang iningatan ni Jehova para sa kapakanan ng sangkatauhan?
SI Jehova ang “buháy at namamalaging Diyos.” Iningatan niya ang kaniyang nagbibigay-buhay na mensahe para sa sangkatauhan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pananalita [o, “salita,” Byington] ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.” (1 Ped. 1:23-25) Laking pasasalamat natin na iningatan ni Jehova ang napakahalagang impormasyong ito sa kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya!
2. Ano ang iningatan ng Diyos sa kaniyang Salita para magamit ng kaniyang bayan?
2 Sa kaniyang Salita, iningatan ng Diyos ang pangalang pinili niya para magamit ng kaniyang bayan. Unang binanggit ng Kasulatan ang pangalang Jehova sa ulat ng “kasaysayan ng langit at ng lupa.” (Gen. 2:4) Ilang beses na makahimalang iniukit ang pangalan ng Diyos sa mga tapyas na batong naglalaman ng Sampung Utos. Halimbawa, ganito nagsimula ang unang utos: “Ako ay si Jehova na iyong Diyos.” (Ex. 20:1-17) Namamalagi ang pangalan ng Diyos dahil iningatan ng Soberanong Panginoong Jehova ang kaniyang Salita at pangalan sa kabila ng pagsisikap ni Satanas na pawiin ang mga ito.—Awit 73:28.
3. Bagaman palasak ang maling turo ng relihiyon, ano ang iningatan ng Diyos?
3 Iningatan din ni Jehova ang katotohanan sa Bibliya. Bagaman palasak sa daigdig ang maling turo ng relihiyon, nagpapasalamat tayo na binigyan tayo ng Diyos ng espirituwal na liwanag at katotohanan! (Basahin ang Awit 43:3, 4.) Habang ang sangkatauhan ay lumalakad sa kadiliman, may-kagalakan tayong lumalakad sa espirituwal na liwanag.—1 Juan 1:6, 7.
ISANG NAPAKAHALAGANG PAMANA
4, 5. Ano ang espesyal na pribilehiyo natin mula pa noong 1931?
4 Bilang mga Kristiyano, tumanggap tayo ng isang napakahalagang pamana. Ganito ang sabi ng Collins Cobuild English Dictionary: “Ang pamana ng isang bansa ay ang lahat ng katangian, tradisyon, o paraan ng pamumuhay roon na umiiral na sa loob ng maraming taon at naipasa sa sali’t salinlahi.” Kabilang sa ating espirituwal na mana ang pagpapalang dulot ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos at ang malinaw na pagkaunawa sa katotohanan tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga layunin. Kasama rin dito ang isang napakaespesyal na pribilehiyo.
5 Ang pribilehiyong iyan ay naging bahagi ng ating espirituwal na mana noong 1931, sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, E.U.A. Makikita sa inilimbag na programa ang mga letrang “JW.” Sinabi ng isang sister: “May mga espekulasyon kung ano ang ibig sabihin ng JW—Just Wait, Just Watch, at ang tamang kahulugan nito.” Dati tayong tinatawag na mga Estudyante ng Bibliya, pero sa pamamagitan ng isang resolusyon noong Linggo, Hulyo 26, 1931, sinimulan nating gamitin ang pangalang Mga Saksi ni Jehova. Kapana-panabik na matanggap ang pangalang iyan na nakasalig sa Bibliya. (Basahin ang Isaias 43:12.) “Hinding-hindi ko malilimutan ang napakalakas na hiyawan at palakpakan sa dakong iyon na pinagtitipunan namin,” ang sabi ng isang brother. Walang sinuman sa sanlibutang ito ang gustong magdala ng pangalang iyan, pero pinagpala tayo ng Diyos sa paggamit nito sa mahigit walong dekada. Napakaespesyal na pribilehiyo nga ang maging Saksi ni Jehova!
6. Anong impormasyon ang bahagi ng ating espirituwal na mana?
6 Bahagi ng ating espirituwal na mana ang napakaraming tumpak at kapaki-pakinabang na impormasyon mula sa nakaraan. Halimbawa, nariyan ang ulat tungkol kina Abraham, Isaac, at Jacob. Malamang na tinatalakay noon ng mga patriyarkang ito at ng kani-kanilang pamilya kung paano mapalulugdan si Jehova. Kaya di-nakapagtatakang tumanggi sa seksuwal na imoralidad ang matuwid na si Jose para hindi siya ‘magkasala laban sa Diyos.’ (Gen. 39:7-9) Ang Kristiyanong mga tradisyon ay naipasa rin nang bibigan o sa pamamagitan ng halimbawa. Kabilang dito ang mga kaayusan tungkol sa Hapunan ng Panginoon na ibinigay ni apostol Pablo sa mga kongregasyong Kristiyano. (1 Cor. 11:2, 23) Sa ngayon, bahagi ng nasusulat na Salita ng Diyos ang mga impormasyong kailangan natin para sambahin siya “sa espiritu at katotohanan.” (Basahin ang Juan 4:23, 24.) Ang Bibliya ay para sa kaliwanagan ng buong sangkatauhan, pero mas malaki ang pagpapahalaga natin dito bilang mga lingkod ni Jehova.
