Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talaga Bang May Hardin ng Eden?

Talaga Bang May Hardin ng Eden?

Talaga Bang May Hardin ng Eden?

ALAM mo ba ang kuwento tungkol kina Adan at Eva at sa hardin ng Eden? Alam ito ng mga tao sa buong daigdig. Bakit hindi mo basahin ang ulat na ito sa Genesis 1:26–3:24? Ganito iyon:

Inanyuan ng Diyos na Jehova * ang tao mula sa alabok, pinanganlan itong Adan, at inilagay sa isang hardin sa lugar na tinatawag na Eden. Ang Diyos mismo ang gumawa ng harding ito. Saganang tubig ang dumadaloy rito at maraming magaganda at namumungang punungkahoy. Nasa gitna nito “ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Ipinagbawal ng Diyos sa tao ang pagkain ng bunga ng punungkahoy na ito. Sinabi niyang ang pagsuway ay mangangahulugan ng kamatayan. Nang maglaon, gumawa si Jehova ng isang kasama para kay Adan​—ang babaing si Eva​—na inanyuan mula sa isa sa mga tadyang ni Adan. Inutusan sila ng Diyos na pangalagaan ang hardin, magpakarami, at punuin ang lupa.

Nang nag-iisa si Eva, kinausap siya ng isang serpiyente, o ahas. Tinukso siya nito na kainin ang ipinagbabawal na bunga at pinalabas na nagsisinungaling sa kaniya ang Diyos at na may ipinagkakait na mabuti sa kaniya. Kung kakain daw siya nito, magiging gaya siya ng Diyos. Natukso si Eva at kinain ang bunga. Nang maglaon, nakisama sa kaniya si Adan sa pagsuway sa Diyos. Hinatulan ni Jehova si Adan, si Eva, at ang ahas. Matapos palayasin ang mga tao sa paraisong hardin, may mga anghel na humarang sa pasukan.

Noon, naniniwala ang karamihan sa mga iskolar, intelektuwal, at istoryador na talagang naganap ang mga pangyayaring nakaulat sa aklat ng Bibliya na Genesis. Pero ngayon, mas marami na ang nag-aalinlangan. Bakit ba pinag-aalinlanganan ang ulat ng Genesis tungkol kina Adan at Eva at sa hardin ng Eden? Suriin natin ang apat na karaniwang kinukuwestiyon ng mga kritiko.

1. Totoong lugar ba ang hardin ng Eden?

Bakit ba ito pinagdududahan? Marahil, dahil sa pilosopiya. Sa loob ng mga dantaon, ipinalalagay ng mga teologo na ang hardin ng Diyos ay umiiral pa. Pero ang simbahan ay naimpluwensiyahan ng mga pilosopong Griego na gaya nina Plato at Aristotle, na nagsabing walang anumang bagay sa lupa ang sakdal, o perpekto. Sa langit lamang makasusumpong ng kasakdalan. Kaya inisip ng mga teologo na ang orihinal na Paraiso ay malapit sa langit. * Sabi ng ilan, ang hardin ay nasa tuktok ng isang bundok na napakataas anupat hindi naapektuhan ng magulong planetang ito; sabi ng iba, ito raw ay nasa North Pole o South Pole; sabi naman ng iba pa, ito raw ay nasa buwan o malapit dito. Hindi kataka-taka, ang Eden ay nagmistulang isang pantasya. Iginigiit naman ng ilang iskolar ngayon na walang saysay na pag-usapan pa ang lokasyon ng Eden, yamang hindi ito talaga umiral.

Pero hindi ganiyan ang pagkakalarawan ng Bibliya sa hardin. Sa Genesis 2:8-14, malalaman natin ang ilang detalye tungkol sa lugar na iyon. Ito ay nasa silangan ng lugar na tinatawag na Eden. Natutubigan ito ng isang ilog na nagsanga sa apat na ilog. Pinanganlan ang mga ito at binanggit kung saan umaagos. Dahil sa mga detalyeng ito, nagpursigi ang mga iskolar na saliksikin pa ang bahaging ito ng Bibliya para matunton ang aktuwal na lokasyon ng hardin ng Eden. Pero iba-iba ang naging opinyon nila. Ibig bang sabihin, hindi totoo o alamat lamang ang paglalarawan tungkol sa Eden, sa hardin nito, at sa mga ilog nito?

