Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

ANO ang nagtulak sa isang kabataang babae na balikan ang kinagisnan niyang relihiyon? Basahin ang kaniyang kuwento.

“Nagkaroon Na Ngayon ng Tunay na Kabuluhan ang Buhay Ko.”​—LISA ANDRÉ

ISINILANG: 1986

BANSANG PINAGMULAN: LUXEMBOURG

DATING SUWAIL NA ANAK

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa Bertrange, isang malinis, tahimik, at maunlad na bayang malapit sa lunsod ng Luxembourg. Ako ang bunso sa limang magkakapatid. Mga Saksi ni Jehova ang magulang ko, at nagsikap silang maikintal sa aming magkakapatid ang mga pamantayang Kristiyano.

Nang magtin-edyer na ako, nagsimula akong mag-alinlangan sa mga turo ng mga Saksi ni Jehova. Noong una ay hindi ko ito pinapansin, pero unti-unting humina ang pananampalataya ko. Ginawa ng mga magulang ko ang lahat para tulungan ako, pero tinanggihan ko ito. Hindi nila alam na nakikipagbarkada na ako sa mga kabataang walang paggalang sa awtoridad. Gusto kong maging malaya katulad nila. Madalas ay nagpaparty kami, nagse-sex, at nag-aabuso sa droga at alak. Noong una, ang saya-saya ko kapag kasama ang mga taong ito na parang alam na alam kung paano mag-enjoy sa buhay.

Pero ang totoo, hindi talaga ako masaya. Parang walang kabuluhan ang buhay ko kapag kasama ko sila. Wala silang pakialam sa mundo, habang ako naman ay naaapektuhan sa mga nangyayari sa daigdig, gaya ng kawalang-katarungan. Unti-unti akong nadepres.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Minsan, noong 17 anyos ako, napansin ni Inay na lungkot na lungkot ako. Kaya sinabi niya sa akin na subukan kong mag-aral muli ng Bibliya. Suriin ko raw ang mga turo ng Bibliya at saka magdesisyon kung gusto kong mamuhay ayon sa mga ito o hindi. Dahil sa pag-uusap naming iyon, nagbago ang isip ko. Pumayag akong turuan ng Bibliya ni Ate Caroline at ng asawa niyang si Akif. Hindi lumaki sa pamilyang Saksi si Akif. Dahil dito, madali kong nasasabi sa kaniya ang nasa isip ko.

Alam kong hindi angkop para sa isang Saksi ang paraan ng aking pamumuhay, pero noong una, inisip kong karapatan kong gawin anuman ang gusto ko sa aking buhay. Pero dahil sa pag-aaral ng Bibliya, napag-isip-isip kong naaapektuhan ang damdamin ni Jehova sa mga ginagawa ko. (Awit 78:40, 41; Kawikaan 27:11) Naintindihan ko rin na naaapektuhan nito maging ang ibang mga tao.

Habang patuloy akong nag-aaral ng Bibliya, nakita kong may lohikal at nakakakumbinsing mga dahilan para maniwalang ito ay Salita ng Diyos. Halimbawa, marami akong nalamang hula ng Bibliya na natupad nang eksaktung-eksakto. Kaya nawala ang mga pag-aalinlangan ko.

Mga isang taon mula nang mag-aral ako ng Bibliya, dinalaw namin ng aking mga magulang ang kuya ko na isang boluntaryo sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Germany. Naantig ako nang makita ko kung gaano siya kasaya. Iyon mismo ang hinahanap ko! Humanga rin ako sa iba pang boluntaryo roon. Ibang-iba sila sa dati kong mga kasama na di-tapat at puro kalayawan lang ang iniisip. Di-nagtagal, taimtim akong nanalangin kay Jehova at nangakong maglilingkod sa kaniya habambuhay. Sa edad na 19, nagpabautismo ako bilang sagisag ng pag-aalay ko kay Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Nagkaroon na ngayon ng tunay na kabuluhan ang buhay ko. Masaya ako kapag nagtuturo ng Bibliya sa iba at natutulungan silang matuto tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga pangako. Nakinabang din ang pamilya ko​—hindi na sila nag-aalala sa akin.

Naiisip ko pa rin ang aking mga pagkakamali, pero sinisikap kong huwag magpaapekto sa mga ito. Sa halip, lagi kong iniisip ang kapatawaran at maibiging pagmamalasakit ni Jehova sa akin. Kumbinsido ako sa sinasabi ng Kawikaan 10:22: “Ang pagpapala ni Jehova​—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”

[Blurb sa pahina 12]

“Madalas ay nagpaparty kami, nagse-sex, at nag-aabuso sa droga at alak”

[Blurb sa pahina 13]

“Naiisip ko pa rin ang aking mga pagkakamali, pero sinisikap kong huwag magpaapekto sa mga ito”