Malalabanan Mo at Madaraig si Satanas!
“Manindigan kayo laban [kay Satanas], matatag sa pananampalataya.”—1 PED. 5:9.
1. (a) Bakit napakahalagang labanan natin si Satanas ngayon? (b) Paano tayo nakatitiyak na maaari nating madaig si Satanas?
SI Satanas ay nakikipagdigma sa mga pinahirang nalabi at sa “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Gusto niyang silain ang pinakamaraming lingkod ni Jehova hangga’t maaari dahil kaunti na lang ang natitirang panahon niya. (Basahin ang Apocalipsis 12:9, 12.) Madaraig ba natin si Satanas? Oo! Sinasabi ng Bibliya: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—Sant. 4:7.
2, 3. (a) Bakit pabor kay Satanas ang ideyang hindi siya umiiral? (b) Paano mo nalaman na totoo si Satanas?
2 Nakakatawa para sa marami ang ideyang umiiral si Satanas. Para sa kanila, si Satanas at ang mga demonyo ay karakter lang sa mga nobela, horror movie, at video game. Iniisip nila na kung matalino ka, hindi ka maniniwalang may masasamang espiritu. Sa tingin mo, importante kaya kay Satanas kung iniisip ng mga tao na siya at ang kaniyang mga demonyo ay hindi totoo? Hindi. Kung tutuusin, mas madali niyang mabubulag ang isip ng mga taong nagdududang umiiral siya. (2 Cor. 4:4) Ang totoo, isa iyan sa mga paraan ni Satanas para iligaw ang mga tao.
3 Bilang mga lingkod ni Jehova, hindi tayo nailigaw ni Satanas. Alam natin na totoo ang Diyablo. Si Satanas ang nakipag-usap kay Gen. 3:1-5) Si Satanas ang tumuya kay Jehova may kaugnayan kay Job. (Job 1:9-12) Si Satanas din ang tumukso kay Jesus. (Mat. 4:1-10) At matapos isilang ang Kaharian ng Diyos noong 1914, si Satanas ang nagpasimula ng pakikipagdigma sa nalabi ng mga pinahiran. (Apoc. 12:17) Patuloy pa rin ang pakikipagdigmang iyan ni Satanas habang sinisikap niyang sirain ang pananampalataya ng nalabi ng 144,000 at ng ibang mga tupa. Para manalo sa labanang ito, dapat tayong manindigan laban kay Satanas at manatiling matatag sa pananampalataya. Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong paraan para magawa natin iyan.
Eva sa pamamagitan ng serpiyente. (IWASAN ANG PAGMAMAPURI
4. Paano ipinakita ni Satanas na punong-puno siya ng pagmamapuri?
4 Walang anumang mababakas na kapakumbabaan kay Satanas. Hinamon ng masamang anghel na ito ang karapatan ni Jehova na mamahala at ginawa ang sarili niyang karibal ng Diyos. Siya ang pinakalarawan ng kapalaluan at pagmamapuri. Kaya para makapanindigan laban kay Satanas, iwasan natin ang pagmamapuri at maging mapagpakumbaba. (Basahin ang 1 Pedro 5:5.) Pero ano ba pagmamapuri? Lagi ba itong masama?
5, 6. (a) Lagi bang masama ang pagmamapuri? Ipaliwanag. (b) Anong uri ng pagmamapuri ang mapanganib? Ano ang ilang halimbawa nito sa Bibliya?
5 Ang pagmamapuri ay maaaring mangahulugang “pagkadama ng dignidad at paggalang sa sarili” at “pagkadama ng kasiyahan dahil ikaw o ang mga taong malapít sa iyo ay may magandang nagawa o may magandang bagay na taglay.” Wala namang masama rito. Sinabi ni apostol Pablo sa mga taga-Tesalonica: “Ipinagmamapuri namin mismo kayo sa gitna ng mga kongregasyon ng Diyos dahil sa inyong pagbabata at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig sa inyo at sa mga kapighatian na inyong tinitiis.” (2 Tes. 1:4) Kaya kung nakadarama man tayo kung minsan ng pagmamapuri dahil sa magandang nagagawa ng iba at maging para sa ating sarili, kapaki-pakinabang naman iyon. Hindi natin dapat ikahiya ang ating pamilya, kultura, o kinalakhang lugar.—Gawa 21:39.
