Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ito ang Ating Lugar ng Pagsamba

Ito ang Ating Lugar ng Pagsamba

“Uubusin ako ng sigasig para sa iyong bahay.”—JUAN 2:17.

AWIT: 127, 118

1, 2. (a) Anong mga lugar ng pagsamba ang ginamit noon ng mga lingkod ni Jehova? (b) Ano ang nadama ni Jesus para sa templo ng Diyos na nasa Jerusalem? (c) Ano ang layunin ng artikulong ito?

NOON pa man, ang mga lingkod ng Diyos ay may ginagamit nang mga lugar para sa dalisay na pagsamba. Maaaring gumamit si Abel ng isang altar nang maghandog siya sa Diyos. (Gen. 4:3, 4) Sina Noe, Abraham, Isaac, Jacob, at Moises ay nagtayo ng mga altar. (Gen. 8:20; 12:7; 26:25; 35:1; Ex. 17:15) Sa utos ni Jehova, nagtayo ng tabernakulo ang mga Israelita. (Ex. 25:8) Nang maglaon, nagtayo sila ng templo para sa pagsamba kay Jehova. (1 Hari 8:27, 29) Pagkabalik mula sa pagkatapon sa Babilonya, ang mga Judio ay regular na nagtipon sa mga sinagoga. (Mar. 6:2; Juan 18:20; Gawa 15:21) Ang unang mga Kristiyano ay nagtitipon sa tahanan ng mga miyembro ng kongregasyon. (Gawa 12:12; 1 Cor. 16:19) Ngayon, ang bayan ni Jehova ay nagtitipon sa libo-libong Kingdom Hall sa buong daigdig para matuto at sumamba.

2 Napakalaki ng pag-ibig at pagpapahalaga ni Jesus sa templo ni Jehova na nasa Jerusalem kaya naman naalaala ng kaniyang mga alagad ang mga salitang ito ng salmista: “Inuubos ako ng sigasig para sa iyong bahay.” (Awit 69:9; Juan 2:17) Ang mga Kingdom Hall ay hindi lubusang matatawag na “bahay ni Jehova” ayon sa kahulugan ng mga salitang iyan kapag ikinakapit sa templo sa Jerusalem. (2 Cro. 5:13; 33:4) Gayunman, naglalaman ang Bibliya ng mga simulain na nagpapakita kung paano natin dapat gamitin at igalang ang ating mga lugar ng pagsamba ngayon. Layunin ng artikulong ito na repasuhin ang ilan sa mga simulaing iyon at suriin kung paano iyon kumakapit pagdating sa dapat na maging pananaw natin sa ating Kingdom Hall, pagtulong sa gastos para dito, at pagmamantini nito. *

PAGPAPAKITA NG PAGGALANG SA DALISAY NA PAGSAMBA

3-5. Para saan ang Kingdom Hall? Ano ang dapat na maging pananaw natin sa ating mga pulong?

3 Ang Kingdom Hall ang sentro ng dalisay na pagsamba para sa lokal na komunidad. Isa sa inilalaan ni Jehova para maging malusog tayo sa espirituwal ay ang lingguhang mga pulong sa Kingdom Hall. Dito tayo tumatanggap ng espirituwal na pampatibay at tagubilin sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Ang lahat ng dumadalo sa mga pulong ay naroroon dahil, sa diwa, inanyayahan sila ni Jehova at ng kaniyang Anak. Isang karangalan na maanyayahang kumain sa “mesa ni Jehova” linggo-linggo. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang espesyal na paanyayang ito.—1 Cor. 10:21.

4 Para kay Jehova, ang gayong mga pagtitipon para sa pagsamba at pagpapatibayan ay napakahalaga, kaya naman kinasihan niya si apostol Pablo na himukin tayo na huwag pabayaan ang ating mga pagtitipon. (Basahin ang Hebreo 10:24, 25.) Masasabi bang iginagalang natin si Jehova kung hindi tayo dadalo sa pulong dahil lang sa di-mahahalagang bagay? Maipakikita natin na pinahahalagahan natin si Jehova at ang mga paglalaan niya kapag naghahanda tayo para sa mga pulong at nakikibahagi rito.—Awit 22:22.