7. Anong nakapagpapatibay na pangako ang kasama sa ating mana?
7 Kasama rin sa ating espirituwal na mana ang mga iniulat sa ating publikasyon na nagpapatunay na “si Jehova ay nasa panig” natin. (Awit 118:7) Dahil dito, panatag tayo kahit pinag-uusig. Bahagi ng ating espirituwal na mana ang pangakong ito: “‘Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo. Ito ang minanang pag-aari [o, “mana,” By] ng mga lingkod ni Jehova, at ang kanilang katuwiran ay mula sa akin,’ ang sabi ni Jehova.” (Isa. 54:17) Walang sandata si Satanas na makapagdudulot sa atin ng permanenteng pinsala.
8. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito at sa susunod?
8 Sinisikap ni Satanas na pawiin ang Salita ng Diyos, ikubli ang pangalan ni Jehova, at itago ang katotohanan. Pero hindi siya mananaig kay Jehova, na bumigo sa lahat ng kaniyang pagtatangka. Sa artikulong ito at sa susunod, makikita natin (1) kung paano iningatan ng Diyos ang kaniyang Salita; (2) kung paano iningatan ni Jehova ang kaniyang pangalan; at (3) kung paanong si Jehova ang Bukal at Tagapag-ingat ng katotohanan.
ININGATAN NI JEHOVA ANG KANIYANG SALITA
9-11. Paano nakaligtas ang Bibliya sa iba’t ibang pagsalansang?
9 Sa kabila ng mga pagsalansang, iningatan ni Jehova ang kaniyang Salita. Sinasabi ng Enciclopedia Cattolica (Katolikong Ensayklopidiya): “Noong 1229, pinagbawalan ng Konsilyo ng Toulouse ang karaniwang mga tao sa paggamit ng [mga Bibliya sa kanilang wika] dahil sa pakikipagbaka laban sa mga Albigenses at mga Waldenses . . . Naglabas din ng katulad na pagbabawal ang asambleang ginanap noong 1234 sa Tarragona, Espanya, sa pangunguna ni James I. . . . Sa unang pagkakataon noong 1559, nakialam ang Romanong Sede nang ipagbawal ng Indise ni Paul IV ang paglilimbag at pagkakaroon ng mga Bibliya sa sariling wika kung walang pahintulot ng Banal na Tanggapan.”
10 Naingatan ang Bibliya sa kabila ng iba’t ibang pagtatangkang pawiin ito. Noong mga 1382, inilabas ni John Wycliffe at ng mga kasama niya ang unang salin ng Bibliya sa wikang Ingles. Ang isa pang tagapagsalin ng Bibliya ay si William Tyndale, na pinatay noong 1536. Habang nakatali sa tulos, sumigaw siya, “Panginoon, buksan mo po ang mga mata ng hari ng Inglatera.” Pagkatapos, siya ay binigti at sinunog.
11 Nakaligtas ang Bibliya sa kabila ng pagsalansang. Halimbawa, noong 1535, lumabas ang saling Ingles ni Miles Coverdale. Ginamit niya ang salin ni Tyndale ng “Bagong Tipan” at ng “Matandang Tipan” mula Genesis hanggang Mga Cronica. Isinalin niya ang ibang bahagi ng Kasulatan mula sa wikang Latin at sa Bibliyang Aleman ni Martin Luther. Sa ngayon, pinahahalagahan ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan dahil malinaw ito, tumpak, at kapaki-pakinabang sa ministeryo. Nagagalak tayo na hindi nagtagumpay ang mga tao at mga demonyo na pawiin ang Salita ni Jehova.