6 Pero may isang uri ng pagmamapuri na puwedeng makasira ng mga relasyon, lalong-lalo na ng pakikipagkaibigan natin kay Jehova. Ang pagmamapuring ito ay maaaring mauwi sa paghihinanakit kapag pinapayuhan tayo. Baka tanggihan pa nga natin ang payo sa halip na mapagpakumbabang tanggapin iyon. (Awit 141:5) Ang ganitong pagmamapuri ay inilalarawan bilang “labis-labis na pagpapahalaga sa sarili” o “palalong saloobin na makikita sa mga taong naniniwala, at kadalasa’y walang basehan, na mas magaling sila kaysa sa iba.” Kinapopootan ni Jehova ang gayong uri ng pagmamapuri. (Ezek. 33:28; Amos 6:8) Pero tiyak na tuwang-tuwa si Satanas kapag nakikita niyang nagyayabang at nagmamapuri ang mga tao dahil ganoon siya mismo. Isip-isipin kung gaano kasaya si Satanas nang mahulog sa maling uri ng pagmamapuri sina Nimrod, Paraon, at Absalom! (Gen. 10:8, 9; Ex. 5:1, 2; 2 Sam. 15:4-6) Pagmamapuri din ang isa sa mga dahilan kung bakit nasira ang kaugnayan ni Cain sa Diyos. Pinayuhan siya mismo ni Jehova, pero dahil sa sobrang pagmamapuri, hindi siya nakinig. Binale-wala niya ang babala ni Jehova at hindi siya nagdalawang-isip na gumawa ng kasalanan.—Gen. 4:6-8.
7, 8. (a) Ano ang rasismo? Paano ito nauugnay sa pagmamapuri? (b) Ipaliwanag kung paano maaaring makasira sa kapayapaan ng kongregasyon ang pagmamapuri.
7 Sa ngayon, makikita sa mga tao ang iba’t ibang uri ng nakapipinsalang pagmamapuri. Minsan, kaugnay ito ng rasismo. Ayon sa isang diksyunaryo, ang rasismo ay pagtatangi sa mga tao na iba ang lahi. Tumutukoy rin ito sa “paniniwala na ang mga tao mula sa iba’t ibang lahi ay may magkakaibang
katangian at kakayahan, at may mga lahi na likas na nakatataas o nakabababa.” Ang pagmamapuri dahil sa lahi ay humahantong sa kaguluhan, digmaan, at lansakang pagpatay pa nga.8 Siyempre pa, hindi dapat mangyari sa kongregasyong Kristiyano ang gayong mga bagay. Pero kung minsan, maaaring lumala ang di-pagkakaunawaan ng mga kapatid na nagsimula sa pagmamapuri. Maliwanag na ganiyan ang nangyari sa ilang Kristiyano noong unang siglo. Sumulat si Santiago: “Ano ang pinagmumulan ng mga digmaan at . . . ng mga pag-aaway sa gitna ninyo?” (Sant. 4:1) Oo, kung napopoot tayo sa iba at nakadaramang nakatataas tayo sa kanila, posibleng makapagsalita tayo o makagawa ng mga bagay na talagang makasasakit sa kanila. (Kaw. 12:18) Maliwanag, ang pagmamapuri ay nakasisira sa kapayapaan ng kongregasyon.
9. Paano tayo tinutulungan ng Bibliya na malabanan ang rasismo at iba pang anyo ng maling pagmamapuri? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
9 Kung may tendensiya tayong makadama na nakatataas tayo sa iba, tandaan na “ang lahat ng may pusong mapagmapuri ay karima-rimarim kay Jehova.” (Kaw. 16:5) Makabubuti rin kung susuriin natin ang ating pananaw sa mga taong hindi natin kalahi, kababayan, o iba ang kultura. Nadarama ba nating nakahihigit tayo sa kanila? Kung gayon, nakakalimutan nating “ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao.” (Gawa 17:26) Kaya ibig sabihin, iisa lang ang lahi ng tao dahil lahat tayo ay nagmula kay Adan. Isang kamangmangan nga na maniwalang may mga lahi na likas na nakatataas o nakabababa kaysa sa iba. Ang ganiyang kaisipan ay magagamit ni Satanas para sirain ang pag-ibig at pagkakaisa ng kongregasyon. (Juan 13:35) Para malabanan at madaig si Satanas, dapat nating iwasan ang lahat ng anyo ng maling pagmamapuri.—Kaw. 16:18.