5 Ang pananaw natin sa ating mga Kingdom Hall—sa mismong gusali at sa espirituwal na mga aktibidad doon—ay dapat kakitaan ng paggalang. May malaking impluwensiya sa pananaw natin ang ating saloobin tungkol sa pangalan ng Diyos, na karaniwang makikita sa karatula ng Kingdom Hall.—Ihambing ang 1 Hari 8:17.

6. Ano ang sinabi ng ilan tungkol sa ating Kingdom Hall nang makapunta sila roon o makadalo sa mga pulong? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

6 Kapag iginagalang natin ang ating mga lugar ng pagsamba, nakikita iyon ng mga di-Saksi. Halimbawa, isang lalaki sa Turkey ang nagsabi: “Humanga ako sa kalinisan at kaayusang naobserbahan ko sa Kingdom Hall. Maayos manamit ang mga tao roon, palangiti, at masaya nila akong binabati. Hangang-hanga talaga ako.” Regular na dumalo sa mga pulong ang lalaki, at di-nagtagal ay nabautismuhan. Sa isang lunsod sa Indonesia, inanyayahan ng isang kongregasyon ang mga tao sa komunidad at ang lokal na mga opisyal ng gobyerno para makita ang bagong Kingdom Hall bago iyon ialay. Nagpunta ang mayor. Humanga siya sa kalidad at disenyo ng gusali, pati na sa magandang hardin nito. “Makikita sa kalinisan ng hall na ito na tunay ang pananampalataya ninyo,” ang sabi niya.

Makikita sa ating paggawi na hindi natin iginagalang ang Diyos (Tingnan ang parapo 7, 8)

7, 8. Anong mahahalagang bagay ang dapat tandaan ng mga dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong?

7 Ang paggalang natin sa Diyos na nag-aanyaya sa atin sa mga Kristiyanong pagpupulong ay dapat makita sa ating paggawi, pananamit, at pag-aayos. Pero kailangan tayong maging balanse. Napansin na ang ilan ay parang napakaistrikto pagdating sa tamang paggawi kapag nasa pulong samantalang ang iba naman ay masyadong relaks na parang nasa bahay lang. Gusto ni Jehova na maging komportable ang mga lingkod niya at ang mga bisita kapag nasa Kingdom Hall. Pero hindi natin gugustuhing makabawas sa dignidad ng ating mga pulong dahil napakakaswal ng suot natin, nakikipagtext tayo o nakikipag-usap sa panahon ng pulong, kumakain at umiinom, at iba pa. Dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na huwag tumakbo o maglaro sa Kingdom Hall.—Ecles. 3:1.

8 Nagalit si Jesus at pinalayas niya sa templo ang mga nagnenegosyo roon. (Juan 2:13-17) Ang ating mga Kingdom Hall ay para sa dalisay na pagsamba at espirituwal na edukasyon. Kaya anumang negosyo o mga aktibidad na walang kaugnayan sa espirituwal na gawain ay dapat gawin sa ibang lugar.—Ihambing ang Nehemias 13:7, 8.

PAGTULONG AT PAGTUSTOS SA PAGTATAYO NG MGA KINGDOM HALL

9, 10. (a) Paano nakapagtatayo ng bagong Kingdom Hall ang bayan ni Jehova, at ano ang resulta? (b) Anong maibiging probisyon ang nakatulong sa mga kongregasyon na walang pinansiyal na kakayahang magtayo ng Kingdom Hall?

9 Ginagawa ng organisasyon ni Jehova ang lahat para makapagtayo ng simpleng mga Kingdom Hall at makatulong sa gastos sa pagtatayo. Mga boluntaryong hindi nagpapabayad ang nagdidisenyo, nagtatayo, at nagre-renovate ng mga Kingdom Hall. Ano ang resulta? Mula noong Nobyembre 1, 1999, mahigit 28,000 magaganda at bagong sentro ng dalisay na pagsamba ang nailaan sa mga kongregasyon sa buong daigdig. Ibig sabihin, sa nakalipas na 15 taon, mga limang Kingdom Hall ang nailalaan araw-araw.

