Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ba Talaga ang Namamahala sa Daigdig?

Sino ba Talaga ang Namamahala sa Daigdig?

Sino ba Talaga ang Namamahala sa Daigdig?

MALAMANG na wala ka pang nakikilalang lider ng sindikato. Ibig bang sabihin, hindi talaga sila umiiral? Kayang-kaya nilang itago kung sino talaga sila at napapakilos pa rin nila ang kanilang mga tauhan kahit nakakulong sila. Kaya kapag may nababalitaan tayong mga awayan sa droga, laganap na prostitusyon, at pagbebenta ng mga tao, naiisip natin na talagang may umiiral na mga lider ng sindikato na nasa likod ng lahat ng kasamaang ito.

Sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na si Satanas ay totoong persona. Tulad ng isang makapangyarihang lider ng sindikato, tinitiyak niyang naisasagawa ang gusto niya sa pamamagitan ng mga ‘kasinungalingan’ at “panlilinlang.” Sa katunayan, siya ay “laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag,” ang sabi ng Bibliya. (2 Tesalonica 2:9, 10; 2 Corinto 11:14) Masasabi rin nating talagang may Diyablo dahil sa mga nangyayari sa ngayon. Pero marami pa rin ang hindi naniniwala na mayroon ngang isang di-nakikitang masamang espiritu. Bago natin suriing mabuti ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyablo, isaalang-alang muna natin ang ilang maling paniniwala kung bakit marami ang hindi naniniwalang tunay na persona ang Diyablo.

“Paano magagawa ng isang maibiging Diyos na lalangin ang Diyablo?” Yamang sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay mabuti at perpekto, parang hindi makatuwirang isipin na lilikha siya ng isang masama at mapaminsalang persona. Ang totoo, walang sinasabi ang Bibliya na lumalang ang Diyos ng gayong persona. Sa halip, ganito ang sinasabi nito tungkol sa Diyos: “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.”​—Deuteronomio 32:4; Awit 5:4.

Samakatuwid, ang magandang pag-isipan ay kung ang perpektong personang nilikha ng Diyos ay makagagawa ng isang bagay na mali. Sa halip na likhaing parang mga robot, ang mga nilalang ng Diyos ay binigyan niya ng kalayaang magpasiya​—ang kakayahang gumawa ng sariling desisyon. Kaya ang isang perpekto at matalinong nilalang ay makapagpapasiya kung gagawa siya ng mabuti o masama. Sa katunayan, ang mga ginagawa lang ng matalinong nilalang ng Diyos, tao man o espiritu, na may kalayaang magpasiya ang maaaring hatulan na tama o mali.

Kung gayon, hindi magiging makatuwiran na bigyan ng Diyos ang kaniyang mga nilalang ng kalayaang magpasiya at kasabay nito ay pigilan sila sa paggawa ng masama na ipinasiya nilang gawin. Tinukoy ni Jesus ang isang maling paggamit sa kalayaang magpasiya nang sabihin niya tungkol sa Diyablo: “Hindi siya nanindigan sa katotohanan.” (Juan 8:44) Malinaw na ipinakikita nito na ang isa na naging Diyablo ay dating isang perpektong espiritung persona, na minsang “nanindigan sa katotohanan.” * Nilikha ng Diyos ang kaniyang mga nilalang na may kakayahan at kalayaang magpasiya dahil mahal niya sila at nagtitiwala siya sa kanila.​—Tingnan ang kahong  “Puwede Bang Maging Di-perpekto ang Isang Perpektong Nilalang?” sa pahina 6.

“Ang Diyablo ay alagad ng Diyos” Para sa ilan, waring ipinahihiwatig ng Bibliya ang ideyang iyan sa aklat ng Job. Ayon sa isang reperensiya sa Bibliya, ang pananalitang ang Diyablo ay ‘nagpaparoo’t parito sa lupa’ ay tumutukoy sa papel ng mga sinaunang Persianong espiya, na naglalakbay at nag-uulat sa kanilang hari. (Job 1:7) Pero kung ang Diyablo ay talagang espiya ng Diyos, bakit ipaliliwanag pa niya sa Diyos na siya ay ‘nagpaparoo’t parito sa lupa’? Sa ulat ng Job, sa halip na ilarawan bilang kakampi ng Diyos, ang Diyablo ay tinawag na Satanas na nangangahulugang “Mananalansang.” Ipinahihiwatig nito na siya mismo ang pangunahing Kaaway ng Diyos. (Job 1:6) Kung gayon, saan nagmula ang ideyang alagad ng Diyos ang Diyablo?

