Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakikita Mo Ba ang Kamay ng Diyos sa Iyong Buhay?

Nakikita Mo Ba ang Kamay ng Diyos sa Iyong Buhay?

“Ang kamay ni Jehova ay tiyak na mahahayag sa kaniyang mga lingkod.”—ISA. 66:14.

AWIT: 65, 26

1, 2. Ano ang iniisip ng iba tungkol sa Diyos?

INIISIP ng marami na hindi binibigyang-pansin ng Diyos ang mga ginagawa nila. Naniniwala pa nga ang ilan na walang pakialam ang Diyos sa mga nangyayari sa tao. Matapos salantain ng Super Typhoon Yolanda (Haiyan) ang rehiyon ng Visayas sa Pilipinas noong Nobyembre 2013, ang mayor ng isang malaking lunsod ay nagsabi na parang wala roon ang Diyos.

2 May mga tao naman na gumagawi na parang hindi nakikita ng Diyos ang ginagawa nila. (Isa. 26:10, 11; 3 Juan 11) Katulad sila ng mga taong inilalarawan ni apostol Pablo nang sabihin niya: “Hindi nila sinang-ayunang kilalanin ang Diyos ayon sa tumpak na kaalaman.” Ang gayong mga tao ay ‘puspos ng lahat ng kalikuan, kabalakyutan, kaimbutan, at kasamaan.’—Roma 1:28, 29.

3. (a) Ano ang puwede nating itanong sa sarili tungkol sa Diyos? (b) Sa Bibliya, sa ano kadalasang tumutukoy ang “kamay” ni Jehova?

3 Kumusta tayo? Alam natin na nakikita ni Jehova ang lahat ng ginagawa natin. Pero nakikita rin ba natin ang pagmamalasakit at pag-alalay niya sa atin? Isa rin ba tayo sa tinutukoy ni Jesus na ‘makakakita sa Diyos’? (Mat. 5:8) Para maintindihan ito, tingnan natin ang ilang halimbawa sa Bibliya tungkol sa mga taong nakakita at hindi nakakita o kumilala sa kamay ng Diyos. Mauunawaan din natin kung paano natin malinaw na makikita sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya ang kamay ni Jehova sa ating buhay. Habang tinatalakay natin ito, tandaan na sa Bibliya, ang “kamay” ng Diyos ay kadalasang tumutukoy sa kapangyarihang ginagamit niya para tulungan ang kaniyang mga lingkod at talunin ang kaniyang mga kaaway.—Basahin ang Deuteronomio 26:8.

HINDI NILA NAKITA O KINILALA ANG KAMAY NG DIYOS

4. Bakit hindi nakita o kinilala ng mga kaaway ng Israel ang kamay ng Diyos?

4 Noon, nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao na makita at marinig kung paano kumilos ang Diyos para sa Israel. Makahimalang iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa Ehipto, at sunod-sunod nilang tinalo ang kalaban nilang mga hari. (Jos. 9:3, 9, 10) Kahit narinig at nakita ng halos lahat ng hari sa kanlurang panig ng Jordan kung paano iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan, “sila ay nagsimulang magtipong magkakasama upang may-pagkakaisang makipagdigma laban kay Josue at sa Israel.” (Jos. 9:1, 2) Nang makipagdigma sa Israel ang mga haring iyon, nagkaroon sila ng pagkakataong makita ang kamay ng Diyos. Sa utos ni Jehova, “ang araw ay nanatiling nakahinto, at ang buwan ay tumigil, hanggang sa makapaghiganti ang bansa sa mga kaaway nito.” (Jos. 10:13) Pero hinayaan ni Jehova na “magpakasutil ang kanilang mga puso [puso ng mga kaaway] anupat magdeklara ng digmaan laban sa Israel.” (Jos. 11:20) Hindi kinilala ng mga kaaway ng Israel na ang Diyos ang nakikipaglaban para sa Israel, kaya naman natalo sila.