IWASAN ANG MATERYALISMO AT PAG-IBIG SA SANLIBUTAN
10, 11. (a) Bakit madaling ibigin ang sanlibutan? (b) Paano ipinakita ni Demas na inibig niya ang sanlibutan?
10 Si Satanas ang “tagapamahala ng sanlibutang ito,” at kontrolado niya ito. (Juan 12:31; 1 Juan 5:19) Kaya karamihan sa mga itinataguyod ng sanlibutang ito ay salungat sa mga pamantayan ng Bibliya. Pero hindi naman masama ang lahat ng iniaalok ng sanlibutan. Gayunman, asahan nating gagamitin ni Satanas ang kaniyang sanlibutan para samantalahin ang mga pagnanasa natin at magkasala tayo. O uudyukan niya tayong ibigin ang sanlibutan para mapabayaan natin ang paglilingkod kay Jehova.—Basahin ang 1 Juan 2:15, 16.
11 Maliwanag na inibig ng ilang Kristiyano noong unang siglo ang sanlibutan. Halimbawa, isinulat ni Pablo: “Pinabayaan ako ni Demas sa dahilang inibig niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay.” (2 Tim. 4:10) Hindi sinasabi ng Bibliya kung ano ang inibig ni Demas sa sanlibutan, na naging dahilan para iwan niya si Pablo. Maaaring mas minahal ni Demas ang materyal na mga bagay kaysa sa paglilingkod kay Jehova. Kung gayon nga, malaki ang naging kapalit nito. Naiwala ni Demas ang pagkakataong magkaroon ng kapana-panabik na mga pribilehiyo sa paglilingkod. May maiaalok ba ang sanlibutan kay Demas na hihigit sa mga pagpapalang maibibigay ni Jehova kung nanatili siyang kasama ni Pablo?—Kaw. 10:22.
12. Sa ano-anong paraan tayo maaaring mabiktima ng “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan”?
12 Maaari ding mangyari sa atin iyan. Bilang mga Kristiyano, normal lang na gusto nating mapaglaanan ang ating sarili at pamilya. (1 Tim. 5:8) Gusto ni Jehova na mamuhay tayo nang komportable, at makikita iyan sa magandang kapaligiran na inilaan niya kina Adan at Eva. (Gen. 2:9) Pero maaaring gamitin ni Satanas ang “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan” para samantalahin ang mga hangarin natin. (Mat. 13:22) Iniisip ng marami na pera at materyal na mga bagay ang magpapasaya sa kanila o ang susi sa tagumpay. Kung ganito ang iniisip natin, maaari nating maiwala ang pinakamahalagang pag-aari natin—ang ating pakikipagkaibigan kay Jehova. Binabalaan ni Jesus ang mga tagasunod niya: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mat. 6:24) Kung magpapaalipin tayo sa Kayamanan, hindi tayo makapaglilingkod kay Jehova, at iyan mismo ang gusto ni Satanas na mangyari! Huwag sana nating hayaang maging mas mahalaga sa atin ang pera o ang mga bagay na nabibili nito kaysa sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova. Para malabanan si Satanas, dapat nating panatilihing timbang ang pananaw natin sa materyal na mga bagay.—Basahin ang 1 Timoteo 6:6-10.
IWASAN ANG SEKSUWAL NA IMORALIDAD
13. Paano itinataguyod ng sanlibutang ito ang pilipít na pananaw sa pag-aasawa at sex?
13 Ang isa pang silo ng sanlibutan ni Satanas ay ang seksuwal na imoralidad. Iniisip ng maraming tao sa ngayon na ang pagpapakasal at katapatan sa asawa ay makaluma at nakababawas sa kalayaan ng isa. Halimbawa, sinabi ng isang sikát na aktres: “Imposible ang monogamya sa lalaki man o sa babae. Wala akong kilalang tapat o gustong maging tapat.” Sinabi naman ng isang aktor: “Hindi ako sigurado kung talagang natural sa atin na gusto nating makasama nang habambuhay ang isang tao.” Tiyak na tuwang-tuwa si Satanas kapag minamaliit ng maimpluwensiyang mga tao ang kaloob ng Diyos na pag-aasawa. Siguradong hindi itinataguyod ng Diyablo ang kaayusan ng pag-aasawa, at ayaw niyang makitang nagtatagumpay ito. Kaya para malabanan at madaig si Satanas, dapat nating itaguyod ang kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa.
14, 15. Paano natin maiiwasan ang seksuwal na imoralidad?
