Alam Mo Ba?
Mali ba si Jesus nang sabihin niyang puwedeng mawalan ng bisa ang asin?
Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo ang asin ng lupa; ngunit kung maiwala ng asin ang bisa nito, paano maisasauli ang alat nito? Hindi na ito magagamit pa sa anumang bagay kundi itatapon sa labas upang mayurakan ng mga tao.” (Mateo 5:13) Ang asin ay preserbatibo. Kaya ang ilustrasyon ni Jesus ay malamang na nangangahulugang kayang protektahan at dapat protektahan ng kaniyang mga alagad ang espirituwalidad at moralidad ng kanilang kapuwa.
Pero tungkol sa komento ni Jesus na puwedeng mawalan ng bisa ang asin, sinabi ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Ang asin mula sa rehiyon ng Dagat na Patay ay kontaminado ng iba pang mineral; kaya puwedeng matunaw ang asin, at ang matitira ay substansiyang walang lasa.” Kaya tama lang na sabihin ni Jesus na ang substansiyang iyon ay “hindi na . . . magagamit pa sa anumang bagay kundi itatapon sa labas.” Idinagdag pa ng ensayklopidiya: “Kahit hindi puro ang asin na galing sa Dagat na Patay kumpara sa karamihan ng asin-dagat, madali naman itong makuha (mapupulot lang ito sa baybayin) kaya ito ang pangunahing ginagamit na asin sa Palestina.”
Para sa kaniyang mga tagapakinig, gaano kahalaga ang isang baryang drakma na naiwala ng babae sa talinghaga ni Jesus?
Nagbigay si Jesus ng talinghaga tungkol sa isang babae na nawalan ng isa sa kaniyang sampung drakma. Nagsindi ito ng lampara at nagwalis hanggang sa makita uli ang barya. (Lucas 15:8-10) Noong panahon ni Jesus, ang isang drakma ay katumbas ng halos isang araw na suweldo, kaya hindi biro ang mawalan nito. Pero may iba pang dahilan kung bakit masasabing nangyayari sa totoong buhay ang binanggit ni Jesus.
Ipinakikita ng ilang reperensiya na ang mga barya noon ay madalas gamiting palamuti ng mga babae. Kaya maaaring ang tinutukoy ni Jesus ay isang baryang palamuti na pamana ng pamilya o isang baryang bahagi ng dote. Alinman dito, talagang mababalisa ang babaing nawalan ng isa sa kaniyang sampung drakma at hahanapin niya ito.
Isa pa, ang mga bahay ng pangkaraniwang mga tao noong panahon ni Jesus ay walang gaanong bintana para hindi masyadong makapasok ang liwanag at init. Ang sahig ay kadalasang may dayami o tuyong sanga ng iba’t ibang halaman. Kapag may nahulog na barya, hindi ito madaling makikita. “Kaya,” ang sabi ng isang komentarista, “para mahanap ang anumang maliit na bagay tulad ng barya na nahulog dito, karaniwan nang nagsisindi ng lampara ang isa at nagwawalis para makita iyon.”