Bagong Miyembro ng Lupong Tagapamahala
Miyerkules ng umaga, Setyembre 5, 2012, nang ipatalastas sa mga pamilyang Bethel sa Estados Unidos at Canada na may bagong miyembro ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Noong Setyembre 1, 2012, si Mark Sanderson ay nagsimulang maglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala.
Si Brother Sanderson ay pinalaki ng kaniyang mga magulang na Kristiyano sa San Diego, California, E.U.A., at nabautismuhan noong Pebrero 9, 1975. Nagsimula siyang magpayunir sa Saskatchewan, Canada, noong Setyembre 1, 1983. Noong Disyembre 1990, nagtapos siya sa ikapitong klase ng Ministerial Training School (ngayon ay Bible School for Single Brothers) sa Estados Unidos. Inatasan si Brother Sanderson bilang special pioneer sa isla ng Newfoundland, Canada, noong Abril 1991. Matapos maglingkod bilang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito, inanyayahan siyang maging miyembro ng pamilyang Bethel sa Canada noong Pebrero 1997. Noong Nobyembre 2000, inilipat siya sa sangay sa Estados Unidos at nagtrabaho sa Hospital Information Services at nang maglaon ay sa Service Department.
Noong Setyembre 2008, nag-aral si Brother Sanderson sa School for Branch Committee Members at pagkatapos ay naatasang maging miyembro ng Komite ng Sangay sa Pilipinas. Noong Setyembre 2010, inanyayahan siyang bumalik sa Estados Unidos, kung saan naglingkod siya bilang katulong sa Service Committee ng Lupong Tagapamahala.