Turuan ang Iyong mga Anak
Kung Bakit Hindi Nagmadali si Jesus
NALAMAN ni Jesus na nagkasakit nang malubha ang kaniyang matalik na kaibigang si Lazaro. Ibinalita ito sa kaniya ng mensaherong ipinadala nina Maria at Marta, mga kapatid ni Lazaro. Galing ang mensahero sa Betania kung saan nakatira ang magkakapatid. Naniniwala sina Maria at Marta na kayang pagalingin ni Jesus ang kanilang kapatid kahit na nakatira pa sila sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. Alam kasi nilang nakapagpagaling na si Jesus ng mga maysakit kahit pa nasa malayo ang mga ito.—Mateo 8:5-13; Juan 11:1-3.
Nakarating kay Jesus ang malungkot na balita. Pero wala siyang ginawa tungkol dito. Sinasabi ng Bibliya: “Nanatili pa siya ng dalawang araw sa dakong kinaroroonan niya.” (Juan 11:6) Alam mo ba kung bakit hindi nagmadali si Jesus na tulungan si Lazaro?— * Tingnan natin.
Alam ni Jesus na namatay na si Lazaro. Kaya sinabi niya sa kaniyang mga apostol: “Pumunta tayong muli sa Judea.” Pero sinabi nila: “Kamakailan lamang ay pinagtangkaan kang batuhin ng mga Judeano, at pupunta ka bang muli roon?” Nagpaliwanag si Jesus: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namamahinga, ngunit maglalakbay ako patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.”
“Panginoon, kung namamahinga siya,” ang sabi ng mga apostol, “siya ay gagaling.” Pero sinabi ni Jesus: “Si Lazaro ay namatay.” Pagkatapos, may sinabi pa siya na malamang na ikinagulat nila: “Nagsasaya ako dahil sa inyo na wala ako roon . . . Ngunit puntahan natin siya.”
Buong-tapang na sinabi ni Tomas: ‘Humayo tayo upang mamatay tayong kasama ni Jesus.’ Alam ni Tomas na muling magtatangka ang mga kaaway na patayin si Jesus, at puwede rin silang mamatay. Pero sumama pa rin sila. Pagkalipas ng mga dalawang araw, dumating sila kina Lazaro sa Betania. Mga tatlong kilometro ito mula sa Jerusalem.—Juan 11:7-18.
Alam mo ba kung bakit natuwa pa si Jesus na hindi siya dumating nang mas maaga?— Bumuhay na si Jesus noon ng mga patay. Kaya lang, mga ilang oras pa lang silang namamatay nang buhayin silang muli. (Lucas 7:11-17, 22; 8:49-56) Pero si Lazaro, mga ilang araw nang nakalibing. Sigurado ang lahat na talagang patay na siya!
Nang mabalitaan ni Marta na malapit na si Jesus sa Betania, sinalubong niya ito. Sinabi niya: “Panginoon, kung narito ka lamang noon ay hindi sana namatay ang aking kapatid.” Pero sinabi ni Jesus: “Ang iyong kapatid ay babangon.” Tumakbo pauwi si Marta at palihim na sinabi kay Maria: “Ang Guro ay naririto at tinatawag ka.”
Pinuntahan agad ni Maria si Jesus. Pero akala ng mga tao, pupunta siya sa libingan kaya sumunod sila. Nang makita ni Jesus na umiiyak si Maria at ang mga tao, siya rin ay “lumuha.” Nakarating din silang lahat sa libingan na natatakpan ng malaking bato. Iniutos ni Jesus: “Alisin ninyo ang bato.” Pero sinabi ni Marta: “Panginoon, sa ngayon ay nangangamoy na siya, sapagkat apat na araw na.”
Sumunod kay Jesus ang mga tao at inalis ang bato. Pagkatapos, nanalangin si Jesus at nagpasalamat sa Diyos para sa kapangyarihang ibibigay nito sa kaniya upang buhayin si Lazaro. Sumigaw si Jesus: “Lazaro, lumabas ka!” At lumabas nga si Lazaro, na “natatalian ng mga pambalot.” Kaya iniutos ni Jesus: “Kalagan ninyo siya at payaunin siya.”—Juan 11:19-44.
Alam mo na ba ngayon kung bakit hindi nagmadali si Jesus?— Alam niya na kung maghihintay siya, mas magandang patotoo ang maibibigay niya tungkol sa kaniyang Ama na si Jehova. At dahil pinili niya ang pinakamagandang pagkakataon, marami ang naging mánanampalatayá. (Juan 11:45) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesus?—
Makakahanap ka rin ng magandang pagkakataon para sabihin sa iba ang tungkol sa magagandang bagay na ginawa ng Diyos at gagawin pa lang. Puwede mo itong ibahagi sa iyong mga kaeskuwela o guro. Sinasamantala ng ilang kabataan ang panahon ng klase para sabihin ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos para sa mga tao. Siyempre pa, hindi mo naman kayang bumuhay ng patay, pero matutulungan mo ang iba na makilala ang Diyos na may-kakayahang bumuhay-muli ng namatay nating mga mahal sa buhay.
^ par. 4 Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.