10 Gumagawa ng mga pagsisikap para masuportahan ang konstruksiyon ng Kingdom Hall sa mga lugar na nangangailangan nito. Ang maibiging paglalaang ito ay batay sa simulain ng Bibliya na punan ng labis ng ilan ang kakulangan ng iba para “magkaroon ng pagpapantay-pantay.” (Basahin ang 2 Corinto 8:13-15.) Bilang resulta, magaganda at bagong sentro ng dalisay na pagsamba ang nailaan sa mga kongregasyon na walang pinansiyal na kakayahang magtayo ng sariling Kingdom Hall.

11. Ano ang sinabi ng ilang kapatid tungkol sa kanilang bagong Kingdom Hall, at ano ang nadarama mo rito?

11 Isang kongregasyon sa Costa Rica ang nakinabang sa paglalaang ito. Isinulat nila: “Habang nakatayo sa harap ng Kingdom Hall, parang nananaginip lang kami! Hindi kami makapaniwala. Walong araw lang, natapos na ang magandang Kingdom Hall namin hanggang sa kaliit-liitang detalye nito! Naging posible iyan dahil sa pagpapala ni Jehova, mga kaayusan ng kaniyang organisasyon, at suporta ng mahal nating mga kapatid. Ang lugar na ito para sa pagsamba ay napakahalagang regalo, isang hiyas na bigay ni Jehova sa amin. Maligayang-maligaya kami dahil dito.” Hindi ba’t nakakataba ng puso na marinig ang gayong pasasalamat para sa bagong Kingdom Hall at malaman na ganiyang kaligayahan din ang nadarama ng ating mga kapatid sa iba’t ibang lokasyon sa daigdig? Malinaw, kay Jehova ang gawaing ito, dahil matapos maitayo ang isang bagong Kingdom Hall, kadalasan nang napupuno ito ng tapat-pusong mga tao na nagnanais na makilala nang higit ang ating maibiging Maylalang.—Awit 127:1.

12. Paano ka makatutulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall?

12 Maraming kapatid ang talagang naging maligaya dahil nakatulong sila sa pagtatayo ng Kingdom Hall. Aktuwal man tayong makapagtrabaho sa konstruksiyon o hindi, lahat tayo ay puwedeng sumuporta sa gayong mga proyekto sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon. Noong panahon ng Bibliya, nakatulong ang sigasig sa dalisay na pagsamba para matustusan ang teokratikong mga proyekto, at totoo rin iyan ngayon—para sa kapurihan ni Jehova.—Ex. 25:2; 2 Cor. 9:7.

PAGLILINIS NG KINGDOM HALL

13, 14. Anong mga simulain sa Bibliya ang nagpapakitang dapat nating panatilihing malinis at maayos ang ating Kingdom Hall?

13 Kapag naitayo na ang Kingdom Hall, kailangan itong panatilihing malinis at maayos para masalamin dito ang mga katangian at personalidad ng Diyos na sinasamba natin—isang Diyos ng kaayusan. (Basahin ang 1 Corinto 14:33, 40.) Sa Bibliya, ang kabanalan at espirituwal na kalinisan ay iniuugnay sa pisikal na kalinisan. (Apoc. 19:8) Kaya kung gusto nating maging katanggap-tanggap kay Jehova, dapat din tayong maging malinis sa ating katawan.

14 Kaayon ng nabanggit na mga simulain, hindi tayo nahihiyang mag-anyaya ng mga interesado sa ating mga pulong dahil tiwala tayong makikita sa kondisyon ng ating Kingdom Hall ang mabuting balita na ipinahahayag natin. Makikita nilang ang Diyos na sinasamba natin ay banal at gagawin niyang isang malinis na paraiso ang lupang ito.—Isa. 6:1-3; Apoc. 11:18.

15, 16. (a) Bakit hamon kung minsan na panatilihing malinis ang Kingdom Hall, pero bakit mahalagang gawin ito? (b) Ano ang kaayusan sa paglilinis sa inyong kongregasyon, at ano ang pribilehiyo ng bawat isa sa atin?

