Susi sa Maligayang Pamilya
Kung Paano Magtatagumpay sa Unang Taon ng Pag-aasawa
Sabi ni mister: “Hindi ko akalaing magkaibang-magkaiba kami ng misis ko! Halimbawa, gusto kong gumising nang maaga pero mahilig magpuyat ang asawa ko. Sumpungin siya at hindi ko siya maintindihan! At kapag nagluluto ako, puro pintas ang inaabot ko, lalo na kapag nagpupunas ako ng kamay sa pantuyo ng plato.”
Sabi ni misis: “Hindi masalita ang mister ko. Pero nasanay ako sa pamilya namin na makuwento lalo na habang kumakain. At kapag nagluluto siya, pinagpupunasan niya ng kamay ang pantuyo ng plato! Nakakainis! Bakit ba ang hirap intindihin ng mga lalaki? Paano ba magtatagumpay ang pag-aasawa?”
KUNG bagong kasal ka, nararanasan mo rin ba ang katulad na mga problema? Sa tingin mo ba ay biglang nagkaroon ang iyong kabiyak ng mga kahinaan at nakaiiritang ugali na wala naman noong nagliligawan pa kayo? Paano mo mababawasan ang mga ‘problema ng buhay may-asawa’?—1 Corinto 7:28, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Una, huwag mong asahan na komo kasal na kayo, eksperto na kayo sa buhay may-asawa. Baka marunong ka nang makisama noong binata o dalaga ka pa, at napasulong mo pa ito noong may kasintahan ka na. Pero masusubok ang kasanayang ito kapag nag-asawa ka na at kailangan mong matuto nang higit pa. Magkakamali ka kaya? Siyempre naman. Matututuhan mo kaya ang mga kasanayang kailangan mo? Sigurado iyan!
Ang pinakamabuting paraan para mapasulong ang anumang kasanayan ay kumonsulta sa isang eksperto sa bagay na ito at sundin ang payo niya. Ang Diyos na Jehova ang pinakaeksperto sa pag-aasawa dahil siya ang Isa na lumalang sa atin at nagbigay ng pagnanasang mag-asawa. (Genesis 2:22-24) Tingnan kung paano makatutulong sa iyo ang kaniyang Salita, ang Bibliya, upang mapagtagumpayan ang mga problema at magkaroon ng mga kasanayang kailangan upang tumagal ang inyong pagsasama.
KASANAYAN 1. KUMONSULTA SA ISA’T ISA
Ano ang mga hamon?
Kung minsan nalilimutan ni Keiji, * isang asawang lalaki sa Japan, na apektado ng kaniyang mga pasiya ang kaniyang kabiyak. “Tumatanggap ako ng mga imbitasyon nang hindi kinokonsulta ang asawa ko,” ang sabi niya. “Pagkatapos, malalaman ko na hindi pala siya puwede.” Sinabi naman ni Allen, isang asawang lalaki sa Australia: “Parang mababawasan ang pagkalalaki ko kung kokonsulta pa ako sa misis ko bago magdesisyon.” Hamon ito sa kaniya dahil sa kaniyang kinalakhan. Gayundin ang naranasan ni Dianne, na taga-Britanya. Ang sabi niya: “Sanay akong humingi ng payo sa aking pamilya. Kaya noong una, sa kanila muna ako lumalapit imbes na sa asawa ko kapag nagdedesisyon ako.”
Ano ang solusyon?
Tandaan na sa pananaw ng Diyos na Jehova, ang mag-asawa ay “isang laman.” (Mateo 19:3-6) Para sa kaniya, ang pinakamahalagang ugnayan sa pagitan ng mga tao ay ang ugnayan ng mag-asawa! Upang manatiling matibay ang ugnayang iyan, napakahalaga ng mahusay na komunikasyon.
