Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tiyak na Magwawakas ang Kasamaan!

Tiyak na Magwawakas ang Kasamaan!

Tiyak na Magwawakas ang Kasamaan!

INILAAN sa atin ng Diyos ang kaniyang Salita, ang Bibliya, na nagpapaliwanag kung bakit gumagawa ng masama ang mga tao. Binigyan din niya tayo ng kakayahang magpigil sa sarili at ng kalayaang magpasiya, kaya puwede nating piliin na huwag gumawa ng masama. (Deuteronomio 30:15, 16, 19) Yamang taglay natin ang mga ito, maaari nating malaman ang anumang masamang hilig na mayroon tayo at maitutuwid natin ito. Magdudulot ito ng kaligayahan kapuwa sa atin at sa mga nakapaligid sa atin.​—Awit 1:1.

Gayunman, gaanuman katindi ang pagsisikap nating umiwas sa paggawa ng masama, ang daigdig ay patuloy pa ring sinasalot ng mga taong gumagawa ng masama. Nagbababala ang Bibliya: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Para ipakita kung bakit “mahirap pakitunguhan” ang panahong ito, sinasabi ng Bibliya: “Ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito; at layuan mo ang mga ito.”​—2 Timoteo 3:1-5.

Marahil ay napansin mo ang pananalitang “mga huling araw” sa hulang binanggit sa itaas. Ano sa tingin mo ang ibig sabihin nito? Kapag sinabing “mga huling araw,” ibig sabihin ay may magwawakas. Ano kaya iyon? Pansinin ang mga pangako ng Diyos sa kaniyang Salita.

Lubusang aalisin ang masasama.

“Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”​AWIT 37:10, 11.

“Binabantayan ni Jehova ang lahat ng umiibig sa kaniya, ngunit ang lahat ng balakyot ay lilipulin niya.”​AWIT 145:20.

Mawawala na ang paniniil.

“Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.”​AWIT 72:12, 14.

“Ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​ROMA 8:21.

Masasapatan ang pangangailangan ng tao.

“Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”​MIKAS 4:4.

“Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.”​ISAIAS 65:21, 22.

Mananaig ang katarungan at katuwiran.

“Kung gayon nga, hindi ba tiyak na pangyayarihin ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang kaniyang mga pinili na sumisigaw sa kaniya araw at gabi . . . ? Sinasabi ko sa inyo, Pangyayarihin niya na mabilis silang mabigyan ng katarungan.”​LUCAS 18:7, 8.

“Si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat. Hanggang sa panahong walang takda ay tiyak na babantayan sila.”​AWIT 37:28.

“Katuwiran ang siyang matututuhan ng mga tumatahan sa mabungang lupain.”​ISAIAS 26:9.

“May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”​2 PEDRO 3:13.

Nagbabago Na ang mga Tao​—Ngayon Pa Lamang

Lahat tayo ay natutuwa sa mga pangakong nabanggit. Pero tiyak bang matutupad ang mga iyon? Sa katunayan, ngayon pa lamang ay may katibayan na tayo. Ano iyon? Nagawa na ngayon ng milyun-milyon sa buong daigdig na baguhin ang kanilang sakim, imoral, o marahas na pagkatao at sila ay naging tapat, mapagpayapa, at mabait. Sa ngayon, ang mahigit pitong milyong Saksi ni Jehova ay isang internasyonal na kapatiran na hindi kayang buwagin ng pulitika at ng pagkakaiba-iba ng lahi, bansa, at katayuan sa buhay, na siyang mga dahilan ng pagkakapootan, karahasan, at pagdanak ng dugo. * Ang mga pagbabagong ito ay matibay na saligan para maniwalang matutupad nga ang mga pangako ng Diyos sa buong lupa.