5. Ano ang hindi kinilala ng masamang haring si Ahab?

5 Nang maglaon, maraming beses na nagkaroon ng pagkakataon ang masamang hari ng Israel na si Ahab na makita ang kamay ng Diyos. Sinabi sa kaniya ni Elias: “Hindi magkakaroon . . . ng hamog ni ng ulan man, malibang ayon sa utos ng aking salita!” (1 Hari 17:1) Maliwanag na si Jehova ang nasa likod ng pananalitang iyon, pero hindi naniwala si Ahab. Nang maglaon, nakita ni Ahab na bumulusok ang apoy mula sa langit nang manalangin si Elias para masunog ang kaniyang handog. Pagkatapos, ipinahiwatig ni Elias na tatapusin ni Jehova ang tagtuyot nang sabihin niya kay Ahab: “Lumusong ka upang hindi ka mapigilan ng ulan!” (1 Hari 18:22-45) Nakita ni Ahab na nangyari ang lahat ng ito, pero hindi pa rin niya kinilala na kapangyarihan iyon ng Diyos. May matututuhan tayo sa mga halimbawang tinalakay natin—dapat nating kilalanin ang kamay ni Jehova kapag kumikilos ito.

NAKITA NILA ANG KAMAY NI JEHOVA

6, 7. Ano ang malinaw na nakita ng ilan noong panahon ni Josue?

6 Di-gaya ng masasamang haring iyon, nakita ng iba ang kamay ng Diyos. Halimbawa, samantalang karamihan ng mga bansa ay nakipaglaban sa Israel noong panahon ni Josue, nakipagpayapaan naman sa Israel ang mga Gibeonita. Bakit? Sinabi nila: “Isang napakalayong lupain ang pinanggalingan ng iyong mga lingkod dahil sa pangalan ni Jehova na iyong Diyos, sapagkat narinig namin ang tungkol sa kaniyang kabantugan at ang tungkol sa lahat ng ginawa niya.” (Jos. 9:3, 9, 10) May-katalinuhan nilang kinilala na ang tunay na Diyos ang tumutulong sa Israel.

7 Nakita rin ni Rahab ang kamay ng Diyos noong panahon niya. Narinig niya kung paano sinagip ni Jehova ang Kaniyang bayan, kaya sinabi niya sa dalawang espiyang Israelita: “Alam ko na tiyak na ibibigay sa inyo ni Jehova ang lupain.” Kahit alam niyang mapanganib, ipinakita pa rin ni Rahab na nananampalataya siyang maililigtas siya ni Jehova at ang pamilya niya.—Jos. 2:9-13; 4:23, 24.

8. Paano kinilala ng ibang Israelita ang kamay ng Diyos?

8 Nang makita ng ibang Israelita ang apoy mula kay Jehova na tumupok sa handog ni Elias, di-gaya ni Ahab, kinilala nilang kamay ng Diyos ang gumawa nito. Sinabi nila: “Si Jehova ang tunay na Diyos!” (1 Hari 18:39) Para sa kanila, malinaw na kapangyarihan iyon ng Diyos!

9. Paano natin makikita ngayon si Jehova at ang kaniyang kamay?

9 Sa tinalakay nating mabuti at masamang mga halimbawa, naintindihan natin ang kahulugan ng ‘makita ang Diyos’ o makita ang kamay niya. Habang nakikilala natin ang Diyos, maaari din nating makita ang kamay niya dahil nalalaman natin ang mga katangian at pagkilos niya sa pamamagitan ng “mga mata ng [ating] puso.” (Efe. 1:18) Malinaw na nakita ng tapat na mga tao noon at ngayon na tinutulungan ni Jehova ang kaniyang bayan at tiyak na gusto rin nating maging gaya nila. Pero may katibayan ba talaga tayo na tinutulungan ng Diyos ang mga tao ngayon?

KATIBAYAN NG PAGKILOS NG KAMAY NG DIYOS NGAYON

10. Ano ang katibayan natin na tinutulungan ni Jehova ang mga tao ngayon? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

10 Napakarami nating katibayan na patuloy na tinutulungan ni Jehova ang mga tao. Madalas tayong makarinig ng karanasan tungkol sa mga taong nanalangin para sa espirituwal na tulong at sinagot ng Diyos. (Awit 53:2) Halimbawa, habang nangangaral sa bahay-bahay sa isang maliit na isla sa Pilipinas, may nakausap si Allan na isang babae na biglang napaiyak. Sinabi ni Allan: “Nang umagang iyon, nanalangin pala siya kay Jehova na masumpungan sana siya ng mga Saksi. Dati siyang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi noong tin-edyer pa siya pero natigil nang mag-asawa siya at lumipat sa islang iyon. Sinagot agad ng Diyos ang panalangin niya kaya napaiyak siya.” Wala pang isang taon, inialay na niya kay Jehova ang kaniyang buhay.

