Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Kaaliwan Para sa mga Wasak ang Puso

Kaaliwan Para sa mga Wasak ang Puso

‘HINDI ako mamahalin ni Jehova kahit kailan.’ Iyan ang sinabi ng isang babaing Kristiyano na halos buong-buhay nang pinahihirapan ng depresyon. Kinumbinsi niya ang kaniyang sarili na malayo sa kaniya si Jehova. Malayo nga ba si Jehova sa kaniyang mga mananamba na dumaranas ng depresyon? Makikita natin ang nakaaaliw na sagot sa sinabi ng mang-aawit na si David sa Awit 34:18.

Alam ni David ang maaaring maging epekto ng matinding kalungkutan sa isang tapat na mananamba ni Jehova. Noong kabataan pa si David, namuhay siya bilang takas. Walang-tigil kasi siyang tinutugis ni Haring Saul, na gustong pumatay sa kaniya dahil sa inggit. Nagtago si David sa isang lugar na iniisip niyang hindi pupuntahan ni Saul​—ang lunsod ng Gat, na nasa teritoryo ng mga kaaway na Filisteo. Pero nang makilala ng mga tagaroon si David, nagpanggap siyang baliw kaya nakaligtas siya. Pinasalamatan niya ang Diyos sa pagliligtas sa kaniya. Batay sa karanasang ito, isinulat niya ang Awit 34.

Naniniwala kaya si David na malayo ang Diyos sa mga nasisiraan ng loob o nakadaramang wala silang halaga sa Kaniyang paningin? Isinulat ni David: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” (Talata 18) Tingnan natin kung paano nagbibigay ng kaaliwan at pag-asa ang pananalitang ito.

“Si Jehova ay malapit.” Ayon sa isang reperensiya, ang pariralang ito ay “isang paraan ng pagsasabing ang Panginoon ay nagbibigay-pansin at nagbabantay, anupat laging handang tumulong at magligtas sa kaniyang mga lingkod.” Nakaaaliw malaman na binabantayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod. Nakikita niya ang pinagdaraanan nila sa “mga panahong [ito na] mapanganib,” at alam niya ang kanilang nadarama.​—2 Timoteo 3:1; Gawa 17:27.

“Sa mga wasak ang puso.” Sa ilang kultura, ang “wasak na puso” ay tumutukoy sa pagkabigo sa pag-ibig. Pero ang pananalita ng mang-aawit ay tumutukoy sa “pamimighati at kalungkutan na nadarama ng karamihan,” ang sabi ng isang iskolar. Oo, maging ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay maaaring makaranas ng matitinding pagdurusa na dumudurog sa kanilang puso.

“Yaong mga may espiritung nasisiil.” Kung minsan, ang mga nasisiraan ng loob ay nakadaramang wala silang halaga anupat nawawalan ng pag-asa. Ayon sa isang aklat para sa mga tagapagsalin ng Bibliya, ang pananalitang ito ay maaaring isalin bilang “yaong mga wala nang magandang bukas na natatanaw.”

Paano pinakikitunguhan ni Jehova ang mga “wasak ang puso” at “may espiritung nasisiil”? Lumalayo ba siya sa kanila, na nadaramang hindi sila karapat-dapat mahalin at bigyang-pansin? Hinding-hindi! Gaya ng isang mapagmahal na magulang na kumakalong at umaalo sa isang batang umiiyak, si Jehova ay malapit sa kaniyang mga mananamba na humihingi ng tulong sa kaniya. Nais niyang aliwin sila at paginhawahin ang kanilang wasak na puso at espiritung nasisiil. Makapagbibigay rin siya ng karunungan at lakas para maharap nila ang anumang pagsubok.​—2 Corinto 4:7; Santiago 1:5.

Bakit hindi mo alamin kung paano ka magiging mas malapít kay Jehova? Ang mahabaging Diyos na ito ay nangangako: ‘Tumatahan ako kasama ng isa na nasisiil at may mapagpakumbabang espiritu, upang ipanumbalik ang espiritu ng mga maralita at upang ipanumbalik ang puso ng mga sinisiil.’​—Isaias 57:15.

Pagbabasa ng Bibliya para sa Hunyo:

Awit 26-59