Sinaunang mga Paglalayag sa Labas ng Mediteraneo
Sinaunang mga Paglalayag sa Labas ng Mediteraneo
Sa ngayon, napakadali para sa mga tao na magpalipat-lipat sa mga kontinente sakay ng eroplano. Pero baka magulat ka na kahit noong panahon ng Bibliya, naglalakbay na sa malalayong lugar ang mga tao.
MGA sanlibong taon bago ang panahon ni Kristo, gumawa si Haring Solomon ng mga barko na naglayag kasama ng mga barko ng hari ng Tiro para magdala ng maiinam na produkto sa Israel mula sa malalayong lugar. (1 Hari 9:26-28; 10:22) Noong ikasiyam na siglo B.C.E., sumakay si propeta Jonas sa barkong papuntang Tarsis sa Mediteraneong daungan ng Jope sa Israel. * (Jonas 1:3) Noong unang siglo C.E., naglayag si apostol Pablo mula sa Cesarea sa Israel tungo sa Puteoli, Pozzuoli na ngayon, sa Lawa ng Naples, Italya.—Gawa 27:1; 28:13.
Alam ng mga istoryador na noong panahon ni Pablo, regular na naglalayag sa Dagat na Pula ang mga mangangalakal mula sa Mediteraneo patungong India. Ang ilan ay nakarating pa nga sa Tsina * Ano ang alam natin tungkol sa sinaunang mga paglalayag sa labas ng Mediteraneo pakanluran? Hanggang saan ang narating ng sinaunang mga magdaragat sa direksiyong iyon?
sa kalagitnaan ng ikalawang siglo.Unang mga Paglalayag ng mga Taga-Fenicia
Mga ilang siglo bago ang panahon ni Pablo, nakikipagkalakalan na ang mga naglalayag sa mga kolonya nito sa Kanluran. Ipinapalagay na ang mga taga-Fenicia, na nakatira sa Lebanon ngayon, ay nakarating sa Atlantiko noong 1200 B.C.E. Noong mga 1100 B.C.E., itinatag nila sa gawing itaas ng kipot ng Gibraltar ang Gadir, ngayo’y ang daungang lunsod ng Cádiz sa Espanya. Ang ilang produkto roon ay pilak na minimina mula rito at lata na dinadala ng mga mangangalakal mula sa Atlantiko.
Iniulat ng Griegong istoryador na si Herodotus na noong ikapitong siglo B.C.E., nagtipon si Paraon Neco ng Ehipto sa bukana ng Dagat na Pula ng isang plota ng mga barkong gawa sa Fenicia at may mga tripulanteng taga-Fenicia. Ang layunin ay maglayag mula sa silangan hanggang sa kanluran ng Aprika.
Nang panahong iyon, mga ilang siglo na ring nanggagalugad ang mga taga-Fenicia sa mga baybayin ng Aprika. Pero dahil sa malakas na hangin at alon, hindi sila gaanong makapaglayag patimog ng kontinente sa kahabaan ng Baybaying Atlantiko. Para sa isang bagong ekspedisyon, ayon kay Herodotus, naglayag ang mga taga-Fenicia mula sa Dagat na Pula at binagtas ang silangang baybayin ng Aprika patimog sa Karagatang Indian. Sa kalagitnaan ng taon, dumaong sila roon, nagtanim, at nagtagal hanggang sa anihan, at pagkatapos ay naglayag na muli. Sinabi ni Herodotus na noong ikatlong taon, nalibot nila ang buong kontinente, pumasok sa Mediteraneo, at bumalik sa Ehipto.
Tinapos ni Herodotus ang kaniyang ulat sa pagsasabing ang mga taga-Fenicia ay nag-ulat ng mga bagay na hindi niya mapaniwalaan. Sinabi nila na sa kanilang paglalayag sa dulo ng Aprika, nakita nila ang araw sa kanilang kanan. Tiyak na mahirap itong paniwalaan para sa isang Griego na nabuhay noong panahong iyon dahil sa timog nakikita ng mga taong nakatira sa hilaga ng ekwador ang araw. Kaya kapag naglalayag siya pakanluran, nasa kaliwa niya ang araw. Pero sa Cape of Good Hope, na nasa timog ng ekwador, ang araw sa katanghaliang-tapat ay nasa hilaga—nasa kanan ng sinumang pakanluran.
Sa loob ng daan-daang taon, naging paksa ng debate ng mga istoryador ang ulat ni Herodotus. Para sa marami, mahirap paniwalaan na nalibot ng mga naglalayag noong unang panahon ang Aprika. Gayunman, naniniwala ang mga iskolar na iniutos ni Paraon Neco ang ekspedisyong iyon at na ang gayong paglalayag ay posible dahil na rin sa kakayahan at kaalaman noong panahong iyon. “Talagang posible ang gayong paglalayag,” ang sabi ng istoryador na si Lionel Casson. “Walang dahilan para isiping hindi ito magagawa ng mga tripulanteng taga-Fenicia sa haba ng panahon at sa paraang inilarawan ni Herodotus.” Hindi matiyak kung gaano katotoo ang lahat ng ulat ni Herodotus. Gayunpaman, nakita natin na talagang nagsisikap ang mga tao na makapaglayag sa mga lugar na hindi pa natutuklasan noong panahong iyon.