Nakikita mo ba ang katibayan na tinutulungan ni Jehova ang kaniyang bayan ngayon? (Tingnan ang parapo 11-13)

11, 12. (a) Sa ano-anong paraan tinutulungan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod? (b) Maglahad ng karanasan ng isa na tinulungan ng Diyos.

11 Napatunayan ng maraming lingkod ng Diyos na talagang tinutulungan sila ni Jehova. Nagawa nilang makalaya sa mga bisyong gaya ng paninigarilyo, pag-abuso sa droga, o pornograpya. Sinabi ng ilan na paulit-ulit nilang sinubukang tumigil nang hindi humihingi ng tulong sa Diyos, pero walang nangyari. Gayunman, nang lumapit sila kay Jehova, binigyan niya sila ng “lakas na higit sa karaniwan,” at napagtagumpayan nila ang kanilang kahinaan.—2 Cor. 4:7; Awit 37:23, 24.

12 Tinutulungan din ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na makayanan ang personal na mga problema. Naranasan iyan ni Amy. Naatasan siyang tumulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall at missionary home sa isang maliit na isla sa Pasipiko. Sinabi niya: “Nakatira kami sa isang maliit na hotel, at araw-araw kaming naglalakad sa bahang mga kalye papunta sa site.” Kailangan din niyang mag-adjust sa mga kaugalian doon, at madalas ay wala silang tubig o kuryente. Sinabi pa ni Amy: “Ang malala pa nito, nasigawan ko ang isang katrabaho kong sister. Lungkot na lungkot ako pag-uwi. Sa madilim na kuwarto ko, ibinuhos ko kay Jehova ang laman ng aking puso, at humingi ako ng tulong.” Nang magkakuryente, isang artikulo sa Bantayan tungkol sa gradwasyon ng Gilead ang nabasa ni Amy. Tinalakay roon ang mga problemang katulad ng nararanasan niya: ibang kultura, pagka-homesick, bagong mga kasama. Sinabi niya: “Pakiramdam ko, kinakausap ako ni Jehova nang gabing iyon. Napatibay ako nito na magpatuloy sa atas ko.”—Awit 44:25, 26; Isa. 41:10, 13.

13. Ano ang katibayan natin na sinusuportahan ni Jehova ang bayan niya “sa pagtatanggol at sa legal na pagtatatag” ng mabuting balita?

13 Sinusuportahan din ni Jehova ang bayan niya “sa pagtatanggol at sa legal na pagtatatag” ng mabuting balita. (Fil. 1:7) Tinangka ng ilang gobyerno na lubusang patigilin ang gawain ng bayan ng Diyos. Pero malinaw na walang makapipigil sa kamay ng Diyos batay sa bilang ng naipanalong kaso ng mga Saksi ni Jehova—di-bababa sa 268 kaso sa mataas na hukuman, kasama na ang 24 na kaso sa European Court of Human Rights mula lang nitong taóng 2000.—Isa. 54:17; basahin ang Isaias 59:1.

14. Paano natin nakikita ang kamay ng Diyos sa ating pangangaral at sa pagkakaisang tinatamasa natin?

14 Ang mabuting balita ay naipangangaral sa buong daigdig dahil sa tulong ng Diyos. (Mat. 24:14; Gawa 1:8) Makikita rin sa bayan ni Jehova ngayon ang pagkakaisa at internasyonal na kapatiran—isang bagay na hindi kayang gawin ng sanlibutan. Kaya naman hindi tayo nagtataka kapag sinasabi ng iba: “Ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ninyo.” (1 Cor. 14:25) Talagang marami tayong katibayan na sinusuportahan ng Diyos ang kaniyang bayan! (Basahin ang Isaias 66:14.) Kumusta ka naman? Malinaw mo bang nakikita ang kamay ni Jehova sa iyong buhay?

NAKIKITA MO BA ANG KAMAY NI JEHOVA SA IYONG BUHAY?

