Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinahahalagahan Mo ba ang mga Bagay na Tinanggap Mo?

Pinahahalagahan Mo ba ang mga Bagay na Tinanggap Mo?

“Tinanggap natin . . . ang espiritu na mula sa Diyos, upang malaman natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos.”—1 COR. 2:12.

1. Ano ang sinasabi ng maraming tao kung minsan?

MARAMI ang nagsasabi: ‘Malalaman mo lang na mahalaga ang isang bagay kapag wala na ito.’ Siguro nasabi mo na rin iyan. Halimbawa, kung lumaki sa mayamang pamilya ang isa, baka bale-wala na lang sa kaniya ang mga bagay na mayroon siya. Dahil kulang sa karanasan, baka hindi pa lubusang nauunawaan ng isang kabataan kung ano talaga ang mga bagay na mahalaga sa buhay.

2, 3. (a) Ano ang dapat iwasan ng mga kabataang Kristiyano? (b) Ano ang makatutulong sa atin na pahalagahan ang taglay natin?

2 Kung kabataan ka, marahil tin-edyer o mahigit 20 anyos, ano ang mahalaga sa iyo? Para sa maraming tao, ang buhay ay umiikot lang sa materyal na mga bagay—mataas na suweldo, magandang bahay, o pinakabagong gadyet. Pero kung diyan lang tayo nakapokus, may nakakalimutan tayong mahalagang bagay—espirituwal na kayamanan. Nakalulungkot, hindi man lang naiisip ng milyon-milyon sa ngayon ang espirituwal na mga bagay. Mga kabataan na pinalaki ng mga magulang na Kristiyano, huwag na huwag ninyong babale-walain ang tinanggap ninyong espirituwal na mana. (Mat. 5:3) Kung hindi ninyo ito pahahalagahan, baka mapahamak kayo at maapektuhan ang buong buhay ninyo.

3 Pero maiiwasan ninyong mangyari iyon. Ano ang makatutulong sa inyo na lubusang pahalagahan ang inyong espirituwal na mana? Tingnan natin ang ilang halimbawa sa Bibliya na makatutulong sa atin na makita kung bakit katalinuhan na pahalagahan ang ating espirituwal na mana. Ang mga halimbawang ito ay makatutulong hindi lang sa mga kabataan kundi sa bawat Kristiyano na pahalagahan ang anumang espirituwal na bagay na taglay niya.

HINDI SILA NAGPAHALAGA

4. Ano ang ipinakikita ng 1 Samuel 8:1-5 tungkol sa mga anak ni Samuel?

4 Mababasa natin sa Bibliya ang tungkol sa ilan na tumanggap ng saganang espirituwal na mana pero hindi nagpahalaga rito. Ganiyan ang nangyari sa pamilya ni propeta Samuel, na naglingkod kay Jehova mula pagkabata at nagkaroon ng mainam na rekord sa Diyos. (1 Sam. 12:1-5) Naging mabuting halimbawa si Samuel sa mga anak niyang sina Joel at Abias. Pero hindi nila ito pinahalagahan at naging masama sila. Iniulat ng Bibliya na di-gaya ng kanilang ama, ‘binaluktot nila ang kahatulan.’—Basahin ang 1 Samuel 8:1-5.

5, 6. Ano ang nangyari sa mga anak at sa apo ni Josias?

5 Ganiyan din ang nangyari sa mga anak ni Haring Josias. Napakahusay ng halimbawa ni Josias sa pagsamba kay Jehova. Nang matagpuan ang aklat ng Kautusan ng Diyos at basahin ito kay Josias, talagang sinikap niyang sundin ang mga utos ni Jehova. Kumilos siya para alisin ang idolatriya at espiritismo sa lupain, at hinimok niya ang mga tao na sundin si Jehova. (2 Hari 22:8; 23:2, 3, 12-15, 24, 25) Napakaganda nga ng espirituwal na manang tinanggap ng mga anak niya! Nang maglaon, tatlo sa mga anak niya at isang apo ang naging hari, pero walang isa man sa kanila ang nagpahalaga sa ipinamana sa kanila.