15 Ang ilan ay baka mas metikuloso sa paglilinis kaysa sa iba. Maaaring dahil iyon sa kinalakhan nila at sa ilang salik gaya ng putik, alikabok, kondisyon ng kalsada, at suplay ng tubig at mga panlinis. Anuman ang pananaw o sitwasyon sa inyong lugar, dapat na maging huwaran sa kalinisan at kaayusan ang ating Kingdom Hall, dahil taglay nito ang pangalan ni Jehova at para ito sa dalisay na pagsamba.—Deut. 23:14.

16 Dapat maging organisado ang paglilinis ng Kingdom Hall. Kailangang tiyakin ng bawat lupon ng matatanda na may iskedyul ng paglilinis at na may sapat na suplay at kagamitan para mapanatiling mahusay ang kondisyon ng Kingdom Hall. May mga bagay na kailangang linisin agad pagkatapos ng pulong, ang ibang bagay naman ay hindi kailangang ganoon kadalas linisin, kaya mahalaga ang mahusay na koordinasyon at pangangasiwa para matiyak na walang nakaliligtaan. Lahat sa kongregasyon ay may pribilehiyong makipagtulungan sa gawaing ito.

PAGMAMANTINI SA ATING LUGAR NG PAGSAMBA

17, 18. (a) Anong mga halimbawa ang makikita sa Bibliya tungkol sa pagmamantini sa mga lugar ng pagsamba? (b) Bakit dapat panatilihing maayos ang kondisyon ng mga Kingdom Hall?

17 Sinisikap din ng mga lingkod ni Jehova na mamantini ang kanilang lugar ng pagsamba. Iniutos ni Haring Jehoas ng Juda sa mga saserdote na gamitin ang mga abuloy sa bahay ni Jehova para “kumpunihin . . . ang mga bitak sa bahay saanman may masumpungang anumang bitak.” (2 Hari 12:4, 5) Makalipas ang 200 taon, ginamit din ni Haring Josias ang mga abuloy sa templo para sa pagkukumpuni nito.—Basahin ang 2 Cronica 34:9-11.

18 Sa ulat ng ilang tanggapang pansangay, may mga bansa na hindi palaisip sa pagmamantini ng mga gusali o mga kagamitan. Maaaring walang gaanong nakakaalam sa kanila kung paano iyon gagawin o wala silang pondo para dito. Pero malinaw na kapag hindi namamantini ang Kingdom Hall, mabilis itong masisira at hindi iyon magandang patotoo sa komunidad. Kapag ginagawa ng mga miyembro ng kongregasyon ang lahat para mapanatiling maayos ang kondisyon ng Kingdom Hall, nagbibigay ito ng kapurihan kay Jehova at hindi nasasayang ang donasyon ng mga kapatid.

Hindi dapat pabayaan ang paglilinis at pagmamantini sa Kingdom Hall Tingnan ang parapo 16, 18)

19. Ano ang determinasyon mo tungkol sa mga gusaling ginagamit natin sa dalisay na pagsamba?

19 Ang Kingdom Hall ay isang gusali na nakaalay kay Jehova. Kaya hindi masasabing pagmamay-ari ito ng sinumang indibiduwal o ng kongregasyon, anuman ang nakalagay sa titulo nito. Batay sa mga simulaing Kristiyano, dapat na lubusan tayong makipagtulungan para matiyak na natutupad ang layunin kung bakit itinayo ang gusaling ito. Lahat tayo ay makatutulong sa bagay na iyan kung magpapakita tayo ng paggalang sa ating mga lugar ng pagsamba, magbibigay ng donasyon para sa pagtatayo ng bagong Kingdom Hall, at magbibigay ng ating panahon at lakas para mamantini at mapanatiling malinis ang Kingdom Hall. Sa paggawa nito, ipinakikita natin ang ating sigasig para sa lugar ng pagsamba kay Jehova, gaya ng ginawa ni Jesus.—Juan 2:17.

^ par. 2 Mga Kingdom Hall ang pangunahing tinutukoy sa artikulong ito, pero ang mga simulain ay kapit din sa mga Assembly Hall at iba pang pasilidad na ginagamit sa dalisay na pagsamba.