Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Yamang mahaba ang tag-init sa Israel, ano ang ginawa ng mga naninirahan doon noong unang panahon upang matiyak na may sapat silang suplay ng tubig?

Mula Oktubre hanggang Abril, umuulan sa Israel at kung minsan ay umaagos ang tubig sa mga agusang libis. Pero kapag tag-araw, natutuyo ang karamihan ng mga “ilog” na ito, at maaaring hindi umulan sa loob ng maraming buwan. Paano napanatili ng mga tao noong panahon ng Bibliya na sapat ang suplay nila ng tubig?

Umuka sila ng mga daluyan ng tubig-ulan sa gilid ng mga burol papunta sa mga hukay, o imbakang-tubig sa ilalim ng lupa. Ang mga bubungan ay nakahilig para dumaloy ang tubig-ulan patungo sa mga imbakang-tubig na ito. Maraming pamilya ang may sariling imbakang-tubig, na mapagkukunan nila ng tubig na maiinom.​—2 Hari 18:31; Jeremias 6:7.

Kumukuha rin ng tubig sa mga bukal ang mga Israelita. Sa bulubunduking mga lugar, ang ulan ay sinisipsip ng lupa hanggang sa makarating ito sa mga suson ng mga bato na hindi napapasok ng tubig. Mula roon ay dumadaloy ito patungo sa mga bukal. Ang mga nayon ay karaniwang itinatayo malapit sa isang bukal (en sa wikang Hebreo) gaya ng ipinakikita ng pangalan ng lugar na En-semes, En-rogel, at En-gedi. (Josue 15:7, 62) Sa Jerusalem, isang padaluyan ang hinukay sa solidong bato para magdala ng tubig-bukal sa lunsod.​—2 Hari 20:20.

Sa mga lugar na walang bukal, isang balon (beʼerʹ sa wikang Hebreo) ang hinuhukay upang makakuha ng tubig sa ilalim ng lupa, gaya ng balon sa Beer-sheba. (Genesis 26:32, 33) Binanggit ng awtor na si André Chouraqui na “kahanga-hanga pa rin maging sa ngayon ang teknikal na mga solusyong natuklasan [ng mga Israelita].”

Ano kaya ang hitsura ng bahay ni Abram (Abraham)?

Si Abram at ang kaniyang asawa ay nakatira sa mayamang lunsod ng Ur ng mga Caldeo. Pero sa utos ng Diyos, nilisan nila ang lunsod at nanirahan sa mga tolda. (Genesis 11:31; 13:12) Isip-isipin ang sakripisyong kinailangan nilang gawin.

Ang Ur, na nasa Iraq ngayon, ay nahukay ni Leonard Woolley sa pagitan ng 1922 at 1934. Kabilang sa mga gusaling nahukay niya ang 73 bahay na yari sa laryo. Marami sa mga bahay na ito ang may mga silid na nakapalibot sa isang looban na nilatagan ng bato. Ang gitnang bahagi ng looban ay bahagyang nakalundo, kung saan umaagos palabas ang maruming tubig. Sa mas malalaking bahay, ang mga silid para sa bisita ay may sariling palikuran. Ang mga kusina na may apuyan at mga tulugan ng mga alipin ay nasa unang palapag. Sa ikalawang palapag naman nakatira ang pamilya. May hagdan na patungo sa balkonaheng kahoy na nakapalibot sa looban at konektado sa mga silid sa itaas.

“Ang bahay . . . , na may loobang nilatagan ng bato at puting dingding, may sariling sistema ng labasan ng tubig, maraming silid na matitirhan, ay nagpapahiwatig ng mataas na uri ng pamumuhay,” ang isinulat ni Woolley. “At ganito ang bahay . . . ng mga may-kaya sa buhay, may-ari ng tindahan, maliliit na negosyante, mga eskriba, at iba pa.”

[Larawan sa pahina 19]

Cistern, Horvot Mezada, Israel

[Credit Line]

© Masada National Park, Israel Nature and Parks Authority

[Larawan sa pahina 19]

Drowing ng isang bahay noong panahon ni Abraham

[Credit Line]

© Drawing: A. S. Whitburn