Ano ang dahilan ng mga pagbabagong ito? Ang sagot ay nasa isa pang pangako ng Bibliya na isinulat ni propeta Isaias:

“Ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat; at isang munting bata lamang ang mangunguna sa kanila. . . . Maging ang leon ay kakain ng dayami gaya ng toro. At ang batang sumususo ay maglalaro sa lungga ng kobra; at sa siwang ng liwanag ng makamandag na ahas ay ilalagay nga ng batang inawat sa suso ang kaniyang kamay. Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”​—Isaias 11:6-9.

Tumutukoy lang ba ang hulang ito sa panahon kung kailan ang mga hayop ay mapayapang maninirahan kasama ng mga tao? Hindi. Pansinin ang dahilan ng gayong pagbabago na binabanggit sa huling bahagi ng teksto: “Ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova.” Nababago ba ng kaalaman tungkol sa Diyos ang ugali ng hayop? Hindi. Pero kaya nitong baguhin ang tao! Inihuhula nito na dahil natutuhan at sinunod nila ang mga turo sa Bibliya, ang mga taong may tulad-hayop na ugali ay magbabago at makapaglilinang ng tulad-Kristong personalidad.

Kuning halimbawa si Pedro. * Naniniwala siyang ipinaglalaban niya ang katarungan nang sumali siya sa isang organisasyon ng mga terorista. Matapos sanayin, inutusan siyang pasabugin ang isang istasyon ng pulis. Naaresto siya habang pinaghahandaan niya ito. Nakulong siya ng 18 buwan pero ipinagpatuloy pa rin niya ang pagiging terorista sa loob ng bilangguan. Samantala, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang kaniyang asawa. Pagkalaya ni Pedro, nag-aral din siya ng Bibliya, at ang natutuhan niya tungkol sa Diyos na Jehova ay nagpakilos sa kaniya na baguhin ang kaniyang ugali at pananaw sa buhay. “Nagpapasalamat ako kay Jehova na wala akong napatay noong terorista pa ako,” ang sabi ni Pedro. “Ang ginagamit ko ngayon ay ang tabak ng espiritu ng Diyos, ang Bibliya, upang ihatid sa mga tao ang mensahe ng tunay na kapayapaan at katarungan​—ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.” Dinalaw pa nga ni Pedro ang istasyon ng pulis na binalak niyang pasabugin noon para ibahagi ang mensaheng ito.

Ang epekto ng Salita ng Diyos sa buhay ng mga tao ay isa pang dahilan upang maniwala sa pangako ng Diyos na magwawakas nga ang lahat ng kasamaan. Oo, darating ang panahon na hinding-hindi na gagawa ng masama ang mga tao. Malapit nang alisin ni Jehova ang promotor ng kasamaan, si Satanas na Diyablo, na nasa likod ng lahat ng kasamaan sa daigdig. Sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Pero malapit na siyang mawala, pati na ang lahat ng nagmamatigas at ayaw magbago. Napakasaya ngang mabuhay sa panahong iyon!

Ano ngayon ang dapat gawin ng isa para makita ang katuparan ng mga pangakong ito? Alalahanin na ang “kaalaman kay Jehova” ang bumabago sa mga tao sa ngayon at ang babago sa buong daigdig sa malapit na hinaharap. Sa pamamagitan ng pagkuha ng tumpak na kaalaman at pagsunod sa Bibliya​—gaya ng ginawa ni Pedro​—​ikaw rin ay makaaasang mabuhay sa isang daigdig kung saan “tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Hinihimok ka naming gamitin ang natitira pang panahon upang kumuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at kay Jesu-Kristo, na nangangahulugan ng buhay na walang hanggan para sa iyo.​—Juan 17:3.

[Mga talababa]

^ par. 20 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang brosyur na Mga Saksi ni Jehova​Sino Sila? Ano ang Pinaniniwalaan Nila?, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 24 Binago ang pangalan.

[Blurb sa pahina 9]

Ikaw rin ay makaaasang mabuhay sa isang daigdig kung saan “tatahan ang katuwiran.”​—2 PEDRO 3:13