Naglayag si Pytheas sa Hilaga
Hindi lamang ang mga taga-Fenicia ang unang mga tao sa Mediteraneo na naglayag pakanluran sa Atlantiko. Isa sa mga kolonyang itinatag ng Griegong mga maglalayag sa palibot ng Mediteraneo ay ang Massalia, ngayon ay ang lunsod sa Pransiya na Marseilles. Umunlad ang lunsod dahil sa pangangalakal sa dagat at lupa. Mula sa Massalia, iniluluwas sa hilaga ng mga mangangalakal ang alak, langis, at kasangkapang yari sa tanso ng mga Mediteraneo. Mula naman sa hilaga, umaangkat sila ng mga metal at amber. Tiyak na interesado ang mga
taga-Massalia sa pinagmumulan ng mga produktong ito. Kaya noong mga 320 B.C.E., naglayag si Pytheas na taga-Massalia upang makita mismo ang malalayong lupain sa hilaga.Sa kaniyang pagbabalik, isinulat ni Pytheas ang tungkol sa kaniyang paglalakbay na pinamagatang On the Ocean. Bagaman wala na ang orihinal na kopya ng aklat na ito sa wikang Griego, sinipi naman ito ng mga 18 sinaunang manunulat. Ipinakikita ng mga pagsiping ito na detalyadong inilarawan ni Pytheas ang mga dagat, pagtaas at pagkati ng tubig, heograpiya, at populasyon ng mga lugar na kaniyang narating. Ginamit din niya ang haba ng anino ng gnomon, o isang baston sa agrimensura, para kalkulahin ang anggulo na nabuo ng anino mula sa lupa sa katanghaliang-tapat. Mula roon ay tinantiya niya kung gaano na kalayo ang nalakbay niya pahilaga.
Interesado si Pytheas sa siyensiya. Pero hindi lamang iyon ang pangunahing layunin ng kaniyang paglalayag. Sa halip, sinasabi ng mga iskolar na ang kaniyang paglalayag ay iniutos at tinustusan ng mga mangangalakal sa Massalia para hanapin ang ruta patungo sa malalayong baybayin kung saan makakakuha ng amber at lata. Saan nagpunta si Pytheas?
Sa Brittany, Britanya, at sa Dako Pa Roon
Lumilitaw na naglayag si Pytheas sa palibot ng Iberia hanggang sa baybayin ng Gaul patungong Brittany, kung saan siya dumaong. Nalaman natin ito dahil ang isa sa pagsukat niya ng anggulo ng araw mula sa kaniyang abot-tanaw—pagkadaong niya sa lupa—ay akma sa posisyon ng hilagang Brittany. *
Ang mga taga-Brittany ay bihasang manggagawa ng barko at magdaragat na nakikipagkalakalan sa Britanya. Ang Cornwall, dulo ng timog-kanluran ng Britanya, ay mayaman sa lata na isang mahalagang sangkap ng tanso. Iyan ang sumunod na pinuntahan ni Pytheas. Inilarawan niya sa kaniyang ulat ang laki at halos tatsulok na hugis ng Britanya, na nagpapahiwatig na malamang na nakapaglayag siya sa palibot ng isla.
Bagaman hindi tayo nakatitiyak sa eksaktong ruta na binagtas ni Pytheas, malamang na naglayag siya sa pagitan ng Britanya at Ireland, at dumaong sa Isle of Man, na ang latitud ay akma sa kaniyang ikalawang pagsukat sa anggulo ng araw. Ang ikatlong pagsukat ay malamang na kinuha niya sa Lewis sa Outer Hebrides, sa kanlurang baybayin ng Scotland. Mula roon, malamang na nagtuloy siya sa hilaga sa Orkney
Islands, hilagang bahagi ng Scotland, dahil ang ulat niya, na sinipi ni Pliny na Nakatatanda, ay nagsasabi na ito ay binubuo ng 40 isla.Pagkatapos ng anim na araw na paglalakbay sa Britanya, isinulat ni Pytheas na nakita niya ang lupain ng Thule. Tinukoy ng ilang sinaunang awtor ang paglalarawan ni Pytheas sa Thule bilang lupain kung saan hindi lumulubog ang araw hanggang hatinggabi. Isinulat niya na isa pang araw ng paglalayag mula roon, nakita niyang nagyeyelo ang dagat. Marami ang nagdebate tungkol sa eksaktong lokasyon ng Thule na inilalarawan ni Pytheas—sinasabi ng ilan na ito ang Faeroe Islands, ang iba naman ay Norway, at ang iba pa ay Iceland. Nasaan man ang Thule, naniniwala ang sinaunang mga manunulat na ito ay “natuklasang lugar sa pinakadulong hilaga.”
