Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hula 6. Pangangaral sa Buong Lupa

Hula 6. Pangangaral sa Buong Lupa

Hula 6. Pangangaral sa Buong Lupa

“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.”​—MATEO 24:14.

● Nakatira si Vaiatea sa isang isla ng mga korales sa Tuamotu Archipelago, na nasa kalagitnaan ng Karagatang Pasipiko. Bagaman ang Tuamotu ay binubuo ng halos 80 isla na nakakalat sa lawak na mahigit 802,900 kilometro kuwadrado, mga 16,000 lang ang populasyon dito. Pero nakausap ng mga Saksi ni Jehova si Vaiatea at ang kaniyang mga kapitbahay. Bakit? Dahil gusto ng mga Saksi na ibahagi ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos sa lahat ng tao​—saanman sila nakatira.

ANO ANG IPINAKIKITA NG MGA ULAT? Ang mensahe ng Kaharian ay nakararating sa lahat ng sulok ng daigdig. Noon lamang 2010, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng mahigit 1.6 bilyong oras sa pangangaral ng mabuting balitang ito sa 236 na lupain. Ibig sabihin, ang bawat Saksi ay gumugugol ng kalahating oras araw-araw sa pangangaral. Noong nakalipas na dekada, nakapaglimbag din sila at nakapamahagi ng mahigit 20 bilyong kopya ng literatura tungkol sa Bibliya.

ANO ANG KARANIWANG PAGTUTOL? Libu-libong taon nang ipinangangaral ang mensahe ng Bibliya.

MAKATUWIRAN BA ANG PAGTUTOL NA IYAN? Totoo, marami na ang nangaral tungkol sa mensahe ng Bibliya. Pero sandali lang silang nangaral at sa iilang lugar lamang. Sa kabaligtaran, ang mga Saksi ni Jehova ay organisadong nangangaral sa buong daigdig, anupat nakikipag-usap sa daan-daang milyong tao. Patuloy na nangangaral ang mga Saksi sa kabila ng matinding pag-uusig ng ilan sa pinakamakapangyarihan at pinakamalupit na organisasyon sa kasaysayan. * (Marcos 13:13) Bukod diyan, walang suweldo ang mga Saksi ni Jehova. Inilalaan nila ang kanilang panahon at iniaalok ang kanilang literatura nang walang bayad. Ang kanilang gawain ay suportado ng mga boluntaryong kontribusyon.

ANO SA PALAGAY MO? Ipinangangaral ba sa buong daigdig ang ‘mabuting balita ng kaharian’? Ang katuparan ba ng hulang ito ay nangangahulugang may magandang mangyayari sa hinaharap?

[Talababa]

^ par. 6 Para sa higit pang impormasyon, panoorin ang tatlong dokumentaryong video, “Faithful Under Trials,” “Purple Triangles,” at “Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault,” na ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 9]

“Hangga’t ipinahihintulot ni Jehova, patuloy at buong-sigasig nating ipangangaral ang mabuting balita ng Kaharian, na ginagawa ang lahat ng paraan para makausap ang mga tao.”​—2010 TAUNANG AKLAT NG MGA SAKSI NI JEHOVA.