Alam Mo Ba?
Marami bang kagubatan sa sinaunang Israel gaya ng inilalarawan sa Bibliya?
SINASABI sa Bibliya na may mga lugar sa Lupang Pangako na magubat at ‘napakaraming’ puno. (1 Hari 10:27; Jos. 17:15, 18) Pero dahil halos wala nang kagubatan sa malalaking bahagi ng lupain sa ngayon, maaaring may mga nag-iisip kung ganoon ba ang kalagayan noon.
Ayon sa aklat na Life in Biblical Israel, “ang mga kagubatan sa sinaunang Israel ay di-hamak na mas malalawak kumpara ngayon.” Mga punong gaya ng Aleppo pine (Pinus halepensis), evergreen oak (Quercus calliprinos), at terebinth (Pistacia palaestina) ang karaniwan nang makikita roon. Sa Sepela, isang lugar na sumasaklaw sa mabababang burol sa pagitan ng gitnang kabundukan at ng Baybayin ng Mediteraneo, napakaraming igos ng sikomoro (Ficus sycomorus).
Sinasabi ng aklat na Plants of the Bible na sa ilang lugar sa Israel ngayon, wala nang makikitang puno. Bakit? Ipinaliliwanag ng aklat na hindi ito biglang nangyari: “Walang habas na sinisira ng tao ang likas na mga pananim, hindi lang para lumawak ang kanilang sinasakang lupa at pastulan, kundi para kumuha rin ng mga materyales sa konstruksiyon at ng panggatong.”