Noon pa mang unang siglo C.E., ang apokripal na mga aklat, gaya ng “Book of Jubilees” at “Common Rule” ng sekta sa Qumran, ay naglalarawan na sa Diyablo na nakikipagtawaran sa Diyos pero sumusunod pa rin sa Kaniyang kalooban. Sa kaniyang aklat na Mephistopheles, ipinaliwanag ng istoryador na si J. B. Russell na para sa Protestanteng Repormador na si Martin Luther, ang Diyablo ay kasangkapan ng Diyos na “gaya ng pampungos o asarol na ginagamit niya sa kaniyang hardin.” Ibig sabihin, ang dagdag ni Russell, “gustung-gusto ng asarol ang pag-aalis ng mga panirang-damo,” pero hawak pa rin ito ng Diyos, anupat tinutupad ang Kaniyang kalooban. Ang turo ni Luther​—na tinanggap din nang maglaon ng teologong Pranses na si John Calvin​—ay hindi nagustuhan ng maraming mananampalatayang nagpapahalaga sa katarungan. Paano magagawa ng isang maibiging Diyos na hindi lamang pahintulutan ang kasamaan, kundi pangyarihin pa itong maganap? (Santiago 1:13) Dahil sa turong ito, pati na ang nakatatakot na mga pangyayari noong ika-20 siglo, maraming tao ang hindi na naniniwala sa Diyos at sa Diyablo.

“Ang Diyablo ay isa lang konsepto ng kasamaan” Kung ang Diyablo ay ituturing natin na isa lang konsepto ng kasamaan, mahihirapan tayong unawain ang ilang teksto sa Bibliya. Halimbawa, sino ang kausap ng Diyos sa ulat ng Job 2:3-6? Posible bang ang kasamaang taglay ni Job, o baka naman ang Kaniyang sarili? Isa pa, pupurihin ba ng Diyos ang mga katangian ni Job at pagkatapos ay hahayaan itong masubok ng isang konsepto ng kasamaan? Kung ganiyan nga ang Diyos, para na rin nating sinabing masama siya at na hindi totoong “sa kaniya ay walang kalikuan.” (Awit 92:15) Sa kabaligtaran, tumanggi ang Diyos na ‘iunat ang kaniyang kamay’ para saktan si Job. Maliwanag, ang Diyablo ay hindi isang konsepto ng kasamaan o isang masamang bahagi ng personalidad ng Diyos. Siya ay isang espiritung persona at ginawa niyang Kaaway ng Diyos ang kaniyang sarili.

Sino ba Talaga ang Namamahala sa Daigdig?

Para sa marami ngayon, makaluma na ang paniniwala sa Diyablo. Pero kung talagang walang Diyablo, napakahirap ipaliwanag kung bakit ganito kasamâ ang daigdig. Sa katunayan, dahil sa pagsisikap na papaniwalain ang mga tao na walang Diyablo, tinanggihan ng marami ang Diyos at ang lahat ng kaniyang pamantayan sa moral.

“Ang pinakamalubhang panlilinlang ng Diyablo,” ang isinulat ng ika-19 na siglong makata na si Charles-Pierre Baudelaire, “ay ang papaniwalain tayo na hindi siya umiiral.” Dahil dito, nag-alinlangan ang mga tao sa pag-iral ng Diyos. Kung walang Diyablo, hindi ba’t ang Diyos ang sisisihin sa lahat ng kasamaan? Iyan mismo ang gusto ng Diyablo na paniwalaan ng mga tao!

Tulad ng isang lider ng sindikato, inililihim din ng Diyablo kung sino siya para magawa ang gusto niya. Ano ba ang gusto niya? Sinasabi ng Bibliya: “Binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay hindi makatagos.”​—2 Corinto 4:4.

May isa pang mahalagang tanong: Ano ang gagawin ng Diyos sa tunay na may kagagawan ng lahat ng kasamaan at pagdurusa? Iyan ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 6 Para maunawaan kung bakit hindi agad winakasan ng Diyos ang pagrerebelde ng Diyablo, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 5]

Ang Diyablo ba ay alagad ng Diyos o kaaway ng Diyos?

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

 Puwede Bang Maging Di-perpekto ang Isang Perpektong Nilalang?

Ang kasakdalang ipinagkaloob ng Diyos sa kaniyang matatalinong nilalang ay may limitasyon. Bagaman si Adan ay nilalang na perpekto, kailangan pa rin niyang igalang ang mga pisikal na limitasyong ipinatutupad ng kaniyang Maylalang. Halimbawa, kapag kumain siya ng lupa, bato, o kahoy, tiyak na masama ang magiging epekto nito sa kaniya. Kung babalewalain niya ang batas ng grabidad at tatalon sa mataas na bangin, maaari siyang masugatan o mamatay pa nga.

Sa katulad na paraan, walang perpektong nilalang​—tao man o anghel​—ang puwedeng sumalungat sa mga limitasyong itinalaga ng Diyos nang hindi napapahamak. Kaya kapag ginamit ng isang matalinong nilalang ang kaniyang kalayaang magpasiya sa maling paraan, madali siyang magkakamali at magkakasala.​—Genesis 1:29; Mateo 4:4.