Ano ang Ating Kinabukasan?
Ano ang Ating Kinabukasan?
BAKIT KAILANGANG MALAMAN ANG SAGOT? Ang iniisip ng isang tao sa kaniyang kinabukasan ay nakaaapekto sa kaniyang ikinikilos sa kasalukuyan. Halimbawa, baka ganito ang maging opinyon ng mga taong walang hinihintay na kinabukasan: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.” (1 Corinto 15:32) Ang ganitong kaisipan ay kadalasang humahantong sa labis na pagkain, paglalasing, at kabalisahan—hindi sa tunay na kapayapaan ng isip.
Sabihin pa, kung ipauubaya ang lahat sa kamay ng tao, magiging malabo ang ating kinabukasan. Napakalubha na ng polusyon sa hangin, tubig, at lupa sa ngayon. Patindi nang patindi ang banta ng nuklear na digmaan at terorismo. Bilyun-bilyon sa buong daigdig ang nagkakasakit at naghihirap. Pero may magagandang dahilan tayo para manabik sa kinabukasan.
Bagaman hindi mahulaan ng mga tao ang eksaktong mangyayari sa hinaharap, inilalarawan ng Diyos na Jehova ang kaniyang sarili bilang “ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.” (Isaias 46:10) Ano ang sinasabi ni Jehova tungkol sa ating kinabukasan?
Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya
Hindi hahayaan ni Jehova na tuluyang masira ang lupa o ang buhay na naroroon. Sa katunayan, nangangako ang Bibliya na ‘ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, o makalangit na pamahalaan, wawakasan ni Jehova ang kasamaan sa lupa at isasakatuparan ang kaniyang orihinal na layunin. (Genesis 1:26-31; 2:8, 9; Mateo 6:9, 10) Ipinakikita sa atin ng sumusunod na mga talata sa Bibliya kung ano ang malapit nang maranasan ng bawat tao sa lupa.
Awit 46:8, 9. “Halikayo, masdan ninyo ang mga gawa ni Jehova, kung paano siya nagsagawa ng kagila-gilalas na mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy.”
Isaias 35:5, 6. “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan. Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig, at ang mga ilog sa disyertong kapatagan.”
Isaias 65:21, 22. “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain.”
Daniel 2:44. “Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”
Juan 5:28, 29. “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Jesus] at lalabas.”
Apocalipsis 21:3, 4. “Ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
Kung Paano Nagdudulot ng Tunay na Kapayapaan ng Isip ang Sagot ng Bibliya
Sa unang tingin, parang mahirap paniwalaan ang mga nabanggit na kalagayan. Pero Diyos ang nangangako nito, hindi tao. At “hindi makapagsisinungaling” ang Diyos na Jehova.—Tito 1:2.
Kung magtitiwala ka sa mga pangako ng Diyos at mamumuhay ayon sa kaniyang mga batas, mapananatili mo ang kapayapaan ng isip sa kabila ng pinakamahihirap na kalagayan. Digmaan, kahirapan, pagkakasakit, at maging ang mga problemang kaakibat ng pagtanda o ng kamatayan—walang isa man sa mga ito ang tuluyang makaaagaw ng iyong kapayapaan. Bakit? Dahil kahit nararanasan mo ang mga ito, makapagtitiwala ka na papawiin ng Kaharian ng Diyos ang epekto ng lahat ng paghihirap na ito.
Paano ka magkakaroon ng gayong pag-asa sa kinabukasan? Kailangan mong ‘baguhin ang iyong pag-iisip’ at patunayan sa iyong sarili “ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Baka kailangan mo ng higit pang katibayan na mapagkakatiwalaan nga ang mga pangako ng Bibliya. Sulit ang gayong pagsisiyasat. Sa ilang bagay lamang na gagawin mo sa iyong buhay, magkakaroon ka na ng higit na kapayapaan ng isip.
[Mga larawan sa pahina 8 at 9]
Ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa hinaharap?