Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paglilingkod kay Jehova sa “Kapaha-pahamak na mga Araw”

Paglilingkod kay Jehova sa “Kapaha-pahamak na mga Araw”

“PARAMI nang parami ang nagiging problema ko sa kalusugan,” ang sabi ni Ernst, na mahigit 70 anyos na. * Ganiyan din ba ang nararanasan mo? Kapag nagkakaedad ka na at nararamdaman mong humihina na ang iyong katawan at kalusugan, mauunawaan mo na ang sinasabi sa Eclesiastes kabanata 12. Sa talata 1, ang pagtanda ay inilalarawan bilang “kapaha-pahamak na mga araw.” Pero hindi ibig sabihin nito na magiging miserable na ang buhay mo. Puwede pa rin itong maging makabuluhan habang maligaya kang naglilingkod kay Jehova.

PANATILIHING MATIBAY ANG PANANAMPALATAYA

Mahal naming mga kapatid, hindi kayo nag-iisa sa pinagdaraanan ninyo. Naranasan din iyan ng may-edad nang mga lingkod noon ni Jehova. Halimbawa, lumabo ang paningin nina Isaac, Jacob, at Ahias hanggang sa hindi na sila nakakita. (Gen. 27:1; 48:10; 1 Hari 14:4) Nadama ni Sara na siya ay “lipas na.” (Gen. 18:11, 12) Si Haring David naman ay “hindi [na] makadama ng init.” (1 Hari 1:1) Ang mayamang si Barzilai ay nawalan ng panlasa at hindi na makarinig ng musika. (2 Sam. 19:32-35) Naranasan naman nina Abraham at Noemi na mamatayan ng asawa.—Gen. 23:1, 2; Ruth 1:3, 12.

Ano ang nakatulong sa kanila na makapanatiling tapat kay Jehova at maligaya? Sa kaniyang katandaan, patuloy na naniwala si Abraham sa pangako ng Diyos at “naging malakas sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya.” (Roma 4:19, 20) Kailangan din natin ng matibay na pananampalataya. Hindi ito nakadepende sa edad natin, abilidad, o kalagayan. Ang patriyarkang si Jacob ay mahina na noon, bulag, at nakaratay na lang sa higaan, pero kinakitaan pa rin siya ng matibay na pananampalataya sa mga pangako ng Diyos. (Gen. 48:1-4, 10; Heb. 11:21) Ngayon, sa kabila ng mahinang mga kalamnan, sinabi ng 93-anyos na si Ines: “Araw-araw, damang-dama ko ang saganang pagpapala ni Jehova. Araw-araw kong iniisip ang Paraiso. Iyan ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.” Napakagandang halimbawa ng pagiging positibo!

Pinatitibay natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pananalangin, pagsusuri sa Salita ng Diyos, at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Ang may-edad nang si propeta Daniel ay tatlong beses na nananalangin araw-araw at patuloy na nag-aaral ng Salita ng Diyos. (Dan. 6:10; 9:2) Ang biyuda at may-edad nang si Ana ay “hindi kailanman lumiliban sa templo.” (Luc. 2:36, 37) Kapag dumadalo ka at nakikibahagi sa mga pagpupulong sa abot ng iyong makakaya, hindi lang ikaw ang napalalakas kundi pati ang lahat ng dumalo. At laging nalulugod si Jehova sa iyong mga panalangin, kahit limitado lang ang nagagawa mo.—Kaw. 15:8.

Patibayin ang isa’t isa

Gusto ng marami sa inyo na manatiling malinaw ang paningin para makabasa at maging malakas para makadalo sa mga pagpupulong, pero baka nagiging mahirap o imposible na ito. Ano ang puwede ninyong gawin? Samantalahin kung ano ang kaya ninyo. Marami sa mga hindi nakadadalo ang nakikinig sa mga pulong sa pamamagitan ng telepono. Ang 79 anyos na si Inge ay malabo na ang paningin. Kapag naghahanda sa pulong, ang ginagamit niya ay ang ibinibigay ng kakongregasyon niya na mga computer printout na malalaki ang letra.

Isang bagay ang maaaring taglay ninyo na wala sa iba—panahon. Bakit hindi ito gamitin sa pakikinig ng mga rekording ng Bibliya, literatura sa Bibliya, pahayag, at mga audio drama? Puwede rin ninyong tawagan ang mga kapatid para makipagkuwentuhan tungkol sa espirituwal na mga bagay at masiyahan sa “pagpapalitan ng pampatibay-loob.”—Roma 1:11, 12.

MANATILING AKTIBO SA PAGLILINGKOD SA DIYOS

Ipangaral ang salita

“Mahirap tanggapin na hindi ka na kasinlakas na gaya ng dati,” ang daing ni Christa, na mahigit nang 80 anyos. Kaya paano makapananatiling maligaya ang mga may-edad na? “Maging positibo,” ang sabi ng 75-anyos na si Peter, “huwag laging isipin ang mga bagay na hindi mo na kayang gawin kundi masiyahan sa kung ano ang kaya mo.”

May iba ka pa bang puwedeng gawin para makapagpatotoo? Si Heidi ay hindi na nakapagbabahay-bahay na gaya ng dati. Sa edad na mahigit 80, nag-aral siyang gumamit ng computer para makagawa ng mga sulat. Ang ilang may-edad nang mamamahayag ay nakikipag-usap tungkol sa Bibliya habang nakaupo sa parke o istasyon ng bus. Kung nasa nursing home ka naman, puwede mo bang gawing “teritoryo” ang mga nag-aalaga sa iyo at ang iba pang mga nakatira doon?

Maging mapagpatuloy

Kahit may-edad na, masigasig na itinaguyod ni Haring David ang dalisay na pagsamba. Nagbigay siya ng pondo at tumulong sa pag-oorganisa para maitayo ang templo. (1 Cro. 28:11–29:5) Sa katulad na paraan, maging interesado sa mga nangyayari sa gawaing pang-Kaharian at alamin kung paano ka makasusuporta. Bakit hindi mo patibayin ang mga payunir o ang iba pang masisigasig na mamamahayag sa inyong kongregasyon sa pamamagitan ng nakapagpapasiglang usapan, simpleng regalo, o meryenda? Puwede mo ring isama sa panalangin ang mga kabataan, pamilya, mga nasa buong-panahong paglilingkod, maysakit, at ang mga kapatid na may mabibigat na pananagutan.

Ikaw at ang iyong paglilingkod ay pinahahalagahan. Mga minamahal naming may-edad, kailanman ay hindi kayo iiwan ng ating makalangit na Ama. (Awit 71:9) Mahal na mahal kayo ni Jehova. Di-magtatagal, patuloy na madaragdagan ang edad natin, pero hindi na tayo mahihirapan o daranas ng “kapaha-pahamak na mga araw.” Sa halip, taglay ang sakdal na kalakasan at kalusugan, patuloy nating paglingkuran ang ating maibiging Diyos na si Jehova magpakailanman!

^ par. 2 Binago ang ilang pangalan.