ININGATAN NI JEHOVA ANG KANIYANG PANGALAN
12. Anong papel ang ginagampanan ng Bagong Sanlibutang Salin para maingatan ang banal na pangalan?
12 Tiniyak ng Diyos na Jehova na naingatan ang pangalan niya sa kaniyang Salita. Malaking papel ang ginagampanan dito ng Bagong Sanlibutang Salin. Sa introduksyon, ganito ang isinulat ng mga tagapagsalin nito: “Ang pangunahing katangian ng saling ito ay ang pagsasauli ng banal na pangalan sa tamang dako nito sa tekstong Ingles. Ginawa ito gamit ang karaniwang tinatanggap na anyong Ingles na ‘Jehovah’ nang 6,973 ulit sa Hebreong Kasulatan at 237 ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.” Ang Bagong Sanlibutang Salin, sa kabuuan o ilang bahagi nito, ay makukuha sa mahigit 116 na wika, at mahigit 178,545,862 kopya na ang nailimbag.
13. Bakit natin masasabi na alam na ng mga tao ang pangalan ng Diyos mula pa nang lalangin ang sangkatauhan?
13 Alam na ng mga tao ang pangalan ng Diyos mula pa nang lalangin ang sangkatauhan. Alam ito nina Adan at Eva, at alam din nila ang eksaktong bigkas dito. Ginamit din ni Noe ang pangalan ng Diyos. Nang magpakita ng kawalang-galang sa kaniya ang anak niyang si Ham, sinabi ni Noe: “Pagpalain si Jehova, ang Diyos ni Sem, at si Canaan [na anak ni Ham] ay maging alipin niya.” (Gen. 4:1; 9:26) Ang Diyos mismo ay nagsabi: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian.” Sinabi rin niya: “Ako ay si Jehova, at wala nang iba pa. Maliban sa akin ay walang Diyos.” (Isa. 42:8; 45:5) Tiniyak ni Jehova na maingatan ang pangalan niya at ipinaalam niya ito sa mga tao sa buong daigdig. Napakalaking pribilehiyo na taglayin ang pangalang Jehova at maging kaniyang mga Saksi! Para bang sinasabi natin: “Sa pangalan ng aming Diyos ay itataas namin ang aming mga watawat.”—Awit 20:5.
14. Maliban sa Bibliya, saan pa makikita ang pangalan ng Diyos?
14 Hindi lang sa Bibliya makikita ang pangalan ng Diyos. Halimbawa, nariyan ang Batong Moabita na natagpuan sa Dhiban (Dibon), 21 kilometro sa silangan ng Dagat na Patay. Binabanggit sa batong iyon si Haring Omri ng Israel at iniuulat nito ang sariling bersiyon ni Haring Mesa ng Moab tungkol sa paghihimagsik niya laban sa Israel. (1 Hari 16:28; 2 Hari 1:1; 3:4, 5) Interesado tayo sa Batong Moabita dahil makikita rito ang pangalan ng Diyos sa anyong Tetragrammaton. Paulit-ulit ding makikita ang Tetragrammaton sa Lachish Letters, mga bibingang luwad na natagpuan sa Israel.
15. Ano ang Septuagint, at bakit ito ginawa?
15 Nakatulong ang naunang mga tagapagsalin ng Bibliya para maingatan ang pangalan ng Diyos. Matapos ang pagkatapon sa Babilonya na tumagal mula 607 B.C.E. hanggang 537 B.C.E., maraming Judio ang hindi na bumalik sa Juda at Israel. Pagsapit ng ikatlong siglo B.C.E., maraming Judio ang nanirahan sa Alejandria, Ehipto at nangailangan sila ng isang salin ng Hebreong Kasulatan sa wikang Griego, na noon ay isang internasyonal na wika. Ang saling ito, na tinatawag na Septuagint, ay nakumpleto noong ikalawang siglo B.C.E. Makikita sa ilang kopya nito ang pangalang Jehova sa anyong Hebreo.
16. Anong aklat na unang inilathala noong 1640 ang gumamit ng pangalan ng Diyos?
16 Makikita rin ang banal na pangalan sa Bay Psalm Book, ang unang akdang panitikan na inilimbag sa mga kolonya ng Inglatera sa Amerika. Nasa orihinal na edisyon nito (inilimbag noong 1640) ang Mga Awit, na isinalin mula sa Hebreo tungo sa wikang Ingles. Ginamit nito ang pangalan ng Diyos sa mga tekstong gaya ng Awit 1:1, 2, na nagsasabing ang “taong mapalad” ay hindi lumalakad sa payo ng balakyot, “kundi nasa kautusan ni Iehovah, ang kaniyang nasasabik na kaluguran.” Para sa higit na impormasyon tungkol sa pangalan ng Diyos, tingnan ang brosyur na Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman.
INIINGATAN NI JEHOVA ANG KATOTOHANAN
17, 18. (a) Paano mo bibigyang-kahulugan ang salitang “katotohanan”? (b) Saan tumutukoy ang “katotohanan ng mabuting balita”?
