5 Saan at Kailan Dapat Manalangin?
Panalangin
5 Saan at Kailan Dapat Manalangin?
SIGURADONG napapansin mo na karamihan sa mga relihiyon ay may magagarbong bahay-panalanginan at may mga takdang oras kung kailan mananalangin. Itinatakda ba ng Bibliya kung saan at kailan dapat manalangin?
Sinasabi ng Bibliya na may angkop na mga pagkakataon para dito. Halimbawa, bago kumain kasama ng kaniyang mga tagasunod, nanalangin si Jesus sa Diyos para magpasalamat. (Lucas 22:17) At nang magtipon ang kaniyang mga alagad para sa pagsamba, nanalangin silang magkakasama. Ipinagpatuloy nila ang isang kaugalian na matagal nang ginagawa sa mga sinagogang Judio at sa templo sa Jerusalem. Nilayon ng Diyos na ang templo ay maging “bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bansa.”—Marcos 11:17.
Kapag ang mga lingkod ng Diyos ay nagtitipon at nananalanging sama-sama, maaaring dinggin ang kanilang mga kahilingan. Kapag nagkakaisa ang kanilang kaisipan at ang kanilang panalangin ay kaayon ng mga simulain sa Kasulatan, natutuwa ang Diyos. Baka maudyukan pa nga siyang gawin ang hindi niya sana gagawin. (Hebreo 13:18, 19) Regular na nananalangin ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga pagpupulong. Malugod kang inaanyayahan sa Kingdom Hall na malapit sa inyo para mapakinggan ang gayong mga panalangin.
Gayunman, hindi itinatakda ng Bibliya kung kailan o saan dapat manalangin. Mababasa natin sa Bibliya na ang mga lingkod ng Diyos ay nanalangin sa iba’t ibang oras at lugar. Sinabi ni Jesus: “Kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong pribadong silid at, pagkasara ng iyong pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim; sa gayon ang iyong Ama na tumitingin sa lihim ang gaganti sa iyo.”—Mateo 6:6.
Kaakit-akit na paanyaya, hindi ba? Talagang makalalapit ka sa Soberano ng sansinukob anumang oras nang siya lamang ang makaririnig. Makatitiyak kang pakikinggan ka niya. Hindi nga kataka-takang madalas bumukod si Jesus para manalangin! Minsan, magdamag siyang nanalangin sa Diyos para humingi ng patnubay sa isang napakahalagang desisyon.—Lucas 6:12, 13.
Ang iba pang lalaki’t babae sa Bibliya ay nanalangin nang mapaharap sila sa mabibigat na desisyon o mga problemang nakasisira ng loob. Kung minsan ay nananalangin sila nang malakas, minsan naman ay mahina; nananalangin sila kapag kasama ng grupo at kapag nag-iisa. Ang mahalaga, nananalangin sila. Sa katunayan, inaanyayahan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod: “Manalangin kayo nang walang lubay.” (1 Tesalonica 5:17) Walang-sawa niyang pinakikinggan ang mga gumagawa ng kaniyang kalooban. Hindi ba patunay iyan ng pag-ibig ni Jehova?
Sabihin pa, sa daigdig natin sa ngayon, marami ang nag-aalinlangan kung mahalaga pa nga bang manalangin. Baka maisip mo, ‘Talaga bang makatutulong ito sa akin?’
[Blurb sa pahina 9]
Makapananalangin tayo, kahit saan, kahit kailan