14 May asawa man o wala, dapat nating iwasan ang lahat ng anyo ng seksuwal na imoralidad. Madali bang gawin ito? Hindi! Halimbawa, kung kabataan ka, baka naririnig mong ipinagyayabang ng mga kaeskuwela mo na nakikipag-sex na sila o nakikipag-sexting, na itinuturing sa ilang lugar na katumbas ng child pornography. Sinasabi ng Bibliya: “Siya na namimihasa sa pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” (1 Cor. 6:18) Ang mga sakit na naililipat sa pagtatalik ay nagdulot sa marami ng pagdurusa at kamatayan. At karamihan sa mga kabataang nakaranas nang makipag-sex ay nagsabing pinagsisisihan nila ang ginawa nila. Gusto ng daigdig ng entertainment na maniwala tayong walang masamang resulta ang paglabag sa mga utos ng Diyos. Dahil sa gayong kaisipan, ang mga tao ay nabibiktima ng “mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan.”—Heb. 3:13.
15 Ano ang magagawa mo para malabanan ang tuksong gumawa ng seksuwal na imoralidad? Kilalaning may kahinaan ka. (Roma 7:22, 23) Humiling ng lakas sa Diyos sa panalangin. (Fil. 4:6, 7, 13) Umiwas sa mga sitwasyong maaaring humantong sa imoralidad. (Kaw. 22:3) At kapag may tukso, agad na tanggihan ito.—Gen. 39:12.
16. Paano tumugon si Jesus nang tuksuhin siya ni Satanas? Ano ang matututuhan natin dito?
16 Ipinakita sa atin ni Jesus kung paano tayo iiwas sa tukso. Hindi siya nagpalinlang sa mga pangako ni Satanas, ni pinag-isipan man niya ang mga iyon. Sa halip, agad siyang sumagot: “Nasusulat.” (Basahin ang Mateo 4:4-10.) Pamilyar si Jesus sa Salita ng Diyos, kaya agad siyang nakatanggi kay Satanas at nakasipi ng teksto nang tuksuhin siya nito. Para malabanan at madaig si Satanas, hindi natin dapat hayaang matukso tayo na gumawa ng seksuwal na imoralidad.—1 Cor. 6:9, 10.
MANAIG SA PAMAMAGITAN NG PAGBABATA
17, 18. (a) Ano ang iba pang sandata na ginagamit ni Satanas? Bakit hindi natin dapat ikagulat ito? (b) Ano ang naghihintay kay Satanas? Paano ka nito napatitibay na magbata?
17 Ang pagmamapuri, materyalismo, at seksuwal na imoralidad ay tatlo lang sa mga sandatang ginagamit ni Satanas. Marami pang iba. Halimbawa, may mga Kristiyano na sinasalansang ng kanilang kapamilya, tinutuya ng mga kaeskuwela, o pinagbabawalan pa ngang mangaral ng gobyerno. Hindi na natin ikinagugulat iyan, dahil binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan; ngunit siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Mat. 10:22.
18 Paano natin malalabanan at madaraig si Satanas? Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sa pamamagitan ng inyong pagbabata ay tatamuhin ninyo ang inyong mga kaluluwa.” (Luc. 21:19) Walang magagawa ang mga tao na makapagdudulot sa atin ng permanenteng pinsala. Walang sinuman ang puwedeng pumigil sa atin sa pakikipagkaibigan sa Diyos malibang ipahintulot natin. (Roma 8:38, 39) Kahit mamatay ang ilang tapat na lingkod ni Jehova, hindi ito maituturing na tagumpay ni Satanas, dahil bubuhayin silang muli ni Jehova! (Juan 5:28, 29) Walang magandang kinabukasang naghihintay kay Satanas. Kapag pinuksa na ang di-makadiyos na sistemang ito, si Satanas ay ibibilanggo sa kalaliman sa loob ng 1,000 taon. (Apoc. 20:1-3) Pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus, si Satanas ay “pakakawalan mula sa kaniyang bilangguan” nang kaunting panahon para subukang iligaw sa huling pagkakataon ang sakdal na mga tao. Pagkatapos nito, pupuksain si Satanas. (Apoc. 20:7-10) Tiyak ang pagkapuksa niya, pero may magandang kinabukasang naghihintay sa iyo! Manindigan ka laban kay Satanas, at panatilihing matatag ang iyong pananampalataya. Malalabanan mo at madaraig si Satanas!