Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

100 Taon sa Ilalim ng Pamamahala ng Kaharian!

100 Taon sa Ilalim ng Pamamahala ng Kaharian!

“Nawa’y ang Diyos ng kapayapaan . . . ay magsangkap sa inyo ng bawat mabuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban.”—HEB. 13:20, 21.

AWIT: 136, 14

1. Gaano kahalaga kay Jesus ang pangangaral? Ipaliwanag.

KAHARIAN ng Diyos ang gustong-gustong ipakipag-usap ni Jesus. Batay sa ulat ng Bibliya, Kaharian ang pinakamadalas na paksa niya. Mahigit 100 ulit niya itong tinukoy sa panahon ng kaniyang ministeryo. Napakahalaga ng Kaharian para kay Jesus.—Basahin ang Mateo 12:34.

2. Ilan ang maaaring naroroon nang ibigay ang utos na nakaulat sa Mateo 28:19, 20? Bakit natin masasabi iyan?

2 Di-nagtagal matapos siyang buhaying muli, nagpakita si Jesus sa mahigit 500 potensiyal na tagapaghayag ng Kaharian. (1 Cor. 15:6) Marahil sa pagkakataong iyon niya ibinigay ang utos na ipangaral ang mensahe ng Kaharian sa “mga tao ng lahat ng mga bansa”—isang napakalaking gawain noon! * Inihula ni Jesus na magpapatuloy ang gawaing iyon hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” at ganoon nga ang nangyari. Malamang na isa ka rin sa mga tumutupad sa atas at hulang iyan.—Mat. 28:19, 20.

3. Anong tatlong bagay ang tumutulong sa atin na maipangaral ang mabuting balita?

3 Matapos ibigay ang utos na mangaral, nangako si Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ako ay sumasainyo.” (Mat. 28:20) Kaya ang malaking gawaing pangangaral ay isasagawa sa ilalim ng kaniyang patnubay. At sinasangkapan tayo ng ating Diyos ng “bawat mabuting bagay” para matupad ang atas na iyon. (Heb. 13:20, 21) Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlo sa mabubuting bagay na iyon: (1) ang mga kasangkapang ibinigay sa atin, (2) ang mga pamamaraang ginagamit natin, at (3) ang pagsasanay na tinatanggap natin. Una, isaalang-alang natin ang ilang kasangkapan na ginamit natin sa nakalipas na 100 taon.

SINASANGKAPAN NG HARI ANG KANIYANG MGA LINGKOD PARA MANGARAL

4. Bakit tayo gumagamit ng iba’t ibang kasangkapan sa ating pangangaral?

4 Inihalintulad ni Jesus ang “salita ng kaharian” sa binhi na naihasik sa iba’t ibang uri ng lupa. (Mat. 13:18, 19) Ang isang hardinero ay gumagamit ng iba’t ibang kasangkapan para maihanda ang hardin na pagtatamnan niya. Sa katulad na paraan, binigyan tayo ng ating Hari ng mga kasangkapan na makatutulong sa atin na maihanda ang puso ng milyon-milyon para tumanggap ng mensahe ng Kaharian. Ang ilang kasangkapan ay maaaring ginamit nang isang dekada o higit pa, samantalang ang iba naman ay ginagamit pa rin hanggang ngayon. Pero nakatulong ang lahat ng kasangkapang iyon para mapasulong ang kasanayan natin sa pangangaral.

5. Ano ang testimony card, at paano ito ginagamit?

5 Ang isang kasangkapan na nakatulong sa marami na makapag-umpisa sa ministeryo ay ang testimony card, na sinimulang gamitin ng mga mamamahayag ng Kaharian noong 1933. Maliit na card ito na mga tatlong pulgada ang lapad at limang pulgada ang haba. May maikling mensahe ito sa Bibliya. Pana-panahon, naglalabas ng bagong card na may bagong mensahe. Simple lang itong gamitin! Mga 10 taóng gulang si C. W. Erlenmeyer nang una siyang gumamit ng testimony card. Ipinaliwanag niya: “Ang introduksiyon ay, ‘Puwede mo bang basahin ang card na ito?’ Kapag nabasa na ng may-bahay ang card, iaalok namin ang literatura at pagkatapos ay aalis na kami.”

