Patuloy na Maghintay!
“Kung iyon man ay magluwat, patuloy mong hintayin iyon.”—HAB. 2:3.
1, 2. Ano ang saloobin ng mga mananamba ni Jehova noon pa man?
NOON pa man, hinihintay na ng mga mananamba ni Jehova ang katuparan ng kinasihang mga hula. Halimbawa, inihula ni Jeremias na ititiwangwang ang Juda, at nangyari iyon noong 607 B.C.E. sa kamay ng mga Babilonyo. (Jer. 25:8-11) Inihula ni Isaias na isasauli ni Jehova sa Juda ang mga tapong Judio, at sinabi niya: “Maligaya ang lahat ng patuloy na naghihintay sa kaniya.” (Isa. 30:18) Si Mikas, na humula rin may kaugnayan sa sinaunang bayan ng Diyos, ay nagsabi: “Si Jehova ang patuloy kong hihintayin.” (Mik. 7:7) Sa loob ng maraming siglo, patuloy ring hinintay ng mga lingkod ng Diyos ang katuparan ng mga hula tungkol sa Mesiyas, o Kristo.—Luc. 3:15; 1 Ped. 1:10-12. *
2 Ang mga lingkod ni Jehova ngayon ay patuloy ring naghihintay, dahil ang mga hula tungkol sa Mesiyas ay patuloy pang natutupad. Sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, malapit nang wakasan ni Jehova ang paghihirap ng tao. Lilipulin niya ang masasama at ililigtas ang kaniyang bayan mula sa mapanganib na sanlibutang ito na nasa kapangyarihan ni Satanas. (1 Juan 5:19) Kaya manatili tayong alisto at laging isaisip na ang wakas ng sistemang ito ay mabilis na dumarating.
3. Kung matagal na nating hinihintay ang wakas, ano ang posibleng maisip natin?
3 Bilang mga lingkod ni Jehova, gustong-gusto nating makitang natutupad na ang kalooban ng Diyos, “kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mat. 6:10) Pero kung matagal na nating hinihintay ang wakas ng sistemang ito, baka maisip natin, ‘Dapat pa ba tayong patuloy na maghintay?’ Tingnan natin.
BAKIT DAPAT TAYONG PATULOY NA MAGHINTAY?
4. Ano ang isang mahalagang dahilan kung bakit dapat tayong patuloy na magbantay?
4 Malinaw na sinasabi ng Bibliya kung ano ang dapat na maging saloobin natin habang papalapít ang pagkawasak ng sistemang ito ng mga bagay. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “patuloy [na] magbantay” at “manatiling gising.” (Mat. 24:42; Luc. 21:34-36) Iyan pa lang ay mabigat nang dahilan para patuloy tayong maghintay—sinabi mismo ni Jesus na gawin natin ito! Magandang halimbawa rito ang organisasyon ni Jehova. Patuloy tayong hinihimok ng mga publikasyon nito na ‘hintayin at ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova’ at magpokus sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan.—Basahin ang 2 Pedro 3:11-13.
5. Bakit kailangan natin ngayon na lalong maging mapagbantay?
5 Mahalaga para sa mga Kristiyano noon na patuloy na maghintay, pero higit itong mahalaga para sa atin ngayon. Bakit? Dahil nabubuhay tayo sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo. Mula noong 1914, kitang-kita na ang tanda ng kaniyang pagkanaririto. At ang tandang ito na may iba’t ibang bahagi, kasama na ang paglala ng mga kalagayan sa daigdig at ang pangangaral sa buong lupa tungkol sa Kaharian, ay nagpapakitang nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 24:3, 7-14) Hindi sinabi ni Jesus kung gaano kahaba ang yugtong iyan hanggang sa dumating ang wakas, kaya kailangan natin na lalong maging mapagbantay.
6. Bakit natin maaasahang lalala ang mga kalagayan sa daigdig habang papalapít ang wakas?
6 Baka maitanong natin: Hindi kaya ang “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay isang panahon sa hinaharap kung kailan magiging mas malala ang mga kalagayan sa daigdig? Totoong ipinakikita ng Bibliya na higit pang lalala ang kasamaan sa “mga huling araw.” (2 Tim. 3:1, 13; Mat. 24:21; Apoc. 12:12) Kaya maaasahan natin na ang masasamang kalagayan sa daigdig ay patuloy na titindi.
7. Ano ang ipinahihiwatig ng Mateo 24:37-39 tungkol sa mga kalagayan sa daigdig sa mga huling araw?
7 Pero gaano ba kasamâ ang inaasahan mong magiging kalagayan bago ang “malaking kapighatian”? (Apoc. 7:14) Inaasahan mo bang magkakaroon ng digmaan sa bawat bansa, wala nang makain, at nagkakasakit ang karamihan? Kapag ganiyan ang kalagayan, hindi na maitatanggi ninuman na natutupad na ang hula ng Bibliya. Pero sinabi ni Jesus na ‘hindi magbibigay-pansin’ sa kaniyang pagkanaririto ang karamihan ng tao. Magpapatuloy sila sa kanilang normal na buhay hanggang sa maging huli na ang lahat. (Basahin ang Mateo 24:37-39.) Kaya ipinahihiwatig ng Kasulatan na ang mga kalagayan sa mga huling araw ay hindi magiging ganoon kalala anupat mapipilitan ang mga tao na maniwalang malapit na ang wakas.—Luc. 17:20; 2 Ped. 3:3, 4.