Isaalang-alang ito: Ang mga pangyayari sa hardin ng Eden ay naganap mga 6,000 taon na ang nakalipas. Si Moises ang sumulat nito, marahil batay sa mga ikinuwento sa kaniya o sa makukuhang mga dokumento noon. Isa pa, isinulat niya ito mga 2,500 taon pagkatapos nitong mangyari. Sa paglipas ng libu-libong taon, posible kayang nagbago ang mga palatandaan nito, gaya ng mga ilog? Ang topograpiya ng lupa ay laging nagbabago. Ang rehiyon na malamang na kinaroonan ng Eden ay madalas tamaan ng lindol. Sa katunayan, dito naganap ang mga 17 porsiyento ng pinakamalalakas na lindol sa daigdig. Sa gayong mga lugar, normal lang ang pagbabago. Bukod pa riyan, maaaring binago ng Baha noong panahon ni Noe ang topograpiya ng lupa sa maraming paraan na hindi natin alam ngayon. *

Gayunman, narito ang ilang katotohanang alam natin: Tinutukoy sa ulat ng Genesis ang hardin bilang isang totoong lugar. Dalawa sa apat na ilog na binanggit sa ulat​—ang Eufrates at ang Tigris, o Hidekel​—ay umiiral pa at ang ilang pinagmumulan ng mga ito ay malapit sa isa’t isa. Binabanggit pa nga ng ulat ang pangalan ng mga lupaing dinadaluyan ng ilog at ang likas na yaman ng mga lupaing iyon. Sa mga Israelita noon, na siyang unang bumasa ng ulat na ito, ang mga detalyeng ito ay kapaki-pakinabang.

Ganiyan ba ang mga alamat o fairy tale? Sa ganitong mga kuwento, hindi binabanggit ang mga detalye na maaaring magpatunay kung ito ay totoo o hindi. “Noong unang panahon sa isang malayong lupain”​—ganiyan nagsisimula ang isang alamat. Pero iniuulat ng kasaysayan ang mahahalagang detalye, gaya ng ulat tungkol sa Eden.

2. Kapani-paniwala bang inanyuan ng Diyos si Adan mula sa alabok at si Eva mula sa isa sa mga tadyang ni Adan?

Pinatunayan ng makabagong siyensiya na ang katawan ng tao ay binubuo ng iba’t ibang elemento​—gaya ng hidroheno, oksiheno, at karbon​—lahat ay masusumpungan sa lupa. Pero paano naging isang nabubuhay na nilalang ang mga elementong iyon?

Ayon sa teoriya ng maraming siyentipiko, ang buhay ay basta na lamang lumitaw nang walang sinumang lumikha. Mula sa napakasimpleng anyo, unti-unti itong naging masalimuot sa paglipas ng milyun-milyong taon. Pero ang salitang “simple” ay maaaring makalito, sapagkat ang lahat ng nabubuhay na bagay​—kahit ang pagkaliit-liit na isang-selulang organismo​—ay lubhang masalimuot. Walang ebidensiya na ang anumang uri ng buhay ay bigla na lamang lumitaw. Sa halip, ang lahat ng nabubuhay na bagay ay nagpapatunay na may isang napakatalinong Disenyador. *​—Roma 1:20.

Kapag nakikinig ka sa napakagandang musika ng isang orkestra o humahanga sa isang makulay na painting o sa isang pambihirang imbensiyon, iniisip mo bang walang gumawa ng mga ito? Siyempre hindi! Ngunit ang mga obramaestrang iyon ay walang-sinabi sa kagandahan, pagkamalikhain, o pagiging masalimuot ng pagkakadisenyo sa katawan ng tao. Kaya paano natin masasabing walang Maylalang? Isa pa, ipinaliliwanag ng ulat ng Genesis na sa lahat ng buhay sa lupa, ang tao lamang ang ginawa ayon sa larawan ng Diyos. (Genesis 1:26) Kaya mga tao lamang ang nakagagawa ng imbensiyon o nakabubuo ng kahanga-hangang likhang-sining at musika dahil minana nila ang kakayahang ito sa Diyos. Dapat ba tayong magtaka na makalilikha ang Diyos nang mas mahusay kaysa sa atin?

