Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
PAANO naging maligaya at matagumpay na asawa’t ama ang isang lalaking may malungkot na buhay noong bata pa? Ano ang nagtulak sa isang babaing maraming bisyo na ayusin ang kaniyang buhay? Basahin ang kanilang kuwento.
“Pakiramdam Ko’y Wala Akong Kuwentang Tao.”—VÍCTOR HUGO HERRERA
-
ISINILANG: 1974
-
BANSANG PINAGMULAN: CHILE
-
DATING ALKOHOLIKO
ANG AKING NAKARAAN:
Isinilang ako sa lunsod ng Angol, sa timog ng Chile. Hindi ko kailanman nakilala ang aking ama. Noong tatlong taóng gulang ako, kami ng kuya ko ay isinama ni Inay nang lumipat siya sa Santiago, ang kabisera ng Chile. Napatira kami sa isang maliit na kuwarto sa isang pabahay para sa mga walang matirhan. Wala kaming sariling banyo, at sa isang fire hydrant lang kami kumukuha ng tubig.
Pagkalipas ng mga dalawang taon, binigyan kami ng gobyerno ng isang maliit na bahay. Pero sa nilipatan naming lugar, talamak ang pag-abuso sa droga at alkohol, krimen, at prostitusyon.
Isang araw, may nakilalang lalaki si Inay, at di-nagtagal ay nagpakasal sila. Lasenggo ang napangasawa ng nanay ko. Binubugbog niya kami ni Inay. Madalas akong umiiyak kapag nag-iisa, at nangangarap na sana’y may tatay akong magtatanggol sa akin.
Kayod-kalabaw si Inay sa pagtatrabaho, pero napakahirap pa rin namin. Kung minsan, gatas at asukal lang ang aming kinakain. Para makapanood ng TV, sumisilip lang kami ng kuya ko sa bintana ng isang kapitbahay. Pero isang araw, nahuli niya kami. Iyon na ang huling panonood namin!
Kapag hindi lasing ang amain namin, na bihirang mangyari, ibinibili naman niya kami ni Kuya ng makakain. Ibinili pa nga niya kami ng maliit na TV. Isa iyan sa iilang pagkakataong naging masaya ako.
Dose anyos na ako nang matuto akong bumasa. Pagkaraan ng isang taon, tumigil na ako sa pag-aaral at nagtrabaho na. Pagkatapos ng trabaho, kami ng mga katrabaho kong adulto ay pumupunta sa mga parti, kung saan naglalasing kami at nagdodroga. Di-nagtagal, naadik na ako.
Noong 20 anyos ako, nakilala ko si Cati. Nang maglaon ay nagpakasal kami. Noong una, maayos naman ang lahat, pero nagbalik ako sa dati kong buhay at mas lumala pa. Napag-isip-isip ko na kung magpapatuloy ako sa ganitong buhay, sa bilangguan o sa sementeryo ang bagsak ko. Ang mas masama, naipararanas ko rin sa anak kong si Víctor ang mga naranasan ko noong bata pa ako. Nalungkot ako at nagalit sa
aking sarili. Pakiramdam ko’y wala akong kuwentang tao.Noong mga 2001, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa bahay namin. Nakipag-aral ng Bibliya sa kanila si Cati. Ikinukuwento niya sa akin ang kaniyang natututuhan. Dahil gusto ko ring malaman ang mga iyon, nakipag-aral din ako ng Bibliya. Noong 2003, nabautismuhan si Cati bilang Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Minsan, nabasa ko ang Ruth 2:12, na nagsasabing ginagantimpalaan ni Jehova ang nananampalataya at nanganganlong sa kaniya. Naisip ko na kung magbabago ako, mapasasaya ko ang Diyos at gagantimpalaan niya ako. Napansin kong madalas kondenahin sa Bibliya ang paglalasing. Natauhan ako sa binabanggit ng 2 Corinto 7:1: “Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan.” Kaya sinimulan kong talikuran ang aking mga bisyo. Noong umpisa, naging mas mainitin ang ulo ko, pero patuloy akong tinulungan ni Cati.