Maraming matututuhan ang mag-asawa sa paraan ng pakikipag-usap ng Diyos na Jehova kay Abraham. Halimbawa, pakisuyong basahin ang Genesis 18:17-33. Pansinin kung paano iginalang ng Diyos si Abraham sa tatlong paraan. (1) Ipinaliwanag ni Jehova ang balak niyang gawin. (2) Nakinig siya habang nagpapaliwanag si Abraham. (3) Hangga’t maaari, sinikap ni Jehova na pagbigyan si Abraham. Paano mo ito matutularan kapag kumokonsulta sa iyong asawa?
SUBUKIN ITO: Kapag pinag-uusapan ang mga bagay na makaaapekto sa iyong asawa, (1) ipaliwanag ang plano mong gawin, pero iharap ito bilang mungkahi, hindi bilang ang huling desisyon o ultimatum; (2) hingin ang opinyon ng iyong asawa, at tanggapin na mayroon din siyang ibang pangmalas; at (3) pagbigyan hangga’t maaari ang gusto ng iyong asawa upang ‘makilala ang iyong pagkamakatuwiran.’—Filipos 4:5.
KASANAYAN 2. MAGING MATAKTIKA
Ano ang hamon?
Dahil sa iyong pamilya o kultura, baka nasanay kang deretsahang sabihin ang iyong opinyon at ipilit ito. Halimbawa, sinabi ni Liam na taga-Europa: “Walang-ingat magsalita ang mga tao sa lugar namin. Ganoon din akong magsalita kaya madalas na nasasaktan ang misis ko. Kailangan kong maging mas magiliw.”
Ano ang solusyon?
Huwag isiping gusto ng iyong asawa na kausapin mo siya sa paraang nakasanayan mo. (Filipos 2:3, 4) Ang payo ni apostol Pablo sa isang misyonero ay makatutulong din sa mga bagong kasal. Isinulat niya: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad.” Sa orihinal na Griego, ang salitang isinaling “banayad” ay maaari ding isaling mataktika. (2 Timoteo 2:24) Ang taktika ay ang kakayahang makita ang pangangailangang maging maingat sa pagharap sa isang sitwasyon para hindi makasakit sa iba.
SUBUKIN ITO: Kapag naiinis ka sa iyong asawa, isiping nakikipag-usap ka sa isang kaibigan o sa iyong amo. Gayon pa rin kaya ang magiging pananalita mo o tono ng boses? Ngayon, isipin ang mga dahilan kung bakit dapat kang maging mas magalang at mataktika sa iyong kabiyak kaysa sa iyong kaibigan o amo.—Colosas 4:6.
KASANAYAN 3. MASANAY SA IYONG BAGONG PAPEL
Ano ang hamon?
Maaaring sa simula ay hindi pa bihasa sa kaniyang papel bilang ulo ang asawang lalaki, o baka ang asawang babae ay hindi sanay magmungkahi sa mataktikang paraan. Halimbawa, sinabi ni Antonio na taga-Italya: “Sa pamilya namin, si Tatay lagi ang nagdedesisyon at bihirang-bihira niyang hingin ang opinyon ni Nanay. Kaya nang magkapamilya na ako, para akong hari noong una.” Sinabi naman ni Debbie na taga-Canada: “Sinasabihan ko ang mister ko na maging mas masinop. Pero dahil para akong nag-uutos, lalo siyang nagmamatigas.”
Ano ang solusyon para sa asawang lalaki?
Iniisip ng ilang asawang lalaki na ang paraan ng pagpapasakop ng asawang babae ay dapat na gaya ng pagsunod ng anak sa magulang. (Colosas 3:20; 1 Pedro 3:1) Gayunman, sinasabi ng Bibliya na ang asawang lalaki ay “pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman”; hindi iyan sinasabi ng Bibliya tungkol sa ugnayan ng magulang at anak. (Mateo 19:5) Sinabi ni Jehova na ang asawang babae ay isang kapupunan, o katumbas, ng kaniyang asawa. (Genesis 2:18) Hindi niya kailanman tinukoy ang anak bilang kapupunan, o katumbas, ng magulang. Ano sa palagay mo—kung pinakikitunguhan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak na parang anak, iginagalang ba niya ang kaayusan sa pag-aasawa?