6 Hinalinhan si Josias ng anak niyang si Jehoahaz bilang hari, pero ginawa niya “ang masama sa paningin ni Jehova.” Tatlong buwan pa lang siyang namamahala nang ipakulong siya ng paraon ng Ehipto, at namatay siyang bihag. (2 Hari 23:31-34) Pagkatapos, namahala ang kapatid niyang si Jehoiakim sa loob ng 11 taon. Hindi rin niya pinahalagahan ang tinanggap niyang mana mula sa kaniyang ama. Dahil sa kasamaan ni Jehoiakim, inihula ni Jeremias tungkol sa kaniya: “Ililibing siyang gaya ng paglilibing sa asnong lalaki.” (Jer. 22:17-19) Wala ring ipinagkaiba ang dalawa pang humalili kay Josias—ang anak niyang si Zedekias at ang apo niyang si Jehoiakin; hindi nila tinularan ang matuwid na halimbawa ni Josias.—2 Hari 24:8, 9, 18, 19.

7, 8. (a) Paano sinayang ni Solomon ang kaniyang espirituwal na mana? (b) Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawa sa Bibliya ng mga hindi nagpahalaga sa kanilang espirituwal na mana?

7 Maraming natutuhan si Haring Solomon tungkol kay Jehova mula sa ama niyang si David, at maganda ang naging pasimula niya. Sa kabila nito, naiwala niya ang pagpapahalaga sa matuwid na daan. “Nang panahon ng pagtanda ni Solomon ay ikiniling ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso na sumunod sa ibang mga diyos; at ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal kay Jehova na kaniyang Diyos tulad ng puso ni David na kaniyang ama.” (1 Hari 11:4) Bilang resulta, naiwala ni Solomon ang pagsang-ayon ni Jehova.

8 Nakalulungkot na sinayang ng mga taong ito ang kanilang espirituwal na mana at ang pagkakataong gawin ang tama! Pero hindi naman ganiyan ang lahat ng kabataan noong panahon ng Bibliya, at maging sa panahon natin. Tingnan natin ang ilang magagandang halimbawa na matutularan ng mga kabataang Kristiyano.

PINAHALAGAHAN NILA ANG TINANGGAP NILA

9. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ng mga anak ni Noe? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

9 Napakaganda ng halimbawa ng mga anak ni Noe. Inutusan ang ama nila na magtayo ng arka at papasukin dito ang kaniyang pamilya. Alam ng mga anak ni Noe na kailangan nilang gawin ang kalooban ni Jehova. Tiyak na nakipagtulungan sila sa kanilang ama. Tumulong sila sa pagtatayo ng arka, at pumasok sila roon. (Gen. 7:1, 7) Bakit? Sinasabi sa Genesis 7:3 na ipinasok nila ang mga hayop sa arka para “maingatang buháy ang supling [ng mga ito] sa ibabaw ng buong lupa.” Nailigtas din ang mga tao. Dahil pinahalagahan ng mga anak ni Noe ang tinanggap nila mula sa kanilang ama, nagkapribilehiyo silang tumulong para maingatan ang lahi ng tao at muling maitatag ang tunay na pagsamba sa nilinis na lupa.—Gen. 8:20; 9:18, 19.

10. Paano ipinakita ng apat na kabataang Hebreo sa Babilonya na pinahahalagahan nila ang mga katotohanang natutuhan nila?

10 Pagkalipas ng daan-daang taon, ipinakita ng apat na kabataang Hebreo na alam nila kung ano talaga ang mahalaga. Sina Hananias, Misael, Azarias, at Daniel ay dinala sa Babilonya noong 617 B.C.E. Magagandang lalaki sila at matatalino kaya puwede sana silang magkaroon ng napakaalwang buhay sa Babilonya. Pero hindi iyon ang pinili nila. Mas pinahalagahan nila ang kanilang mana, ang espirituwal na mga bagay na natutuhan nila, at sagana silang pinagpala ni Jehova dahil doon.—Basahin ang Daniel 1:8, 11-15, 20.

11. Paano nakinabang ang iba sa espirituwal na mana ni Jesus?

11 Pagdating sa pagpapahalaga sa espirituwal na mana, si Jesus, ang Anak ng Diyos, ang pinakamabuting halimbawa. Marami siyang natutuhan sa kaniyang Ama, at talagang pinahalagahan niya iyon. Kaya sinabi niya: “Kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, ito ang mga bagay na sinasalita ko.” (Juan 8:28) At gusto niyang makinabang din ang iba sa mga natutuhan niya. Sinabi niya: “Sa ibang mga lunsod din ay dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Luc. 4:18, 43) Ipinaunawa niya sa kaniyang mga tagapakinig na hindi sila dapat maging bahagi ng sanlibutan, na walang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.—Juan 15:19.