Umalis ako sa trabaho ko para tuluyan nang makaiwas sa paninigarilyo at pag-inom. Nawalan man ako ng trabaho, nagkaroon naman ako ng mas maraming panahon sa pag-aaral ng Bibliya. Noon na ako nagsimulang sumulong bilang Kristiyano. Hindi kailanman humingi si Cati nang higit sa maibibigay ko, ni nagreklamo man dahil simple lang ang aming buhay. Talagang nagpapasalamat ako sa kaniyang maibiging suporta.
Unti-unti na rin akong nakipagkaibigan sa mga Saksi. Tinulungan nila akong maunawaan na kahit hindi ako masyadong nakapag-aral, pinahahalagahan ni Jehova ang taimtim kong pagnanais na paglingkuran siya. Ang pag-ibig at pagkakaisa ng kongregasyong Kristiyano ay nagkaroon ng malaking epekto sa aming pamilya. Doon lang kami nakadama ng kapayapaan. Noong Disyembre 2004, nabautismuhan na rin ako.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Napatunayan kong totoo ang sinabi ni Jehova sa Isaias 48:17: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.” Hangang-hanga si Inay at ang aking kapatid sa mga pagbabago ko. Dahil diyan, nag-aaral na rin sila ng Bibliya ngayon. Kahit ang mga kapitbahay ko ay natutuwa rin sa mga pagbabago ko at sa aming masayang pamilya.
Nagpapasalamat ako na may asawa akong nagmamahal sa Diyos at nagtitiwala sa akin bilang kaibigan. Hindi ko man nakilala ang tatay ko, tinulungan ako ng Bibliya na mapalaki nang maayos ang tatlo kong anak na lalaki. Iginagalang nila ako. Higit sa lahat, totoong-totoo sa kanila si Jehova at mahal nila siya.
“Hindi ko man nakilala ang tatay ko, tinulungan ako ng Bibliya na mapalaki nang maayos ang tatlo kong anak na lalaki”
Tinatanaw kong malaking utang na loob kay Jehova na sa kabila ng malungkot na buhay ko noong bata pa ako, binigyan niya ako ng pagkakataong maging masaya ngayon.
“Galít Ako sa Mundo.”—NABIHA LAZAROVA
-
ISINILANG: 1974
-
BANSANG PINAGMULAN: BULGARIA
-
DATING NAGPUPUSLIT NG DROGA
ANG AKING NAKARAAN:
Isinilang ako sa Sofia, Bulgaria, sa isang maalwang pamilya. Iniwan kami ng tatay ko noong anim na taon ako. Hindi namin iyon inaasahan, at talagang nasaktan ako. Pakiramdam ko ay ayaw sa akin ng tatay ko at hindi ako dapat mahalin. Dahil dito, unti-unti akong nagrebelde. Galít ako sa mundo.
Katorse anyos pa lang ako nang una akong maglayas sa amin. Madalas kong kupitan si Inay at ang aking lolo’t lola. Madalas din akong mapaaway sa iskul dahil mainitin ang ulo ko. Sa loob lang ng ilang taon, nakalimang iskul na ako. Tatlong taon na lang sana ay tapós na ako sa pag-aaral, pero tumigil ako. Naging imoral ang aking buhay. Naadik ako sa sigarilyo at marijuana. Madalas akong uminom, laging nasa parti, at nasangkot sa pagpupuslit ng droga. Dahil sa kalagayan ng daigdig na ito kung saan ang mga tao ay nagdurusa at namamatay, nadedepres ako. Kaya nag-eenjoy na lang ako sa buhay na parang wala nang bukas.
Noong 1998, sa edad na 24, naaresto ako sa airport ng São Paulo, Brazil habang nagpupuslit ng droga. Nasentensiyahan ako ng apat na taóng pagkabilanggo.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Noong 2000, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsimulang dumalaw sa aming bilangguan isang beses sa isang linggo. Ang isa sa kanila, si Marines, ay napakabait sa akin kaya naging interesado akong matuto tungkol sa Bibliya. Dahil wala akong alam sa mga Saksi ni Jehova, nagtanong ako sa mga kapuwa ko bilanggo kung ano ang masasabi nila tungkol sa mga Saksi. Nagulat ako nang karamihan sa mga tinanong ko ay negatibo ang opinyon sa mga Saksi. May nagsabi pa nga na sumama na raw ako sa kahit anong relihiyon, huwag lang sa mga Saksi ni Jehova. Lalo tuloy akong naging interesado sa mga Saksi; gusto kong malaman kung bakit ayaw na ayaw sa kanila ng mga taong ito. Napag-isip-isip kong ito’y dahil sila ang tunay na relihiyon. Kung sa bagay, sinasabi naman talaga ng Bibliya na lahat ng taimtim na nagsisikap sumunod kay Jesus ay pag-uusigin.—2 Timoteo 3:12.