6. Paano nakatulong ang testimony card?

6 Nakatulong ang testimony card sa iba’t ibang paraan. Gustong-gusto ng ilang mamamahayag na mangaral, pero mahiyain sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin. Marami namang nasasabi ang iba. Sa loob lang ng ilang minuto, nababanggit na nila sa may-bahay ang lahat ng alam nila, pero madalas ay hindi mataktika! Sa kabaligtaran, sa maikli at pilíng mga pananalita, ang testimony card na ang “nagsasalita” para sa mamamahayag.

7. Anong mga hamon ang napaharap sa ilan sa paggamit ng testimony card?

7 Pero may mga hamon din. Naalaala ni Grace A. Estep, isang matagal nang Saksi: “Kung minsan, tinatanong kami, ‘Ano ba’ng sinasabi d’yan? Puwede bang sabihin mo na lang?’” Hindi naman mabasa ng ilang may-bahay ang nilalaman ng card. Akala naman ng iba ay sa kanila na ang card, kaya kapag nakuha na nila ito mula sa mamamahayag, isinasara na nila ang pinto. Kung napakasalansang ng may-bahay, pinupunit niya ang card. Pero natuto ang mga kapatid natin na humarap sa mga tao at magpakilalang mángangarál sila ng Kaharian.

8. Ipaliwanag kung paano ginagamit ang ponograpo. (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

8 Ang isa pang kasangkapan na ginamit noong dekada ’30 at mga unang taon ng dekada ’40 ay ang nabibitbit na ponograpo. Binansagan itong Aaron ng ilang kapatid dahil ito ang halos nagsasalita para sa kanila. (Basahin ang Exodo 4:14-16.) Kapag pumayag ang may-bahay, patutugtugin ng mamamahayag ang lektyur sa Bibliya na may habang apat at kalahating minuto, at pagkatapos ay mag-aalok siya ng ilang literatura. Kung minsan, pami-pamilya ang nakikinig sa inirekord na mensahe mula sa Bibliya! Noong 1934, ang Watch Tower Society ay nagsimulang gumawa ng mga nabibitbit na ponograpo na sadyang dinisenyo para sa ministeryo. Nang maglaon, nagkaroon na ng rekording sa 92 paksa.

9. Gaano kaepektibo ang paggamit ng ponograpo?

9 Nang marinig ni Hillary Goslin ang isa sa mga inirekord na pahayag sa Bibliya, hiniram niya nang isang linggo sa mamamahayag ang ponograpo para maiparinig sa kaniyang mga kapitbahay ang mensahe ng Kaharian. Pagbalik ng mamamahayag, may mga interesado nang naghihintay sa kaniya. Nang maglaon, nag-alay kay Jehova ang ilan sa kanila. Dalawang anak naman ni Hillary ang nakapag-aral sa Gilead at naging misyonera. Gaya ng testimony card, nakatulong din sa marami ang ponograpo para makapangaral. Sa kalaunan, sa tulong ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, tuturuan sila ng Hari kung paano mangangaral.

IBA’T IBANG PAMAMARAAN PARA MAABOT ANG MGA TAO

10, 11. Paano ginamit ang pahayagan at radyo para maipalaganap ang katotohanan sa Bibliya? Bakit epektibo ang mga pamamaraang ito?

10 Sa ilalim ng patnubay ng Hari, gumamit ang bayan ng Diyos ng iba’t ibang pamamaraan para makarating ang mabuting balita sa pinakamaraming tao hangga’t posible. Napakahalaga nito lalo na noong “ang mga manggagawa ay kakaunti.” (Basahin ang Mateo 9:37.) Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, pahayagan ang ginamit para maabot ang maraming tao sa mga lugar na kakaunti ang lingkod ni Jehova. Linggo-linggo, sa pamamagitan ng telegrapo, nagpapadala si Charles Taze Russell ng sermon sa isang news agency. Ipinadadala naman ito ng news agency sa mga pahayagan sa Estados Unidos, Canada, at Europa. Pagsapit ng 1913, tinatayang 15,000,000 na ang nakabasa ng mga sermon ni Brother Russell sa 2,000 pahayagan!

11 Pagkamatay ni Brother Russell, isang bagong epektibong pamamaraan ang ginamit. Noong Abril 16, 1922, isinahimpapawid sa radyo ang pahayag ni Joseph F. Rutherford, at tinatayang 50,000 ang nakarinig nito. Pagkatapos, noong Pebrero 24, 1924, nagsimulang magsahimpapawid ang unang istasyon ng radyo ng organisasyon—ang WBBR. Tungkol sa bagong pamamaraang ito, sinabi ng The Watch Tower, isyu ng Disyembre 1, 1924: “Sa lahat ng paraang ginamit sa pagpapalaganap ng mensahe ng katotohanan, naniniwala kaming ang radyo ang pinakamatipid at pinakaepektibo.” Gaya ng pahayagan, epektibo ang radyo para maabot ang maraming tao sa mga lugar na kakaunti ang mamamahayag ng Kaharian.

