Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MAGING MALAPÍT SA DIYOS

“Siya ang Diyos ... ng mga Buháy”

“Siya ang Diyos ... ng mga Buháy”

Mas makapangyarihan ba ang kamatayan kaysa sa Diyos? Siyempre hindi! Paanong magiging mas makapangyarihan ang kamatayan—o iba pang “kaaway”—sa “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”? (1 Corinto 15:26; Exodo 6:3) Kayang daigin ng Diyos ang kamatayan at kaya rin niyang buhaying muli ang mga patay. Nangako siyang gagawin niya ito sa kaniyang bagong sanlibutan. * Gaano katiyak ang pangakong iyan? Ang mismong Anak ng Diyos, si Jesus, ang tumiyak nito sa atin.—Basahin ang Mateo 22:31, 32.

Sinabi ni Jesus sa mga Saduceo na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli: “Kung tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa kung ano ang sinalita sa inyo ng Diyos, na nagsasabi, ‘Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob’? Siya ang Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy.” Ang tinutukoy rito ni Jesus ay ang pakikipag-usap ng Diyos kay Moises sa nagniningas na palumpong, mga 3,500 taon na ang nakalilipas. (Exodo 3:1-6) Ayon kay Jesus, nang sabihin ni Jehova kay Moises—“Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob”—ipinahihiwatig nito na tiyak na matutupad ang pangakong pagkabuhay-muli. Paano?

Tingnan natin ang konteksto. Nang makipag-usap si Jehova kay Moises, matagal nang patay ang mga patriyarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob—si Abraham ay 329 na taon nang patay, si Isaac ay 224, at si Jacob ay 197. Pero sinabi pa rin ni Jehova “Ako ang”—hindi “Ako noon ang”—kanilang Diyos. Tinukoy ni Jehova ang tatlong patay nang patriyarkang iyon na para bang buháy pa sila. Bakit?

Ipinaliwanag ni Jesus: “Siya [si Jehova] ang Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy.” Pag-isipan ito. Kung walang pagkabuhay-muli, sina Abraham, Isaac, at Jacob ay mananatiling patay magpakailanman. Kung gayon, si Jehova ay magiging Diyos ng mga patay. At mangangahulugan naman iyan na mas makapangyarihan ang kamatayan kaysa kay Jehova—anupat hindi niya kayang palayain ang kaniyang tapat na mga lingkod mula sa gapos ng kamatayan.

Kung gayon, ano ang masasabi natin tungkol kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa lahat ng namatay nang tapat na mga lingkod ni Jehova? Ganito ang mariing sinabi ni Jesus: “Silang lahat ay buháy sa kaniya.” (Lucas 20:38) Oo, ang layunin ni Jehova na buhaying muli ang kaniyang tapat na mga lingkod ay talagang matutupad anupat itinuturing niyang buháy ang mga ito. (Roma 4:16, 17) Silang lahat ay iingatan ni Jehova sa kaniyang walang-limitasyong memorya hanggang sa kaniyang takdang panahon ng pagbuhay-muli sa kanila.

Si Jehova ay talagang mas makapangyarihan kaysa sa kamatayan

Gusto mo bang makapiling muli ang iyong namatay nang mahal sa buhay? Kung gayon, tandaan na si Jehova ay talagang mas makapangyarihan kaysa sa kamatayan. Walang makapipigil sa kaniya sa pagtupad sa pangako niyang bubuhaying muli ang mga patay. Gusto mo bang matuto pa nang higit tungkol sa pangakong pagkabuhay-muli at sa Diyos na tutupad nito? Kung oo, tiyak na lalo kang mapapalapít kay Jehova, “ang Diyos . . . ng mga buháy.”

Pagbabasa ng Bibliya Para sa Pebrero

Mateo 22-28Marcos 1-8

^ par. 3 Para matuto pa nang higit tungkol sa pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli sa matuwid na bagong sanlibutan, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.