8. Ano ang malinaw na nakikita ng mga sumusunod sa utos ni Jesus na ‘patuloy na magbantay’?
8 Sa kabilang banda, para matupad ang layunin ng tanda, ang katuparan nito ay dapat Mat. 24:27, 42) At ganiyan nga ang nangyayari. Mula noong 1914, patuloy na natutupad ang mga bahagi ng tanda. Malinaw na nabubuhay na tayo ngayon sa “katapusan ng sistema ng mga bagay”—isang limitadong yugto ng panahon na hahantong at sumasaklaw sa pagkawasak ng masamang sistemang ito.
na malinaw na makita ng mga sumusunod sa payo ni Jesus na ‘patuloy na magbantay.’ (9. Bakit dapat nating patuloy na hintayin ang wakas ng sistemang ito?
9 Kaya bakit dapat na patuloy na maghintay ang mga Kristiyano ngayon? Sinusunod natin si Jesu-Kristo kaya patuloy tayong naghihintay. Malinaw rin nating nakikita ang tanda ng kaniyang pagkanaririto. Naghihintay tayo hindi dahil masyado lang tayong mapaniwalain kundi dahil kumbinsido tayo sa malinaw na mga ebidensiya sa Bibliya. Napakikilos tayo ng mga iyon na manatiling gising at mapagbantay sa pagdating ng wakas ng masamang sistemang ito.
HANGGANG KAILAN?
10, 11. (a) Sa anong posibilidad inihanda ni Jesus ang kaniyang mga alagad? (b) Ano ang sinabi ni Jesus na dapat gawin ng kaniyang mga tagasunod sakaling hindi dumating ang wakas ayon sa inaasahan nila? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
10 Marami sa atin ang ilang dekada nang nananatiling gising sa espirituwal at naghihintay. Pero huwag nating hayaan na dahil dito ay humina ang determinasyon nating patuloy na maghintay. Kailangang maging handa tayo sa pagdating ni Jesus bilang Tagapuksa para wakasan ang sistemang ito ng mga bagay. Tandaan na sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon. Tulad ito ng isang taong naglalakbay sa ibang bayan na nag-iwan ng kaniyang bahay at nagbigay ng awtoridad sa kaniyang mga alipin, sa bawat isa ay ang kaniyang gawain, at nag-utos sa bantay-pinto na patuloy na magbantay. Kaya nga patuloy kayong magbantay, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa pagabi na o sa hatinggabi o sa pagtilaok ng manok o maaga sa kinaumagahan; upang kapag bigla siyang dumating, hindi niya kayo masumpungang natutulog. Ngunit ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Patuloy kayong magbantay.”—Mar. 13:33-37.
11 Nang maunawaan ng mga tagasunod ni Jesus na ang pagkanaririto ni Kristo ay nagsimula noong 1914, naghanda na sila para sa posibleng pagdating ng wakas anumang oras. Puspusan silang nangaral tungkol sa Kaharian. Ipinahiwatig ni Jesus na baka hindi siya agad dumating—maaaring dumating siya “sa pagtilaok ng manok o maaga sa kinaumagahan.” Kung ganiyan ang mangyayari, ano ang gagawin ng mga tagasunod niya? Sinabi ni Jesus: “Patuloy kayong magbantay.” Kaya kahit pakiramdam natin ay matagal na tayong naghihintay, hindi natin dapat isipin na malayo pa ang wakas o na hindi ito darating sa panahon natin.
12. Ano ang itinanong ni Habakuk kay Jehova, at ano ang isinagot ng Diyos?
12 Tingnan natin ang halimbawa ni propeta Habakuk, na inatasang humula na wawasakin ang Jerusalem. Nang magsimula siyang humula, maraming taon nang binababalaan ang lunsod. Ang mga kalagayan doon ay umabot sa puntong ‘pinalilibutan ng balakyot ang matuwid at ang katarungan ay lumalabas na liko.’ Kaya hindi kataka-takang itinanong ni Habakuk: “O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng tulong?” Sa halip na sagutin ang tanong na iyon, tiniyak ni Jehova sa kaniyang tapat na propeta na ‘hindi maaantala’ ang inihulang pagkawasak. Sinabi ng Diyos kay Habakuk: “Patuloy mong hintayin iyon.”—Basahin ang Habakuk 1:1-4; 2:3.
