Natatandaan Mo Ba?
Nabasa mo bang mabuti ang nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
Puwede ba sa mga Kristiyano ang cremation?
I-cremate man o hindi ang namatay, desisyon na ito ng isa o ng pamilya. Walang binabanggit ang Bibliya na tutol ito sa cremation, pero kapansin-pansin na ang bangkay ni Haring Saul at ng anak niyang si Jonatan ay sinunog at saka inilibing ang mga buto. (1 Sam. 31:2, 8-13)—6/15, pahina 7.
Bakit tayo makatitiyak na hindi ang Diyos ang may kagagawan ng masasamang bagay?
Ang Diyos ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan. Siya ay makatarungan, matapat, at matuwid. Si Jehova ay magiliw rin sa pagmamahal at maawain. (Deut. 32:4; Awit 145:17; Sant. 5:11)—7/1, pahina 4.
Anong mga hamon ang napapaharap sa mga lumilipat sa ibang bansa para maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan?
Ang tatlong hamon ay (1) ibang istilo ng pamumuhay, (2) pagka-homesick, at (3) pakikibagay at pakikisama sa mga kapatid. Napagtagumpayan ng marami ang mga hamong ito at talagang pinagpala sila.—7/15, pahina 4-5.
Bakit napoot kay Jose ang mga kapatid niya?
Paborito ni Jacob si Jose, at binigyan pa nga niya ito ng isang espesyal na damit. Nainggit kay Jose ang mga kapatid niya at ipinagbili siya ng mga ito bilang alipin.—8/1, pahina 11-13.
Bakit napakaepektibo at napakadaling gamitin ng mga bagong tract?
Iisa ang format ng mga bagong tract. Inaakay tayo ng bawat tract na bumasa ng isang teksto sa Bibliya at tanungin ang may-bahay. Anuman ang isagot niya, buksan natin ang tract at ipakita kung ano ang sinasabi ng Bibliya. Itawag-pansin din ang isang tanong sa tract na puwedeng pag-usapan sa pagdalaw-muli.—8/15, pahina 13-14.
Ano ang Syriac na Peshitta?
Ang Syriac ay isang diyalekto ng Aramaiko, at malawakan itong ginamit noong ikalawa o ikatlong siglo C.E. Lumilitaw na ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay unang naisalin sa wikang Syriac. Ang Bibliya sa wikang Syriac ay nakilala bilang ang Peshitta.—9/1, pahina 13-14.
Ano ang puwedeng gawin ng Kristiyanong mga magulang para mapastulan ang kanilang mga anak?
Napakahalagang makinig sa mga anak para makilala sila. Sikaping pakainin sila sa espirituwal. Maibigin silang gabayan, halimbawa, kapag nag-aalinlangan sila sa espirituwal na mga bagay.—9/15, pahina 18-21.
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, anong mga bagay ang mawawala na?
Mawawala na ang sakit, kamatayan, kakapusan ng trabaho, digmaan, gutom, at kahirapan.—10/1, pahina 6-7.
Anong tipan sa Bibliya ang nagsilbing saligan para makapamahalang kasama ni Kristo ang iba?
Matapos ipagdiwang ang huling Paskuwa kasama ang kaniyang mga apostol, nakipagtipan si Jesus sa kaniyang tapat na mga alagad—tinatawag itong tipan para sa Kaharian. (Luc. 22:28-30) Tiniyak nito na sila ay maghaharing kasama ni Jesus sa langit.—10/15, pahina 16-17.
Magbigay ng dalawang halimbawa sa Bibliya na nagpapatunay na totoo si Satanas.
Sinasabi ng Kasulatan na nakipag-usap si Satanas kay Jesus para tuksuhin siya. Noong panahon ni Job, nakipag-usap din si Satanas sa Diyos. Pinatutunayan ng mga ulat na ito na si Satanas ay totoong persona.—11/1, pahina 4-5.
Sino ang “bayan ukol sa kaniyang pangalan” na binabanggit ni Santiago sa Gawa 15:14?
Ito ang mga mananampalatayang Judio at di-Judio na pinili ng Diyos para maging isang piniling lahi upang “ipahayag . . . nang malawakan ang mga kagalingan” ng Isa na tumawag sa kanila. (1 Ped. 2:9, 10)—11/15, pahina 24-25.
Saan matatagpuan ang Timgad, at ano ang saloobin ng ilang tagaroon?
Ang Timgad ay isang malaking Romanong lunsod noon sa Hilagang Aprika (Algeria ngayon). Ang saloobin ng ilang tagaroon ay makikita sa isang nahukay na inskripsiyon, na nagsasabi: “Pangangaso, Paliligo, Paglalaro, Pagtawa—Iyan ang Buhay!” Katulad ito ng pananaw na binabanggit sa 1 Corinto 15:32.—12/1, pahina 8-10.