Maraming mamamahayag ng Kaharian ang nakikibahagi sa pampublikong pagpapatotoo at gustong-gusto nilang ipaalam sa mga tao ang ating website na jw.org (Tingnan ang parapo 12, 13)

12. (a) Anong anyo ng pampublikong pagpapatotoo ang gustong-gusto mo? (b) Paano natin madaraig ang takot na makibahagi sa pampublikong pagpapatotoo?

12 Higit pang binibigyang-pansin ngayon ang pampublikong pagpapatotoo: sa mga istasyon ng bus at tren, paradahan, pampublikong parke, at mga pamilihan. Kinakabahan ka bang makibahagi sa iba’t ibang anyong ito ng paglilingkod? Ipanalangin ito at pag-isipan ang sinabi ng isang matagal nang naglalakbay na tagapangasiwa, si Angelo Manera, Jr.: “Para sa amin, ang bawat bagong anyo ng paglilingkod ay bagong paraan para mapaglingkuran si Jehova, bagong paraan para patunayan ang aming katapatan sa kaniya, bagong pagsubok sa aming katapatan, at gustong-gusto naming patunayan na handa kaming maglingkod sa kaniya sa anumang paraang hilingin niya.” Kapag nakikibahagi tayo sa bagong anyo ng gawain, na baka hindi tayo komportableng gawin, natutulungan tayo nito na lalong magtiwala at manampalataya kay Jehova, na magpapatibay ng ating espirituwalidad.—Basahin ang 2 Corinto 12:9, 10.

13. Bakit epektibo ang ating website? Ano ang karanasan mo sa paggamit nito?

13 Gustong-gusto ng maraming mamamahayag na ipaalam sa mga tao ang ating website na jw.org, kung saan makababasa sila at makapagda-download ng salig-Bibliyang mga literatura sa mahigit 700 wika. Araw-araw, mahigit 1.6 milyon katao ang pumupunta sa ating website. Gaya ng radyo, naipaaabot ng website natin ang mabuting balita kahit sa liblib na mga lugar.

PAGSASANAY SA MGA MINISTRO NG MABUTING BALITA

14. Anong pagsasanay ang kailangan ng mga mamamahayag ng Kaharian, at anong paaralan ang nakatulong sa kanila na maging mabisang mga guro?

14 Tinalakay natin ang ilang kasangkapan at pamamaraan na ginagamit sa pangangaral ng mabuting balita. Pero kumusta naman ang pagsasanay na tinatanggap natin? Ipagpalagay nang tumutol ang may-bahay sa narinig niya sa ponograpo o naging interesado sa nabasa niya sa testimony card. Kailangang matutuhan ng mamamahayag kung paano mataktikang sasagutin ang pagtutol at kung paano magtuturo nang mahusay sa mga tapat-puso. Maliwanag na sa tulong ng espiritu ng Diyos, nakita ni Nathan H. Knorr na kailangang sanayin ang mga mamamahayag sa pakikipag-usap sa ministeryo. Ano ang solusyon? Ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, na unang inorganisa sa mga kongregasyon noong 1943. Tinutulungan tayo ng paaralang ito na maging mabisang mga guro.

15. (a) Ano ang karanasan ng ilan sa pagganap ng bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo? (b) Paano mo napatunayang totoo ang pangako ni Jehova sa Awit 32:8?

