Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pera ba ang Pinagmumulan ng Tunay na Kaligayahan?

Pera ba ang Pinagmumulan ng Tunay na Kaligayahan?

Pera ba ang Pinagmumulan ng Tunay na Kaligayahan?

ISINILANG si Sonia sa Espanya. Noong bata pa siya, dumadalo siya sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova kasama ng kaniyang ina. Pero nang lumaki na siya, lumipat siya sa London, Inglatera, at nagtrabaho sa kompanyang namumuhunan.

Gustung-gusto ni Sonia ang trabaho niya. Malaki ang kinikita niya at siya ang nangangasiwa sa malaking puhunan ng kaniyang mga kliyente. Kasiya-siya ang kaniyang trabaho at matagumpay siya. Regular na nagtatrabaho si Sonia nang 18 oras sa isang araw, at kung minsan ay dalawa o tatlong oras lamang ang tulog niya. Ang buong buhay niya ay nakasentro sa kaniyang trabaho. Pagkatapos, biglang nagbago ang buhay niya. Na-stroke si Sonia​—marahil dahil sa stress. Siya ay 30 taóng gulang lamang.

Naparalisa ang kalahati ng katawan ni Sonia, at hindi tiyak ng mga doktor kung makapagsasalita pa siya. Agad siyang pinuntahan ng kaniyang ina sa Inglatera para alagaan. Nang muling makalakad si Sonia, sinabi sa kaniya ng nanay niya, “Dadalo ako sa pulong ng kongregasyon, at kailangan mong sumama sa akin dahil hindi kita puwedeng iwang mag-isa.” Sumama si Sonia. Ano ang nangyari?

“Totoo ang lahat ng narinig ko. Napakaganda,” ang naalaala ni Sonia. “Masaya kong tinanggap ang isang pag-aaral sa Bibliya na inalok ng isa sa maraming bumati sa akin nang una akong dumalo sa Kingdom Hall. Hindi na ako dinalaw ng dati kong mga kakilala, pero ang mga bago kong kaibigang ito ay maibigin at mapagmalasakit.”

Unti-unti, muling nakapagsalita si Sonia, at mabilis ang kaniyang pagsulong sa pag-aaral ng Bibliya. Wala pang isang taon, nabautismuhan siya. Marami sa kaniyang bagong mga kaibigan ay buong-panahong ministrong Kristiyano, at nakikita niyang masasaya sila. ‘Gusto kong maging gaya nila,’ ang naisip ni Sonia. ‘Gusto kong ibigay sa Diyos na Jehova ang lahat ng makakaya ko!’ Sa ngayon, si Sonia ay isang buong-panahong ministro.

Ano ang natutuhan ni Sonia sa kaniyang karanasan? “Kahit malaki ang kinikita ko, balisa ako at hindi masaya dahil sa stress at kawalang-kasiguruhan sa trabaho. Natutuhan ko na ang pinakamahalagang bagay sa buhay ay ang pagkakaroon ng mabuting kaugnayan sa aking Ama sa langit, si Jehova. Ngayon, talagang maligaya ako.”

“Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay,” ang sulat ni apostol Pablo. “Sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Timoteo 6:10) Iyan mismo ang natutuhan ni Sonia.