Ipinapalagay na bumalik sa Britanya si Pytheas sa ruta ring iyon at saka nilibot ang buong isla. Pero hindi natin alam kung naglayag pa siya sa hilagang baybayin ng Europa bago bumalik sa Mediteraneo. Anuman ang kalagayan, tinukoy ni Pliny na Nakatatanda si Pytheas bilang ang awtoridad sa mga lugar na mapagkukunan ng amber. Ang mga pinagkukunan ng mahalagang produktong ito noon ay ang Jutland, bahagi ng Denmark ngayon, at ang timog baybayin ng Dagat Baltic. Sabihin pa, nalaman ni Pytheas ang mga lugar na ito nang pumunta siya sa isang daungan sa silangang Britanya. Pero gaya ng nalalaman natin, hindi niya sinabing nakarating siya mismo sa mga lugar na ito.
Si Julio Cesar, isa pang kilalang manlalakbay na Mediteraneo, ay sumulat din hinggil sa kaniyang pagpunta sa Britanya. Dumaong siya noong 55 B.C.E. sa timog ng islang ito. Noong 6 C.E., nakarating din ang iba pang Romanong maglalayag hanggang sa hilagang Jutland.
Mas Malawak na Paglalayag
Pinalawak ng mga taga-Fenicia at Griego ang kaalaman ng mga tao tungkol sa heograpiya hindi lamang sa Mediteraneo at Atlantiko kundi hanggang sa pinakatimog na bahagi ng Aprika, at pinakahilagang bahagi ng Artiko. Iyon ang panahon ng panggagalugad, pangangalakal, malawakang paglalayag, at paglago ng kaalaman.
Ang natitirang rekord ng sinaunang panggagalugad ay maliit na bahagi lamang ng mga paglalayag na walang-takot na ginawa ng mga magdaragat. Ilan kayang sinaunang magdaragat ang nakabalik sa kanilang ruta nang hindi isinulat ang kanilang mga narating? At ilan ang naglayag mula sa kanilang lugar tungo sa malalayong baybayin ang hindi na nakabalik? Hindi natin kailanman masasagot ang mga tanong na ito. Pero may malalaman tayo tungkol sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo noon.—Tingnan ang kahon sa itaas.
[Mga talababa]
^ par. 3 Ang pangalang ito ay karaniwan nang iniuugnay sa isang rehiyon sa timugang Espanya na tinatawag na Tartessus ng mga manunulat na Griego at Romano.
^ par. 4 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa mga paglalayag patungong silangan, tingnan ang “Gaano Kaya Kalayo sa Silangan ang Narating ng mga Misyonero?” sa Enero 1, 2009, isyu ng Ang Bantayan.
^ par. 16 Sa ngayon, ito ay ang latitud na 48°42’ N.
[Kahon sa pahina 29]
“Ipinangaral sa Lahat ng Nilalang” ang Mabuting Balita
Noong mga 60-61 C.E., isinulat ni apostol Pablo na ang mabuting balita ay “ipinangaral sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.” (Colosas 1:23) Ibig ba niyang sabihin na nakapangaral ang mga Kristiyano sa India, Dulong Silangan, Aprika, Espanya, Gaul, Britanya, mga lupain ng Baltic, at sa Thule ni Pytheas? Parang imposible, pero hindi tayo nakatitiyak.
Gayunman, tiyak na lubusang naipalaganap ang mabuting balita. Halimbawa, dinala ng mga Judio at proselita na tumanggap sa Kristiyanismo noong Pentecostes 33 C.E. ang kanilang bagong paniniwala hanggang sa Parthia, Elam, Media, Mesopotamia, Arabia, Asia Minor, mga bahagi ng Libya hanggang Cirene, at Roma—mga lugar na kilala ng mga mambabasa ni Pablo noon.—Gawa 2:5-11.
[Dayagram/Mapa sa pahina 26, 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Iniulat ni Herodotus na sa paglalayag sa dulo ng Aprika, nakita ng mga maglalayag ang araw sa kanilang kanan
[Mapa]
APRIKA
DAGAT MEDITERANEO
KARAGATANG INDIAN
KARAGATANG ATLANTIKO
[Dayagram/Mapa sa pahina 28, 29]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang malawak na paglalayag ng Griegong magdaragat na si Pytheas
[Mapa]
IRELAND
ICELAND
NORWAY
North Sea
BRITANYA
BRITTANY
IBERIAN PENINSULA
HILAGANG BAYBAYIN NG APRIKA
DAGAT MEDITERANEO
Marseilles