PAHALAGAHAN ANG MGA BAGAY NA TINANGGAP MO

12. (a) Bakit kapit ang 2 Timoteo 3:14-17 sa maraming kabataan ngayon? (b) Anong mga tanong ang dapat pag-isipan ng mga kabataang Kristiyano?

12 Gaya ng mga kabataang lalaki na tinalakay natin, baka pinalaki ka rin ng mga magulang na umiibig sa Diyos na Jehova. Kung gayon, angkop din sa iyo ang sinasabi ng Kasulatan tungkol kay Timoteo. (Basahin ang 2 Timoteo 3:14-17.) “Natutuhan mo” sa iyong mga magulang ang tungkol sa tunay na Diyos at kung paano mo siya mapasasaya. Baka sanggol ka pa lang ay tinuturuan ka na ng mga magulang mo. Tiyak na malaki ang nagawa nito para maging ‘marunong ka ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus’ at maging “lubusang nasangkapan” sa paglilingkod sa Diyos. Pero ang tanong, Ipakikita mo ba ang pagpapahalaga sa mga bagay na tinanggap mo? Baka kailangan mong suriin ang sarili mo. Itanong: ‘Ano ang nadarama ko sa pagiging kabilang sa mahabang hanay ng tapat na mga saksi? Ano ang nadarama ko na kasama ako sa iilang tao sa daigdig na kilala ng Diyos? Itinuturing ko bang isang natatangi at malaking pribilehiyo ang malaman ang katotohanan?’

Ano ang nadarama mo sa pagiging kabilang sa mahabang hanay ng tapat na mga saksi? (Tingnan ang parapo 9, 10, 12)

13, 14. Anong tukso ang napapaharap sa ilang kabataang Kristiyano, pero bakit hindi sila dapat magpadala rito? Magbigay ng halimbawa.

13 Baka hindi makita ng ilang kabataang pinalaki ng mga magulang na Kristiyano ang malaking pagkakaiba ng ating espirituwal na paraiso ngayon at ng napakasamang sanlibutan ni Satanas. Natutukso pa nga ang ilan na tikman ang buhay sa sanlibutan. Pero magpapabundol ka ba sa kotse para lang malaman kung masakit ito—o nakamamatay pa nga? Siyempre hindi! Kaya hindi rin natin kailangang masangkot sa “kabuktutan” ng sanlibutang ito para lang malaman kung gaano kasaklap ang maaaring ibunga nito.—1 Ped. 4:4.

14 Si Gener, na taga-Asia, ay lumaki sa isang pamilyang Kristiyano. Nabautismuhan siya sa edad na 12. Pero nang magtin-edyer, naakit siya sa sanlibutan. Sinabi niya na gusto niyang maranasan “ang ‘kalayaan’ na iniaalok ng sanlibutan.” Nagkaroon siya ng dobleng pamumuhay. Sa edad na 15, nagpaimpluwensiya siya sa masasamang kasama. Umiinom na siya at nagmumura gaya nila. Gabing-gabi na siya umuuwi dahil sa paglalaro ng bilyar at mararahas na computer game kasama ang mga kaibigan niya. Pero nang maglaon, nakita niya na hindi talaga nakapagpapaligaya ang mga iniaalok ng sanlibutan. Walang saysay ang mga iyon. Nang bumalik siya sa kongregasyon, sinabi niya: “Maraming hamon na napapaharap sa akin bilang isang kabataang Kristiyano, pero mas marami pa rin ang pagpapala ng pagiging naiiba sa balakyot na sanlibutang ito ni Satanas.”

15. Ano ang dapat isipin ng mga kabataang hindi Kristiyano ang mga magulang?

15 Siyempre, may ilang kabataan sa kongregasyon na hindi Kristiyano ang mga magulang. Kung isa ka sa kanila, hindi ba’t napakaganda ng pribilehiyo mong makilala at mapaglingkuran ang Maylalang? Bilyon-bilyon ang tao sa mundo. Kaya talagang pagpapala ang mapabilang sa mga inilapit ni Jehova sa kaniya at tinuruan niya ng katotohanan sa Bibliya. (Juan 6:44, 45) Sa ngayon, 1 lang sa bawat 1,000 tao ang may tumpak na kaalaman sa katotohanan, at isa ka sa kanila. Hindi ba’t dapat natin itong ikatuwa, sa anumang paraan natin natutuhan ang katotohanan? (Basahin ang 1 Corinto 2:12.) Sinabi ni Gener: “Nakapangingilabot isipin na naglilingkod ako sa isang Diyos na buháy. Sino nga naman ba ako para pahalagahan at makilala ni Jehova, ang May-ari ng buong uniberso?” (Awit 8:4) Sinabi ng isang sister sa lugar ding iyon: “Proud na proud na ang mga estudyante kapag kilala sila ng titser nila, lalo pa kaya ang makilala tayo ni Jehova, ang Dakilang Tagapagturo!”