13. Ano ang puwede sanang ikinatuwiran ni Habakuk, at bakit mapanganib iyon?
13 Isip-isipin kung pinanghinaan ng loob si Habakuk at sinabi niya: ‘Ilang taon ko nang naririnig na wawasakin ang Jerusalem. Paano kung hindi pa pala mangyayari iyon? Parang hindi ko naman kailangang patuloy na ihulang wawasakin ang lunsod. Bahala na ang iba na gawin iyan.’ Kung ganiyan ang naging kaisipan ni Habakuk, tiyak na naiwala niya ang pagsang-ayon ni Jehova—baka namatay rin siya noong wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem!
14. Bakit tayo makatitiyak na hindi tayo mabibigo kung patuloy tayong maghihintay?
14 Sa bagong sanlibutan, makikita natin na lahat ng inihulang mangyayari kaugnay ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay ay talagang natupad. Kung bubulay-bulayin natin kung paano natupad ang mga iyon, lalong titibay ang ating tiwala kay Jehova at sa kaniyang mga pangakong matutupad pa lang. (Basahin ang Josue 23:14.) Tiyak na pasasalamatan natin ang Diyos dahil ‘ang mga panahon o mga kapanahunan ay inilagay niya sa kaniyang sariling kapamahalaan’ at hinimok niya tayong mamuhay na isinasaisip na “ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na.”—Gawa 1:7; 1 Ped. 4:7.
KUMILOS HABANG NAGHIHINTAY!
15, 16. Bakit ang puspusang pangangaral ang pinakamakatuwirang gawin ngayon?
15 Makaaasa tayo na ang organisasyon ni Jehova ay patuloy na magpapaalaala na dapat nating puspusang paglingkuran ang Diyos. Makatutulong ang mga paalaalang iyon hindi lang para manatili tayong abala sa paglilingkod sa Diyos kundi para patuloy rin nating makita na natutupad na ang tanda ng pagkanaririto ni Kristo. Kaya ano ang pinakamakatuwirang gawin ngayon? Patuloy na hanapin muna ang Kaharian at ang katuwiran ng Diyos at masigasig na ipangaral ang mabuting balita!—Mat. 6:33; Mar. 13:10.
16 Isang sister ang nagkomento: “Sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, makatutulong . . . tayo na masagip ang mga tao sa tiyak na kamatayan mula sa kapahamakang sasapit sa daigdig.” Alam niya ang pakiramdam ng isa na nasagip, dahil kabilang silang mag-asawa sa mga nakaligtas sa isa sa pinakamalaking sakuna sa dagat—ang paglubog ng luxury liner na Wilhelm Gustloff noong 1945. Kahit nasa gayong panganib ang isa, baka hindi pa rin niya nakikita kung ano talaga ang importante. Naalaala ng sister ang isang babaeng sigaw nang sigaw: “Mga maleta ko! Mga maleta ko! Mga alahas ko! Nasa cabin lahat ng alahas ko. Wala nang natira sa ’kin!” Pero may mga pasahero naman na nagsapanganib ng buhay masagip lang ang mga taong nahulog sa nagyeyelong dagat. Gaya ng di-makasariling mga pasaherong iyon, ginagawa rin natin ang lahat para tulungan ang mga tao. Lagi
nating isinasaisip na apurahan ang ating pangangaral at tinutulungan ang iba na makaligtas sa wakas ng sistemang ito bago mahuli ang lahat.17. Bakit tayo naniniwalang anumang oras ay maaaring dumating ang wakas?
17 Malinaw na makikita sa mga pangyayari sa daigdig na natutupad na ngayon ang hula ng Bibliya at napakalapit na ng wakas ng masamang sistemang ito. Kaya hindi natin dapat isipin na matatagalan pa bago balingan ng “sampung sungay” at ng “mabangis na hayop” ng Apocalipsis 17:16 ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Tandaan natin na ‘ilalagay iyon ng Diyos sa kanilang mga puso’ para kumilos sila—at maaari itong mangyari nang biglaan at anumang oras! (Apoc. 17:17) Napakalapit na ng wakas ng buong sistemang ito ng mga bagay. Kaya dapat nating sundin ang babala ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo.” (Luc. 21:34, 35; Apoc. 16:15) Maging determinado nawa tayo na puspusang paglingkuran si Jehova, na nagtitiwalang siya ay “kumikilos para sa isa na patuloy na naghihintay sa kaniya.”—Isa. 64:4.
18. Anong tanong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Habang hinihintay natin ang wakas ng masamang sistemang ito ng mga bagay, sundin natin ang kinasihang salita ng alagad na si Judas: “Mga minamahal, sa pamamagitan ng pagpapatibay ng inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya, at pananalangin taglay ang banal na espiritu, panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, habang hinihintay ninyo ang awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo tungo sa buhay na walang hanggan.” (Jud. 20, 21) Pero paano natin maipakikitang hinihintay natin ang ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos at na talagang gustong-gusto na nating mamuhay roon? Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
^ par. 1 Para sa listahan ng ilang hula sa Bibliya tungkol sa Mesiyas at sa katuparan nito, tingnan ang pahina 200 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?