Ipinakilala ang Pangalan ng Diyos sa Swahili
“Swahili.” Kapag naririnig iyan ng marami, naiisip nila ang Aprika at ang maiilap na hayop na pagala-gala sa kaparangan ng Serengeti. Pero marami pa tayong puwedeng malaman tungkol sa wikang Swahili at sa mga taong nagsasalita nito.
ANG Swahili ay sinasalita ng mga 100 milyong tao sa 12 bansa—o higit pa—sa sentral at silangang Aprika. * Iyan ang opisyal na wika ng ilang bansa, gaya ng Kenya, Tanzania, at Uganda. Sa kalapit na mga bansa naman, ang wikang iyan ang karaniwang ginagamit ng mga tao mula sa iba’t ibang rehiyon kapag nag-uusap sila at nagnenegosyo.
Napakahalaga ng papel na ginampanan ng Swahili para mapagkaisa ang mga tao sa Silangang Aprika. Halimbawa, sa Tanzania pa lang ay mayroon nang di-bababa sa 114 na wika ng mga tribo. Isip-isipin na lang na 40-80 kilometro ka pa lang nakalalayo sa bahay mo, iba na ang wika ng mga tao! At kung minsan, ang lahat ng nagsasalita ng isang partikular na wika ay nasa ilang maliliit na nayon lang. Paano ka makikipag-usap sa kanila? Talagang napakahalagang magkaroon ng isang wikang naiintindihan ng lahat!
Kasaysayan ng Swahili
Sinasabing ang Swahili ay sinimulang gamitin noong mga ikasampung siglo. Naging nasusulat na wika ito noong ika-16 na siglo. Napansin ng mga natuto ng Swahili na may ilang salita iyon na hawig sa wikang Arabe. Sa katunayan, halos 20 porsiyento
ng mga salitang Swahili ay mula sa Arabe, samantalang ang karamihan sa natitirang porsiyento ay mula sa ibang mga wika sa Aprika. Kaya hindi nga kataka-taka na sa loob ng daan-daang taon, ang Swahili ay isinulat gamit ang alpabetong Arabe.Sa ngayon, ang Swahili ay isinusulat gamit ang alpabetong Romano. Bakit? Para malaman ang sagot, kailangan nating balikan ang mga pangyayari noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo nang dumating sa Silangang Aprika ang mga misyonerong Europeo para ibahagi sa mga katutubo ang mensahe ng Bibliya.
Nakarating ang Salita ng Diyos sa Silangang Aprika
Noong 1499, sa panahon ng bantog na paglalayag ni Vasco da Gama sa palibot ng dulong-timog ng Aprika, dinala ng mga misyonerong Portuges sa Silangang Aprika ang Katolisismo sa pamamagitan ng isang misyon sa Zanzibar. Pero pagkalipas ng 200 taon, pinatalsik ng mga tagaroon ang mga Portuges, pati na ang “Kristiyanismo.”
Lumipas pa ang 150 taon bago nakabalik ang Salita ng Diyos sa Silangang Aprika. Dala naman ito ngayon ng misyonerong Aleman na si Johann Ludwig Krapf. Nang dumating siya sa Mombasa, Kenya noong 1844, karamihan ng mga nakatira sa baybayin ng Silangang Aprika ay mga Muslim. Karamihan naman ng nakatira malayo sa baybayin ay tradisyonal at animistiko ang relihiyosong paniniwala. Para kay Krapf, mahalagang mabasa ng lahat ang Bibliya.
Hindi na nag-aksaya ng panahon si Krapf. Pinag-aralan niya agad ang wikang Swahili. At noong Hunyo 1844, sinimulan na niyang isalin ang Bibliya sa wikang iyon. Pero nang sumunod na buwan, isang matinding dagok ang naranasan niya—namatay ang kaniyang asawa pagkaraan lang ng dalawang taóng pagsasama. Makalipas ang ilang araw, namatay naman ang sanggol nilang anak na babae. Sa kabila nito, ipinagpatuloy pa rin niya ang pagsasalin ng Bibliya. Noong 1847, inilathala ang unang tatlong kabanata ng aklat ng Genesis, at ito ang naging kauna-unahang naimprentang akda sa wikang Swahili.
Si Krapf ang unang gumamit ng alpabetong Romano sa pagsulat ng Swahili. Ayon sa kaniya, hindi niya ginamit ang alpabetong Arabe dahil ‘mahihirapan lang dito ang mga Europeo’ na mag-aaral ng wikang Swahili at “ang alpabetong Romano ay makatutulong ‘sa mga Katutubo sa pag-aaral ng mga wika ng mga Europeo.’” Patuloy pa ring ginamit ng ilan ang alpabetong Arabe sa loob ng maraming taon; may ilang bahagi ng Bibliya na inilathala gamit ito. Pero ang alpabetong Romano ay talagang nakatulong sa marami na matuto ng Swahili.
Tiyak na tuwang-tuwa ang maraming misyonero at iba pang nag-aaral ng Swahili sa pagbabagong ito.Bukod sa siya ang unang nagsalin ng Salita ng Diyos sa Swahili, inilatag din ni Krapf ang saligan para sa susunod na mga tagapagsalin. Ginawa niya ang unang aklat sa balarila ng wikang Swahili at isang diksyunaryo.