17 Maligaya tayong naglilingkod kay “Jehova na Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Ano ba ang katotohanan? “Ang katotohanan tungkol sa isang bagay ay ang lahat ng bagay na totoo tungkol dito, sa halip na mga bagay na inakala o inimbento,” ang sabi ng Collins Cobuild English Dictionary. Sa wikang Hebreo na ginamit sa Bibliya, ang terminong madalas isalin bilang “katotohanan” ay tumutukoy sa isang bagay na totoo, mapagkakatiwalaan, tapat, o makatotohanan. Ang orihinal na salitang Griego naman ay tumutukoy sa bagay na kaayon ng katotohanan, o tama at wasto.
18 Iningatan ni Jehova ang katotohanan at pinalaganap nang husto ang kaalaman tungkol dito. (2 Juan 1, 2) Patuloy na lumiliwanag ang pagkaunawa natin sa katotohanan, yamang “ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.” (Kaw. 4:18) Sumasang-ayon tayo kay Jesus, na nanalangin sa Diyos: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Nasa Salita ng Diyos ang “katotohanan ng mabuting balita,” na tumutukoy sa buong kalipunan ng mga turong Kristiyano. (Gal. 2:14) Kasama rito ang katotohanan tungkol sa pangalan ni Jehova, kaniyang soberanya, haing pantubos ni Jesus, ang pagkabuhay-muli, at ang Kaharian. Alamin natin kung paano iningatan ng Diyos ang katotohanan sa kabila ng pagtatangka ni Satanas na itago ito.
BINIGO NI JEHOVA ANG PAGTATANGKANG ITAGO ANG KATOTOHANAN
19, 20. Sino si Nimrod? Anong proyekto noong panahon niya ang nabigo?
19 Pagkatapos ng Baha, may lumitaw na kasabihan: “Gaya ni Nimrod na isang makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova.” (Gen. 10:9) Dahil sinalansang ni Nimrod ang Diyos na Jehova, naging mananamba siya ni Satanas. Katulad siya ng mga mananalansang na sinabihan ni Jesus: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga pagnanasa ng inyong ama. Ang isang iyon ay [hindi] nanindigan sa katotohanan.”—Juan 8:44.
20 Si Nimrod ang namahala sa Babel at sa iba pang mga lunsod sa pagitan ng mga ilog ng Tigris at ng Eufrates. (Gen. 10:10) Posibleng siya ang nag-utos na itayo ang Babel at ang tore nito noong mga 2269 B.C.E. Salungat ito sa kalooban ni Jehova na mangalat ang tao sa buong lupa. Sinabi ng mga tagapagtayo: “Halikayo! Ipagtayo natin ang ating sarili ng isang lunsod at gayundin ng isang tore na ang taluktok nito ay nasa langit, at gumawa tayo ng bantog na pangalan para sa ating sarili, dahil baka mangalat tayo sa ibabaw ng buong lupa.” Pero natigil ang pagtatayo dahil “ginulo ni Jehova ang wika ng buong lupa” at pinangalat ang mga tagapagtayo. (Gen. 11:1-4, 8, 9) Kung binalak man ni Satanas na magtatag ng iisang relihiyon na sumasamba sa kaniya, nabigo iyon. Sa buong kasaysayan, iningatan ni Jehova ang tunay na pagsamba at patuloy na dumarami ang mga naglilingkod sa kaniya.
21, 22. (a) Bakit hindi naman naging banta ang huwad na relihiyon sa tunay na pagsamba? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
21 Ang totoo, hindi naman naging banta ang huwad na relihiyon sa tunay na pagsamba. Bakit? Dahil tiniyak ng ating Dakilang Tagapagturo na maingatan ang kaniyang nasusulat na Salita, maitanghal ang kaniyang pangalan sa sangkatauhan, at maipaalam sa atin ang katotohanan. (Isa. 30:20, 21) Maligaya tayo kapag sinasamba natin ang Diyos kaayon ng katotohanan. Pero para magawa ito, kailangan tayong manatiling mapagbantay at lubusang manalig kay Jehova at sa patnubay ng kaniyang banal na espiritu.
22 Sa susunod na artikulo, matututuhan natin kung paano nagsimula ang ilang huwad na doktrina. Makikita natin kung paano ito binubuwag ng Kasulatan. Makikita rin natin kung paanong si Jehova, ang Tagapag-ingat ng katotohanan, ay naglaan sa atin ng tunay na mga turo na bahagi ng ating espirituwal na mana.