Alam Mo Ba?
Paano nagpapadala ng mga liham noong panahon ng Bibliya?
Ang opisyal na mga liham ng pamahalaan ng Persia ay ipinagkakatiwala sa serbisyo ng pagpapadala ng liham ng Estado. Inilalarawan iyan sa aklat ng Bibliya na Esther: “[Si Mardokeo] ay sumulat sa pangalan ni Haring Ahasuero at tinatakan niya sa pamamagitan ng singsing na panlagda ng hari at nagpadala siya ng mga nasusulat na dokumento sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo na nakakabayo, na nakasakay sa mga kabayong panghatid-sulat na ginagamit sa paglilingkod sa hari, mga anak ng mga matuling kabayong babae.” (Esther 8:10) Sa Imperyo ng Roma, ganiyan din ang paraan ng pagpapadala ng liham ng mga opisyal ng pamahalaan at militar.
Ang personal na mga liham, gaya ng mga liham ni apostol Pablo o ng iba pa, ay hindi maaaring ipadala sa gayong paraan. Kung ang isa ay mayaman, puwede niyang utusan ang isang alipin na magdala ng liham. Pero ang karamihan ay nagpapadala ng mga liham sa pamamagitan ng kanilang mga kakilala, o maging sa mga estranghero, na naglalakbay sa direksiyon ng pagpapadalhan ng liham. Puwede ring maging tagapagdala ng liham ang mga kapamilya, kaibigan, kawal, at mga mangangalakal. Siyempre pa, mahalagang isaalang-alang kung mapagkakatiwalaan ang tagapagdala ng liham at kung maiingatan niya iyon. Ipinahihiwatig ng Bibliya na ang ilang liham ni Pablo ay ipinagkatiwala niya sa kapuwa niya mga Kristiyano na naglalakbay.—Efeso 6:21, 22; Colosas 4:7.
Paano isinasagawa ang pagbili at pagbebenta sa sinaunang Israel?
Ang pangunahing ikinabubuhay ng bansa ay pagsasaka, pagpapastol, at pagpapalitan ng produkto. Ang Bibliya ay bumabanggit ng mga pamilihan sa mga pintuang-daan ng lunsod—“Pintuang-daan ng mga Tupa,” “Pintuang-daan ng mga Isda,” at “Pintuang-daan ng mga Basag na Palayok.” (Nehemias 3:1, 3; Jeremias 19:2) Lumilitaw na ang mga pangalang iyan ay tumutukoy sa mga paninda sa mga lugar na iyon. Binabanggit din sa Kasulatan ang “lansangan ng mga magtitinapay” sa Jerusalem, pati na ang maraming iba pang paninda.—Jeremias 37:21.
Kumusta naman ang mga presyo? Sinasabi ng isang komentaryo sa Bibliya: “Sa paglipas ng mga siglo, nagbago ang mga presyo, at mahirap matukoy kung magkano ang isang produkto sa isang partikular na panahon at lugar.” Pero ipinakikita ng mga impormasyon mula sa sinaunang mga reperensiya, kasama na ang Bibliya, na noon pa man ay nakaaapekto na sa presyo ang implasyon. Halimbawa, noong unang panahon, kinakalakal ang mga alipin. Si Jose ay ipinagbili sa halagang 20 pirasong pilak, na maaaring mga siklo. Malamang na iyon ang karaniwang halaga ng mga alipin noong ika-18 siglo B.C.E. (Genesis 37:28) Pagkaraan ng 300 taon, ang presyo ay naging 30 siklo. (Exodo 21:32) Pagdating ng ikawalong siglo B.C.E., ang presyo ay naging 50 siklo. (2 Hari 15:20) Pagkalipas ng 200 taon, noong panahon ng mga Persiano, ang presyo ay umabot nang 90 siklo o higit pa. Maliwanag, ang pagtaas ng presyo ay problema na rin noong unang panahon.