15 Maraming kapatid ang hindi sanay magsalita sa harap ng mga tagapakinig. Naalaala pa ni Julio S. Ramu ang una niyang bahagi sa paaralan noong 1944. Tungkol iyon kay Doeg, isang lalaking binanggit sa limang talata lang ng Bibliya! “Nag-uumpugan ang tuhod ko, nanginginig ang kamay ko, at nangangatal ang ngipin ko,” ang sabi ni Julio. Sinikap din niyang mabuo ang kaniyang bahagi gamit ang limang tekstong iyon. “Natapos ko nang tatlong minuto ang bahagi ko. Iyon ang unang karanasan ko sa plataporma, pero hindi ako sumuko.” Pati mga bata ay nakibahagi sa paaralan kahit nahihirapan ang ilan na gumanap ng bahagi sa kongregasyon. Naalaala ni Angelo Manera, na binanggit kanina, ang isang batang lalaki noong una itong magkabahagi. “Kabadong-kabado siya at nang simulan niya ang kaniyang bahagi, napaiyak siya. Dahil determinado siyang gampanan iyon, tinapos niya ang kaniyang bahagi kahit umiiyak.” Nag-aatubili ka bang magkomento o makibahagi sa mga pulong dahil nahihiya ka o parang hindi mo kaya? Hilingin kay Jehova na tulungan kang madaig ang takot mo. Tutulungan ka niya kung paanong tinulungan niya ang mga unang estudyante sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.—Basahin ang Awit 32:8.

16. Ano ang layunin ng Paaralang Gilead (a) noong una at (b) mula noong 2011?

16 Hindi lang sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sinasanay ang bayan ni Jehova. Nakinabang nang husto ang mga misyonero at ang iba pa sa Paaralang Gilead. Ayon sa isang instruktor, tunguhin ng paaralan na “itanim sa puso ng mga estudyante ang mas matinding pagnanais na makibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo.” Nagsimula ang Gilead noong 1943, at mula noon ay mahigit 8,500 na ang sinanay rito. Ang mga misyonerong nag-aral sa Gilead ay naglilingkod sa mga 170 lupain. Mula 2011, mga nasa pantanging buong-panahong paglilingkod na lang ang inaanyayahan sa paaralan—mga special pioneer, naglalakbay na tagapangasiwa, Bethelite, o mga misyonero na hindi pa nakapag-aral sa Gilead.

17. Gaano kaepektibo ang pagsasanay sa Gilead?

17 Gaano kaepektibo ang pagsasanay sa Gilead? Bilang halimbawa, noong Agosto 1949, wala pang 10 ang mamamahayag sa Japan. Sa pagtatapos ng taóng iyon, mayroon nang 13 misyonero na masigasig na nangangaral doon. Ngayon, mga 216,000 na ang mamamahayag sa Japan, at halos 42 porsiyento sa kanila ang payunir!

18. Ano ang iba pang paaralan natin?

18 Ang iba pang paaralan, gaya ng Kingdom Ministry School, Pioneer Service School, School for Kingdom Evangelizers, School for Circuit Overseers and Their Wives, at ang School for Branch Committee Members and Their Wives, ay nakatulong nang malaki para sumulong ang espirituwalidad ng bayan ni Jehova at maging epektibo. Maliwanag na patuloy na sinasanay ng Hari ang kaniyang mga sakop!

19. Ano ang sinabi ni Charles Taze Russell tungkol sa gawaing pangangaral? Paano ito nagkatotoo?

19 Mahigit 100 taon na ang lumipas mula nang isilang ang Kaharian ng Diyos. Sa panahong iyon, patuloy tayong sinasanay ng ating Hari, si Jesu-Kristo. Noong 1916, makikita sa sinabi ni Charles Taze Russell na naniniwala siyang makararating sa buong daigdig ang pangangaral ng mabuting balita. Sinabi niya sa isang malapít na kasamahan: “Mabilis na lumalaki ang gawain, at ito’y patuloy na lálakí pa, sapagkat may isang pandaigdig na gawain na isasagawa sa pangangaral ng ‘ebanghelyo ng kaharian.’” (Faith on the March ni A. H. Macmillan, p. 69) Tama siya! At laking pasasalamat natin na patuloy tayong sinasangkapan ni Jehova, ang Diyos ng kapayapaan, para sa pinakakasiya-siyang gawaing ito! Oo, ibinibigay niya ang “bawat mabuting bagay” na kailangan para magawa natin ang kaniyang kalooban!

^ par. 2 May dahilan para maniwalang karamihan sa mga naroroon nang pagkakataong iyon ay naging Kristiyano. Tinukoy sila ni Pablo bilang “limang daang kapatid” sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto. Kapansin-pansin, sinabi pa niya: “Karamihan sa mga ito ay nananatili hanggang sa kasalukuyan, ngunit ang ilan ay natulog na sa kamatayan.” Kaya lumilitaw na nakasama ni Pablo at ng iba pang unang-siglong mga Kristiyano ang marami sa mga personal na nakarinig sa utos na mangaral.