Kung tungkol naman sa paglalang sa babae mula sa isang tadyang ng lalaki, mahirap ba iyon para sa Diyos? * Maaaring gumamit ang Diyos ng ibang paraan, pero ang paglalang niya sa babae ay may malalim na kahulugan. Gusto niyang ang lalaki at babae ay maging mag-asawa at mabuklod na parang “isang laman.” (Genesis 2:24) Hindi ba isang matibay na ebidensiya ng isang matalino at maibiging Maylalang ang pagiging kapupunan sa isa’t isa ng lalaki’t babae, anupat nakabubuo sila ng isang matibay at masayang buklod?

Isa pa, kinikilala ng mga eksperto sa henetika ngayon na ang lahat ng tao ay posibleng nagmula sa isang lalaki at babae lamang. Kaya malayo bang mangyari ang ulat ng Genesis?

3. Parang alamat ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama at ang punungkahoy ng buhay.

Ang totoo, hindi itinuturo ng ulat ng Genesis na ang mga punungkahoy na ito ay mahiwaga o may anumang pambihirang kapangyarihan. Sa halip, ang mga ito ay karaniwang mga punungkahoy na binigyan ni Jehova ng makasagisag na kahulugan.

Hindi ba kung minsan, ginagawa rin iyan ng mga tao? Halimbawa, maaaring sabihin ng isa, ‘Hindi mo na iginalang ang pamamahay ko.’ Hindi naman talaga ang mismong bahay ang winalang-galang kundi ang karapatan ng may-ari sa sarili niyang pamamahay. Ginagamit din ng iba’t ibang monarka ang setro at korona bilang sagisag ng kanilang awtoridad.

Kaya ano ang isinasagisag ng dalawang punungkahoy? Maraming masalimuot na teoriya ang lumitaw. Ang tunay na sagot, bagaman simple, ay malalim. Ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay kumakatawan sa karapatan na nauukol lamang sa Diyos​—ang magtakda ng kung ano ang mabuti at masama. (Jeremias 10:23) Kaya isang krimen ang magnakaw mula sa punungkahoy na iyon! Ang punungkahoy ng buhay naman ay kumakatawan sa isang kaloob na Diyos lamang ang makapagbibigay​—ang buhay na walang hanggan.​—Roma 6:23.

4. Parang isang karakter lamang sa pabula ang ahas na nagsasalita.

Sabihin pa, ang bahaging ito ng ulat ng Genesis ay nakalilito, lalo na kung hindi natin isasaalang-alang ang iba pang bahagi ng Bibliya. Pero unti-unting ipinaliliwanag ng Kasulatan ang misteryong ito.

Paano nakapagsalita ang ahas na ito? Noon, alam ng mga Israelita ang ilang bagay na makapagbibigay-linaw sa papel ng ahas na iyon. Halimbawa, alam nila na bagaman hindi nagsasalita ang mga hayop, maaaring gawin ng isang espiritung persona na tila nagsasalita ito. Bukod diyan, isinulat ni Moises ang tungkol sa pagsusugo ng Diyos sa isang anghel upang pagsalitain na parang tao ang asno ni Balaam.​—Bilang 22:26-31; 2 Pedro 2:15, 16.

Maaari bang magsagawa ng himala ang ibang espiritung persona, kabilang na ang mga kaaway ng Diyos? Nakita ni Moises na ginaya ng mga mahikong saserdote ng Ehipto ang ilan sa mga himala ng Diyos, gaya noong gawin nilang ahas ang tungkod. Maliwanag na ang gayong mga himala ay galing sa mga espiritung kaaway ng Diyos.​—Exodo 7:8-12.

Maliwanag na si Moises din ang sumulat ng aklat ng Job. Maraming itinuturo ang aklat na iyon tungkol sa pangunahing kaaway ng Diyos, ang sinungaling na si Satanas, na humamon sa katapatan ng lahat ng lingkod ni Jehova. (Job 1:6-11; 2:4, 5) Naniniwala ba ang mga Israelita noon na si Satanas ang kumontrol sa ahas sa Eden, kung kaya nakapagsalita ito at nadaya si Eva? Malamang na gayon nga.