15. Ipaliwanag kung bakit maaaring hindi natin makita kung minsan ang kamay ni Jehova sa ating buhay.

15 Kung minsan, maaaring hindi natin makita ang kamay ni Jehova sa ating buhay. Bakit? Sa dami ng ating problema, maaaring malimutan natin kung paano tayo tinulungan noon ni Jehova. Kahit si propeta Elias ay pansamantalang nakalimot sa ginawa ng Diyos alang-alang sa kaniya nang pagbantaan ni Reyna Jezebel ang buhay niya. Sinasabi ng Bibliya: “Pinasimulan niyang hilingin na ang kaniyang kaluluwa ay mamatay na sana.” (1 Hari 19:1-4) Ano ang solusyon sa problema ni Elias? Kailangan niyang umasa kay Jehova.—1 Hari 19:14-18.

16. Ano ang puwede nating gawin para makita natin ang Diyos gaya ni Job?

16 Masyadong nagpokus si Job sa mga problema niya kaya hindi niya nakita ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ng Diyos. (Job 42:3-6) Baka ganiyan din ang sitwasyon natin kung minsan. Ano ang puwede nating gawin para makita ang Diyos? Bulay-bulayin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ating mga problema. Habang mas nakikita natin kung paano tayo tinutulungan ni Jehova, mas nagiging totoo siya sa atin. Gaya ni Job, masasabi rin natin: “Sa sabi-sabi ay nakarinig ako ng tungkol sa iyo, ngunit ngayon ay nakikita ka nga ng aking mata.”

Ginagamit ka ba ni Jehova para tulungan ang iba na makita siya? (Tingnan ang parapo 17, 18)

17, 18. (a) Sa anong mga paraan natin maaaring makita na tinutulungan tayo ni Jehova? (b) Maglahad ng karanasan na nagpapakita kung paano tayo tinutulungan ng Diyos ngayon.

17 Paano natin makikita ang kamay ni Jehova? Bilang halimbawa: Baka kumbinsido kang Diyos mismo ang gumawa ng paraan para malaman mo ang katotohanan. Matapos mapakinggan ang isang pahayag sa pulong, nasabi mo ba minsan: “Iyan mismo ang kailangan ko”? O baka naranasan mong sinagot ang panalangin mo. Baka nagdesisyon kang palawakin ang iyong ministeryo at nakita mong tinulungan ka ni Jehova na magawa iyon. Naranasan mo na bang magbitiw sa trabaho alang-alang sa iyong espirituwalidad at pagkatapos ay napatunayan mong totoo ang pangako ng Diyos: “Hindi kita sa anumang paraan . . . pababayaan”? (Heb. 13:5) Kung gising tayo sa espirituwal, makikita natin kung paano tayo tinutulungan ni Jehova sa iba’t ibang paraan.

18 Ikinuwento ni Sarah na taga-Kenya: “Ipinanalangin ko ang isang Bible study ko. Pakiramdam ko kasi, hindi niya pinahahalagahan ang pag-aaral ng Bibliya. Tinanong ko si Jehova kung dapat ko nang ihinto ang pagtuturo sa kaniya. Pagkasabi ko ng ‘Amen,’ nag-ring ang telepono ko. Tumawag ang Bible study ko at nagtanong kung puwede siyang sumama sa akin sa pulong! Gulat na gulat ako!” Kung alerto ka, makikita mo rin kung paano kumikilos ang Diyos sa iyong buhay. Sinabi naman ni Rhonna na isang sister sa Asia: “Kailangan mong matutuhang makita kung paano ka ginagabayan ni Jehova. Kapag nagawa mo iyon, hahanga ka kapag nakita mo kung gaano kalaki ang malasakit niya sa atin!”

19. Ano pa ang kailangan nating gawin para makita natin ang Diyos?

19 Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga dalisay ang puso, yamang makikita nila ang Diyos.” (Mat. 5:8) Paano magiging “dalisay ang puso” natin? Dapat nating panatilihing malinis ang ating kaisipan at itigil ang anumang masamang ginagawa natin. (Basahin ang 2 Corinto 4:2.) Habang pinatitibay natin ang ating espirituwalidad at ginagawa ang tama, isa tayo sa mga makakakita sa Diyos. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano makatutulong ang pananampalataya para mas malinaw nating makita ang kamay ni Jehova sa ating buhay.