Noong panahong iyon, pinagtatrabaho ako sa administration building ng bilangguan. Isang araw, nakakita ako sa bodega ng ilang kahon na may mga lumang magasing Bantayan at Gumising! * Dinala ko sa aking selda ang mga magasin para basahin. Habang dumarami ang nababasa ko, lalo kong nadarama na para akong isang taong nakakita ng bukal ng tubig sa tigang na disyerto. Dahil marami akong libreng panahon, araw-araw akong nag-aaral ng Bibliya sa loob ng maraming oras.
Isang araw, ipinatawag ako sa opisina ng bilangguan.
Akala ko’y palalayain na ako kaya inimpake ko na agad ang gamit ko, nagpaalam sa mga kasama ko, at dali-daling pumunta sa opisina. Pero pagdating ko roon, may panibagong kaso na naman palang isinampa laban sa akin—pagtataglay ng palsipikadong mga dokumento. Kaya nadagdagan ng dalawang taon ang sentensiya ko.Noong una, nanlumo ako. Pero pagkalipas ng ilang araw, naisip kong nakabuti rin ito. Kasi, kahit marami na akong natutuhan sa Bibliya, ang totoo’y gusto ko pa ring balikan ang dati kong buhay paglaya ko. Kailangan ko ng higit pang panahon para magbago.
Kung minsan, naiisip kong hindi ako tatanggapin ng Diyos bilang mananamba niya. Pero binulay-bulay ko ang mga tekstong gaya ng 1 Corinto 6:9-11. Sinasabi roon na noong unang siglo C.E., ang ilang Kristiyano ay dating mga magnanakaw, lasenggo, at mangingikil bago sila naging lingkod ni Jehova. Pero sa tulong ni Jehova, nagbago sila. Talagang napatibay ako ng kanilang halimbawa.
Madali kong naihinto ang ilang bisyo ko. Halimbawa, hindi ako nahirapang tumigil sa pagdodroga. Pero pagdating sa paninigarilyo, inabot ako nang mahigit isang taon bago ko iyon naitigil. Nakatulong sa akin ang pag-alam sa masasamang epekto ng paninigarilyo sa kalusugan. At higit sa lahat, lagi akong nananalangin kay Jehova.
“Natagpuan ko na ang pinakamabuting Ama at hinding-hindi niya ako iiwan kailanman!”
Buhat nang iwan kami ng tatay ko, pakiramdam ko’y ayaw niya sa akin. Pero habang napapalapít ako kay Jehova, unti-unti kong napagtagumpayan ang damdaming ito. Naantig ako sa sinasabi ng Awit 27:10: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” Naisip kong natagpuan ko na ang pinakamabuting Ama, at hinding-hindi niya ako iiwan kailanman! May layunin na ngayon ang aking buhay. Noong Abril 2004, anim na buwan pagkalaya ko, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Maligaya na ako ngayon. Wala na akong bisyo at mas malusog na ngayon ang aking pangangatawan at emosyon kaysa noong bata pa ako. Masaya ako sa piling ng aking asawa, at may malapít na kaugnayan sa aking Ama sa langit, si Jehova. Marami akong naging ama, ina, at kapatid sa gitna ng kaniyang mga mananamba. (Marcos 10:29, 30) Nagpapasalamat ako’t nakakita sila ng mabuti sa akin—bago ko pa ito mismo mapansin.
Kung minsan, binabagabag pa rin ako ng aking nakaraan. Pero naaaliw ako kapag naiisip kong sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan, ang masasamang alaala ay “hindi aalalahanin.” (Isaias 65:17) Samantala, nakatutulong ang aking karanasan para maging maunawain ako sa mga taong katulad ko ang pinagdaraanan. Halimbawa, mas madali para sa akin na mangaral sa mga adik, lasenggo, o kriminal. Kung nagawa kong magbago para mapasaya si Jehova, alam kong kaya rin ito ng iba!
^ par. 29 Inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.