ANO ANG GAGAWIN MO?

16. Anong matalinong desisyon ang dapat gawin ng mga kabataang Kristiyano?

16 Isip-isipin ang napakagandang espirituwal na manang tinanggap mo, at gawin mong tunguhin na maglingkod kay Jehova. Sa gayon, mapapabilang ka sa mahabang hanay ng tapat na mga lingkod ng Diyos. Di-hamak na isang katalinuhan iyon kumpara sa basta pagsunod sa ginagawa ng maraming kabataan, na walang kamalay-malay na nagmamartsa patungo sa pagkapuksa.—2 Cor. 4:3, 4.

17-19. Bakit isang katalinuhan na mapaiba sa sanlibutan?

17 Siyempre, hindi palaging madali ang mapaiba sa sanlibutan. Pero iyon ang gagawin ng isang taong marunong. Halimbawa: Isipin ang isang atleta sa Olympics. Para makasali roon, tiyak na kinailangan niyang mapaiba. Malamang na marami siyang bagay na iniwasan, mga bagay na maaaring umubos ng panahong kailangan niya sa pagsasanay. Handa siyang mapaiba para makapagsanay siyang mabuti at maabot ang tunguhin niya.

18 Hindi iniisip ng karamihan ang kahihinatnan ng mga ginagawa nila. Kung iba ka sa kanila at iiwasan mo ang mga gawaing sisira sa iyong moralidad at espirituwalidad, ‘makapanghahawakan kang mahigpit sa tunay na buhay.’ (1 Tim. 6:19) Sinabi ng nabanggit na sister: “Napakasarap sa pakiramdam kapag naninindigan ka sa paniniwala mo. Pinatutunayan no’n na mayroon kang lakas ng loob na mapaiba sa sanlibutan ni Satanas. Higit sa lahat, parang nakikita mo ang Diyos na Jehova na proud sa ’yo at nakangiti! Sulit talaga’ng mapaiba!”

19 Walang saysay ang buhay ng isa kapag nakapokus lang siya sa makukuha niya ngayon. (Ecles. 9:2, 10) Kung kabataan ka at pinag-iisipan mong mabuti ang layunin ng buhay at ang pag-asang buhay na walang hanggan, hindi ba’t isang katalinuhan na iwasang ‘lumakad kung paanong ang mga bansa ay lumalakad’ at sa halip ay mamuhay sa talagang makabuluhang paraan?—Efe. 4:17; Mal. 3:18.

20, 21. Kung gagawa tayo ng tamang mga desisyon, ano ang maaari nating matamo?

20 Kung gagawa tayo ng tamang mga desisyon, magkakaroon tayo ng masayang buhay ngayon at maaari nating ‘manahin ang lupa’—matamo ang buhay na walang hanggan. Ang mga pagpapalang naghihintay sa atin ay higit pa sa maiisip natin. (Mat. 5:5; 19:29; 25:34) Siyempre, hindi iyon basta na lang ibibigay sa atin ng Diyos. May hinihiling siya sa atin. (Basahin ang 1 Juan 5:3, 4.) Pero sulit na sulit kung maglilingkod tayo sa kaniya nang may katapatan!

21 Napakarami nang ibinigay sa atin ng Diyos! May tumpak na kaalaman tayo sa kaniyang Salita at malinaw na pagkaunawa sa katotohanan tungkol sa kaniya at sa kaniyang layunin. Taglay natin ang pangalan niya at tayo ay kaniyang mga Saksi. Ipinapangako ng Diyos na nasa panig natin siya. (Awit 118:7) Kaya bata man tayo o matanda, ipakita nawa nating lahat ang ating pagpapahalaga sa ating espirituwal na mana at ang kagustuhan nating ibigay kay Jehova “ang kaluwalhatian magpakailanman.”—Roma 11:33-36; Awit 33:12.