Si Satanas ba ang kumokontrol sa ahas? Tinukoy ni Jesus si Satanas na “sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Kung siya ang “ama ng kasinungalingan,” siya ang pasimuno ng unang kasinungalingan, hindi ba? Ang unang kasinungalingan ay ang sinabi ng serpiyente kay Eva. Bilang pagsalungat sa babala ng Diyos na ang pagkain sa ipinagbabawal na bunga ay magdudulot ng kamatayan, sinabi ng serpiyente: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” (Genesis 3:4) Maliwanag, alam ni Jesus na si Satanas ang kumokontrol sa serpiyente. Niliwanag ito sa pagsisiwalat na ibinigay ni Jesus kay apostol Juan, nang tawagin Niya si Satanas na “ang orihinal na serpiyente.”​—Apocalipsis 1:1; 12:9.

Mahirap bang paniwalaan na kayang manipulahin ng isang makapangyarihang espiritung persona ang isang ahas para magtingin itong nagsasalita? Kung nagagawa ng mga tao na maging kapani-paniwala ang mga special effect at palabasing nagsasalita ang isang papet, gaano pa kaya ang makapangyarihang mga espiritu?

Ang Pinakamatibay na Ebidensiya

Hindi ka ba sasang-ayon na ang pag-aalinlangan tungkol sa ulat ng Genesis ay wala namang matibay na saligan? Sa kabilang dako, may matibay na ebidensiya na ang ulat ng Genesis ay tunay na kasaysayan.

Halimbawa, si Jesu-Kristo ay tinawag na “saksing tapat at totoo.” (Apocalipsis 3:14) Bilang isang sakdal na tao, hinding-hindi siya nagsinungaling ni pinilipit man niya ang katotohanan. Higit pa riyan, itinuro niya na umiral na siya bago pa naging tao sa lupa. Sa katunayan, nabuhay na siya kapiling ng kaniyang Ama, si Jehova, “bago pa ang sanlibutan.” (Juan 17:5) Kaya buháy na siya nang magsimula ang buhay sa lupa. Ano ang sinabi ng pinakatapat na saksing ito?

Tinukoy ni Jesus sina Adan at Eva bilang tunay na mga tao. Binanggit niya ang kanilang pag-aasawa nang ipaliwanag niya ang pamantayan ni Jehova tungkol sa pagkakaroon ng isa lamang asawa. (Mateo 19:3-6) Kung hindi umiral sina Adan at Eva at isa lamang alamat ang hardin na tirahan nila, lumalabas na si Jesus ay nadaya o isang sinungaling. Imposible iyan! Si Jesus ay nasa langit at nakita niya ang masaklap na pangyayari sa hardin. May mas matibay pa bang ebidensiya kaysa riyan?

Sa katunayan, ang hindi paniniwala sa ulat ng Genesis ay nagpapahina ng pananampalataya kay Jesus. Imposible ring maunawaan ang ilan sa pinakamahahalagang tema ng Bibliya at ang pinakamaaasahang mga pangako nito kung hindi ka naniniwala sa ulat na ito. Tingnan natin kung bakit.

[Mga talababa]

^ par. 3 Jehova ang personal na pangalan ng Diyos sa Bibliya.

^ par. 7 Ang ideyang ito ay wala sa Kasulatan. Itinuturo ng Bibliya na ang lahat ng gawa ng Diyos ay sakdal; hindi nanggaling sa kaniya ang kasiraan. (Deuteronomio 32:4, 5) Pagkatapos lalangin ni Jehova ang lupa, sinabi niyang ang lahat ng ginawa niya ay “napakabuti.”​—Genesis 1:31.

^ par. 9 Maliwanag na binura ng Delubyo, na pinasapit ng Diyos, ang lahat ng bakas ng hardin ng Eden. Ipinahihiwatig ng Ezekiel 31:18 na ang “mga punungkahoy sa Eden” ay matagal nang hindi umiiral pagdating ng ikapitong siglo B.C.E. Kaya ang lahat ng naghahanap sa hardin ng Eden ay nabibigo.

^ par. 14 Tingnan ang brosyur na The Origin of Life​—Five Questions Worth Asking, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 16 Kapansin-pansin, natuklasan ng makabagong siyensiya sa medisina na ang tadyang, di-tulad ng ibang buto, ay may pambihirang kakayahan na tumubong muli kung hindi napinsala ang lamad na nakabalot dito.