Ang Pangalan ng Diyos sa Swahili
Sa inilathala ni Krapf na unang tatlong kabanata ng Genesis, ginamit lang niya ang titulong “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” para sa pangalan ng Diyos. Pero sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, may ilan pang lalaking dumating sa Silangang Aprika at ipinagpatuloy nila ang pagsasalin ng buong Bibliya sa Swahili. Kabilang na rito sina Johann Rebmann, William Taylor, Harry Binns, Edward Steere, Francis Hodgson, at Arthur Madan.
Kapansin-pansin na sa ilang naunang mga saling ito, ginamit ang pangalan ng Diyos hindi lang sa ilang talata, kundi sa buong Hebreong Kasulatan! Ang ilang nagsasalin sa Zanzibar ay gumamit ng “Yahuwa,” samantalang ang mga nagsasalin sa Mombasa ay gumamit ng “Jehova.”
Noong 1895, mababasa na ang buong Bibliya sa wikang Swahili. Noong sumunod na mga dekada, nagkaroon din ng iba pang mga salin, bagaman ang ilan dito ay hindi naipamahagi nang malawakan. Noong pasimula ng ika-20 siglo, gumawa ng malaking pagsisikap para makapagtakda ng mga pamantayan sa wikang Swahili sa Silangang Aprika. Dahil dito, nailathala ang Swahili Union Version ng Bibliya noong 1952, at iyan ang salin na may pinakamalawak na sirkulasyon. Dahil din dito kung kaya “Yehova” ang pinakakaraniwang tinatanggap na salin ng pangalan ng Diyos sa wikang Swahili.
Pero nakalulungkot, habang unti-unting itinitigil ang pag-iimprenta ng mga saling iyan, unti-unti na ring nawawala ang pangalan ng Diyos. Sa ilang mas bagong salin, lubusan na itong inalis. Sa ibang salin naman, pinanatili na lang ito sa iilang talata. Halimbawa, sa Union Version, ang pangalan ng Diyos ay 15 beses lang lumitaw, at nang rebisahin ito noong 2006, naging 11 na lang. *
Bagaman halos hindi na ginamit ng saling ito ang banal na pangalan, mayroon namang mahalagang bagay sa panimulang mga pahina nito. Malinaw na binabanggit doon na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Nakatulong ito nang malaki sa mga naghahanap ng katotohanan para malaman ang personal na pangalan ng ating Ama sa langit mula mismo sa kanilang kopya ng Bibliya.
Pero hindi lang iyan. Noong 1996, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Swahili. Ito ang unang salin sa Swahili na nagsauli ng pangalan
ni Jehova sa 237 puwesto nito mula Mateo hanggang Apocalipsis. Sinundan ito noong 2003, nang ilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, ang kumpletong Bibliya, sa wikang Swahili. Lahat-lahat, mga 900,000 kopya ng mga edisyong Swahili ang naimprenta na.Sa ngayon, ang pangalan ng Diyos ay hindi na nakatago sa likod ng mga titulo o nakalagay lang sa paunang salita. Kapag binubuksan ng tapat-pusong tao ang Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Swahili, lalo silang napapalapít kay Jehova sa tuwing mababasa nila ang isa sa mahigit 7,000 beses na paglitaw ng kaniyang pangalan.
Sinikap din ng saling iyan na gumamit ng modernong Swahili na madaling maintindihan ng lahat ng nagsasalita nito sa Silangang Aprika. Bukod diyan, inalis na rin sa saling iyan ang ilang pagkakamali na makikita sa ibang mga salin. Dahil dito, makapagtitiwala ang sinumang nagbabasa ng saling iyan na ang binabasa niya ay “wastong mga salita ng katotohanan” na mula sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova.—Eclesiastes 12:10.
Marami ang nagpahalaga sa Bagong Sanlibutang Salin sa Swahili. Sinabi ni Vicent, isang 21 anyos na buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, “Masayang-masaya ako dahil simple ang Swahili sa Bagong Sanlibutang Salin at dahil ibinalik dito ang pangalan ni Jehova na inalis ng iba sa mga puwesto nito.” Para naman kay Frieda na may tatlong anak, nakatulong sa kaniya ang saling ito para madali niyang maipaliwanag sa mga tao ang mga katotohanan sa Bibliya.
Mula nang pasimulan ni Krapf ang pagsasalin ng Salita ng Diyos sa Swahili hanggang sa mailabas ang Bagong Sanlibutang Salin, mahigit 150 taon ang lumipas. Sinabi ni Jesus na ‘inihayag niya ang pangalan ng kaniyang Ama.’ (Juan 17:6) Sa ngayon, gamit ang Bagong Sanlibutang Salin, ang mahigit 76,000 Saksi ni Jehova na nagsasalita ng Swahili sa sentral at silangang Aprika ay nagagalak na ipakilala sa lahat ang pangalan ni Jehova.
^ par. 3 May pagkakaiba ang Swahili na ginagamit sa mga bansang ito.
^ par. 18 Mababasa iyon sa Genesis 22:14; Exodo 6:2-8 (dalawang beses); 17:15 (bilang Yahweh); Hukom 6:24; Awit 68:20; 83:18; Isaias 12:2; 26:4; 49:14; at Jeremias 16:21.