Sa katunayan, hinihimok ka ng Salita ng Diyos na pakitunguhan ang iyong asawang babae na gaya ng pakikitungo ni Jesus sa kongregasyong Kristiyano. Magiging mas madali sa iyong asawa na kilalanin ka bilang kaniyang ulo kung (1) hindi mo aasahang agad-agad siyang magpapasakop sa iyo at (2) iibigin mo siya na gaya ng iyong sarili, kahit pa magkaroon ng mga problema.—Efeso 5:25-29.
Ano ang solusyon para sa asawang babae?
Tanggapin na ang asawa mo na ngayon ang inatasan ng Diyos na maging iyong ulo. (1 Corinto 11:3) Kung iginagalang mo ang iyong asawa, iginagalang mo ang Diyos. Kung hindi ka nagpapasakop sa kaniyang pagkaulo, ipinakikita mo kung ano ang nadarama mo hindi lamang sa iyong asawa kundi gayundin sa Diyos at sa kaniyang mga kahilingan.—Colosas 3:18.
Kapag pinag-uusapan ang mabibigat na problema, huwag sisihin ang iyong asawa. Halimbawa, nais ni Reyna Esther na ituwid ng kaniyang asawang si Haring Ahasuero ang isang kawalang-katarungan. Sa halip na sisihin ang hari, mataktika niyang ipinahayag ang kaniyang ikinababahala. Tinanggap ng asawa niya ang kaniyang mungkahi at sa kalaunan ay ginawa ang tama. (Esther 7:1-4; 8:3-8) Mas mamahalin ka ng iyong asawa kung (1) bibigyan mo siya ng panahon na masanay sa kaniyang bagong papel bilang ulo ng pamilya at (2) igagalang mo siya kahit na nagkakamali siya.—Efeso 5:33.
SUBUKIN ITO: Imbes na isipin ang mga bagay na gusto mong baguhin ng asawa mo, isipin ang mga kailangan mong baguhin sa sarili mo. Asawang lalaki: Kapag naiinis ang iyong asawa dahil hindi ka naging mahusay na ulo, tanungin siya kung ano ang maaari mong gawin, at isulat ang kaniyang mungkahi. Asawang babae: Kung nadarama ng iyong kabiyak na hindi mo siya iginagalang, tanungin siya kung ano ang maaari mong gawin, at isulat ito.
Maging Makatuwiran sa Iyong Inaasahan
Kapag nag-aaral kang magbisikleta, aasahan mong matutumba ka bago ka maging eksperto. Ganiyan din ang pagdaraanan mo habang natututuhan mong panatilihin ang isang maligaya at timbang na pag-aasawa. Asahan mong magkakamali ka bago ka maging makaranasan sa buhay may-asawa.
Maging mapagbiro. Tawanan ang iyong mga pagkakamali pero hindi ang mga ikinababahala ng iyong asawa. Humanap ng mga pagkakataon para mapasaya ang iyong kabiyak sa inyong unang taon ng pagsasama. (Deuteronomio 24:5) Higit sa lahat, hayaang patnubayan ng Salita ng Diyos ang inyong pag-aasawa. Kung gagawin ninyo ito, lalong titibay ang inyong pagsasama sa paglipas ng panahon.
^ par. 9 Binago ang ilang pangalan.
TANUNGIN ANG SARILI . . .
-
Ang asawa ko ba ang pinakamatalik kong kaibigan o mas gusto ko pang lumapit sa iba?
-
Sa nakalipas na 24 oras, ano ang ginawa ko upang ipakitang mahal ko ang aking asawa at iginagalang ko siya?